ANG GURO NATIN NGAYON

yourservice

LAHAT tayo’y dumaan sa pag-aaral, maging sa elementarya ito, sa high school, sa kolehiyo o maging sa tinatawag nilang graduate school. Kadalasan, pag nagkakaroon tayo ng pagkakataong bumalik sa ating paaralan — makikita muli natin ang ating mga guro na andun pa rin — patuloy na nagtuturo, patuloy na nagsasakripisyo upang maibahagi ang kaalaman at karunungan sa mga murang isip ng kabataan.

Ngunit naiisip ba natin ang kanilang kalagayan? Ang kanilang sakripisyo? Totoo natutuwa tayong makita muli ang ating mga guro ngunit kadalasan ay hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan para lamang matupad nila ang kanilang tungkulin bilang guro — bilang tagahubog ng pag-iisip ng mga pinuno natin sa kinabukasan. Kalimita’y hindi natin alam kung paano nila sinakripisyo ang kanilang mga pangarap — ang kanilang mga panaginip — maging ang kanilang sarili at personal na buhay ay naisasantabi na nila para lamang matupad ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang guro, bilang pangalawang magulang sa loob ng paaralan. Marami tayong nakikitang mga guro na tumatandang dalaga, tumatandang binata — para lamang mabigyang daan ang tungkuling hubugin sa kaalaman at karunungan ang kanilang mga mag-aaral.

Nakalulungkot lamang isipin na sa kabila ng kanilang sakripisyo at kontribusyon sa lipunan — kadalasan natin silang isinasantabi, binabalewala, hindi pinapansin.

Kadalasan, nalilimutan na natin sila pagkatapos nating mag-aral. Sino sa atin ang may huling alaala ng kanilang mga guro noong graduation pa?

Ang tinatawag na­ting pang-habambuhay na pagtuturo sa paglipas ng panahon ay nagmimistulang bokasyon na nila — hindi na ito tungkulin, hindi na ito trabaho — kundi ito’y isang pamumuhay o piniling bokasyong ma­ging isang ulirang guro, tagapagturo, pangalawang magulang, sa mga mag-aaral na taon-taon ay dumadaan sa pinto ng ating mga paaralan.

Kaya’t kung makikita natin silang naglalabas ng hinaing sa pamahalaan, nagbibigay ng mga komento at humihingi ng karagdagang sahod at mga pribilehiyo — ating intindihin na sila’y nagsilbing haligi ng ating buhay noong tayo’y mga bata pa.

Sila ang tumayong mga pangalawang magulang natin noong tayo’y may suliranin, may problema, may agam-agam at may panghihina. Mula sa kanila ay nagkaroon tayo ng tapang na harapin ang kinabukasan. Dahil sa kanila ay nagkaroon tayo ng talino at diskarte upang umunlad ang ating mga buhay. Dahil sa kanila, nagkaroon tayo ng sariling pag-iisip at pagkatao.

Sa aking munting palagay — kinakailangan nating bigyan na ng seryosong pansin ang kalagayan ng ating mga guro. Rebisahin na natin ang antas ng kanilang sahod at dagdagan natin ang kanilang mga benepisyo na makatotoo at totoong matutugunan ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan. Makiisa tayo sa pagsulong ng batas na magbibigay na ng makabuluhan at dikit sa realidad na benepisyo kapalit ng kanilang sakripisyo at dedikasyon sa pagtuturo. Hindi po biro ang araw-araw na tumayo at magturo sa mga mag-aaral. Kalakip sa tungkulin nito ay pagmamahal, dedikasyon at katapatan sa tungkulin bilang guro. Tandaan din natin na malaking responsibilidad ang ipinapataw natin sa kanilang mga balikat — sa kanila nakasalalay ang kinabukasan nating lahat spagkat nasa kanilang mga kamay ang kahihinatnan ng mga murang pag-iisip at ang paghubog nito upang maging tapat na miyembro ng lipunang Pilipino. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

MABUHAY KA, SENIOR ASSOCIATE JUSTICE CARPIO

yourservice

NAGRETIRO na si Senior Associate Justice Antonio Carpio mula sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas. Kilala siya ng nakararami bilang isang mahistrado ng Korte Suprema na nagtaguyod sa ating laban noon sa Tsina tungkol sa West Philippine Sea o WPS. Mula sa pagkapanalo ng Pilipinas noon sa Hague ay pinagpatuloy ni Se­nior Associate Justice Carpio ang pakikipaglaban upang mapanatili at maprotektahan ang ating teritoryo sa WPS laban sa mga galaw ng Tsina. Simula noon, na­ging adbokasiya na ni Justice Carpio ang isyu sa West Philippine Sea.

Natatandaan ko pa nung kaming dalawa ang nag-host ng special lectures — una sa College of Law sa University of the East sa Recto Campus, Manila, at sumunod naman sa College of Arts and Sciences, sa University of the East Caloocan Campus.

Masasabing kakaiba at interesante ang mga lecture na ito sapagkat ginamit ng magaling na mahistrado ang iba’t ibang mapa — mula sa a­ting kasaysayan at sa kabuuang kasaysayan ng Asya. Isa na rito, siyempre ang mapa na kilala na natin bilang Morillo Map — kung saan makikita ang mga isla na sakop na ng a­ting bansa noon. Nalaman din namin noon na ito’y kanyang personal na adbokasiya — ang ipagtanggol ang ating soberanya at teritoryo — lalo na ang ating West Philippine Sea.

Nakalulungkot lang isipin na hindi siya nahirang bilang isang Punong Mahistrado o Chief Justice — ngunit sa mata ng nakararami — ayon sa kanilang mga opinion — He’s the Chief Justice we never had. Ngunit kahit hindi siya naging Chief Justice — ramdam naman natin ang kanyang kontribusyon sa hudikatura — na makikita sa kanyang mga opinyon sa iba’t ibang kasong dumaan at hinatulan ng Korte Suprema. Mga opinyon na pinapakita ang kanyang talas ng pag-iisip, talino, at malawak na kaalaman sa batas at paano ito gamitin sa mga isyung hinarap ng bayan.

Bukod sa kanyang kakayahan bilang magaling na mahistrado at miyembro ng pinakamataas na hukuman sa Pilipinas — tinuturing ding isa siyang taong may integ­ridad at paninidigan. Kalakip dito ang kanyang pagka-makabayan at pagmamahal sa bansa — lalo na sa ating soberanya bilang isang bayang malaya sa mundo.

