TULFO KINA JULIA, BEA: ANG KAY PETRA AY KAY PETRA!

ANG GARA NI VINIA(NI VINIA VIVAR)

ANG kay Petra ay kay Petra at ang kay Maria ay kay Maria.”  Ito ang malamang komento ng matinik na broadcaster na si Raffy Tulfo hinggil sa Bea Alonzo-Gerald Anderson-Julia Barretto brouhaha.

Matatandaang nitong mga nakaraang araw ay talk of the town si Raffy dahil sa pag-imbita niya sa talo sa kanyang radio program sa TV5 para ayusin ang mga hindi pagkakaintindihan ng mga ito.

Ngayon ay may bago na namang statement si Raffy hinggil sa controversy sa latest interview sa kanya ng TV5 reporter.

Tinanong si Raffy kung ano ba ang ipapayo niya sa tatlo sakali ngang pumunta ang mga ito sa kanyang radio program.

“Well, una sa lahat, eh dapat talaga, ‘yung pag-aari ni Petra ay kay Petra. ‘Yung pag-aari ni Maria ay kay Maria. Ok? Saka ba’t n’yo pag-aawayan ang mga lalaki?

“Alam mo ‘yung dalawa, nakita ko sa Facebook, sa YouTube, ang gaganda nila, super-ganda. Hindi ko kayo binobola, mga girls. ‘Yung bang pag nasalubong mo sila sa mall, kahit na hindi sila artista, ‘yung bang mapapalingon ka at halos malaglag ang brief mo, kung ikaw ang lalaki. Nakaka-laglag brief,” pahayag ni Raffy,

Tila takang-taka ang broadcaster na pinag-aawayan ng magagandang babae ang isang lalaki.

“Ba’t n’yo pag-aawayan ‘yung mga lalaki? Dapat ang lalaki ang nagkakandarapa sa inyo,” sey niya.

Natural lang naman daw na magmahal pero ulit niya, ‘yung kay Petra ay kay Petra at ‘yung kay Marya ay kay Marya.

“Hindi pwedeng gagalawin mo ‘yung pag-aari ni Petra at gagalawin mo ang pag-aari ni Maria, eh talagang magkakaroon ng friction ‘yan, magkakaroon ng away ‘yan,” he said.

Well, as we all know, si Julia ang hinihinalang nang-agaw ng pag-aari ni Bea which is Gerald.

Ang nakakaaliw pang parte, nanawagan pa si Raffy kay Gerald.

“Gerald, ano kayang anting-anting meron ka’t ikaw ay habulin at pinag-aagawan ng mga napakagandang mga girls. Kung merong ganun’g klaseng anting-anting, kahit na isang milyon pa ‘yan, sigurado ako maraming bibibili.”

Dagdag pa ng broadcaster, feeling daw niya talaga ay may anting-anting si Gerald at pa-share naman daw. Hahaha!

Nagbigay din ng mensahe si Tulfo kay Gerald.

“Ikaw, Gerald, napakaswerte mong tao, dapat, magdasal ka palagi kay Lord. Na dapat ika’y mabait at hindi ka kukunin. Para patuloy ka pa ring maraming nagmamahal sa ‘yo,” ang mensahe ni Raffy kay Gerald.

 

 

 

Please follow and like us:
Read More

OMBUDSMAN USAD-PAGONG SA P60M NI BEN TULFO

(Ni NELSON S. BADILLA / Huling bahagi)

NAGKUSA ang Office of the Ombudsman na mag-imbestiga hinggil sa kontrobersyal na P120 milyong advertising contract ng Department of Tourism (DOT) at People’s Television Network Inc. (PTNI) noong nakalipas na taon.

Mandato ng Ombudsman na magsagawa ng sari­ling imbestigasyon hinggil sa katiwalian at korapsyon sa anumang ahensya ng pamahalaan.

Sariling imbestigasyon (Motu propio)

Ombudsman Conchita Carpio - MoralesNagsagawa ng sariling imbestigasyon ang Office of the Ombudsman simula noong Mayo ng nakalipas na taon, alinsunod sa utos ni dating Ombudsman Conchita Carpio – Morales.

Ang imbestigasyon ay batay sa konsepto ng motu propio o imbestigasyon mula sa inisyatiba ng Office of the Ombudsman.

Nagbuo si Morales ng fact-finding body na kinabibilangan ng mga beteranong imbestigador mula sa Field Investigation Office (FIO) ng Office of the Ombudsman.

Ani Morales noon, magsisimula ang imbestigasyon sa resulta ng imbestigasyon at auditing ng Commission on Audit (COA)

Sa ulat ng COA, idiniin nitong iligal ang pagpasok ng PTNI ng patalastas sa programa ng Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na pag-aari ni Ben Tulfo, sapagkat walang naipakitang Memorandum of Agreement (MOA) o Certificate of Performance (COP) ang PTNI sa pagbabayad ng mahigit P60 milyon sa BMUI.

