JEEP VS TRAK: 2 PATAY, 14 SUGATAN

(NI FRED SALCEDO)

Dead on the spot ang dalawang pasahero ng jeep habang sugatan naman ang 14 na pasahero nang  salpukin ng rumaragasang cargo truck ang pampasaherong jeep, Miyerkoles ng madalingg  araw sa Mindanao Ave., Quezon City.

Ayon kay Police Staff Sgt. Andy Sotto ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, nangyari ang aksidente sa kasagsagan ng maulang panahon galing Sangandaan ang jeep na pa-U-turn sana sa St. James Mindanao Ave.

Namatay agad ang isang lalaking pasahero na kinilalang si Jay Rufino Pamplina, service crew at Mark Angelo Bernardo, na hindi rin nakaligtas habang ginagamot sa ospital

Kinilala ang driver ng jeep (NYD 783)na si Lewelyn Jaud na inararo ng rumaragasang cargo truck na  may plakang WLF 513 na minamaneho naman ni Herjun Panero na patungo sa Valenzuela.

Sa lakas ng pagkakabangga, humampas pa sa poste ang jeep dahilan kaya’t tumilapon ang mga pasahero ng jeep. Nayupi rin ang likurang bahagi nito habang basag ang windshield ng trak. Nagkalat naman sa kalsada ang mga gamit ng mga pasahero.

Samantala nagtamo rin ng sugat sa ulo si Jaud habang naipit naman sa trak si Panero.

Ayon kay Mark Gatchalian, pahinante ng trak, gagarahe na sana sila sa Valenzuela City matapos mag-deliver ng sabon sa Las Piñas City.

Giit pa niya, hindi inaantok si Panero at mabagal din umano ang kanilang takbo. Hindi lang daw nila napansin ang jeep at sinubukan pa nilang mag-preno pero sumalpok na ito.

Kasalukuyan pang inoobserbahan ang mga pasaherong isinugod sa ospital habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

 

Please follow and like us:
Read More

TRUCK NAGLIYAB SA MAHARLIKA HIGHWAY

(NI JUN V. TRINIDAD)

QUEZON – Isang cargo truck ang biglang nagliyab habang binabagtas ang Maharlika Highway sakop ng bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Sabado.

Sa report ng pulisya, ang Fuso wing van truck na minamaneho ni Jimmy Madaraso ay biglang nag-usok kasabay sa pag-apoy sa unahang parte ng sasakyan habang lumulusong sa isang bahagi ng highway sakop ng Barangay Sta. Catalina, dakong alas-3:00 ng hapon.

Mabilis namang nakadalo ang mga lokal na bumbero at naapula ang apoy sa nasabing sasakyan pagkalipas ng isang oras at kalahati. Hindi naman nasugatan ang tsuper at pahinante ng truck.

Napinsala ang kargamentong mga sako ng carbon ng sasakyan

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, faulty electrical wiring sa parteng unahan ng truck ang sanhi ng sunog.

Ang sunog sa sasakyan ay nagresulta sa pagkabalam sa biyahe ng maraming motorista na papuntang Maynila at Bikol.

 

Please follow and like us:
Read More

ROOKIE COP PUMAILALIM SA TRAK, PATAY

accident12

(NI ROSE PULGAR)

BINAWIAN ng buhay  ang isang pulis na nakatalaga sa Makati City Police Station nang magulungan ng isang rumaragasang  trak na nakabundol sa kanya, Miyerkoles ng umaga sa lungsod.

Kinilala ang nasawi na si  Patrolman Francis Ecalner, 25, at nakatalaga sa Makati City Police Community Precinct (PCP) 4.

Si Ecalner ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinasawi nito.

Agad naman sumuko sa mga awtoridad ang tsuper ng cargo truck na si John Paul Lansang, 24.

Sa isinumiteng report  ni Police Col. Rogelio Simon hepe ng Makati City Police, dakong alas-7:58 ng umaga nang maganap ang insidente sa Northbound lane ng Osmeña Highway, sa Barangay Magallanes, ng naturang lungsod.

Binabagtas ng biktima ang naturang highway sakay ng kanyang motorsiklo para pumasok sa kanyang duty nang biglang masagi ng trak.

Pumailalim ang biktima at nagulungan siya ng trak dahilan ng kanyang pagkasawi.

Ayon kay Duty Desk PMSgt. Aries Alcantara, tinawagan niya ang mobile number ni Ecalner dahil sa hindi pa dumadating sa trabaho ngunit ang tauhan ng  Skyway ang sumagot na nagsabing naaksidente ito at isinugod sa Taguig-Pateros Hospital.