Nang matanong kung ano ang kanyang gagawin pagretiro niya — simple lamang ang kanyang sinagot — ipagpapatuloy niya bilang isang pribadong mamamayan ang pagtatanggol sa ating soberanya lalo sa WPS. Bumaba man siya sa kanyang pagretiro mula sa Kataas-taasang Hukuman, ngunit para sa nakararami nating mamamayan — siya nama’y humanay sa mga natatanging indibidwal na tagapangtanggol ng ating kasarinlan at soberanya.

Sa aking munting palagay — ang pagreretiro ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ay maituturing na isang malaking pagbabago. Sa a­king palagay — mahirap sundan ang mga yapak ni Justice Carpio. Ngunit nag-iwan siya ng isang legacy o pamana sa atin — ang kanyang adbokasiya sa larangan ng pagtatanggol sa West Philippine Sea. Maaalala natin siya at ng mga susunod na henerasyon bilang isang mahistradong tumaguyod at ipinaglaban — sa larangan ng hudikatura, sa masa at sa labas ng bansa — ang ating kasarinlan at soberanya bilang Pilipino. Mabuhay ka po Senior Associate Justice Antonio Carpio at marami pong salamat sa inyong paninindigan, pagmamalasakit at pagmamahal sa ating bayan. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

INQUIRY IN AID OF LEGISLATION

yourservice

TUMUTOK tayong lahat sa mga pangyayari sa imbestigasyon ng Senado nitong mga nakalipas na linggo. Nag-umpisa ang imbestigasyon ng Senado sa maling pagpapatupad ng batas na nagbibigay ng Good Conduct Time Allowance sa mga bilanggo upang mapaiksi ang kanilang pagkakakulong at mabigyan ng mas maagang petsa sa kanilang paglaya mula sa piitan.  Napansin na lamang ng sambayanan nang lumutang ang pangalan ng dating alkaldeng Sanchez na sinabing kabilang sa mga lalaya na dahil sa pagpapatupad ng batas na ito. Umulan ng emosyon, bumaha ng mga opinyon at nagturuan ang mga opisyal ng Bureau of Corrections, Department of Justice, pati na rin ang mga da­ting opisyal nito. Pero sa gitna ng sisihan at turuan sa pagsisiyasat ng Senado — biglang sumulpot ang usapin sa pagnene­gosyo ng iba’t ibang uri ng pribilehiyo sa loob ng kulungan at yun na — lumutang ang isyu sa mga “ninja cop”.

Lahat ngayon ng mga kababayan natin ay naka­tuon ang pansin sa dalawang tao — kay Mayor Benjamin Magalong, da­ting hepe ng CIDG at sa kasalukuyang pinuno ng Philippine National Police — si General Oscar Albayalde. Sa loob ng session hall ng Senado – ibinahagi ni Mayor Magalong ang mga pangyayari sa isang raid sa Pampanga na, ayon sa kanyang imbestigasyon noon, ay maraming iregularidad at tila nagkaroon ng pagtatakip mula kay General Albayalde, na siyang hepe ng kapulisan sa Pampanga noong naganap ang raid. Naisama rin sa usapin si Gen. Aaron Aquino, ngayo’y Director-Ge­neral ng PDEA na sinabing tinawagan siya ni Gen. Albayalde noon tungkol sa kaso.

Dahil sa kaganapang ito — napuno ng mga opinyon ang social media mula sa iba’t ibang lebel ng ating komunidad. Bigla din sinabi ng Department of Justice na kanilang babalikan ang kaso. Maging si Pangulong Duterte ay nagpahayag na hihintayin niya ang resulta ng imbestigasyon.

Sa aking munting palagay — sanay na tayong makabalita ng mga tiwa­ling pulis, mga ilegal na gawain na hindi mga krimi­nal ang may akda kundi ang mga pulis mismo, tulad ng droga, pagpatay, pagkidnap o extortion sa mga banyaga. Ngunit — kaya siguro nabulabog at nagulat ang karamihan, ay sa kadahilanang naisangkot ang kasalukuyang pinuno ng pambansang kapulisan natin. At ang nagturo ay dating mataas na opisyal dati ng PNP na kilala sa kanyang katapatan sa tungkulin. Sasabihin ko na naman — nakalulungkot isipin na ganito pala kalala ang problema natin sa ating mga kapulisan. Sigurado ako marami na ang nawalan ng tiwala sa mga pulis at mas lalong bumaba ang morale ng mga kasapi nito.

Maganda rin sundan ang mga kaganapan sa imbestigas­yon sa Senado — dahil mabilis nakukuha ang mga kasagutan sa mga tanong ng karamihan, at nakita naman natin, maaa­ring ipakulong for contempt ang sinomang umiiwas sumagot o nagsisinungaling sa harap nito. Para sa kaalaman ng karamihan, ang “Inquiries in Aid of Legislation” ay isa sa mga tungkulin ng Senado upang makapagsiyasat at magkaroon ng impormasyon tungkol sa mga bagay na makatutulong sa paggawa ng mga batas sa hinaharap. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

KAPATID NG SINUNGALING ANG MAGNANAKAW

yourservice

MAGULO na ang usapin tungkol sa pagpapalaya ng mga taong nahatulan ng pagkakakulong dahil sa mga ginawa nilang krimen na tinatawag nating “heinous crimes.” Ang heinous crimes ay tumutukoy sa mga gawang hindi lamang labag sa mga probisyon ng ating Revised Penal Code kundi ito’y karumal-dumal. Tulad ng mga krimeng panggagahasa at pagpatay. Dahil sa isyung ito — binulabog tayo at parang bangungot na pilit nating naalala ang ilang karumal-dumal na krimen na naganap noon. Ang mas mahirap — tila pilit binuksan ang matagal na sanang naghilom na sugat at sakit na muling mararanasan at mararamdaman ng mga kaanak ng mga biktima. Dahil dito, hindi kagulat-gulat na marami ang umalma sa pamamagitan ng social media sa kaganapang ito.

Mahirap na nga ang proseso ng ating hustisya sa bansa — sa kadahilanang ito’y mabagal, madaming daraanang proseso, kadalasan ay nailalagay sa alanganin at maging kahihiyan ang mga biktima rito, at kung makuha man ang hustisya ay ­ilang taon na ang ­lumipas at malalim na ang sugat.

Ngunit sa ating nababalitaan ngayon na marami na pala ang napalaya — tanda pa natin na sa unang pagsabog ng balitang ito — pinabulaanan ng pamunuan ng ahensyang humahawak sa mga bilanggo na walang pirmahang nangyari, walang pagpapalaya na nangyari, at walang iregularidad na nangyari.

Pero pagkatapos ng ilang araw — malalaman na lamang natin — sa loob pa ng pagdinig ng Senado sa usaping ito — na may pirmahang naganap, may pagpapalayang naganap, at ayon sa ilang senador — may iregularidad na nangyari. Kaya ano na? Magsisinungaling muna at aasang mawawala ang isyu o matatabunan ng ibang problema ng bayan? Tapos sa kalaunan — aaminin din o madudulas na ­nagsinungaling nga.