Imbestigsyon ng Ombudsman, walang pang resulta

BEN TULFO-3Mahigit isang taon na mula nang simulan ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa atraso ni Ben Tulfo sa DOT ngunit hanggang nga­yon ay hindi pa tapos.

Ayon sa Public Information and Media Relations Bureau (PIMRB) ng Office of the Ombudsman, walang ipinararating sa kanilang tanggapan si Ombudsman Samuel Martires hinggil sa resulta ng imbestigasyon tungkol sa mahigit P60 milyong kinita ni Tulfo sa kontrata ng patalastas sa pagitan ng DOT at PTNI.

Ang sistema ay ipapatawag ng Ombudsman ang PIMRB upang ihanda ang press conference upang ianunsyo ni Martires ang resulta, sapagkat sikat at kontrobersyal na broadcaster si Tulfo.

Ngunit, walang inuutos sa kanila si Martires.

Ayon pa rin sa PIMRB, wala pa silang nalalaman at nararanasang natatapos ng isang taon ang mga kasong iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.

Palaging umaabot sa dalawang taon o higit pa, lalo na kung maraming taong sangkot sa kaso, patuloy ng taga-PIMRB.

Palusot ng DOT, ‘di tapos na imbestigasyon ng Ombudsman

Sa totoo lang, ang hindi pa tapos na imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kaso nina Tulfo at ng kanyang kapatid na si dating DOT Sec. Wanda Corazon Tulfo – Teo ang siyang itinurong dahilan ng Legal Affairs and Special Concerns Division ng DOT kung bakit hindi pa nag-uutos si Secretary Bernadette Fatima Romulo – Puyat na isauli ni Tulfo ang mahigit P60 mil­yong kinita nito sa kontrata ng patalastas sa pagitan ng DOT at PTNI.

Dahil dito, hindi makakilos si Romulo-Puyat, sapagkat ayaw niya na maakusahan siyang nagdedesisyon ang DOT sa kaso, samantalang hindi naman ito korte.

Kaya, hinihintay ng DOT ang resulta ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman na inaasahang isang taon pa ang bibilangin bago ito matapos batay sa mga naging karanasan sa mga dating kasong isinampa sa nasabing ahensyang nag-iimbestiga ng mga katiwalian at korapsyon ng mga opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Inaabangan din ni Tulfo at ng lahat ng bumubuo ng BMUI ang desisyon ng Office of the Ombudsman.

Pagkalipas ng isang taon, DOJ pinakikilos na ni Duterte

DOJ Secretary Menardo GuevarraNang masangkot na naman ang isa pang Tulfo sa kontrobersya laban sa isang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, biglang isinapubliko ng tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo na iniutos na ni Duterte sa Department of Justice (DOJ) na habulin ang mahigit P60 milyon kay Ben Tulfo.

Agad tinanong ng mga mamamahayag si DOJ Secretary Menardo Guevarra tungkol sa pahayag ni Panelo kung saan ang naging sagot ni Guevarra ay wala siyang natatanggap na opisyal na dokumento hinggil sa inanunsyo ni Panelo.

Ngunit, tiniyak ni Guevarra na gagawin nito ang trabaho kapag natanggap niya ang opisyal na dokumentong nagsasaad ng direktiba ni Duterte sa DOJ na habulin at bawiin ang mahigit P60 mil­yon kay Ben.

Nabatid ng manunulat na ito mula sa ilang kaibigang nakakakilala kay Guevarra na ang kalihim ay “legalistic.”

Hindi siya nagpapasya at kumikilos nang walang ligal na batayan bilang tuntungan ng kanyang desisyon at ikikilos sa isang kaso.

Please follow and like us:
Read More

WALANG KASONG KORAPSYON LABAN SA MGA TULFO

(Ni NELSON S. BADILLA /Ikalawang bahagi)

MISTULANG kumukulong tubig ang init ng isyu tungkol sa mahigit P60 milyong kinita ng Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) mula sa kontrata hinggil sa serye ng patalastas ng Department of Tourism (DOT) sa programang Kilos Pronto ng BMUI sa People’s Television Network Inc. (PTNI).

Maging ilang journalist ay binabatikos hindi lamang si Ben kundi ang mga magkakapatid na Tulfo (Ramon, Raffy at Erwin) dahil sa anomalyang bitbit ng P60 milyong kita ng BMUI.

Marahil, ang dahilan ay masyadong kontrobersiyal ang tindi ng tapang ng pambabatikos ng mga magkakapatid na Tulfo  laban sa mga tiwali at korap na mga opisyal ng pamahalaan, tapos kumita ng mahigit P60 milyon si Ben Tulfo habang ang kapatid niyang si Wanda Corazon Tulfo – Teo ang siyang kalihim ng DOT.

Paniwala ng mga journalist, napakalinaw ng anomalya.

