PASAPORTE

@yourservice

MARAMI sa ating mga kababayan ang nagnanais mamasyal o magtrabaho sa ibang bansa. Isa ito sa mga pribilehiyo ng isang malayang bayan na pinoprotektahan ng ating Saligang Batas. Walang sinoman ang maaaring pigilan sa paglalakbay sa lugar na gusto nya. Maaari lamang pigilan ng pamahalaan ang kanyang paglalakbay kung may utos ang korte na pigilan ito dahil nahaharap sa isang kaso, o di kaya’y sa kadahilanan ng seguridad o kalusugan.

Alam natin na ang pangunahing kailangan upang tayo’y makapaglakbay sa ibang bansa ay ang pasaporte. Ito’y isang dokumentong inilalabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang maka-apply ang isang Pilipino sa embahada ng mga pangunahing bansa dito at mabigyan na tinatawag na visa. May mga bansa naman na hindi na kailangang kumuha tayo ng visa upang makapaglakbay doon. Ang tanging kailangan natin ay ang ating pasaporte.

Ngunit, ayon sa isang ibong makulit na aking nakapanayam, nahihirapan silang kumuha ng pasaporte sa ating Consular Affairs Office sa kadahilanang hinahanapan sila ng isang valid ID na bigay ng pamahalaan. Isa sa mga tinuturing na valid ID ang driver’s license. Ngunit ayon sa aking ibong makulit, paano naman ang mga taong walang valid ID na bigay ng pamahalaan? Hindi ba maaaring gumamit ng company ID? Ayon sa ibong makulit na ito — hindi siya nagmamaneho, kaya wala siyang driver’s license; ninakaw ang kanyang bag kaya hinihintay pa niyang mapalitan ang iba pa niyang ID tulad ng SSS, Philhealth at yung tinatawag na universal ID. Ngunit, sa kasamaang palad, matagal daw mapapalitan o mabibigyan ng ID at naabutan na ang deadline o appointment niya sa DFA upang ipa-renew ang kanyang pasaporte.

Natatawa lamang siya kasi magpapa-renew lamang siya ng pasaporte niya na may larawan at pirma niya, ngunit hindi daw sapat iyon upang mapatunayan na siya nga iyong may-ari ng pasaporte. Tinanong ko kung baka nagbago ang kanyang anyo sa larawan sa lumang pasaporte pero sinabi niya na hindi naman nagbago at kitang-kita naman na siya iyon. Pinaliwanag ko naman na nakalathala sa website ng DFA ang mga kinakailangang dokumento kasama na ang listahan ng mga valid ID na puwedeng ipakita. Sabi ko nga, hindi nga tinatanggap ang postal ID ng DFA. Sa kasamaang palad nga lang, dumating ang tinakdang appointment niya para magpa-renew ng pasaporte pero hindi pa napapalitan ng iba’t bang ahensya ang kanyang mga nawalang ID.

Naging palaisipan ito sa akin. Tanggap na natin na nailathala ng DFA ang mga kinakailangang dokumento at ang mga valid ID. Pero, ano ba ang paggagamitan nito? Di ba gagamitin ang valid ID upang mapatunayan na ang nag-apply ng pasaporte o renewal ay siyang tunay na nagmamay-ari ng pasaporte? Hindi ba sapat yung lumang pasaporte na ipare-renew? Di ba valid ID rin ito?

Sa aking munting palagay, maaari siguro balikan ng pamunuan ng DFA ang kanilang nailathalang requirements sa pagkuha o pag-renew ng pasaporte upang matulungan naman ang mga kababayan nating walang ibang valid IDs. Isa itong magandang hakbang upang mapabilis at mas maging magaan ang proseso sa DFA.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

BUMOTO KA NANG TAPAT, HUWAG KANG PASAWAY

@yourservice

MAGAGAMIT natin ngayong araw na ito ang isa sa pinakamahalagang karapatan natin sa ilalim ng saligang batas — ang karapatang bumoto ng ating mga representante sa Kongreso at mga tatayong tagapangasiwa ng ating komunidad bilang alkalde, bise-alkalde, mga konsehal, gobernador, bise-gobernador, at kasapi ng mga sanggunian.

Mula nang magsimula ang kampanya, dinumog na tayo ng patalastas ng mga kandidato sa telebisyon, sa radyo, maging sa social media. Nakakabalita rin tayo ngayon ng mga pagbili ng boto at mga paglabag ng mga alituntuning pinalabas ng COMELEC ukol sa halalan.

Ngayong dumating na ang araw ng halalan, maiging alalahanin natin ang mga alituntunin na inilabas ng COMELEC.

Ayon sa COMELEC, bago pa man dumating ang araw ng pagboto, dapat nakagawa na kayo ng listahan ng mga kandidatong iboboto at alam n’yo na kung saang voting center kayo pupunta.

Sa araw mismo ng halalan, pinaaalalahanan tayo ng COMELEC na dalhin ang ating listahan kasama ang isang valid ID o ang inyong registration stub. Mas mainam daw na maagang magtungo sa inyong voting center at tingnan din ang pangalan ninyo sa nakapaskil na voter’s list. Tandaan, ang polling center at polling precinct ay bukas mula 6AM hangang 6PM. Nagkaroon ng adjustment sa oras ang COMELEC dahil sa mas malaking bilang ng botante ngayon.

Inuulit din ng COMELEC na huwag bumoto nang labis sa takdang bilang na iboboto at iwasang kumuha ng larawan ng ballot box at ng VCM screen.

Kapag kayo’y nasa loob na ng voting area, pumila patungo sa inyong precinct, ibigay ang pangalan, ang valid ID at precinct number sa Board of Election Inspectors. Kunin ang inyong balota, secrecy folder, marker at tumungo na sa lugar kung saan kayo magsusulat ng inyong boto. Tignan mabuti ang balota, siguraduhing malinis ito at walang mga marka.

Tandaan ulit, bawal ang bumoto nang labis sa iboboto. Kapag bumoto kayo ng labis na bilang ng mga kandidato sa inyong balota, hindi po isasama ang inyong boto. Ngunit, ayon din naman sa COMELEC, maari namang bumoto ng kulang sa bilang ng kandidato sa inyong balota o mag-abstain.

Sa pagboto, takpan ang inyong balota ng secrecy folder at markahan ang buong oval na katapat ng mga kandidatong inyong napili. Pagkatapos mo gawin ito, hintayin mo ang voter’s receipt receptacle mula sa VCM at ibibigay sa inyo ng precinct supervisor ang resibo mula sa makina. Pagkakuha ng resibo, i-verify ang inyong boto at ihulog sa ballot box. Isoli nyo ang secrecy folder at marker at magpamarka ng indelible ink sa inyong daliri at lisanin na ang polling precinct.

Ang prosesong ito ay isa sa mga natatanging karapatan natin bilang mamamayang Pilipino at naglalarawan ng isang matatag at progresibong demokrasya na nasasailalim sa ating saligang batas. Kaya’t nakalulungkot na maraming kandidato na nagtatangkang bumili ng boto. Ngunit mas nakalulungkot at nakakatakot, na marami rin sa ating kababayan na tumatanggap ng bayad at ipinasusubasta ang kanilang boto. Tila hindi na mahalaga sa kanila ang prosesong ito at ganun na lamang kadali ibenta ang kanilang boto — ang kanilang dangal at kinabukasan.

Ngunit sa aking munting palagay, may pag-asa pa tayong magbago. Manindigan tayo sa kung sino talaga sa ating palagay ang dapat mamuno sa ating bansa. Itigil na natin ang pagiging pasaway, bumoto na tayo nang tapat sa ating paninindigan. (@YOURSERVICE / ATTY DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

MABUHAY ANG MGA BAGONG ABOGADO! 

@yourservice

IKA-3 ng buwang ito, inilabas ng Kataas-taasang Hukuman ang resulta ng nakaraang pagsusulit para sa mga gustong maging abogado. Kaaya-ayang makita ang mukha ng mga pumasa — nakasaad sa kanilang mukha ang tuwa at higit sa lahat ang bagong pag-asa sa kanilang panibagong buhay bilang mga abo­gado ng bayan.

Ngunit sa gitna ng tuwa, ng pagdiriwang, ating alamin uli kung ano-ano ang pinapatong ng batas na mga responsibilidad sa isang abogado. Unang-una, ang abogado ay tinuturing na isang alagad ng hukuman o “officer of the court”. Ibig sabihin, may tungkulin siyang ipatupad lahat ng mga alituntunin at mga proseso ng hukuman at magbigay galang at pagsunod sa mga kautusan nito.

Pangalawa, ang isang abogado ay kinakailangang mamuhay nang matuwid at ayon sa mga alituntunin at bata­yan na inuutos ng Kataas-taasang Hukuman. Kasama na rito ang pag-iingat sa mga kasong hawak nito para sa kliyente kabilang ang pagbibigay ng tapat at tamang impormasyon tungkol sa mga detalye ng kaso, ang pagbibigay-galang sa kapwa abogado sa labas at sa loob ng korte, ang pagsunod sa mga utos ng hukuman, ang mamuhay na tapat ayon sa iyong sinumpaang tungkulin.

Lingid sa kaalaman ng lahat, mabigat din ang mga responsibilidad na pinapataw sa mga abogado. Kadalasan lamang nating nakikita ang karangyaan at kaakit-akit na bahagi ng propesyong ito. Ngunit tulad ng isang bagong teleserye na nagkukuwento ng buhay ng isang barkada na mga bagong abogado — sila’y tao rin na may kani-kanyang problema, adhikain, kahinaan at ambisyon.

Marami-rami na rin ang nagtatanong sa akin nuon kung ano ang magandang kurso na kunin para maihanda ang sarili sa pagpasok sa pag-aaral ng abogasya. May nagsasabi na maganda ang accountancy, legal management, politial science. Totoo, dahil ang mga kursong ito’y may mga law subject na ipinakikilala na sa mag-aaral. Ang aking tugon sa mga katanungang ito ay — lahat naman ng kurso ay mahalaga at ang mga ito’y naihahanda ka naman sa pagpasok, kung nanaisin, sa pag-aaral sa abogasya. May mga naging nurse at doktor na kumuha ng abogasya at naging abogado. May mga guro, inhinyero na naging abogado rin. May nabalitaan pa nga tayo noon na isang security guard at isang janitor na naging abogado. Sa a­king mun­ting palagay — ang importante ay ang utak, puso at determinasyong tapusin ang pag-aaral ng law. Kadalasan, marami ang nag-e-enrol sa first year ngunit sa second year o sa third year ay tumitigil na. Kailangan nating itanong sa sarili araw-araw kung bakit tayo nag-aaral ng batas. Hindi rin hadlang ang edad. May matatanda na nagiging abogado. Sa totoo lang, may kaklase ako noon sa law school na may anak na doktor at abogado, sabi niya sa akin ay siya naman ang mag-aaral ng abogasya kasi napatapos na niya sa pag-aaral ang mga anak niya.