Hindi ko alam kung ako ay matatawa o maiiyak — o di kaya’y maiinis o magagalit — sa pilit na pagpasa ng responsibilidad sa kaguluhang ito. Sino ba ang tunay na may sala? Magtuturuan na lamang ba kayo?

Sa aking munting palagay — simple lang naman ang nilalaman at mga probisyon ng batas na nagbibigay ng karagdagang puntos para sa good conduct or behavior ng isang bilanggo — at sa dami ng mga abogado sa mga ahensyang responsable rito — iaasa pa sa Kataas-taasang Hukuman?

Kaunting pagsusuri lamang ang kailangan upang makita ang tunay na intensyon ng batas at malinaw ang mga alituntunin o proseso na susundin dito, tulad ng sino ang tunay na may kakayahan o binibigyan ng kapangyarihan at responsibilidad ng batas na pumirma upang palayain ang mga kwalipikadong bilanggo. Kalakip na rin dito ang mga kwalipikasyon at kondisyon kung maari nga bang palayain ang isang bilanggo. Nasunod ba ang mga alintuntunin ng batas tungkol dito? Wala pa rin tayong naririnig na tunay na kadahilanan kung bakit ganito ang nangyari. Sa lahat ng panayam at pagdinig sa mga taong responsable rito — puro dahilan, puro eksplanasyon — walang maliwanag na paliwanag kung sino talaga ang may sala, kung sino ang nag-utos, kung sino ang nagbigay ng basbas upang basta na lamang pirmahan ng kung sino-sino at palayain ang kung sino-sino na hindi sinusunod ang ­alintuntunin at kondisyon ayon sa batas. Puro kasinungalinan — pero tandaan, kapatid ng sinungaling ang magnanakaw. Kaya kayo na lamang ang bahalang humusga (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

WPS, EEC, UNCLOS, ATBP.

yourservice

HINDI mamatay-matay ang usa­pin tungkol sa nangyari sa ating mga mangingisda sa Recto Bank kung saan nagkaroon ng “aksidente’ at muntik na silang masawi. Sa pag-usad ng mga araw, dumami, humaba at lalong naging masa­limuot ang palitan ng opinyon, haka-haka at pananaw sa nagyari lalo na sa kung anong dapat gawin ng ating pamahalaan.

Ngunit sa gulo at ingay ng mga usaping ito — pumapaibabaw ang mga katagang WPS o West Philippine Sea, EEC o Exclusive Economic Zone, UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea, at iba pang mga konseptong legal at politikal upang maipaliwanag ang bawat panig ng mga personalidad sa usaping ito, kasama na ang ating Pangulo.

Una, bago natin balikan ang mga nabitawang mga salita at opinyon ng bawat isa — mabuting aralin muna natin ano ang ibig sabihin ng mga katagang nabanggit ko. Mag-umpisa tayo sa WPS o West Philippine Sea. Ito ay isang lugar sa karagatan — ang WPS ay bahagi ng  dagat na yumayakap sa ating bansa kung saan sinasabing tayo ang may karapatang mangisda dito. Ito’y pinagtibay kamakailan nung lumaban ang ating bansa sa Tsina sa Pandaigdigang hukuman sa Hague. Pagkatapos ng masinsinang paglilitis sa Hague, nagpasya ang hukuman dun na tayo — ang bansang Pilipinas — ang may karapatan sa parte ng karagatang ito na tinatawag na natin ngayong West Philippine Sea.

Pangalawa — ang UNCLOS o ang United Nations Convention on the Law of the Sea. Ito ay isang pandaigdigang kasunduan na sinang-ayunan ng mga soberanyang bansa tungkol sa pagtrato sa isa’t isa sa tinatawag nating international waters. Ang international waters ay bahagi ng karagatan na hindi na sakop ng sinomang bansa at lagpas na ito sa kanilang teritoryo. Dati -rati ang sakop ng isang bansa ay tatlong nautical miles — katumbas ng layo ng isang pinaputok na bala ng kanyon. Ngayon, sumusunod na ang lahat sa 12 nautical miles. Sa UNCLOS din matatagpuan ang mga depinisyon at tinatawag nating protocol tungkol sa pandaigdigang paglalayag ng mga sasakyang pandagat, sa mga aksidente, sa pagdiskubre ng mga bagong lupain o isla, at higit sa lahat — sa karapatang mangisda o makuha ang biyaya ng dagat sa tinatawag nitong exclusive economic zone.

At ang pangatlo — ang EEC o Exclusive Economic Zone ay isang lugar sa karagatan na patungo mula sa dulo ng a­ting teritoryo sa dagat. Dahil ito’y dikit at malapit sa teritoryo ng isang bansa, binibigyan ng karapatan ang bansang ito na mamuhay o makinabang sa biyaya ng karagatan tulad ng isda, langis at anomang mineral na makikita at makukuha sa eksklusibong lugar na iyon. Dahil nga eksklusibo — ang lugar na ito ay nailalaan lamang sa bansang nabigyan ng karapatan.

Ngayong may munti na tayong kaalaman tungkol sa mga konseptong madalas nating marinig sa mga usapin sa diaryo, sa telebisyon, sa radyo at maging sa social media. Isa-isahin naman natin ang mga argumento o opinyon na lumabas tungkol dito.

Una — hindi raw natin alam kung saan nanggagaling ang isda. Maaari raw itong nanggaling sa Tsina, kaya’t maaari mangisda ang mga Instik sa loob ng ating EEC at kadalasan kahit sa loob na ng ating karagatan. Tila ang salitang “eksklusibo” na ginamit sa usapin ay mali ang pagka-intindi. Ayon sa UNCLOS, hindi ang isda, hindi ang langis o kung anomang mineral na maaari nating makuha dito ang eksklusibo — kundi ang lugar, yung kapirasong parte ng karagatan na tinatawag na Exclusive Economic Zone. Hindi rin natin maaaring gamitin ang argumento na ang mga isda ay nangaling sa ibang lugar sa kadahilanang bumibyahe ang mga isda nito hindi lang sa ating teritoryo kundi sa teritoryo ng ibang bansa. Ang tawag nila rito ay “migration”. Tulad ng mga ibon, alam nating lumilipat sila ng lugar pag malamig at bumabalik pag maganda na ang klima para sa kanila. Saka tandaan natin na lokasyon o lugar ang basehan ng EEC, hindi kung ano ang laman nito.