Nagpadala sila ng tauhan sa naturang pagamutan at nakumpirma ang pagpanaw ng kanilang kabaro na dead-on-arrival sa nasabing  pagamutan.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang tsuper sa Makati City Prosecutor’s Office.

Please follow and like us:
Read More

TRUCK NAHULOG SA BANGIN, DALAGITA PATAY  

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI inakala ng isang dalagita na nakisakay lamang sa dump truck ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan na ikinasugat ng driver at pahinante nang sumalpok sa poste ang trak at nahulog sa bangin, sa Baguio City.

Wala nang buhay nang makuha sa bangin ang 16-anyos na dalagita, residente ng Mankayan, Benguet.

Ginagamot naman sa ospital ang 55-anyos na drayber na residente ng Isabela at 43- anyos na pahinante nito mula sa Tublay, Benguet.

Sa pagsisiyasat ng Tuba Police, may iniwasang kasalubong na sasakyan ang drayber ng dump truck kaya bumangga ito sa poste at saka tumama sa concrete barrier sa Kennon Road Camp 2, Tuba, Benguet.

Dahil dito, tumilapon ang dalagita at nahulog sa bangin na tinatayang nasa 100 talampakan ang  lalim.

Nabatid na nakisakay lang umano sa dump truck ang biktima na papunta sa Barangay Camp 1.

Dinala naman sa kustodiya ng Tuba Police ang drayber at patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Posible rin maharap ito sa kasong  reckless imprudence resulting to homicide.

Please follow and like us:
Read More

 MOTORSIKLO UMILALIM; TEACHER PISAK SA TRUCK

accidentsign1

(NI NILO DEL CARMEN)

MALAGIM na kamatayan ang sinapit ng isang babaeng guro matapos na ito ay magulungan ng cargo truck habang nagmomotorsiklo sa highway sa Pagsanjan, Laguna, Martes ng tanghali.

Agad nasawi ang biktimang si Richella Mapalo na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at  katawan.

Batay sa report ng Pagsanjan police, galing sa eskwelahan ang biktima at tinatahak ng motorsiklo na minamaneho nito ang kahabaan ng national highway mula sa Pagsanjan patungo sa direksyon ng bayan ng Sta Cruz,  nang bumaligtad ito sa kalsada at tumilapon sa gitnang bahagi ng daan.

Hindi na ito naiwasan ang kasunod na cargo truck na minamaneho ni Romeo Arbues Pareja at direktang nagulungan ang katawan.

Ayon sa mga nakasaksi, sumabit ang motorsiklo sa hulihang bahagi ng nilagpasan nito na isang kotse na nakahinto sa kanang bahagi ng highway kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng kotse na si Marx Louise Dandee Cabantog at ang driver ng truck na pag-aari ng Ray of Gold Trading sa Taguig City.

 

Please follow and like us:
Read More

MAGKAPATID NASAGI NG TRAK; 1 PATAY

accident12

(NI ANNIE PINEDA)

PATAY ang isang totoy habang kritikal ang kanyang kuya makaraan masagi ng rumaragasang trak ang kanilang motorsiklo na nakahinto sa gilid ng kalsada, iniulat kaninang umaga sa Iloilo City.

Agad na nasawi ang 11-anyos na binatilyo habang ginagamot sa ospital ang kuya nitong si Nikko Doronio, 19-anyos at kapwa residente ng Barangay Sulangan, Dumangas , Iloilo City.

Arestado naman ang suspek na kinilalang si Elmer Viejo, 30, at residente ng Pasil, New Lucena.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas 9:30 ng gabi (Hulyo 27) nang maganap ang insidente sa gilid ng kalsada sa nasabing barangay.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Dumangas Municipal Police Station, nakahinto ang motorsiklo ng magkapatid na Doronio sa gilid ng kalsada nang bigla silang mahagip ng humaharurot ng 10-wheeler trak na minamaneho ni Viejo.

Sa lakas ng pagkakasagi, nagtamo ng matinding pinsala ang batang Doronio na agad nitong ikinamatay habang dinala naman sa ospital si Nikko.

Tumakas ang suspek dahilan para habulin ito ng barangay at nakuha ang plaka ng truck nito.

Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at makalipas ang ilang oras, nadakip ang suspek sa Dumangas Port habang patakas patungong Bacolod.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injuries si Viejo.

 

Please follow and like us:
Read More

TRUCK BUMULUSOK SA KURBADA,  2 NADALE

accident121

(NI NILOU DEL CARMEN)

PATAY ang truck driver habang kritikal ang pahinante matapos na ang sinasakyan nilang truck ay bumangga sa  mga railings ng binabagtas na pababang kalsada sa Ibaan, Batangas, Biyernes ng umaga.