Sa mga bagong abogado — mabuhay kayo! Kayo ngayo’y kasapi na ng isang samahan at isang propesyong tumutulong mapanatili ang mga institusyong demokratiko at palaganapin ang hustisya sa ating bayan.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

KASAL-KASALAN 

@yourservice

MARAMI ang nagtatanong kung paano ang magpakasal — ano ba ang mga kinakailangan isumite upang bigyang-daan ang hangarin ng dalawang taong umiibig sa isa’t isa upang sila’y mapag-isang dibdib sa harap ng batas. Maaari bang magpakasal sa huwes? Maaari bang magpakasal sa isang pastor? O di kaya’y sa isang kapitan ng barko o sa iyong mayor? Ito’y mga madalas na katanungan ng mga taong nais gawing pormal ang kanilang pagsasama. Uso pa ba ang tinatawag noon na “secret marriage”?

Umugong kamakailan ang balitang naikasal diumano ang isang kilalang artista at mang-aawit sa isang taong hindi naman niya kilala at ni hindi niya alam na sila pala’y nagpakasal. Maari ba mangyari ang ganito? Kung nangyari man, may bisa ba ang tinatawag nilang kasal na naganap?

Ayon sa ating Fa­mily Code — ang kasal ay isang natatanging kasunduan ng permanenteng pagkakaisa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae alinsunod sa batas para sa pagtatatag ng pamilya. Dahil dito, tinuturing itong pundasyon ng pamilyang Pilipino at isang institusyong panlipunan na ang kalikasan, bunga, at mga insidente ay pinamamahalaan ng batas. Alinsunod dito, tinatakda rin ng Family Code na kailangang sundin ang pormal at esensyal na kwalipikasyon o rekisito upang may bisa ang pagkakasal.

Ang esensyal na rekisito o kwalipikasyon sa pagpapakasal ayon sa Family Code ay ang may legal na kapasidad ang mga partidong nagkakasunduan at may malayang pahintulot na ibinigay sa harap ng opisyal na nagpapatibay nito — ito ‘yung ritwal kung saan tinatanong ang bawat isa kung tinatanggap ba nila ang isa’t isa bilang asawa sa harap ng batas at ng panginoon.

Maliban sa esensyal na kwalipikasyon, sinasaad din ang tinatawag nating pormal na kwalipikasyon tulad ng kapangyarihan o awtoridad ng opisyal na nagpapatibay ng kasal, isang wastong lisensya na nagbibigay pahintulot na sila’y ikasal, at isang seremonya kung saan haharap ng personal ang dalawang partido kasama ang kanilang mga saksi. Tandaan, kung may depekto sa esensyal na kwalipikasyon ang kasal ay tinuturing na “voidable”. Kung may iregularidad naman sa pormal na kwalipikasyon,  ito’y hindi makaaapekto sa bisa ng pag-aasawa ngunit ang partido o mga partido na responsable para sa hindi pagkakasundo ay dapat mananagot —  sa isang kriminal at administratibong paglilitis. Ngunit, kung ang sitwasyon ay ang kawalan ng alinman sa mga esensyal o pormal na kwalipikasyon — ituturing na walang bisa ang pagkakasal o “void ab initio”.

Mula sa mga probisyon ng Family Code, makikita natin na kinakailangan na personal na haharap ang parehong partido upang maging totoo at may bisa ang kanilang kasal. Maliban dito, kailangang sila’y nasa tamang edad upang malaya nilang ibigay ang kanilang pagsang-ayon sa kasal at sa harap ng isang kwalipikadong tao na binigyan ng kapangyarihan ng ating batas upang magpatibay nito. Kung nais magpakasal sa inyong pari, imam o ministro, kinakailangan ang partido ay miyembro ng simbahan. Huwag din kalimutan, na hahanapin ng opisyal ang isang lehitimo at may bisa na lisensya bago kayo ikasal.

Sa aking munting palagay at inuulit ko, hindi biro ang pagpapakasal — ito’y isang institusyong gumigitna sa kultura at pamumuhay ng ating komunidad, kaya dapat nating pag-ingatan ito.  (@YOURSERVICE /  ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

MAGNA CARTA PARA SA MGA GURO 

@yourservice

ANG ating mga guro ay mayroon ng tinatawag na Magna Carta. Ito’y nakapaloob sa isang napakalumang batas — ang Republic Act No. 4670 — na inihain ng ating lehislatura noon pang taong 1966. Nilalayon ng batas na ito na bigyan ng karampatang benepisyo at proteksyon kaugnay sa kanilang trabaho bilang taga-ingat ng mga batang tinuturing nating kinabukasan ng bayan. Layunin din ng Magna Carta for Public School Teachers na bigyan ng isang prominenteng katayuan ang ating mga guro — na nagiging pangalawang magulang nating lahat sa loob ng mga paaralan.

Ngunit, nakalulungkot isipin na hindi natugunan ng batas na ito ang orihinal na layunin ng ating mambabatas noon. Marami sa kanyang mga probisyon ay hindi na nasusunod o napapansin man lamang. Tulad ng mga probisyon na nagbibigay ng allowances pag ang isang guro ay pansamantalang nailipat sa mga lugar na delikado o malalayo. Maging ang mga benepisyo ukol sa bakasyon o pansamantalang hindi pagpasok dahil sa sakit ay hindi sapat upang matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga guro ngayon. Maging ang benepisyo upang mabigyan ng oportunidad ang mga guro na mag-aral ng masteral o doctoral ay hindi na naibibigay ngayon dahil sa kalumaan ng mga probisyon ng batas, hindi ito sapat.

Aminin natin na sa kalumaan ng batas, ng Magna Carta, ay hindi na nito kaya matugunan ang orihinal na layunin nang ito’y naisabatas. Kasunod dito ay hindi na nababatay sa realidad ang mga probisyon nito kung ikukumpara sa mga tunay na pangangailangan ng ating mga guro sa pang-araw araw nilang gawain sa loob at sa labas ng paaralan.   Kadalasan nga ay kakaunti ang nakakaalam na mayroong batas pala na ganito — dahil na rin sa kalumaan at hindi pagpansin. Mas napapansin kasi natin ang mga bagong batas ukol sa edukasyon kaya nakakaligtaan natin ma mayroon palang isang batas na nagbibigay ng pangkalahatang benepisyo at proteksyon sa ating mga guro.

Dulot dito, may mga mambabatas na ngayon ang naghihikayat na amendyahan ang Magna Carta partikular na rito ang mga benepisyo sa leave at sick days, study leaves at allowances kaugnay sa kanilang pagdestino sa malalayo at delikadong lugar. May mambabatas din na nais isama ang mga kaanak ng ating mga guro — anak, magulang at asawa — sa mga benepisyong medical at sa libreng pag-aaral.

Sa aking munting pananaw, maliit pa ito para tuluyang mabigyang lunas at ayuda ang ating mga guro — ngunit, ito’y isang hakbang tungo sa tamang direksyon. Tandaan natin na hindi lamang sila mga guro sa loob ng paaralan, sila’y tumatayong pangalawang magulang, ina, ama, kapatid, kaibigan — sa mga mag-aaral na mura pa ang isip at sa kanilang mga kamay napupunta ang responsibilidad upang hubugin ang mga murang pag-iisip na ito tungo sa isang matapat, matulungin at makabayang buhay.

Tandaan din natin, na maliban sa kanilang papel na guro at pangalawang magulang, ang ating mga guro ay gumaganap ng isang importanteng responsibilidad tuwing halalan. Sa kanilang mga kamay rin nakasalalay ang pagpapalaganap ng ating mga ritwal at proseso tungo sa isang demokratikong komunidad — malayang tinataguyod ang isang pamumuhay na Pilipino.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

PUGAD NG BALASUBAS 

@yourservice

MALUNGKOT isipin na sa kabila ng ating pagsulong sa lara­ngan ng batas sa paggawa, lalo na sa ating Labor Code, mayroon pa ring mga tao at mga institusyon na guma­gawa ng karagdagang hakbang upang alisin o ipag­kait sa kanilang mga empleyado ang mga benepisyo na nararapat ibigay sa kanila sa ilalim ng batas. Itong mga taong ito o institusyon ay maaari nating tawaging mga balasubas at manloloko.

Ayon sa isa kong alagang ibong makulit, may mga institusyon, lalo na sa negosyo ng pananalapi, na mahilig baluktutin ang mga alituntunin sa ilalim ng a­ting Labor Code at mga kasanib na batas ukol sa mga benepisyo at karapatan ng mga manggagawa. Isa na rito ang tinatawag nating Incentive Benefits kung saan, ayon sa aking alagang ibong makulit, ay matagal nang binibigay ng institusyong ito ngunit bigla itong binabaan at kung tutuusin ay halos wala nang naiwan kaya’t nayayamot ang mga em­pleyado sa ganitong pangyayari. Pati na rin ang tinatawag nating holiday pay — na imbes na ibigay bilang holiday pay sa takdang araw ay sinabihan na lamang ang mga empleyado na ito’y inilipat nila bilang incentive pay. Sinasabi na lamang na ito ang bagong alituntunin ng kompanya — ngunit nakapagtataka, hindi ito pinapapel, walang memo, kundi sinasabi lamang sa bawat empleyado.

Tama ba ito? Maaari bang ilipat ang mga benepisyo ng mga em­pleyado ayon lamang sa kagustuhan ng kanilang amo?  Naiintindihan ko kung bakit hindi ginagawan ng pormal na papel sa pamamagitan ng memo ang gawaing ito — upang walang magamit na ebidensya ang sinomang magkaisip na ireklamo ito.

Sa aking mun­ting palagay — malinaw ang sinasaad sa ating Labor Code at sa mga kaanib na batas nito — ang anomang benepisyo kung ito’y naging kaugalian na sa kompanya ang nagbubunga bilang karapatang pinansyal ng empleyado at naituturing parte ng kanyang kabuuang sahod at benepisyo. Ito’y pinagtibay rin ng ating Kataas-taasang Hukuman na mga benepisyo — sa uri at sa paraan ng pagbibigay, kung may mga kondisyon man ito — ay magiging parte ng kabuuang sahod at benepisyo ng empleyado at hindi ito maaaring alisin o baguhin. Ma­ging ang holiday pay ay hindi maaring ilipat ng amo bilang incentive pay. Ito’y isang mabigat na paglabag hindi lamang sa batas natin sa paggawa kundi isang paglabag sa karapatan ng kanyang manggagawa.  Ito’y isang pagnanakaw sa benepisyo na dapat tamasahin ng empleyado. Ngunit, dahil balasubas ang employer o amo, binabaluktot nito ang pagpapatupad at interpretasyon ng batas hinggil sa incentive leave at holiday pay.

Ang masakit pa — ayon sa aking alagang ibong makulit — sasabihan ang mga empleyado na kung ayaw nila ang pamamalakad ng kompanya, ay maghanap na lamang sila ng ibang papasukan. Arogante at balasubas — magandang kumbinasyon. Pero mayroon tayong solusyon sa ganitong sitwasyon. Malinaw rin sa a­ting batas na maaari tayong dumulog sa Kagawaran ng Paggawa (DOLE) at sa National Labor Relations Commission upang kayo ay ma­bigyan ayuda upang itama ang maling gawain ng inyong amo at makuha n’yo ang karampatang benepisyo na para sa inyo, ayon sa batas. Maging alerto at mulat sa inyong mga karapatan lalong-lalo na kung ito’y kaugnay sa inyong trabaho o lugar ng paggawa. Huwag natin hayaan lumaganap ang mga pugad ng balasubas.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

PINAKONG KASAL 

@yourservice

PINANGAKUAN ka na ba ng kasal?