Pangalawa — maari ba nating payagan ang ating mga banyagang kapitbahay na mangisda sa ating teritoryo at EEC? Isang pasada lamang sa mga pahina ng ating Saligang Batas ay makikita nating ito’y ipinagbabawal. Ito’y mariin ding opinyon ng isa sa ating mga tanyag na mahistrado o kasapi ng Kataas-taasang Hukuman.

Pangatlo — maari ba nating hayaang mangisda ang mga taga Tsina dahil mayroon naman tayong nakukuhang kapalit. Ngunit, sa ngayon, wala akong nakikitang kapalit. Ang trabaho ng iba nating mga kababayan ay napupunta na sa mga Instik, ang ating mga negosyo ay unti-unti na nilang nakukuha, parati na lamang pinahihirapan ang ating mga mangingisda tuwing sila’y lalayag sa sarili na­ting karagatan. Kaya, ano ang magandang kapalit? At maaari bang ora-orada na lamang nating ibigay ang karapatang ito ng Ehekutibo? Hindi ba nangangailangan ito ng isang pormal na kasunduan na sasang-ayunan ng ating Kongreso?

Sa aking munting palagay — marami na tayong problema. Oo tama ang iba, maliit lang tayo, mahina, walang puwersa at walang pagkakaisa sa mga usaping pambansa. Ngunit mas lalo namang nakalulungkot kung makikita nating nagiging mga taga depensa ng mga banyaga ang sarili nating mga halal na pinuno at magagaling nating mga kawani sa pamahalaan. Ganito na ba tayo ngayon? Mabilis bigyan ng palusot o rason ang gawain ng ating mga banyagang kapitbahay? Ganito na ba tayo ngayon na mas lalo pa nating pinapagalitan at iniipit ang a­ting kababayan para lang hindi mapahiya sa mga tinuturing na kaibigan sa kabila ng dagat?  Sa aking munting palagay, huwag na nating paikutin pa ang mga salita ng ating Saligang Batas at mga batas nating lokal. Simple lang ang pagkakaintindi sa mga iyan. Ngunit nawa’y mabigyan ang ating mga puso ng tunay na paninindigan bilang Pilipino — mapayapa, malaya at matapat. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

PAMBU-BULLY SA HONG KONG

yourservice

MARAMI ang nagulat at nagalit nang pumutok sa social media at sa mga balita ang pagpigil ng mga ka-wani ng imigrasyon ng Hong Kong kay dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Ayon sa balita, balak sanang ipasyal ng dating Ombudsman ang kanyang mga apo sa Disneyland Hong Kong ngunit pa-pasok pa lamang sila sa airport ay hinarang na siya at inihiwalay sa kanyang mga kasama. Ayon din sa isang panayam sa telebisyon, inilahad ni Ombudsman Morales na bagaman pinayagan din siyang makapasok sa Hong Kong, nagpasya na lamang silang bumalik sa Pilipinas ng hapon ding ‘yun.

May haka-haka na ang insidenteng ito ay pagbuwelta ng bansang Tsina sa sinampang kaso laban dito ng dating Ombudsman kasama ang dating kalihim ng DFA. Ang nakalulungkot ay ang aksyon at pahayag ng ating pamahalaan ukol dito na ikinadismaya ng dating Ombudsman. Pilit na sinasabi ng mga taga-imigrasyon na isa itong “immigration matter” ngunit nang tanungin naman ng dating Ombudsman, ay wala silang maibigay na legal na basehan ukol dito.

Ang Hong Kong ay bahagi ng Tsina na isang soberenyang bansa at ating kapitbahay sa isang malawak na pamayanan ng mga bayan tulad ng Japan, Indonesia, Brunei, Thailand, Estados Unidos, France, Greece at marami pang iba. Tayo’y nabubuklod sa ilalim ng isang pangkalahatang prinsipyo ng mga batas upang tayo’y mamuhay nang mapayapa sa mundong ito. Upang palaganapin ito, tayo’y may mga sinalihang kasunduan sa pangangalakal, sa pulitika sa rehiyon, at sa pagpapahintulot na makapaglakbay ang ating mga kababayan sa kanilang lugar. Mayroon din tayong kinikilalang pamantayan ukol sa pakikitungo sa isa’t isa kung saan paiiralin natin ang respeto, diplomasya at pakikipagtulungan sa oras ng pangan-gailangan o kalamidad.

Sa aking munting palagay, nakatatakot ang insidenteng ito. Ipinakita na sa atin na walang nirerespeto ang mga taong ito at isang klarong ehemplo ng pambu-bully o pananakot. Aminado naman tayo na may soberanya ang Hong Kong bilang bahagi ng bansang Tsina at nasa kanila ang pasya kung sino ang pahihintulutang pumasok sa kanilang teritoryo — ngunit ang pambu-bully o pananakot, sa isang dating Ombudsman at dating miyembro ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas — ay walang lugar sa larangan ng diplomasya, at sa batas na nag-uugnay sa komunidad ng mga soberanyang bansa. Ito’y isang malinaw na pambabastos at pagpapakita na wala silang respeto.

Ngunit ang mas dapat ­nating isipin ay ang nakagawian ng bayang ito na manakot at ibahin ang kwento ng kasaysayan para lamang sa kanilang pansariling interes. Sana maging palaisipan din ang ginagawa ng ating pamahalaan na laging ipagtanggol ang mga maling ginagawa ng bayang ito sa atin — sa ating mga mangigisda, sa ating mga manggagawa, sa ating teritoryo at sa ating kalikasan.  Paano naman tayo makakukuha ng respeto sa bansang ito kung laging tikom ang bibig na lamang o kadalasan ay ang pa-mahalaan na natin mismo ang gumagawa ng palusot o paliwanag para sa kanila. Nakalilito rin kasi, mat-apang naman ang ating pamahalaan pero sa ibang bayan naman nakatuon ang galit nito.

Kung magagawa nila ito sa isang dating Ombudsman at miyembro ng Kataas-taasang Hukuman, paano pa kung isang ordinaryong Pilipino ang kanilang takutin sa kanilang mga paliparan at daungan? (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT C. AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

BASURA, BASURA

yourservice

ETO na naman tayo. Balik na naman ang atensyon natin sa isyu ng basura na dinaong sa ating lupa mula sa bayan ng Canada. Panahon pa ni dating Pangulong Noynoy Aquino nangyari ito at minana ng pamahalaang Duterte. Basurang nabubulok araw-araw. Basurang nagdudulot ng sakit.

Nabalitaan natin kamakailan na pinauuwi ng ating pamahalaan ang lahat ng mga empleyado ng ating embahada sa Canada bilang senyales ng pagprotesta natin sa di pagbawi ng Canada ng kanilang basura. Sang-ayon ba kayo sa desisyon ng ating pamahalaan tungkol dito?