DOJ, WALANG KASONG KORAPSYON LABAN SA MGA TULFO

Walang dokumento o anomang papel na magpapatunay na kumilos at nagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang Department of Justice (DOJ) laban kina Ben at Tulfo – Teo matapos maglabas ng “Notice of Disallowance” ang Commission on Audit (COA) noong Hunyo 5 ng nakalipas na taon.

Wala ring nakuhang impormasyon ang manunulat na ito na nag-utos si Justice Secretary Menardo Guevarra na “opisyal” niyang inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kontro­bersyal na mahigit P60 milyong kita ni Ben mula sa P120 milyong kontrata ng patalastas sa pagitan ng DOT at PTNI.

Batay sa Notice of Disallowance ng COA, nadiskubre ng state auditors na maano­malya ang transaksyon ng PTNI at BMUI, sapagkat wala itong mga kaukulang dokumento sa pagkakaroon ng kontrata ng patalastas.

Ayon sa COA, walang naipakitang Memorandum of Agreement (MOA) o Certificate of Performance (COP) ang PTNI sa pagbabayad ng mahigit P60 milyon sa BMUI.

Ito ang malakas at matibay na batayan ng COA, kaya naglabas ito ng Notice of Disallowance sa DOT tungkol sa transaksyon.

“Due to the absence of the documents mentioned and the deficiencies noted, the accuracy, legality and validity of the payments made to Blocktimer BMUI in the amount of P60,009,560.00 could not be ascertained,” banggit ng COA.

Mismong mga tao sa accounting department ng PTNI ang umamin sa COA na walang MOA o COP ang sinasabing kontrata sa pagitan ng PTNI at BMUI.

Sa rekord ng PTNI, tatlong tseke ang inilabas nito para sa BMUI noong 2017 na ang kabuuang halaga ay P60,009,560.

Ang unang tseke ay P22,089,560 ang kabuuang halaga na inilabas noong Mayo 11, 2017 na may disbursement voucher number 17050779.

Ang ikalawang tseke na inilibas noong Nobyembre 8,2017 ay naglalaman ng P18,960,000 na mayroong disbursement voucher number 17102125.

Noong Disyembre 15 ng parehong taon inilabas ang tsekeng P18.96 milyon ang nakasulat na halaga na mayroong disbursement voucher number 17122485.

Idiniin ng COA maano­malya ang pagbibigay ng P60 milyon kay Tulfo, sapagkat labag ito sa Presidential Decree No. 1455, serye 1978 (Government Auditing Code) at ng COA Circular No. 2012-001.

Nakasaad sa mga ito ang mga rekisito at kailangang dokumento kapag naglalabas ng pera  sa ibang kumpanya ang kompanyang pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno.

IMBESTIGASYON NG SENADO, WALANG SAYSAY

Hindi kinilala at sinunod ng DOJ ang resulta ng imbestigasyon ng Senado.

Matapos ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committe, sabi sa mga mamahayag ng pinuno nito na si Senador Richard Gordon, “definitely, very patent ‘yung conflict of interest.”

Inulit at idiniin ni Gordon sa media na “there is a clear conflict of interest.”

Ipinunto rin ng mambabatas na tama ang posisyon ng COA laban sa kontratang pinasok ng DOT sa PTNI na mayroong paglabag sa Auditing Code at resolusyon mismo ng COA.

Kaya, tiniyak ni Gordon na irerekomenda niya ang pagsasampa ng kasong graft and corruption laban kina Ben Tulfo at Tulfo – Teo dahil sa conflict of interest.

Ngunit, hanggang ngayon ay hindi kumilos ang DOJ alinsunod sa natumbok ng Senate Blue Ribbon Committee na posibleng paglabag sa ilang batas ng bansa.

Hindi rin naghain ng kasong plunder si Senador Antonio Trillanes IV laban kina Ben at Tulfo – Teo sa Office of the Ombudsman, taliwas sa inaasahan.

Matatandaan na walang tigil na idinidiin ni Trillanes sa live telecast na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa magkapatid na Tulfo ang konsepto ng plunder o pandarambong.

Sabi pa ni Trillanes noon na pasok sa kasong plunder ang kontrata ng DOT sa PTNI kung saan komite ng milyun-milyon si Ben Tulfo, sapagkat lampas sa P50 milyon ang sangkot na pera.

Batay sa batas, korapsyon ang kaso kapag mababa sa P50 milyon ang sangkot na halaga ng perang kinulimbat.

Ngunit, nabatid ng manunulat na ito na nanahimik si Trillanes sa isyu pagkatapos ng imbestigasyon sa Senado.

Sa madaling salita, walang isinampang kasong graft and corruption sa Office of the Ombudsman laban sa magkapatid na Ben Tulfo at Wanda Corazon Tulfo – Teo o sinuman sa mga opisyal at kawani ng DOT at PTNI na sangkot sa kontrobersyal na P120 milyong kontrata ng patalatas sa pagitan ng DOT at PTNI na patungkol sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.  (Itutuloy)

Please follow and like us:
Read More