MAY kaibigan ka ba o di kaya’y kamag-anak na pina­nga­kuan ng kasal? Isang pangakong napako na lamang at iniwan kang luhaan? Ngunit ang mas magandang tanong — may mahahabol ba tayo sa taong nangako ng kasal sa ilalim ng batas? Ang sitwasyong ito’y hindi na bago sa ating lipunan. Sa totoo lang, laganap ang pangyayaring ito — may maririnig o mababalitaan tayong isang babae na pinangakuan ng isang lalaki ng kasal — pangakong napako — at bigla na lamang naglaho ang nangako.

Paano ngayon ang babae? Iiwan na lamang ba natin siyang lumuluha at nag-iisa? Ano ba ang maaaring gawin ng batas?

Parang teleseryeng punompuno ng paghihinagpis at pakikipaglaban sa tadhana.

Ayon sa ating batas at maging sa mga utos na nilabas ng ating Kataas-taasang Hukuman  — hindi natin maaaring ihabla ang isang taong hindi tumupad sa kanyang pangakong magpakasal. Masakit, nakapanlulumo, nakakainis, nakagagalit — ngunit, pag-iisipin nating mabuti, walang batayan upang ihabla ang isang tao dahil lamang sa ‘di pagtupad ng kanyang pangakong magpakasal — ayon sa iba’t ibang kaso na nailabas na noon pa at hanggang ngayon — hindi ito batayan upang maihabla.

Ngunit — hindi po dito nagtatapos ang kwento. Hindi natin maaaring ihabla dahil lamang sa napakong pangako, pero pwede natin kasuhan kung dahil sa kanyang pangako ay nagkaroon ng gastusin ang babae kaugnay sa pagpapakasal tulad ng pagbayad na sa mga bulaklak, sa lugar ng handaan, sa simbahan, sa mga traje de boda at mga damit ng mga abay at maging ang mga magulang at isama na rin dito ang pagbayad sa pagkain na ihahanda ng caterer at marami pang iba.

Dahil sa pangakong binitawan ng lalaki na sila’y magpapakasal at hinayaan niyang ituloy ang mga preparasyon para rito ngunit wala naman pala siyang balak tuparin o magbabago lamang siya ng isip sa huling sandali — binubuksan niya ang kanyang sarili na kasuhan at singilin ng danyos o tinatawag natin na “damages”. Kasama na rin dito ang kahihiyan na haharapin hindi lamang ng babae kundi ng kanyang mga magulang at buong kaanak, lalo na kung marami silang inanyayahan sa napakong kasalan.

Sa aking munting palagay, seryoso ang ritwal ng kasal — maging sa anong relihiyon man ito gawin. Ang kasal, ayon sa ating Family Code, ay isang institusyong social na hindi kailanman pwedeng galusan — ito’y hindi isang pangkaraniwang kasulatan o kasunduan ng da­lawang kinakasal kundi isang institusyong bumubuo ng isang pamilya sa ilalim ng a­ting saligang batas. Ito’y panghabambuhay at hindi maaaring buwagin ninoman, pwera lang kung may mga kadahilanan na pinapahintulot sa ilalim ng ating Family Code.

Ito’y isang desisyong pang habambuhay. Hindi ito biro or laro-laro na pwede nating tigilan kung tayo’s nagsawa na o ayaw na natin. Kaya’t isipin mabuti bago magpakasal — huwag pabugso-bugso na magbitaw ng salita o biro tungkol sa pagpapakasal. Hindi lamang ito nakasasakit sa ating kapwa kundi ito’y nagbibigay ng isang masamang imahe ng iyong katauhan. Liban dito, hahabulin din tayo ng batas kung sa ating biro or napakong pangako — maraming tao ang naperwisyo sa panahon, pera, kahihiyan at nasaktan ang damdamin. Hahatulan ka ng batas sa iyong pangakong napako.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

HOLIDAY PAY 

@yourservice

MARAMI ngayon ang umuuwi sa kani-kanilang probinsya dahil sa bakasyon. Tuwing papasok ang Semana Santa ay nakikita natin ang ating mga kababayan na ginagamit ang mahabang pahinga dulot ng bakasyon upang makasama ang kani-kanilang pamilya sa malayong lugar. Mistulang nagiging “ghost town” ang Maynila dahil karamihan sa mga nakatira rito’y umuuwi sa pro­binsya. Ngunit kahit mahaba ang bakasyon, lahat naman ng nagtatrabaho ay mabibigyan din ng tinatawag nating “holiday pay”.

Alam natin lahat kung ano ang tinatawag na holiday pay — ito’y isang benepisyo sa ilalim ng batas na ang isang manggagawa ay bibigyan ng kaukulang sweldo sa araw ng isang holiday. Kaya lalo nating ikinatutuwa ang mga holiday sa bansa tulad ng Rizal Day, Araw ng Kagitingan, o Labor Day.

Ayon sa batas, ang bawat manggagawa ay dapat bayaran ang regular na araw-araw na sahod sa panahon ng regular na pista opisyal, maliban sa mga establisimyentong regular na guma­gamit ng mas mataas sa 10 manggagawa. Ang may-ari ay maaaring mangailangan ng emple­yado na magtrabaho sa anomang bakasyon ngunit ang empleyado ay dapat bigyan ng kabayaran na katumbas ng dalawang beses sa kanyang regular na sahod.

Tandaan din na ayon sa batas, kabilang sa terminong “holiday” ang mga sumusunod: Bagong Taon, Maundy Thursday, Biyernes Santo, ika-9 ng Abril, ika-1 ng Mayo o Labor Day, ika-12 ng Hunyo o Independence Day, ikaapat ng Hulyo o Philippine-American Friendship Day, ika-tatlumpu ng Nobyembre, ikadalawampu at ikalabintatlo ng Disyembre, ang araw na itinalaga ng batas para sa paghawak ng pangkalahatang halalan at iba pang mga araw na ipinahayag ng batas na tulad nito.

Ngunit naitanong na ba natin kung ano ang alituntunin kung ang dalawang holiday ay sabay na pinagdiriwang o ginugunita sa iisang araw? Ibig ba sabihin e dalawang holiday pay ang tatanggapin natin? Kung gayon, hindi pa ito pabigat sa mga may-ari ng negosyo dahil mapipilitan silang magbigay ng dobleng halaga dahil dalawa ang holiday na pumasok sa iisang araw?

Ang katanungang ito ay matagal nang sinagot ng Mataas na Hukuman sa kasong Asian Transmission Corporation vs. Court of Appeals (G. R. No. 144664). Sinabi ng Mataas na Hukuman na — hindi rason na hindi ibigay ang kaukulang holiday pay na nararapat sa mangggagawa dahil lamang sa dalawang holiday ang ipinagdiriwang sa iisang araw. Nag-umpisa ang usapin nang humingi ang mga manggagawa ng 200% ng kanilang sahod noong Abril sa taong 1993. Ang holiday na ito ay nahulog sa isang Biyernes Santo at noon din ay Araw ng Kagitingan, na parehong pista opisyal. Dahil dito, tumanggi ang may-ari na bayaran ang hinihinging 200% dahil umano iisang araw lamang ito tumapat at dapat hindi doble ang ibigay. Sinabi pa ng may-ari na walang batayan para sa pagbibigay ng karagdagang holiday pay.

Ngunit, sinabi ng Mataas na Hukuman na hindi ito rason para ipagkait sa manggagawa ang buong benepisyo ng holiday pay — kahit nagkataon na dalawang holiday ay naganap sa iisang araw. Ito ay kinikilalang benepisyo ayon sa batas sa pagbabayad ng bakasyon na kalakip sa karapatan ng manggagawa na matanggap.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

KABIT SA PANIBAGONG HALIK 

@yourservice

NAKAAALIW ang mga teleserye natin ngayon — hindi maikakaila na may maaagang umuuwi para manood ng mga teleser-yeng nagkukuwento ng masasalimuot na pangyayari sa buhay ng mga karakter sa telebisyon.

Noong isang araw, may napanood akong isang tagpuan sa pagitan ng dalawang binibini — ang isa ay hiwalay sa asawa at ngayo’y nakikitira sa bahay ng dating asawa ng katagpo niya.

Dahil telebisyong Pilipino — mayroong sabunutan, sigawan, at palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng dalawang binibini.

Ngunit isa sa mga salitang binitawan ng ­binibining hiwalay sa asawa ang tumatak sa ­aking isipan. Isinigaw niya na lalabanan niya ang nakabinbing annulment nila ng asawa niya at kahit kailan mananatiling kabit ‘yung kasigawan niyang binibini.

Kabit — isang salitang nagbibigay ng hindi magandang kahulugan at nagdadala ng paghuhusga sa sinomang pagbintangan nito.

Kadalasan, ito’y dulot ng tunay na pag-ibig na naganap lamang sa maling pagkakataon, at sa maling panahon.

Sa kabilang dako naman, ito’y sinasadya, at dulot ng hindi magandang hangarin.

Ngunit, ating tanggapin, ito’y bahagi na ng ating kultura at pamumuhay sa panahong ito.

Kadalasan, dahil sa kasawian at pagkabigo sa unang karelasyon, nakahahanap ang ating mga kababayan ng panibagong pag-ibig at panibagong buhay kapiling ang iba.

Ngunit ano nga ba ang kalagayan ng isang kabit sa ating batas?

Unang-una, labag sa ating batas ang ­pakikipagrelasyon sa isang taong hindi natin asawa. Kung sisilipin natin ang mga pahina ng ating Revised Penal Code, makikita natin na mayroong tinatawag na adultery at concubinage.

Ano ang mga ito?

Ayon sa Revised Penal Code, ang adultery ay ang pakikipagtalik ng isang babae sa lalaki na hindi niya asawa at alam niya na may asawa.

Simple lang ang kinakailangang tingnan ng batas upang mahatulan ang isang babae na ito’y lumabag sa alituntuning ito — ang makipagtalik lamang sa isang lalaking alam niya na may asawa na.

Sa concubinage naman, sinasabi ng Revised Penal Code na ito’y ang pagkupkop ng isang lalaking may asawa sa ibang babae na hindi niya asawa sa kanyang bahay.

Isang ehemplo nito ay ang isang lalaki na hiwalay na sa asawa ay magpapasok at magpatira ng ibang babae, na itinuturing niyang kanyang asawa, datapwat wala pa itong nakukuhang annulment mula sa hukuman.

May konting kahirapan ang mga kinakailangan ng batas upang mahatulang lumabag ang lalaki — ito’y dapat may asawa na, alam ng babae na may asawa siya, pinatuloy niya at pinatira ang babae sa kanyang tahanan, at namuhay sila sa isang maeskandalong pamamaraan sa komunidad.

Kaya sa aking munting palagay, datapwat nakahanap na ng panibagong pag-ibig o panibagong pagkakataon upang magkaroon ng ­masayang pamumuhay at pamilya, unahin munang isipin na nangangailangang ipawalang bisa muna ang naunang kasal sa pamamagitan ng ­pagsumite ng petisyon sa hukuman upang ito’y mapawalang bisa — ­maging annulment o declaration of nullity ito.