Hati — di lamang sa pananaw kundi maging sa emosyon ang ating mga kababayan tungkol sa isyung ito. Sa isang banda, marami ang sumasang-ayon sa ginawang pagpapauwi sa mga tauhan ng ating embahada roon. Ayon sa kanila, tama lang na ipakita na natin ang ating pagkadismaya at protesta sa bagal ng pag-usad ng Canada sa pagbawi ng kanilang basura. Sabi ng ilan, puro na lamang pangako ang Canada at dapat lang nating kalampagin upang magkaroon ng aksyon. Ito’y isang pagpapatunay na ang Pilipinas ay may soberanya at hindi kailanman maaaring gawing basurahan ng ano mang bansa.

Ngunit, ayon naman sa kabila, nakababahala ang pangyayaring ito dahil ang pagbawi ng mga tauhan natin sa embahada sa Canada ay maaring maging senyales o umpisa ng isang hidwaan na di natin kayang panindigan. Dinagdag pa nila na maaapektuhan ang mga kababayan nating naninirahan at naghahanap-buhay sa bayan na iyon. Dapat sana humanap daw tayo ng iba pang paraang pang-diplomatiko upang malunasan ang suliraning ito. Ito’y naaayon sa ating karakter na mahinahon at mapayapang pamayanan ayon sa ating saligang batas.

May punto ang bawat panig — sa isang dako, siguro napuno na ang pasensya dahil sa kabagalan ng pagkuha ng basura kahit may pangako na ang Canada na babawiin nila ito. Sa kabilang dako naman, natatakot lamang ang ating mga kababayan sa maaaring buwelta ng Canada dulot ng pagpapauwi ng ating mga tauhan sa embahada. Siguro naman aayon ang lahat na mas magandang ayusin ang gusot na ito sa mabuting usapan at hindi sa marahas na paraan. Sa isang paraang naaayon naman sa batas ng mga komunidad ng mga bayan.

Sa aking munting palagay, hindi pa naman huli ang lahat. Sa unang tingin, pinakita lamang natin ang ating pagkainis at maaari pa naman nating pag-usapan kung paano mapabibilis ang pagbalik ng mga basura — mga basurang nabubulok na at maaaring magdulot naman ng sakit sa atin.

Pero may mas dapat tayong pagtuunan ng atensiyon — dapat din panagutan ito ng mga taong nagbigay daan sa paglipat ng basura sa ating bayan. Sila dapat ang managot sa taumbayan. Hindi naman kasi mapadadala ng Canada ang kanilang basura rito kung walang tumulong at nagpabayad na mga kababayan nating walang hangad kundi kumita ng pera. Paano ito naisakay sa barko? Paano ito lumusot sa ating daungan? Sana sila ang pilitin nating mag-ayos sa suliraning ito. Hindi dahil inako na ng pamahalaan ng Canada ang pagbawi ng mga basura e hindi na natin hahabulin ang mga taong may pakana nito. (@YOUR SERVICE  / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

HIBANG SA KAPANGYARIHAN

yourservice

NAKALULUNGKOT isipin na sa kabila ng resulta ng halalan, may mga kandidato pa ring kapit sa patalim sa ilusyong may mandato pa rin sila mula sa mga botanteng tinalikuran na sila. Kaliwa’t kanan ngayon ang mga akusasyong sila’y dinaya at ninakaw sa kanila ang karapat-dapat na poder na kanilang pilit na kinakapitan. Ngunit makikita naman natin mula sa mga resulta ng pagboto ang laki ng agwat mula sa kanila at sa kandidatong nanalo — isang maliwanag at klarong patunay na nasuya na sa kanila ang mga botante at handa nang sumugal sa baguhan. Tunay man o hindi ang hinaing ng mga hindi nagwagi sa halalan — ito’y nararapat lamang dinggin sa tamang pagsisiyasat sa Comelec at sa mga korte. Ngunit, sabi nga nila, hindi ma-tagal ang tatlong taon at may pagkakataon pa ang mga kandidatong suyuin muli ang boto ng kanilang mga kababayan sa susunod na halalan.

Ano kaya ang mga kadahilanan kung saan nakita natin ang pagbabago ng ihip ng hangin? Dati-rati kasi ay nasanay na tayo na makita ang mga incumbent na politiko na nananatili sa kanilang pwesto sapagkat patuloy silang sinusuportahan ng kanilang mga kababayan. Sa totoo lang, ganito pa rin naman ang sitwasyon sa ibang mga bayan at probinsya ngunit nagulat lang tayo at may mga pagbabagong naganap sa ilang lugar dito sa Metro Manila.

Gayunpaman, isa ito sa aspeto ng isang demokratikong pamayanan kung saan ang malayang paggamit ng karapatang bumoto o tumakbo para sa isang pampublikong posisyon. Dahil sa karapatang ito, napag-aalaman kung saan direksyon at kung anong uri ng pamahalaan ang gusto nila. Ang karapatang ito ay nasasaad sa ating saligang batas kung saan sinomang mamamayan na 18 taong gulang o higit pa ay ¬maaaring bumoto sa lugar na kanyang tinutuluyan. Sa mga kandidato naman, may mga kwalipikasyong nilalatag ang saligang batas para sa posisyong senador, kongresista, alkalde, bise-alkalde, konsehal at miyembro ng sangguniang panlalawigan. Ganito rin sa posisyong pangulo at pangalawang pangulo.

Sa aking ¬munting palagay, ang ¬proseso ng halalan ay isang ¬mekanismo na nagbibigay sa mga kababayan natin ng paraan upang panatilihin sa poder ang mga taong maganda ang binibigay na serbisyo publiko at ito’y isang paraan naman na alisin at palitan ang mga taong hindi na epektibo ang paninilbihan sa bayan. Ang halalan ang siyang sigurado at makatotohanang paraan kung saan maririnig ang boses at saloobin ng mga mamamayan tungkol sa uri ng pamamalakad sa kanilang bayan, pag-iingat at pagsisiguro sa kanilang kapayapaan at kaayusan — at kung ang nakaupong lider ay nagkulang o tiwali — ang halalan ay isang epektibong paraan upang sila’y mapalitan. Kaya’t napakaimportante ang karapatang ito na hindi kailanman dapat isubasta sa pinakamataas na bumibili. Ganito kabigat at ka-importante ang karapatang ito.

