TAKOT IWAN NG BF, YAYA NANGIDNAP NG ‘ANAK’ 

BACOLOD12

(NI KIKO CUETO)

BACOLOD CITY – Inaresto ang isang 19-anyos na babae nang dukutin ang sanggol ng kanyang amo, para ipakilala bilang anak ng kaniyang nobyo para hindi siya iwan.

Sa imbestigasyon, sinasabing tatlong linggo pa lamang nagsisilbing kasambahay ang babae sa mag-asawang nakatira sa Barangay Alijis sa lungsod na ito.

Pero sa kwento ng pamilya, matagal na umano nilang kilala ang suspek dahil kapitbahay nila ito sa dating tinitirahan sa Barangay Mandalagan.

Dagdag pa ng pulisya, nagpo-post na ang suspek sa social media ng mga retrato kasama ang bata at sinasabing anak niya ito.

Noong una ay hindi naman nag-aalala ang pamilya, hanggang nitong Lunes, kinabahan ang mga ito dahil hindi nakauwi ang suspek at ang kanilang anak.

Lunes ng gabi nang dumulog sa pulisya ang pamilya.

Hinanap ng pamilya ang suspek at kinausap sa Facebook ang nobyo ng suspek.

Napag-alamang taga bayan ng Miag-ao, Iloilo ang nobyo at doon posibleng pumunta ang suspek.

Humingi ng tulong ang Bacolod City Police sa Miag-ao Police at doon nakita ang suspek at ang kanyang kinuhang bata.

Agad namang dinala ang bata at ang suspek sa Bacolod City.

Inamin naman ng suspek ang pagdukot sa bata. Aniya, ginawa niya ito para hindi siya iwan ng kanyang nobyo.

Ipinakilala niya ang bata na anak umano ng nobyo niya para panagutan nito at hindi siya iwan.

Haharap sa kasong kidnapping ang suspek.

Please follow and like us:
Read More