Kadalasan, ang ­ginagamit ng mga nagsusumite ng ­petisyon sa hukuman ay ang tinatawag nating Article 36 — o mas kilala bilang psychological incapacity.

Tandaan, upang may ­forever sa inyong panibagong pagkakataon sa pag-ibig, ­ayusin muna ang nakaraan.

Huwag maging kabit sa panibagong halik.  (@yourservice / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

PIYANSA 

@yourservice

ANG kalayaan ng bawat isa sa atin ay tinuturing na isa sa pangkalahatang karapatan ng tao sa buong mundo. Sa ating bansa, ito’y nasasaad din sa ating Saligang Batas, sa ilalim ng Bill of Rights — na hindi ka maaaring alisan ng kalayaan nang walang karampatang pro­seso na tinatawag nating “due process”.

Ngunit, may mga pangyayari kung kailan ang isang tao ay nakukulong dahil lamang siya ay nasampahan ng kasong kriminal. Ayon sa ating “Rules of Court”, may remedyo na maaaring gamitin ng taong nakulong — ito ay tinatawag nating piyansa.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang piyansa ay isang uri ng seguridad na binibigay ng isang akusado bilang pagpapatunay at pagsisiguro na siya ay haharap sa mga araw at oras na itatakda ng hukuman kaugnay sa paglilitis sa kaso niya. Ito’y isang kasunduan kung saan nangangako ang isang akusado na haharap siya nang personal sa lahat ng itinakdang araw at oras ng paglilitis at hindi kailanman siya tatakbo o kung tawagin natin ay mag-“jump bail”. Ang pagpipiyansa ay nasasaad sa ating pro­seso ng paglilitis.

Ayon sa tinatawag nating “Revised Guidelines on Continuous Trial in Criminal Cases” — maaari kang magsumite ng isang petisyon sa hukuman kung saan ikaw ay humihingi ng pahintulot upang makapag-piyansa. Ito’y kadalasang sinusumite sa hukuman pagkatapos ng pagsumite ng tagausig ng tinatawag nating “Information” sa hukuman, pagkatapos ng “arraignment” at “pre-trial”.

Ayon sa ating alituntunin ng paglilitis, ang petisyong ito ay kailangang marinig at madesisyunan sa loob ng hindi hihigit sa tatlumpong araw (30). Kung sa kasamaang palad ay hindi ito pagbigyan ng hukuman, maaari pa rin magsampa ng isang “motion for reconsideration” at resolbahin sa loob lamang ng sampung (10) araw).

Ating tandaan, na ang pagresolba sa petisyon ay maihahango lamang sa ebidensya ng tagausig. Hindi pagbibigyan ang petisyon kung maipakikita ng tagausig na mabigat ang ebidensya laban sa akusado. Ang piyansa kasi ay ibinibigay ng hukuman sa akusado bilang pagkilala sa paalala ng ating Saligang Batas na tinuturing muna nating inosente ang akusado hanggang ito’y mapatunayang hindi, kasama na rin dito ang pagbibigay sa akusado ng karampatang panahon upang idepensa ang kanyang sarili sa harap ng hukuman.

Ayon sa ating alintuntunin kaugnay sa paglilitis, kailangang mapatunayan ng tagausig na ang hawak nilang ebidensya ay matibay at sapat upang mapatunayan na ang akusado ay totoong lumabag sa batas at nagkasala, lalo na kung ang karampatang parusa ay reclusion perpetua o panghabambuhay na pagkakulong.

Ngunit nagbibigay rin ng isang babala ang hukuman sa mga hindi tutupad sa kasunduang ito — isang paglabag lamang ay maaari na muling hulihin at ikulong ang akusado sa bisa ng naunang nailabas na warrant of arrest. Kasunod na rito ang pagkawalang bisa ng kanyang piyansa. Ating alalahanin na ang pagtakbo ng isang akusado at pag-iwas sa pagharap sa takdang araw ng paglilitis ay kadalasang senyales na siya ay “guilty” sa mga pinararatang laban sa kanya.

Ang pagkakakulong ay isang hindi birong usapin, lalo na kung ito’y sa gitna ng paglilitis ng iyong kaso. Ngunit mas mabigat ang parusa at epekto sa iyong kaso kung tatalikuran mo ang kasunduan ng iyong piyansa.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

HARI NG KALSADA 

@yourservice

NOONG maliit pa ako ay hinirang nang ‘Hari ng Kalsada’ ang ating pampasaherong jeepney. Noong unang panahon, ang jeepney ay makulay, kaaya-ayang tingnan — isang pinagkakatiwalaang pampasaherong sasakyan na tinatangkilik ng nakararami nating kababayan.

Alam ng lahat na ang jeepney natin — ang hari ng kalsada — ay maituturing na pamana mula sa mga ginamit na jeep ng hukbong sandatahan ng Estados Unidos noong nakaraang digmaang pandaigdig. Dahil dito, tinuring na simbulo ang mga jeepney ng talento at kulturang Pilipino — natatangi at nagbibigay ng isang mahalagang serbisyo sa ating mga pasahero.

Ngunit may panukala ngayon ang pamahalaan na palitan na at iretiro ang jeepney — ang hari ng kalsada — na kinagisnan natin at palitan ito ng mga makabagong disenyo — mas malaki, mas kumportable at bago. Alam nating lahat na sinalubong ito ng mga operator at tsuper ng jeepney ng malawakang pagtutol. Nagkaroon pa nga sila ng kalat-kalat na pagtitipon upang iparating sa pamahalaan ang kanilang ‘di pagsang-ayon sa panukalang ito. Ayon sa kanila, masyadong mahal ang presyo ng mga bagong sasakyang ito.

Ayon sa panukala ng pamahalaan, ang ‘hari’ ay mapapalitan ng isang sasakyang gagamit ng mga bagay dulot ng pagsulong ng teknolohiya tulad ng GPS o global positioning system at wifi. Sinabi rin ng pamahalaan na sisiguraduhing mas kumportable, mabilis, malinis at mas ligtas ang mga bagong jeepney na ipapalit nila.

Ngunit, ayon naman sa mga grupo ng operator at tsuper, masyadong mahal ang presyo ng mga bagong sasakyang ito at mahihirapan ang karaniwang operator at tsuper upang makakuha nito kahit ito’y may kasamang ayuda mula sa pamahalaan. Mayroon din nagsasabi na imbes na kumuha ng mga tinutulak na makabagong sasakyan ay tangkilikin na lang natin ang mga sasakyang pampasaherong gawa rito sa atin.

Sa kasalukuyan, may makikita na tayong mga panibagong jeepney na tumatakbo sa mga ruta dito sa Maynila. May mga nagsasabing para silang maliliit na bus at hindi na itsurang jeepney na kinagisnan natin at minahal.

Sa lahat ng pangyayaring ito — tandaan natin na mahirap ang pagbabago. Karaniwan ito’y may kalakip na sakripisyo at paninibago mula sa nakalakihan nang kagawian. Ngunit minsan, aaminin din natin na kailangan din natin ng pagbabago, lalo na kung ito’y para sa lalong ikabubuti ng nakararami. Tungkol sa panukalang palitan na ang lumang jeepney ng mga makabagong sasakyan, mas mainam sigurong atin munang timbangin ang idudulot nito sa ating mga operator at kababayang mga tsuper ng jeepney na umaasa lamang sa pagpasada ng kanilang mga ruta upang buhayin at bigyan ng mabuting kinabukasan ang kanilang pamilya. Kung masyado namang matarik ang kapalit ng pagbabagong ito, mainam siguro’y pag-ibayuhin pa ang pag-aaral dito.

Maganda ang hangarin ng panukalang ito, ngunit tingnan din natin kung sa anong paraan natin maipatutupad ito na hindi masyadong magdudulot ng karagdagang kahirapan sa ating mga kababayang tsuper, maging sa mga namamasahe — dahil sigurado na tataas ang pamasahe pag bigla nating pinatupad ang panukalang ito.

Pagkatapos ng mga usapin, debate at pag-aaral — saka lang natin malalaman kung panahon na nga nating iretiro ang dating hari ng kalsada, at palitan na natin ang itsura ng pambansang sasakyang pampasahero na tinatawag nating — jeepney.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

SEX VIDEO 

@yourservice

USAP-USAPAN ngayon ang kumakalat na “sex video” raw sa internet ng isang kilalang mang-aawit. Kasunod ito sa isa pang kumalat na sex video noon tungkol naman sa isang artista.

Natural na kumalat ito, at hindi nakagugulat na ito’y maging laman ng mga usap-usapan — mula sa mga coffee shop, sa opisina, at lalo na sa social media. Dahil laganap na ang tinatawag na mga plataporma na guma­gamit ng internet, mabilis at malawak ang sakop ng usaping ito.

Kung ating titingnan, iba-iba ang reaksyon ng mga pumupuna sa mga post sa social media. Karamihan sa mga nagkokomento ay kinokondena ang naturang sex video maging ang gumawa nito — ito raw ay lumalabag sa pangkalahatang basehan ng ating kultura at lalo na sa kinagisnan nating tamang pag-aasal. Iba na raw ang panahon ngayon, punong-puno na ang ating social media ng tinatawag nilang malalaswang mga larawan at sex video. Kung iisipin ang kanilang sinasabi, totoo naman, dahil noong unang panahon ay wala pa tayong social media, walang internet, kaya’t kung may iskandalo man — na umiikot gaya ng malalaswang larawan at video ay malamang hindi ito kumalat tulad ng pagkalat ngayon. Bukod sa internet at social media, laganap na din ang paggamit ng mobile phones na maaaring kumuha ng larawan at video, na maaaring ilathala agad sa social media o sa internet. Meron naman mga nagbibigay ng komento sa internet at social media na isang pribadong bagay ‘yung ginawa ng tinutukoy na mang-aawit at hindi naman siya ang naglathala sa internet ng nasabing video. May sumang-ayon naman at sinasabi nila na ang dapat managot ay ang kumuha o nagnakaw ng video at naglathala nito.

Ano sa inyong palagay? Kung ako’y pagbibigyan — iiwanan ko kayo ng mga katanungan — masama bang mag-record ng sex video? If ito’y ginawa naman na may pahintulot ng lahat ng partido, mayroon bang paglabag ulit dito? At kapag ito’y ginawa sa isang pribadong lugar, at para lamang sa pampribadong panonood, may paglabag ba ng batas dito?

Bago natin sagutin ito, tandaan natin na mayroon tayong batas — ang “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009” o “Republic Act No. 9995”, na naglalayong pahalagahan ang dignidad at ang pagkapribadong buhay ng bawat tao at bigyan ng buong paggalang sa mga karapatang pantao. Sa layu­ning ito, maaaring patawan ng kaparusahan ang sinomang sisira ng karangalan, dignidad at integridad ng isang tao.