Magsimula tayong muli gamit ang pag-asang bigay ng katatapos na halalan. Nawa’y gising na ang mamamayan sa maling tradisyon at kaugalian kalakip ng mga nakaraang halalan. Magsimula tayo muli — maging alerto at maging mapagtanong sa mga bagay-bagay at isyu na nahaharap sa atin. Huwag natin iasa sa mga nanalong kandidato ang ating kinabukasan at pagbabago — ito’y magmumula lamang sa atin, sa ating lahat. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

ANG BAGONG DAR  

yourservice

MINSAN akong dumulog sa Department of Agrarian Reform o DAR sa Quezon City Circle ukol sa isang kaso na matagal nang nabinbin sa isang regional office nito. Ninais ko lamang malaman kung ano na ang kalagayan ng kaso upang makapaghanda sa susunod na paglilitis kung meron mang ­naitalang araw para rito. Pagpunta ko, hindi ko masyadong ­inasahan na may ­mangyayari sa aking lakad dahil sa tagal ko nang pumupunta sa mga ahensya ng pamahalaan, lagi na lang kaming pinababalik o di kaya’y pahirapan sa pakikipag-usap. Laking gulat ko na lamang nang kami’y mabilis na tinugunan ng isang opisyal ng DAR at nasagot ang lahat ng aming katanungan. Ibang-iba na ang DAR ngayon, nalaman ko na lamang na marami palang programang inilunsad ang kalihim nito upang maging maayos at makabuluhan ang DAR hindi lamang sa mga magsasaka, kundi sa sinomang dudulog dito.

Nabalitaan ko rin na binalaan kamakailan ni Secretary John ­Castriciones ng DAR ang mga kawani ng ahensya na tumulong o masangkot sa pagproproseso ng mga aplikasyon sa paglipat ng mga lupa na hawak ng DAR sa mga taong hindi naman kwalipikadong ­tumanggap nito. Sinabi niya na hindi siya mag-aatubiling patawan ng kaparusahan ang sinomang mahuli na gumagawa nito.

Bukod dito, noong una pa mang umupo si Secretary Castriciones sa DAR, minabuti na niyang rebisahin ang mga tao at baguhin ang mga lumang patakaran at proseso ng ahensya. Ayon din sa kanya, nais niya na matugunan ng DAR ang matagal nang hinaing ng ating mga kababayang magsasaka na magkaroon na ng sariling lupang sasakahin. Kaya kita naman natin na mula nang siya’y naupo bilang kalihim ay umikot na ang DAR at mga kawani nito sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas upang maipamahagi ang mga lupa sa ilalim ng programang repormang agraryo.

Ngunit hindi rin naman lingid sa kaalaman ng marami na sa bawat ahensya ng pamahalaan ay may mga taong nais gumawa ng kalokohan upang kumita lamang, kaya’t minabuti ng kalihim ng DAR na magsagawa ng pagsusuri at pagbabantay sa gawain ng mga kawani nito upang masupil o matigilan na ang mga modus nila.

Nabalitaan ko rin na hindi tumitigil dito ang ­ating kalihim. Nagsimula na rin silang baguhin ang mga patakaran at alituntunin tungkol sa ­maraming bagay, isa na rito ang ­proseso ng pag-lilitis sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB). Ginawa nilang mas simple, at mas mabilis ang proseso at iniwasan na ang pagpasa-pasa ng kaso o pagpapaikot nito sa iba’t ibang opisina ng Kagawaran.

Ayon sa isang bagong kawani ng ahensya doon — isa pang magandang pagbabago sa DAR ay ang transparency na tinatawag kung saan lahat ng galaw nito — maging sa pagbibigay ng lupang sakahan, o pag-aayos ng mga problemang nilalapit dito — ay buong tapat nang ipinagbibigay-alam sa lahat, walang tinatago, walang sikreto, walang panloloko.

Sa aking munting palagay, maganda na ang nasimulan ng ating ­butihing kalihim ng DAR. Naisip ko rin na ito’y sa kadahilanang hindi naman siya politiko kundi isang taong nais lamang maglingkod sa abot ng kanyang makakaya. Tandaan natin na hindi man pansinin ang DAR kesa sa ibang ahensya tulad ng DepEd, DOH, DILG o DTI — mahalaga ang mandato nito sa ilalim ng ating saligang batas at ng batas ukol sa reporma sa agraryo — nasa DAR ang responsibilidad na ipatupad ang matagal na nating hangarin na ­maging realidad ang isang tunay at makabuluhang reporma sa pagsasaka. Sa wakas ay makakamit na ng ating mga kapatid na magsasaka ang matagal na nilang mithiin na magkaroon ng sariling lupang masasaka. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

BASTUSAN NA 

yourservice

INAANYAYAHAN ko kayong samama sa akin sa isang kathang-isip na pangyayari — kathang isip muna.

Mayroon tayong kapitbahay na pilit ginagamit at sinasakop ang isang parte ng ating ari-arian. Upang hindi mauwi sa lantarang away o hidwaan, dumulog tayo sa barangay kung saan hinatulan ng barangay na sa atin ang lupang iyon at hindi maaari kailanman pakialaman ng ating kapitbahay. Ngunit sa a­ting kagustuhang maging maayos ang lahat at mapanatili ang katahimikan sa lugar — pinagbigyan natin ang ating kapitbahay na gamitin — kahit sa kalaunan ay tila inangkin na niya ang bahagi ng ating pag-aari sa kadahilanang nagulat na lamang tayo at nagpatayo na ito ng mga permanenteng gusali at iba pang istraktura. Dahil mahaba ang ating pisi, di tayo umalma.

Ngunit pagkatapos ng ilang araw, bigla na lamang nating nalaman na inani ng ating kapitbahay ang mga pananim natin na wala man lang pahintulot o di man lang nagpasintabi. Sa pag-ani ng ating kapitbahay ng mga pananim na tayo ang nagtanim at sa ating lupa tinanim — nasira pa nila ang kalikasan at kagandahan ng ating lupa. Nga­yon, kahit siguro sinong may mahabang pisi or kahit sino pa ang pilit na unawain ang mga pinaggagawa ng ating kapitbahay — isa lamang ang maaaring itawag dito — ito’y lantarang bastusan na.

Marami tayong makukuha sa ginawa ng ating kapitbahay sa pagkakataong ito — unang- una, hindi sila takot sa atin. Siguro ito’y dulot ng ating di pag-imik or pagpalag noong inumpisahan nilang gamitin at sakupin ang ilang bahagi ng ating lupa. Pangalawa, kahit tayo’y nagwagi sa pagdulog sa barangay — hindi natin ito pinanindigan, bagkus hinayaan lamang nating manatili ang a­ting pagwawagi sa papel lamang. Totoong umiiwas lamang tayo sa isang marahas na hidwaan o away sa ating kapitbahay na mas malakas sa atin, ngunit tama kaya ang ginawa nating pananahimik lamang? Maaari sana nating kalampagin ang iba nating kapitbahay at mga kaanak o kakampi upang mailahad sa lahat ang pag-iisantabi ng ating kapitbahay sa utos o hatol ng barangay.