Kinilala ng Ibaan police ang nasawing driver na si Jojit Villanueva,42, ng Caloocan City,  samantalang ang nasugatang pahinante ay si Florido Ortillo Jr.,41, ng Tondo, Manila.

Batay sa report ng Ibaan police, patungo sa Barangay Libjo,  Batangas City ang Fuso dropside truck ng mga ito na kargado ng mga bakal na tubo nang bumulusok ang truck sa mahabang palusong at kurbadang bahagi ng daan sakop ng Barangay Balanga,  Ibaan.

Dahil sa bigat ng karga, hindi na kinaya ng preno ng truck at hindi na rin nakaliko sa matalim na kurbada ang sasakyan at todo-lakas na sumalpok ito sa railings na humaharang at nagpoprotekta sa mga sasakyan patungo sa malalim na ilog.

Nasawi ang driver bago pa man maisugod sa ospital dahil natagalan ito bago nahugot sa nawasak na unahan ng truck.

Batay sa impormasyon,  hindi umano kabisado ng driver ang delikadong kalsada na siyang shortcut na daan mula sa bayan ng Ibaan patungo sa Batangas City-Lobo highway.

Gumamit lamang umano ang driver ng navigational apps kaya napalihis ito sa main highway na mas malayo pero ligtas na daanan ng mga kargadong sasakyan.

Noong buwan lamang ng Abril,  lima naman ang nasawi matapos maaksidente ang isang arkiladong jeep na patungo sa isang resort sa bayan ng Lobo mula sa Laguna sa parehong lugar kung saan sumalpok ang naturang truck.

Please follow and like us:
Read More

DALAGA NADAGANAN NG JEEP

(NI LILY REYES/PHOTO BY ED CASTRO)

MALUPIT na kamatayan ang sinapit ng isang empleyada makaraang madaganan ng tumagilid na pampasaherong jeep habang  sugatan ang pitong pasahero, Sabado ng umaga kahapon sa Quezon City.

Kinilala ni PMajor Aldrin M. Enrico, hepe ng QCDTEU – Traffic Sector 4 ang biktima na si  Jocelyn Flores, 35, dalaga, empleyada at nakatira sa Phase 1, Blk. 1, Lot 11, Makaturing St., Brgy. Manresa, Quezon City.

Si Flores ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Capitol Medical Center dahil sa tinamong matinding pagkalasog ng likod nang madaganan ng pampasaherong jeep.

Ang mga sugatang pasahero ng Izuzu Jitney na my plakang PAB- 388 na sina Amit Albent, Catherine Romeo, Jonatahn Baliane, Rosemarie Orgona, Aheryn Tupaz, Jaz Bagumbayan at Dave Cordero.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting  to homicide, multiple injuries at damage to properties ang nakapiit sa Traffic  Sector 4 na si Angel Fabrero, 53, driver ng jeep (PAB–388) at Alfred Gallosa, 41, driver ng truck na may plakang CAE – 1961.

Base sa report ni Patrolman John Dave Mallilin, may hawak ng kaso, naganap ang aksidente sa kahabaan ng Timog Ave. bandang alas 7:40, ng Sabado. Binabaybay  umano ng pampasaherong jeep ang Timog Ave.  na minamaneho ni Fabrero patungo sa Scout Tuazon St., nang bigla  na lamang itong  sinalpok  ng sumunod na truck na minamaneho ni Gallosa.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng truck sa likurang bahagi ng PUJ  ay tumagilid ito.

Please follow and like us:
Read More

8 SASAKYAN INARARO NG TRUCK; 13 SUGATAN

(NI NILOU DEL CARMEN)

LABINGTATLO ang sugatan matapos araruhin ng isang truck ang walong sasakyan sa national highway, Barangay Marawoy, Lipa City Lunes ng hapon.

Batay sa report ng Lipa City police, nawalan ng preno ang six wheeler truck na minamaneho ni Patrick Perillo at sinagasa ang dalawang pampasaherong jeep, isang kotse at limang tricycle, alas 2:30 ng hapon.

Ayon sa mga imbestigador, unang nabangga ng truck ang nakaparadang kotse sa gilid ng highway at kasunod na nasapol ang dalawang namamasaherong jeep na kapwa nasa unahan.

Dumiretso pa ang truck sa shoulder at natumbok naman ang limang nakapilang tricycle sa isang terminal.

Sa lakas ng pagkabangga tumagilid pa ang isang jeep na sinasakyan ng 13 nasaktan kabilang ang nagmamaneho na si Dennis Mantuano.