Ayon sa batas na ito, bawal ang mga sumusunod: (a) ang kumuha ng litrato o video ng isang tao o grupo ng mga tao na gumaganap ng maseselang pagkilos o kumuha ng larawan ng isang taong hubad na walang pagsang-ayon ng taong sangkot at sa ilalim ng mga pangyayari kung saan ang tao ay may makatuwirang inaasahan sa pagkapribado; (b) kopyahin, o maging sanhi upang kopyahin ang larawan o pagkuha ng video ng sekswal na pagkilos o anomang katulad na aktibidad na mayroon o walang pagsasaalang-alang; (c) ibenta o ipamahagi, o maging sanhi upang ibenta o ipamahagi, tulad ng larawan o video o pag-record ng sekswal na batas, maging ito man ay orihinal na kopya o pagpaparami nito; at (d) maglathala o mag-broadcast, o maging sanhi upang mailathala o ma-broadcast, sa anomang plataporma o ipakita sa pamamagitan ng VCD / DVD, internet, telepono at iba pang katulad na paraan o aparato. Sa aking palagay, dito iikot ang isyu ng natu­rang kumakalat na sex video, lalo na ngayong naghayag na magsasampa ng reklamo ang naturang sikat na mang-aawit.

Sa huli, ating tandaan na importanteng pahalagahan natin hindi lamang ang dignidad ng ating kapwa at kababayan, kundi ang ating dignidad. Naniniwala ako na may sapat tayong pag-iisip at kapasidad upang alamin kung ano ang tama sa mali. Mayroon tayong tinatawag na “maturity” upang mapalaganap natin ang ating lipunan sa panahon ng teknolohiya.  (@yourservice / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

CAMPAIGN JINGLES

@yourservice

PANAHON na naman ng kampanya. Palapit nang palapit na ang araw ng halalan. At sa hangaring makakuha ng boto at magpakilala sa mga botante, karamihan sa ating mga kandidato ngayon ay gumagamit ng mga kaaya-ayang “campaign jingles”. Ito’y mga himig o kanta na nagpapahayag ng mga merito ng isang kandidato. Masaya, nakaa-aliw, parang fiesta at kalimitan nating nakikita ang ating mga kababayan na kinakanta o iniindak ang mga nakagiliwang “campaign jingles”.

Ngunit kung ating susurin — karamihan sa mga “campaign jingles” na ito ay gumagamit ng mga kilalang himig ng mga kanta at binabago na lamang ang mga salita upang maitugma sa nais ipahayag ng kandidato sa mga botante. Sa unang tingin — harmless, wala naman sigurong masama sa ganitong paggamit ng isang kilalang kanta. Ngunit sa pangalawang tingin — karamihan sa mga gumamit at bumago sa mga kantang hiniram ay hindi nagpaalam sa may akda nito. At dahil nakalimutang magpaalam — ito’y matatawag na paglabag sa tinatawag nating “intellectual property rights” nung may-akda.

Ayon sa ating Intellectual Property Code, ang mga kantang ito ay “copyrighted” o pag-aaring intelektwal ng mga lumikha nito. Upang magamit ang kanta, o bahagi ng kanta, kinakailangang magpaalam muna sa may-ari — minsan may kalakip na kabayaran sa paggamit nito, minsan naman hindi na pinababayaran ng may-ari sa gagamit. Maliban sa probisyong ito sa batas, ang Intellectual Property Office ang siyang nagpapatupad ng mga alituntuning sakop ang anomang intelektwal na pag-aari pati na rin ang sa pagrehistro nito.

Sa aking munting palagay, kung ang kandidato na hangaring magsilbi sa bayan at magpatupad ng batas ay kinalilimutang humingi ng paalam upang pahalagahan ang karapatan ng iba — paano pa nila mapahahalagahan ang karapatan ng karamihan pag sila’y nasa poder na. Kaya ito’y maaari nating gawing palaisipan — ihahalal mo ba ang isang kandidatong hindi rumerespeto sa karapatang intelektwal ng may-ari ng kanta?

Tuwing may halalan, tayo’y napaliliguan ng matatamis na pangako, mga litanya ng kani-kaniyang nagawa “para sa bayan”. Ngunit, ito’y puro salita lamang — lalomh-lalo na kung ito’y binibitawan kasabay sa panliligaw ng ating mga boto. Sa aking munting palagay lamang ay — tignan ang kanilang ginawa, sa maliliit na bagay — tulad ng sinabi kong pagrespeto at pagtugon sa probisyon ng batas sa paggamit ng mga pag-aaring intelektwal tulad ng kanta, imahe at mga bagay-bagay. May kasabihan nga na paano mo mapahahalagahan ang malalaking bagay, kung hindi mo nga mapahalagahan ang maliit na bagay.

Siguro naman po mga kababayan, panahon na upang imulat natin ang ating mga mata — alam naman natin ito. Usisain, tanungin, pagnilayan — at magpasya ayon sa tama. Tandaan, binatay ko pa lamang sa isang maliit na bagay ang aking pangunahing pagkilatis sa ating mga kandidato — base sa isang maliit na bagay, ang pagpapahalaga sa pag-aaring intelektwal ng mga may akda ng musika. Mula rito, maaari naman nating gamiting basehan ang iba pang pamantayan — ayon sa ating paniniwala, paninindigan at sa ating pag-iisip. Ngayong panahon ng kampanya — tandaan na ang kinabukasan nating lahat ay nakasalalay hindi sa kandidato, hindi sa iisang tao o grupo — kundi sa iyo, sa ating lahat. (@yourservice)

Please follow and like us:
Read More

SILAWAN HOT PURSUIT

@yourservice

INIUTOS kamakailan ni Pangulong Duterte na muling arestuhin ang pangunahing suspek sa karumal-dumal na pagpaslang sa isang labing-anim na taong gulang na babae, si Christine Silawan, sa Lapu-Lapu, Cebu. Matatandaan na ang suspek ay dating kasintahan ng biktima at naaresto ng mga pulis noong Marso 16 ng taong ito. Ngunit, napag-alaman ng Pangulo na iniutos ng lokal na tagausig (prosecutor) ang paglaya nito dahil umano hindi napatunayan ng mga humuling pulis na sangkot ito sa tinatawag nating “warrantless arrest”. Ayon naman sa Pangulo, dapat muling hulihin ang suspek dahil sangkot ito sa tinatawag naman nating “hot pursuit”.

Ano nga ba ang “hot pursuit”, ano ang mga kailangang sundin na mga alituntunin upang ito’y mapagtibay ng ating kapulisan kaugnay sa paghuli ng isang suspek? Ano naman ang iba’t ibang sitwasyon kung kailan pinapayagan manghuli ng suspek kahit walang “warrant of arrest”?

Ayon sa isang kaso — Lumanog vs. People (630 SCRA 42) — ang “hot pursuit” ay isang dagliang paghahabol ng kapulisan sa isang suspek. Alinsunod sa hot pursuit, maaaring arestuhin ang isang tao sa ilalim ng dalawang kondisyon: a) katatapos lang gumawa ng krimen ng suspek; at b) ang pulis na tumutugis at huhuli sa suspek ay may personal na kaalaman sa ginawang krimen ng suspek. Alinsunod dito, sinabi rin ng Kataas-taasang Hukuman na may mga pagkakataon kung saan maaaaring walang warrant — ngunit ito’y limitado sa mga sumusunod: (1) mga paghahanap kaugnay sa pagpapatupad ng batas at alituntunin sa customs; (2) paghahanap kaugnay sa mga dumadaloy na sasakyan; (3) pagkuha ng katibayan ayon sa “plain view doctrine”, o kung anoman ang nakikita sa pamamagitan ng mata; (4) mga paghahanap na may pahintulot ng may-ari (5) isang paghahanap kasunod ng isang lehitimong pag-aresto sa isang tao; at (6) isang paghahanap ayon sa tinatawag nating “stop and frisk”.

Sa isyung “hot pursuit”, maaari rin nating itanong — ano ang pamantayan natin ukol naman sa oras na lumipas mula sa paggawa ng krimen at sa pagkahuli ng suspek? Kung oras o panahon na lumipas mula sa pagkagawa ng krimen at sa pagkahuli — wala itong nailapat na siguradong bilang ng oras. Ito’y magbabase sa kanya-kanyang katangian ng bawat kaso. Sa isang kaso, sinabi ng hukuman na walang “hot pursuit” kung pagkatapos ng krimen — umuwi ang suspek, kumain, naligo at saka lumabas ng bahay bago nahuli. Mayroon din naman mga pagkakataon na ito’y tinanggap na sakop ng konsepto ng “hot pursuit” kahit ilang araw na ang nakalipas. Ang nais lang ipakita sa mga kasong ito ay nakasalalay sa detalye at mga insidente ng bawat kaso kung magagamit natin ang tinatawag na “hot pursuit”. Dahil sa konseptong ito, nagkaroon tayo ng pamamaraan upang manghuli o mang-aresto ng akusado kahit walang “warrant of arrest”, bilang isang natatanging pagbubukod sa alituntuning kailangang may “warrant of arrest” muna bago manghuli ng isang suspek.

Sa kaso ni Christine Silawan, hintayin na lang natin muli ang pagsusuri ng lokal na tagausig o tinatawag nating prosecutor, kung masasabi nga nating nahuli ang pangunahing suspek sa ilalim ng “hot pursuit”.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

PROMISSORY NOTE 

@yourservice

LUMABAS sa balita kamakailan ang pangyayari sa isang pribadong paaralan kung saan pinagawa at pinapirma ang isang anim na taong gulang na mag-aaral sa promissory note kaugnay sa balanse ng magulang nito sa tuition. Dahil dito, umalma ang mga magulang ng bata at nireklamo ang paaralan.

Ayon sa mga magulang, hindi dapat dinadamay ang bata sa usapin ng pagbayad ng balanse ng tuition dahil wala itong alam dito.

Sumang-ayon naman ang karamihan at naghayag ng pagkadismaya sa ginawa ng paaralan.

Tama nga ba ang ginawa ng guro nang pinagawa niya at pinapirma ang batang mag-aaral ng promissory note upang masiguro ang pagbayad ng balanse sa tuition? Isa-isahin natin ang mga bagay-bagay na pwede nating isaalang-alang sa isyung ito.

Una, nasa murang edad ang mag-aaral, at ayon sa ating Civil Code, wala itong legal na personalidad upang pumasok sa isang kasunduan — kasama na rito ang isang promissory note. Tandaan natin na walang alam ang bata ukol sa pagbabayad ng tuition fee, ang tanging responsibilidad ng batang mag-aaral ay ang pagsunod sa mga alituntunin ng paaralan ukol sa disiplina at pang-araw-araw na mga aktibidad sa loob ng paaralan, kasama na rito ang pag-abot sa pamantayan ng paaralan upang makatapos ng pag-aaral.

Pangalawa, ang batang mag-aaral ay sakop ng proteksyon mula sa tinatawag nating “Child Protection Policy” ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd.

Ayon sa alituntuning ito, hinihimok ng ating saligang batas na ipaglaban ang karapatan ng ating kabataan kasama na rito ang tamang pag-aaruga, nutrisyon at ibayong proteksyon laban sa anomang uri ng kapabayaan, abuso, pagmamalupit, at pagsasamantala. Alinsunod dito, hinihimok din ng ating saligang batas ang lahat ng paaralan na bigyang diin at halaga sa mga mag-aaral nito ang pagmamahal sa bayan, respeto sa karapatang pantao, pagpapahalaga sa tamang asal, at tamang pamumuhay.