Pangatlo, wala na silang respeto sa atin. Totoong pag kaharap sila’y puro pagpupugay ang binibigay nila sa atin — ngunit ang aking tanong lamang ay — mas matimbang ba ang pagpupugay na binibigay ng harap-harapan o ang pambabastos pag tayo’y hindi na kaharap?

Siguro nga inisip ng ating kapitbahay na tayo’y mahina, hindi tayo nagkakaisa. Sabagay, may mga kaibigan tayo o kamag-anak sa lugar na ito na kumakampi pa sa kapitbahay nating bastos. Wala tayong pagkakaisa — maging sa suliraning ito man lamang.

Sa aking palagay, ang kathang-isip na pangyaya­ring ito’y madalas maranasan ng ating mga kababayan sa kani-kanilang lugar o komunidad. Kadalasan, dinadaan sa pananakot o pagsuhol upang makuha ng isang kapitbahay ang gusto nila. Minsan naman, dinadaan na lamang sa tahasang pagnanakaw ng pag-aari ng iba. Kahit kathang-isip lamang ang aking naibahagi sa inyo, siguro naman marami sa ating mga kababayan ang nakakaintindi sa sitwasyong ito.

Ikaw? May sitwasyong ka bang alam kung saan ang isang kapitbahay na kinaibigan mo na, pinagbigyan mo na nung agawin niya ang iyong pag-aari, ay lantarang ninakaw pa ang mga pananim mo sa lupa man o sa dagat?  (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

SUBASTAHAN NG BOTO

yourservice

NALALAPIT na ang pinakahihintay ng lahat — ang halalan sa Mayo kung saan muli tayong pipili ng ating mga representante sa Senado, sa Kongreso at mga tatayong pinuno ng ating munisipyo, bayan, lalawigan, mga konsehal at kasapi ng iba’t ibang kapulungan o konseho. Ayon sa ating saligang batas — ang bawat Pilipino na may sapat na gulang ay maaaring makilahok sa halalan bilang botante o di kaya’y kandidato — ito’y isang tinuturing importante at sagradong karapatan at nagbibigay buhay sa isang demokratikong proseso sa ating bayan.

Ang karapatang ito ay nakasaad sa ating saligang batas — kung kaya’t makikita natin ang kahalagahan ng karapatang ito — dahil nasa ating mga kamay — ang kapasyahan kung tayo’y uunlad o mauuwi sa kapahamakan.

Ngunit, nakalulungkot isipin na hanggang ngayon, hindi pa rin pinahahalagahan ng nakararami ang karapatang maghalal ng kandidato — kadalasan, maririnig na lang natin ang laganap na pamimigay ng salapi upang ligawan ang boto ng karamihan. Ngunit mas nakatatakot isipin na hindi na ito patago — ngunit isang nakagawian na ginagawa na lamang biro ng mga botante. Nauuwi lahat sa pataasan ng bigay ng salapi — tila isang subastahan ng alahas or kagamitan, ngunit sa sitwasyong ito, sinubasta natin ang ating boto — simbolo ng ating dignidad bilang botante, bilang Pilipino, at bilang tao. Kapalit ng isang maliit na halaga na sa isang iglap ay nauubos agad, sinusuko natin ang ating boses sa pamahalaan ng ating komunidad, sinusuko natin ang ating kinabukasan at hinahayaan nating ipagpalit ang ating katahimikan, kaunlaran para lamang sa pansariling layunin ng mga bumibili ng boto. Ganito na ba talaga tayo ngayon? Isang bayan ng subastahan kada eleksyon?  Ilang dekada na rin nating hinayaan ang ganitong kaugalian kada halalan, bagkus madami na rin naman tayong magagandang hakbang na ginawa sa larangan ng pagsasabatas ng mga alituntunin ukol sa paglahok sa halalan. Ngunit tila mas gusto pa nating bigyang buhay ang mga batas at alituntuning ito sa pamamagitan ng paglabag nito, kesa sa pagsunod nito. Ganito na nga ba tayo?

Sa aking munting palagay, naniniwala pa rin ako na magigising din ang nakararami sa atin sa epekto ng kaugaliang ito. Matatanto rin natin na hindi kayang bilhin ang isang karapatang binigay at pinahahalagahan ng ating saligang batas — isang karapatang dikit sa ating pagkatao na anoman ang gawin natin dito ay isang panghuhusga sa kung ano tayong nilalang. Lahat ng tao, ng Pilipino ay naghahangad pa rin ng pagbabago — ng pagsulong sa larangan ng negosyo, ng kultura, ng edukasyon at sa larangan ng pamamalakad ng ating pamahalaan. Sa aking munting palagay, kinakailangan lang natin muling bumalik sa mga kaugaliang nakabubuti sa atin at sa ating kapwa at talikuran na ang baluktot at maling kaugaliang sumisira sa proseso ng ating halalan. Maging totoo sa iyong puso at paninindigan, pumili ng mga kandidatong tunay ang hangaring maglingkod sa kapwa. Hindi pa naman huli ang lahat, habang buhay ang mga demokratikong institusyon sa ating bayan ay may pag-asa pa sa ating pagsulong upang matamasa natin ang biyayang bunga ng isang totoo at makabuluhang halalan. Sabi nga nila — we deserve the government we vote for. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

SEXUAL HARASSMENT

yourservice

ANG sexual harassment ay laganap na problema na sa ating lipunan — lalong-lalo na sa loob ng mga opisina, pagawaan, o maging sa paaralan. Dahil sa problemang ito, minabuting gawan ng batas na magbibigay proteksiyon sa kababaihan — sa loob ng lugar ng trabaho o sa loob ng mga paaralan. Madalas tayo makarinig ng mga kasong sexual harassment kung saan nirereklamo ng mga babaeng manggagawa o estudyante ang kanilang mga boss, supervisor, o principal o guro. Samahan ninyo akong alamin kung ano nga ba ang sexual harassment at paano ito nagaganap sa loob ng opisina o paaralan.