Pangatlo, nasasaad sa “Convention on the Rights of the Child”, na protektahan ang ating kabataan sa lahat ng uri ng pang-aabuso maging ito’y pisikal, mental at emosyonal kasama na rito ang anomang uri ng karahasan.

Sa aking opinyon, ang pinagawa ng guro sa kanyang anim na taong gulang na mag-aaral ay pasok sa tinatawag nating “psychological violence” o isang uri ng sikolohikal na karahasan laban sa bata — ito’y maaaring magbigay ng mental o emosyonal na paghihirap sa batang mag-aaral, nagdudulot ng pananakot, harassment, o pagkapahiya. Dapat sana, isinaalang-alang ang murang edad ng bata — anim na taong gulang lang — at ang realidad na wala itong kamuwang-muwang sa isyu ng balanse ng kanyang tuition sa paaralang kanyang pinapasukan. Mas mainam sana na inimbitahan na lamang ng paaralan ang kanyang mga magulang upang pag-usapan ang isyu ng balanse.

Ngunit nangyari na ang nangyari at sana maisaayos ng lahat ng partido sa usapin ang isyung ito sa ikabubuti ng lahat — lalo na sa batang mag-aaral.

Tandaan, maraming batas, kasama ang ating Saligang Batas ang nagbibigay ng ibayong proteksyon sa ating mga kabataan — lalong -lalo na sa loob ng paaralan, at ang responsibilidad sa pagpapatupad nito ay hindi lamang nakasalalay sa Kagawaran ng Edukasyon, kundi ito’y responsibilidad ng lahat — guro, magulang, mag-aaral at mamamayan.  (@your service / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

BATTERED WOMAN LEAVE 

@yourservice

KARAMIHAN sa kababaihan ay may mga sariling trabaho. Ang ­modernong pamilyang Pilipino ngayon ay kadalasang binubuo ng mga magulang na parehong pumapasok sa trabaho.

Alam nating lahat ang maternity leave, paternity leave, sick leave, at vacation leave. Ngunit narinig nyo na ba ang tinatawag ngayon na “battered woman leave”?

Ano ito? Sino ang maaaring ma-kinabang dito? At paano makukuha ito?

Dati, napag-usapan natin ang VAWC.

Ito ang Republic Act No. 9262 na nag-iingat at nagbibigay ng proteksyon sa kababaihan at mga bata. Ayon sa batas na ito, binibigyan ang kababaihan na biktima ng pang-aabuso ng sampung araw na bayad na pahinga mula sa trabaho. Kaakibat sa batas na ito ang terminong — “battered woman syndrome”. Ang tinatawag na “battered woman syndrome” ay isang sitwasyon ng pang-aabuso sa babae, isang sikolohikal na kondisyon na maaa-ring magresulta kapag ang isang tao ay nakararanas ng pang-aabuso, kadalasan sa kamay ng isang asawa, partner, dating asawa o dating kasintahan. Kadalasan, ang mga biktima ng ganitong sitwasyon ay laging nangangamba sa kanilang kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang anak. Kabilang dito ang takot at paniniwala na sila ang sanhi ng pang-aabuso.

Sa isang kaso noong 1998, binanggit ng Korte Suprema na maaaring ­maging isang bangungot ang relasyon kung ang asawa ay lagi na lang sinusuntok, binubugbog, inaabuso, at pinapahiya, sa loob ng kanilang tahanan o kahit may ibang taong nakakakita kung sila’y nasa labas. Dinagdag pa ng Mataas na Hukuman na ang kanilang pagsasama sa ilalim ng basbas ng kasal, sa loob ng 38 na taon, ay naging tila impiyerno sa babae, ngunit tinanggap at tiniis niya lahat ng pang-aabuso nang tikom ang bibig.

Kaya naisip ng mga lumikha ng batas sa VAWC na dapat bigyan ng kaukulang panahon upang mabawi ng mga biktima ng “battered woman syndrome” ang kanilang lakas, magkaroon ng panahon upang makapag-isip sa susunod nilang gagawin, at ang pinakamahalaga — magkaroon ng lugar at panahon upang gumaling — mula sa mga sugat na pisikal at sikolohikal.

Dahil dito, marapat na magbigay ng isang uri ng bakasyon o pahinga mula sa trabaho ang batas na ito — ang battered woman leave.

Importanteng isipin na ang battered woman leave ay hindi dapat ituring na vacation leave o sick leave, dahil ang pagbibigay ng vacation at sick leave ay hango mula sa Labor Code.

Ang battered woman leave ay nagmumula sa batas ng VAWC at nagbibigay ng mga alituntunin na dapat sundin upang mapakinabangan ang leave na ito. Ang layunin ng batas ay lalong paigtingin ang proteksyon na maibibigay sa mga biktima mula sa mga umabuso sa kanila.

Ang tanging kinakailangan upang mapakinabangan ito ay para sa babaeng empleyado na ipagkaloob sa kanyang employer ang sertipikasyon mula sa punong barangay o kagawad, prosecutor, clerk of court, o kung saan ang kaso ay nakabinbin.

Napagpasyahan ng Kongreso na isama sa batas ang pagbibigay ng “Battered Woman Leave” upang magkaroon ng panahon ang mga biktimang humilom ang kanilang pisikal na sugat, kung meron man, at pagkakataong humilom ang mga sikolohikal na pasakit na kanilang tinamo.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

DOBLE PLAKA 

@yourservice

MAY bagong batas — ang Republic Act No. 11235 — Motorcycle Crime Prevention Act, o mas kilala ngayon bilang “Doble Plaka Law”.

Sa kasalukuyan, nababalitaan natin sa mga pahayagan at maging sa telebisyon ang malaking pagtutol ng mga rider group sa batas na ito. Sa katunayan, nagkaroon sila ng ilang malawakang pagtitipon sa nakaraang Linggo upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa mga probisyon ng batas na ito.

Ngunit, ano nga ba ang nakasaad sa batas na ito? Atin ngayon alamin ang mga natatanging probisyon sa batas upang mabigyan tayo ng kalinawan ukol sa adhikain ng pamahalaan at bakit salungat dito ang saloobin ng nakararaming mga kababayan nating riders na sa ngayon ay malawakan nilang inihahayag ang kanilang pagtutol.

Unang-una — sinasabi ng batas na ang layunin nito ay ang pagpapalawig ng kasiguraduhan laban sa mga nagaganap na krimen gamit ang motorsiklo sa pamamagitan ng paglagay ng mga mas malaki, mas madaling basahin at “color-coded” na mga plaka. Ayon sa bagong batas na ito, ang may-ari ay nangangailangang irehistro ang kanyang motorsiklo sa LTO sa loob lamang ng limang (5) araw ng pagkakaroon ng pag-aari nito. Nag-uutos din ang batas na magsumite ng report ng anomang bentahan ng motorsiklo sa loob ng limang (5) araw, sa LTO. Ang parusa sa paglabag ng probisyong ito ay pagkakakulong ng arresto mayor to prision correccional ayon sa Revised Penal Code.

Pangalawa, — kasunod nito, inuutos ng batas na isang paglabag ang pagmamaneho o paggamit ng motorsiklo na walang nakakabit na plaka. Binibigyan ng batas ang ating kapulisan ng kapangyarihan na pigilin at kunin ang minamanehong motorsiklo at magsumite ng report sa LTO. Maaaring bawiin ng may-ari ang kanyang motorsiklo kung maipapakita nito na siya nga ang may-ari, pagkatapos ang pagbayad ng multa at pagsunod sa pagkabit ng plaka na sumasang-ayon sa alituntunin na nailahad ng batas.

Tandaan, ang parusa sa pagmamaneho ng motorsiklong walang plaka, ayon sa batas, ay pagkakakulong ng prision correccional at multa mula Php 50,000 hanggang Php 100,000.

Pangatlo — kung ang motorsiklo naman ay ginamit sa paglabag ng batas o paggawa ng isang krimen, o pagtakas upang hindi mahuli sa lugar kung saan nangyari ang krimen, ang nagmamaneho nito, kasama ang kanyang tinatawag na “back rider” o pasahero any pwedeng hatulan ng kaparusahang pagkakulong na reclusion temporal hanggang reclusion perpetua.

Pang-apat — sa kadahilanan namang nawala, nasira, ninakaw ang plaka, sinasabi ng batas na kailangang magsumite ang may-ari sa LTO ukol dito at humingi ng kapalit ng plaka. Tandaan, ang hindi pagsunod sa probisyon nito ng batas ay may kaparusahang multa na Php 20,000 hanggang Php 50,000.

Pang-lima — ayon sa bagong batas, ang sinomang mahuli na nambubura, nagbabago, namemeke, nanggagaya ng plaka ay maaaring mahatulan ng pagkakulong na prision mayor at multa mula Php 50,000 hanggang Php 100,000. Ang paggamit naman ng ninakaw na plaka ay may kaukulang parusa ng pagkakulong a prision mayor at multa mula Php 50,000 hanggang Php 100,000.00.

Sa ngayon, wala pang nailalabas na Implementing Rules and Regulations, at ito ngayon ang isyu na pinag-uusapan at bunga ng malawakang pagtutol ng mga kababayan nating may-ari ng mga motorsiklo. Ngunit, ating tandaan na ayon sa bagong batas, lahat ng may-ari ng motorsiklo na ang plaka ay hindi alinsunod sa probisyon ng batas ay maaring mag-renew ng kanilang rehistro at kumuha ng tamang plaka na sumusunod sa alintuntunin ng batas sa LTO, hanggang sa ika-30 ng Hunyo ng taong ito. Minanduhan din ng batas ang LTO na magpagawa at magbigay ng tamang plaka bago matapos ang taong ito, dahil pagkatapos ng 2019, sa pagpasok ng Enero ng 2020, ang mga kaparusahang penal na nakasaad sa batas ukol sa tamang plaka ay mabibigyang bisa na.  (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

“COPYRIGHT” 

@yourservice

DAHIL sa hirap ng buhay, may nababalitaan tayong mga mag-aaral na bumibili ng tinatawag na “book-alike”. Ito’y mga na-“photocopy” na mga libro mula sa orihinal. Kung pagtatabihin, halos magkapareho ang kinopyang libro mula sa orihinal — ngunit sa mas murang halaga. Ito’y laganap ngayon, sa mga tabi ng paaralan, lalong lalo na sa pagbebenta ng mga librong pang-kolehiyo.

Ngunit, ang pagbebenta nito at pagbili ay labag sa isang konseptong tinatawag nating copyright na nakasaad sa ating batas — ang Republic Act No. 8293 — o ang “Intellectual Property Code of the Philippines”.  Ayon sa batas na ito, ang paglabag sa karapatang “copyright” ay tinatawag na “copyright infringement”.  Mga karagdagang ehemplo tungkol dito ay ang paggamit ng mga salita o kataga ng isang manunulat sa sariling panulat, ngunit hindi man lamang sinasabi kung saan hango ang kinop­yang salita o kataga.