Ang sexual harassment ay maaring gawin ng isang amo sa trabaho, empleyado, manager, supervisor, ahente ng isang amo sa trabaho o sinomang taong may “moral ascendancy” na gagawa o hihingi ng pabor na sekswal mula sa ibang kasama sa trabaho.  Kalimitan, ito’y nagbibigay-daan sa isang nakatatakot na lugar ng trabaho o pag-aaral kung saan nararamdaman na ng manggagawa o ng mag-aaral na hindi na siya ligtas sa lugar ng kanyang pinagtatrabahuhan o pinag-aaralan. Ang moral ascendancy ay isang katangian ng tao kung saan siya ay may pwesto na mas mataas sa iyo at nakasalalay sa kanya ang iyong trabaho o ang iyong grado. Sa opisina, ito’y ginagawa ng amo o sinomang nakatataas sa iyo. Tandaan din, na sa loob ng isang paaralan, ito’y maaaring gawin ng tao na hihingi ng isang gawaing sekswal mula sa isang mag-aaral kapalit ng magandang grado o pagbigay ng “honors” o scholarship, o maging sa pagbayad ng allowance, stipend o iba pang benepisyo, pribilehiyo. Dahil dito, ito’y madalas gawin ng isang guro, coach, trainor o sinomang may “moral ascendancy” sa mga mag-aaral na kanilang tinuturuan.

Ayon sa batas, maraming uri ng sexual harassment tulad ng “green jokes” o mga birong opensiba o namamahiya ng kababaihan, ng isang empleyado o estudyante; paglalabas o pagpapakita ng mga bastos na larawan o mga lathala sa lugar ng trabaho; pagtatanong tungkol sa pribadong sekswal na pamumuhay ng isang taong napapailalim sa isang interview sa trabaho, o para sa isang scholarship; paggawa ng mga opensibang galaw ng kamay o ng katawan; pauli-ulit na nag-aaya ng “date” kahit ilang ulit na itong tinanggihan; malisyosong pagtingin; pagmumura o pagsipol sa isang babae sa pampublikong lugar o pagtawag sa kanila gamit ang mga katagang nakababastos sa  kanilang pagkababae; tsansing o paghipo ng parte ng katawan; paghalik o pagyakap na walang pahintulot o labag sa kalooban ng hinalikan or niyakap; at paghingi ng mga gawain o pabor na sekswal bilang kapalit sa isang magandang trabaho o mataas na grado sa paaralan. Hindi lamang ito ang mga uri ng sexual harassment. Tandaan, anomang gawain na nagpapababa o nambabastos sa pagkababae ng biktima ay maaari nating ituring na isang uri ng sexual harrasment. Ito’y ang pagbabalewala sa dignidad ng isang biktima bilang babae at bilang isang tao.

Ngunit sa aking munting pananaw, hindi sapat ang batas upang makitil ang problemang ito. Nangangailangang baguhin din natin ang ating kultura at pananaw tungko sa kababaihan hindi lamang sa loob ng opisina o paaralan, kundi sa bawat larangan ng ating komunidad at pamumuhay. Tandaan natin, lalaki man o babae, lahat tayo’y pantay-pantay sa ilalim ng batas. (@YOUR SERVICE / ATTY. DAVID ROBERT C. AQUINO)

Please follow and like us:
Read More

KARAPATAN SA PAGLALAKBAY

yourservice

UMUGONG kamakailan sa social media ang ginawang pagtakas umano ni Xian Gaza mula sa Pilipinas sa tulong daw ng mga kawani ng Bureau of Immigration. Ayon sa post ni Gaza, ibinahagi niya kung papaano sya nakaalis sa Pilipinas kahit mayroong tatlong warrant of arrest sa kanya at sa kabila ng pagkahatol kanya ng limang taong pagkakulong ng hukuman nung nakaraan taon.

Maalala siguro ninyo si Gaza na sumikat noon dahil sa pagpapagawa niya ng isang billboard sa Recto kung saan inimbitahan niya ang isang sikat na artista na samahan siyang mag-date. Ngunit mabilis naman itong pinabulaanan ng Bureau of Immigration at sinabing hindi kailanman makatatakas sa bansa ang isang tao sa pamamagitan lamang ng pagkuha ng iba’t ibang ticket sa pagbiyahe. Ayon sa ahensya, kapag ang isang tao ay may warrant o hold departure order, sila’y agad pinipigilang umalis.

Kamakailan, inihayag ng Bureau of Immigration na magsisimula sila ng pagsisiyasat  sa mga di-umano’y aksyon ni Gaza at matukoy kung anong batas, kung mayroon man, ang kanyang nilabag. Marami ring nagkomento sa social media na isa na naman itong pakana ni Gaza upang sumikat.

Totoo man o hindi ang ikinukwento ni Gaza sa kanyang pagtakas, ang mas importante ay nailabas sa usap-usapan sa social media ang isang importanteng konsepto sa ilalim ng ating saligang batas — ang karapatan at kalayaan ng bawat kababayan natin sa paglalakbay.

Ayon sa ating saligang batas, walang sinomang tao ang maaaring alisan ng karapatan sa paglalakbay saanmang lugar na gusto nya. Lahat tayo — mayaman man o mahirap, lalaki o babae — ay may karapatan sa paglalakbay at manirahan kung saan man niya naisin. Ito’y isa sa mga likas nating karapatan — kasabayan ng karapatang mabuhay, karapatan sa pananampalataya, at malayang pagpapahayag at marami pang mga karapatang binibigyang buhay at proteksyon sa ilalim ng ating saligang batas.

Ngunit, tulad ng lahat ng ating karapatan sa ilalim ng saligang batas, ang karapatan natin sa paglalakbay ay may hangganan. Maaaring alisin o limitahan ang karapatang ito sa ngalan ng pangkalahatang kaligtasan o kalusugan ng mas nakararami. Ang tawag natin dito ay “public welfare” at ginagamit itong basehan ng ating pamahalaan upang pangalagaan ang kaligtasan o kalusugan ng bawat nating kababayan. Isang halimbawa na rito ay maaaring pigilan ng pamahalaan ang paglalakbay sa mga bahagi ng bansa kung saan may alitang militar o sa mga lugar na may kumakalat na sakit o epidemya. Maaari rin pigilan ang iyong karapatang umalis kung ikaw ay nahaharap sa isang paglilitis sa hukuman o mayroon kang warrant of arrest o di kaya’y “hold departure order”.

Ang mga pangyayari na aking sinabi ay ilan sa mga tinuturing nating eksepsiyon sa ating karapatang maglakbay. Ating tandaan, lahat tayo’y malaya sa lahat ng ating gustong gawin — malayang mamumay, malayang maniwala sa isang panginoon, malayang maglakbay at manirahan kung saan mo nanaisin. Malaya rin tayong maghayag ng ating saloobin sa mga isyu o usapin na makaaapekto sa atin at sa ating pamilya.

Importante rin tandaan na malaya rin nating ihayag sa pamahalaan ang ating opinyon at saloobin ukol sa mga programang it. Ngunit — kung gagamitin natin ang ating kalayaan upang makapinsala sa ating kapwa at sirain ang estabilidad ng pamahalaan — ito’y maaaring pigilan.  (@YOUR SERVICE / Atty. David)

Please follow and like us:
Read More