Ngayon, sa pagtukoy sa tanong ng paglabag, nakatuon tayo sa dami at uri ng kinopya. Hindi kinakailangan na ang kabuuan o kahit isang malaking bahagi ng trabaho ay dapat na kopyahin. Kung napaka­raming kinuha na ang kahalagahan ng orihinal ay nababawasan sapat na sa punto ng batas na bumubuo ng pandarambong. Ang kakanyahan ng pandaraya sa pandarambong ay dapat na sanayin sa mga haka-haka na termino upang maitaguyod nito sa pamamagitan ng angkop na pang-unawa nito. Ang paglabag sa isang copyright ay isang paglampas sa isang pribadong pag-aari at protektado ng batas.

Balik tayo sa pagbili ng libro, kung alam mo na ang binili mo ay hindi orihinal o halata namang hindi orihinal (photocopy), ito ay isang paglabag. Ngunit kung bumili ka ng libro na orihinal, at paglipas ng pa­nahon ay ipinagbili mo sa iba — walang paglabag. Dahil sa pagbili mo ng librong orihinal, nailipat sa bumili ang mga ka­rampatang karapatan sa paggamit dito — maaari mong itapon, maaari mong sunugin, maaari mo ipamigay o iregalo, o maaari mong ipagbili sa iba. May nagtatanong naman na kung sakali, ipagbili mo sa iba, magkano ba ang tamang presyo? Ito’y hindi na pinakikialaman ng batas dahil ang pagbebenta ng orihinal na libro na iyong binili noon at ang presyo nito ay isang pribadong usapin. Kung may pagsang-ayon mula sa bumibili at nagbebenta, wala na tayong isyung makikita tungkol dun.

Palawakin pa natin ang usapin. Paano naman kung ang negosyo mo ay ang pagbili ng orihinal na libro at ikinakalakal mo ito sa merkado. Sa punto de vista ng “copyright”, ito’y isang lehitimong uri ng pangangalakal. Marami ang gumagawa nito, may mga nangangalakal ng tinatawag nating “buy and sell” tulad sa kotse, alahas, relo, damit, rubber shoes, cellphone at mga libro. Kung walang panloloko — tulad ng pamemeke ng produkto — walang paglabag sa batas ng “copyright”.

Sa isang ekonomiyang malaya tulad ng Pilipinas, dumarami na sa ating mga kababayan ang nagiging tunay na mangangalakal o mas kilala sa tawag na “entrepreneur”. Ang ganitong uri ng pangangalakal ay nagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan upang makapaghanapbuhay nang tapat at makapagbigay ng magandang kinabukasan sa kanilang pamilya. Alalahanin lamang na sa dami ng produkto ngayon, mag-ingat na hindi peke, at huwag gumawa ng peke — lalo na sa pagtitinda ng libro. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

RIGHT OF WAY 

@yourservice

ANO ang “right of way”? Bakit nagkakaroon ng ‘di pagkakaintindihan o alitan dahil lamang dito? Madalas tayong makarinig ng balita ng pag-aaway ng magkapitbahay dahil lamang sa usaping “right of way”.

Kadalasan ito’y hango sa isang sitwasyon kung saan napaliligiran ng lupain ng ibang tao ang iyong lupain at nangangailang makiraan ka sa lupain ng iba upang marating mo ang pampublikong daan. Kadalasan, pinagbibigyan ka na lang ng may-ari ng lupang dinaraanan mo, pero minsan — ayaw nilang pumayag. Sa ganitong pagkakataon, maaari kang humiling na bigyan ka ng “right of way” mula sa hukuman. Ngunit hindi ganun-ganun lamang ang paghingi nito — may mga alituntunin ang ating batas na dapat nating sundin bago tayo mabigyan ng “right of way”.

Sa isang kasong iniakyat sa Mataas na Hukuman, ang may-ari ng lupain o taong hinihingi ang isang “right of way” ay dapat magtatag ng mga sumusunod upang maging karapat-dapat bigyan nito: (1) na ang kanyang lupain ay napalilibutan ng iba pang mga lupain na pagmamay-ari ng iba at walang sapat na lagusan tungo sa isang pampublikong kalsada; (2) na naibigay na niya ang tamang bayad sa paggamit nito; (3) na ang dahilan ng pagkakaroon ng walang lagusan ay hindi niya kasalanan o dulot ng kanyang kagagawan (4) na ang hinihiling na “right of way” ay hindi masyadong makapeperwisyo sa lupain ng iba.

Mahalagang tandaan na kung ang pagkawala ng lagusan ay dulot ng kapabayaan o kagagawan ng may-ari ng lupa, baka hindi ito pagbigyan ng hukuman sa kanyang hinihiling na “right of way”.  Bilang ehemplo, kunwari, may tatlong lagusan na maaaring gamitin ng may-ari ng lupa ngunit sinarahan niya ang mga lagusang ito dahil nalalayuan siya at sa halip ay humiling sa hukuman na bigyan siya ng isang “right of way” na mas naaayon sa kanyang kagustuhan. Sa sitwasyong ito, may posibilidad na hindi siya pagbigyan dahil ang pagkawala ng kanyang mga lagusan ay dulot na rin sa kanyang kagagawan.

Ang karapatang “right of way” ay isang pambihirang karapatan na binibigay lamang kung ito’y nararapat at kinakailangan — ayon sa mga alituntunin na nilatag ng batas. Nasasaad din sa batas na ang lapad na maaaring gawing “right of way” ay depende sa pangangailangan ng gagamit at maaaring magbago sa pagdaloy ng panahon. Ating tandaan, sa mga sitwasyong ganito, huwag nating daanin sa dahas o alitan, dumulog sa hukuman at hayaang ang batas ang humusga kung nararapat ka nga bang bigyan ng “right of way” o hindi.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

 

Please follow and like us:
Read More

ILLEGAL RECRUITMENT 

@yourservice

ALAM ng tao kung ano ang tinatawag na “illegal recruitment”. Marami na ang naging biktima nito — lalo na sa ating mga kababayan na nais magtrabaho sa ibang bansa upang tulungan ang kanilang pamilya.

Unang-una, ang “illegal recruitment” ay tumutukoy sa mga gawain tulad ng: 1) gawain ng mga tao o ahensya na walang lisensya o awtoridad upang manghikayat ng mga mangagawa; 2) paglahok sa pagsingil ng bayad, mga kalakal, o mga serbisyo na ang kapalit ay trabaho sa isang halaga na lampas sa pinahintulutan ng batas o naaangkop na mga regulasyon; at 3) paglahok sa pagkuha o pag-lagay ng sinomang manggagawa sa ilalim ng pekeng mga dokumento. Ayon sa ating Labor Code, ang “illegal recruitment” ay ang panloloko o panlilinlang sa sinomang nais magtrabaho — tulad ng pagbigay ng kontrata na hindi naman naaayon sa batas.

Sa kasamaang palad, marami sa ating mga kababayan — sa hangaring mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya — ay agad naloloko o nalilinlang ng mga taong kunwari ay tutulungan silang makakuha ng trabaho sa ibang bansa, ngunit sa huli ay kukuhanan lamang ng pera.

Dahil dito, meron na tayong batas na pinalalawig ang parusa laban sa mga taong gumagawa ng “illegal recruitment” — dahil ito ngayo’y isa nang uri ng paninira ng ekonomiya ng bansa, lalong lalo na kung gawa ito ng isang sindikato.

Sa isang nahatulang kaso ng Korte Suprema — may dalawang elemento ang “illegal recruitment” — una, ang akusado ay nahuling kumukuha o nanghihikayat ng mga nais magtrabaho, maging sa Pilipinas man o sa ibang bansa; at, pangalawa,  walang lisensya  o pahintulot mula sa DOLE. Gayundin, itinuturing na ginawa ng isang sindikato kung kinabibilangan ng tatlo o higit pang mga iligal na recruiter at itinuturing na malaking sukat kapag nakagawa laban sa tatlo o higit pang mga tao, alinman sa isa o bilang isang grupo.

Ito, ayon sa ating Kor­te Supreme, ay tinuturing na isang “malum prohibitum” — o pinagbabawal ng batas — at dahil dito, hindi maaaring gawing depensa ang tinatawag nating “good faith”.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

TITSER, TITSER 

@yourservice

LAMAN ng balita ngayon ang hinihinging umento sa sahod ng ating mga guro — sunod sa pagtaas ng sahod ng ating mga kapulisan at mga sundalo. Ngunit higit pa sa umento sa sahod ng mga guro — mas kinakailangan natin magkaroon ng isang panukalang batas na magpapaibayo ng kanilang mga benepisyo at tamang kalagayan sa mga paaralan upang magkaroon ng balanse sa kanilang pagtuturo at pansariling buhay.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong tinatawag na Magna Carta para sa mga guro. Ito’y isang batas na naglalaman ng mga probisyon kwalipikasyon, disiplina, at benepisyo ng mga guro sa pampublikong paaralan. Ngunit, sa kasamaang palad, mukhang hindi na sapat ang batas na ito sa bagong realidad ng buhay ng isang guro. Ating tandaan na ang batas na ito ay ginawa ng ating Kongreso noong gitna ng nakaraang milenyo — 1960s — at karamihan sa mga nilalaman nito ay hindi na angkop sa mga pangangailangan ng karamihan sa ating mga guro.

Kadalasang nakikita na pagkukulang ng Magna Carta ay ang mga probisyon sa kalusugan ng mga guro, sa pagpasok ng ospital at subsidiya rito. Kasunod sa kakulangang ito ay ang isyu ng paglilipat ng isang guro sa ibang lugar, at ang kaakibat na pagbigay ng dagdag sahod lalo na kung maililipat ang guro sa isang lugar na laganap ang karahasan. Isang hinaing pa ng ating mga guro ang kakulangan ng pagkakataon na mabigyan ng panahon upang makakuha ng Masteral o Doctoral dahil kulang ang inilalaang araw para sa ganito.

Sa ngayon, may mga panukalang batas na naglalayong tugunan ang mga hinaing ng mga guro ngayon —  tulad ng pagsama sa benepisyo ang kalusugan ng mga anak at maging ang asawa, pagbigay ng libreng edukas­yon sa mga anak, dagdag na panahon sa study leave at pagbigay ng hazzard allowance sa mga mailuluklok sa mga lugar na laganap ang karahasan.

Ginagampanan ng ating mga guro ang iba’t ibang papel sa buhay ng ating kabataan — guro, pangalawang ina, kaibigan, adviser — at ma­ging sa darating na paghirang ng ating mga pinuno sa pamahalaan — sila ang taga ingat ng ating sagradong boto. Ang guro, maraming mukha sa lipunan, ngunit madalas nating kalimutan na sila’y mga tao rin na may mga sariling pangangailangan at pangarap. Napapanahon na palawigin natin ang panukalang batas na magbibigay ng sapat at napapanahong tugon sa kanilang pangangailangan, ‘di lamang sa aspetong pinansyal kundi maging sa aspeto ng pagpapalawig ng kanilang kaalaman at estado sa lipunan.  (@YOURSERVICE /  ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

NANAY, TATAY

@yourservice

WALANG anak, lalo na kung ito’y wala pang pitong taong gulang, ang maaaring ihiwalay mula sa ina, maliban kung ang hukuman ay may makikitang nakasasamang dahilan para ialis sa ina ang karapatang kumupkop sa sariling anak — mahirap man ito o mayaman. Kaya sa isang kaso, ibinigay ng hukuman ang pag-iingat ng isang menor de edad na anak na hindi lehitimo sa kanyang ina na isang sekretarya lamang at nagtitinda sa palengke, sa halip na sa kanyang mayaman na ama na kasal sa iba, hindi lamang dahil ang anak ay nagpasyang pumunta sa ina. Ito ay batay sa likas na karapatan at tungkulin ng mga magulang sa tao at ari-arian ng kanilang mga anak at bilang resulta nito, hindi ito maaaring ilipat maliban sa mga kaso na pinahintulutan ng batas.

May mga sitwasyon kung saan sa isang magulang lamang ipinagkatiwala ang pag-aaruga sa kanilang anak:

a) Sa kaso ng pagkawala o pagkamatay ng alinman sa magulang — ang natitirang magulang ay dapat magpatuloy sa paggamit ng karapatan ng magulang. Ang muling pag-aasawa ng nabuhay na magulang ay hindi makaaapekto sa karapatan ng magulang sa mga bata, maliban kung ang hukuman ay humirang ng ibang tao na maging tagapag-alaga ng tao o ari-arian ng mga bata;

b) Sa kaso ng paghihiwalay ng mga magulang — ang karapatan ng magulang ay dapat gamitin ng magulang na itinalaga ng Korte. Dapat isaalang-alang ng Hukuman ang lahat ng maykatuturang mga pagsasaalang-alang, lalo na ang pagpili ng bata na higit sa pitong taong gulang, maliban kung ang magulang na pinili ay hindi karapat-dapat;

c) Sa kaso ng kamatayan, ang kawalan o hindi angkop na mga magulang — kapalit ng karapatan ng magulang ay dapat gawin ng buhay pang lolo o lola. Sa kaso ng ilang matirang buhay, ang isa na itinalaga ng korte, ay siyang may karapatan;

d) Kapag napatunayang nagkasala ang magulang sa isang krimen na nagdadala nito sa parusa ng sibil na paghatol – Ang karapatan ay naibabalik sa serbisyo ng parusa o sa pagpapatawad o amnestiya ng nagkasala. Tandaan na, walang inapo ang dapat mapilit, sa isang kriminal na kaso, upang magpatotoo laban sa kanyang mga magulang at lolo’t lola, maliban kung ang naturang patotoo ay kailangang-kailangan sa isang krimen laban sa ina o sa pamamagitan ng isang magulang laban sa iba.

Sa isa pang kaso — kung saan hinarap ng hukuman ang isyu kung ibibigay ang kustodiya ng isang bata sa natural niyang ina o sa taong aampon sa kanya, sinabi ng hukuman na — Hindi natin dapat alisin mula sa isang ina ang pagkakataong mapalaki ang kanyang anak kahit katumbas ay matinding sakripisyo dahil sa kahirapan at kawalan ng paraan. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

“VIOLENCE AGAINST WOMEN AND CHILDREN” 

@yourservice

NAGPAPASALAMAT ako sa pamunuan ng PeryodikoFilipino Inc., tagapaglathala ng Diaryo Bomba dahil sa pagkakataong ibinigay sa akin upang mabigyang gabay ang publiko upang matutunan ang mga batas.

Bilang panimula tatalakayin ko ang usa­ping “Violence Against Woment and Children” o “VAWC”.

Noong 1994, higit isang dekada na ang nakalilipas, ipinatupad ng ating Kongreso ang Republic Act No. 9262, na epektibong lumikha ng paraan kung paano natin tinuturing ang karahasan sa tahanan – lalo na kung paano natin maaaring protektahan ang kababaihan at mga bata mula sa pisikal, emosyonal, sikolohikal at pang-ekonomiyang pang-aabuso mula sa kanilang da­ting asawa, kasintahan, at dating partners.

Ayon sa batas na ito, kinikilala na ang “karahasan batay sa kasarian ay isang uri ng diskriminasyon na pumipigil sa kakayahan ng kababaihan na matamasa ang mga karapatan at kalayaan batay sa pagkakapantay-pantay sa mga kalalakihan.”

Anong mga re­medyo ang makukuha ng kababaihan mula sa batas na ito? Ang batas ay partikular sa kasarian o “gender-specific” —  dahil maaari lamang nilang isampa ang mga aksyon laban sa mga nagkasala, kung lalaki o babae man ang nagkasala. Ang batas ay sumasakop sa mga relasyon —  nakaraan man o kasalukuyan,  kasal, live-in, sekswal o pakikipag-date —  ang batas na ito ay nagbibigay ng remedyo sa pamamagitan ng isang order sa proteksyon sa isang aksyong sibil o sa isang kriminal na pagkilos, bukod sa kriminal na aksyon para sa paglabag nito. Ginagawa nito ang proseso ng pagkuha ng isang “restraining order” laban sa mga maysala na mas madali at mas agaran sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga “protection order” mula sa parehong mga hukuman at mga opisyal ng barangay.

Sa madaling salita, ang batas na ito ay nagbibigay-daan para sa pagpapalabas ng tatlong uri ng mga tinatawag nating “protection orders”  mula sa Barangay, isang Temporary Protection Order, at isang Permanent Protection Order. Ang “protection order” ng Barangay ay ibinibigay ng punong barangay o ng isang barangay kagawad. Ang pansamantalang mga order sa proteksyon at mga permanenteng proteksyon ay nanggagaling naman sa mga hukuman sa pamamagitan ng trial. Ang Temporary pati na rin ang Permanent Protection Order ay ibinibigay rin ng mga korte — ang pagkakaiba lamang sa kanila ay ang dating limitado sa tagal kaysa sa huli.

Sa ngayon, maaari nating sabihin na sa kabila ng mga hamon at kahirapan sa pagpapanukala at pagpapatibay ng naaangkop at epektibong batas para sa kababaihan, ang ating bansa ay na­ging matapang at matatag at tuluyang humahakbang upang masiguro ang pagkakapantay-pantay ng kasarian. Sa ngayon, maaari nating ipagmalaki ang “VAWC” na nagpoprotekta at iginagalang ang mga karapatan ng kababaihan at itinataguyod ang kanilang nararapat na lugar bilang pantay na kalahok sa pagbuo ng bansa. (@yourservice/ ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

HANGGANG SA KAMATAYAN 

@yourservice

SA ilalim ng ating Saligang-Batas – kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay ng pamilya at dapat protektahan at palakasin ang pamilya bilang pangunahing institusyong panlipunan. Parang, dapat protektahan ang buhay ng ina at ang buhay ng hindi pa isinisilang mula sa paglilihi. Ang likas at pangunahing karapatan at tungkulin ng mga magulang sa pagpapalaki ng kabataan para sa civic efficiency at ang pag-unlad ng moral na katangian ay dapat tumanggap ng suporta ng ating pamahalaan. Ganito – ang pag-iisip ay ang pag-iisip ng patakaran ng 1987 Saligang Batas upang protektahan at palakasin ang pamilya bilang pangunahing nagsasariling institusyong panlipunan at kasal bilang pundasyon ng pamilya.

Ang pamilya, ang pundasyon ng bansa, ay isang pangunahing institusyong panlipunan na pampublikong patakaran na nagpapakita at nagpoprotekta. Dahil dito, ang mga relasyon sa pamilya ay pinamamahalaan ng batas at walang pasadyang, pagsasagawa o kasunduan na nakasisira ng pamilya ay dapat makilala o mabigyan ng epekto. Bilang institusyon, kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng bansa. Alinsunod dito, mapalalakas nito ang pagkakaisa at aktibong nagtataguyod ng kabuuang pag-unlad nito.

Ito ay isang nobelang katangian ng 1987 Constitution – pagkakaroon ng isang Artikulo lamang na nakatuon sa pamilya hindi lamang bilang isang mahalagang bahagi ng bansa ngunit bilang pundasyon nito. Gaya ng sinusunod ng Korte Suprema – “ang ating Konstitusyon ay nakatuon sa patakaran ng pagpapalakas sa pamilya bilang isang pangunahing institusyong panlipunan. Ang batas ng aming pamilya ay batay sa patakaran na ang pag-aasawa ay hindi lamang isang kontrata, kundi isang institusyong panlipunan kung saan ang estado ay interesado. Hindi mahanap ng estado ang mas malakas na anchor kaysa sa mabuti, matatag at maligayang pamilya. Ang pagkakasira ng mga pamilya ay nagpapahina sa aming panlipunan at moral na tela at, kaya, ang kanilang pangangalaga ay hindi lamang ang pag-aalala ng mga miyembro ng pamilya. “

Kaya, ang institusyon ng pag-aasawa, na itinuturing ngayon sa ilalim ng pangunahing batas bilang isang hindi malalabag na institusyong panlipunan, ay ang pundasyon ng pamilya at bibigyan ng ganap na proteksyon ng Estado.

Tulad ng ipinagkaloob sa ilalim ng Konstitusyon, dapat ipagtanggol ng ating pamahalaan ang:

  1. a) Ang karapatan ng mga mag-asawa na makahanap ng isang pamilya alinsunod sa kanilang mga paniniwala sa relihiyon at ang mga pangangailangan ng responsableng pagiging magulang;
  2. b) Ang karapatan ng mga bata na tumulong, kabilang ang tamang pag-aalaga at nutrisyon, at espesyal na proteksyon mula sa lahat ng anyo ng kapabayaan, pang-aabuso, kalupitan, pagsasamantala, at iba pang mga kondisyon na nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;
  3. c) Ang karapatan ng pamilya sa isang sapat na sahod at kita upang ikabuhay ng pamilya; at
  4. d) Ang karapatan ng mga pamilya o asosasyon ng pamilya na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at programa na nakaaapekto sa kanila.

May isang kaso kung saan ang isang Pilipino at isang Amerikano ay nagbago ng mga panata sa kasal sa Mandaluyong MTC noong 2004. Naghain ang isa sa kanila ng petisyon para sa deklarasyon ng pagpapawalang bisa ng kasal makalipas ang dalawang taon. Ang dahilan, matapos ang kasal ay naghiwalay sila at hindi kailanman nanirahan bilang mag-asawa dahil hindi talaga nila balak pumasok sa estado ng isang may-asawa o sumunod sa anomang mahahalagang obligasyon sa kasal. Inilarawan ng petitioner ang kanilang pag-aasawa base sa kanilang pagmamahalan, samakatuwid, ay walang bisa. Ang respondent ay hindi kailanman lumahok sa mga paglilitis at pagkatapos ay ipinagkaloob ng korte ang petisyon. Ang Opisina ng Solicitor General ay umapela ngunit binatikos sa antas ng paghahabol.

Tandaan na ang RTC ay naniniwala na ang mga partido ay nagpakasal para sa kaginhawahan lamang. Nagtiwala ito sa patotoo ng asawa ng Pilipina na inudyukan lamang siya ng amang Amerikano na magpakasal upang maging isang American citizen. Pagkatapos ng seremonya ay nagkanya-kanya na silang buhay. Sa gayon, ang pag-aasawa, sa pagtingin sa RTC, ay ipinasok para sa isang layunin maliban sa pagtatatag ng isang asawa at buhay-pamilya, tulad ng isang pang-aaway at hindi dapat kilalanin sa simula pa lamang. (@yourservice / Atty. David Robert C. Aquino)

Please follow and like us:
Read More