Isinugod ang mga nasaktan sa Metro Lipa Medical Center samantalang naaresto naman ng mga pulis ang nagmamaneho ng truck.

Please follow and like us:
Read More

TRUCK TUMAGILID; 2 PATAY, 28 SUGATAN

north cotabato 12

(NI NICK ECHEVARRIA)

PATAY ang dalawang sakay habang 28 iba pang mga kasamahan nito ang sugatan matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng sinasakyan nilang Isuzu Elf cargo truck na nauwi sa isang aksidente sa  North Cotabato, Lunes ng hapon.

Nakilala ang dalawang nasawing sina Akraman Aluyudan, 43, at Huyaan Mamir, 27, kapwa ng Alamada sa nabanggit na lalawigan.

Sa paunang imbestigasyon ni P/Capt.  Pangandigan, acting police chief ng Pikit Municipal Police Station (MPS), patungo sa kabayanan  ang mga biktima sakay ng nasabing truck na minamaneho ni Esmail Manisin Tambag, 43, ng Banisilan,North Cotabato nang mangyari ang insidente.

Dumausdos umano nang patagilid ang truck nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber sa pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Nalapaan, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang biktima ang pagkakasugat ng 28 iba pa.

Ayon sa mga nakasaksi, mabilis umano ang takbo ng naaksidenteng truck lulan ang mga sakay nito habang binabaybay ang naturang lugar bago naganap ang insidente.

Isinugod naman sa Aleosan District Hospital ang biktima na halos pawang magkakamag-anak samantalang mga malubhang nasugatan naman ay dinala sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City.

Please follow and like us:
Read More

2 PATAY, 11 SUGATAN SA NAHULOG NA TRAK SA BANGIN

accidentsign1

(NI JESSE KABEL)

PATAY ang dalawa katao habang 11 iba pa ang malubhang nasugatan nang mahulog ang isang dump truck sa bangin sa Paracelis, Mt. Province, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Police Staff Sgt. Glen Edchamag  Paracelis Municipal Police Station , may hawak ng kaso, kabilang sa nasawi ang pitong taong gulang  na si Lorea Balkanao at Lolita Bakilan.

Kasalukuyang nilalapatan pa ng lunas ang 11 iba pa na napag alamang pawang nakisakay lamang sa cargo truck.

Sinasabing nawalan ng kontrol ang  driver sa minamanehong truck hanggang sa umatras ito at nagtuluy-tuloy na bumulusok sa may 30 metrong lalim na bangin.

Nabatid na mula sa Tabuk City, Kalinga, ang truck na kumuha ng mga semento at buhangin ay papunta sa Barangay Bunot , Paracelis.

Napag-alamang nakisakay lamang ang mga biktima na nagkataong papunta rin sa Paracelis.

Lumitaw sa pagsisiyasat sa driver ng dump truck na bago pa siya bumiyahe ay naramdaman na niyang parang may problema ang kanyang truck subalit itinuloy pa rin niya ang biyahe hanggang sa bigla itong nawalan ng kontrol sa manibela.

 

Please follow and like us:
Read More

3 TODAS SA SALPUKAN NG AMBULANSIYA, TRUCK

accident121

(NI GUILLERMO OCTAVIO)

TODAS ang tatlong lulan ng ambulansiya ng Valenzuela City, kabilang ang itinatakbo sa pagamutan sa Ilocos para maoperahan, habang tatlo rin ang sugatan, nang sumalpok ang ambulansya sa isang truck sa highway na sakop ng Barangay Ili Norte, San Juan, La Union.

Hindi na umabot na maoperahan si Jessie Acorda, 49,  ng Valenzuela City at kasama niyang namatay sina Cecilia Hufano, 54, ng Veinte Reales,Valenzuela City; at Samuel Hufano, 59, ng Barangay Pao, San Fernando City, La Union.

Idineklarang dead-on-arrival sina Acorda at Cecilia Hufano sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC), habang si Samuel Hufano  ay nalagutan ng hininga habang isinusugod sa Bacnotan District Hospital.

Sugatan naman ang driver ng ambulansiya na si Paulino Delos Santos, 62, Sta. Lucia Village, Valenzuela City; Descyrie Javier Hufano, 15, ng Veinte Reales, Valenzuela; at hindi pa kilalang babae.

Sa ITRMC din itinakbo sina Delos Santos and Descyrie para magamot habang ang hindi kilalang babae na natagpuang walang malay ay dinala sa Loma Medical Center.

Samantala, nasa kustodiya na  ng pulisya ang driver ng truck na si Sebastian Torretio, 50, ng San Jose, Urdaneta City, Pangasinan.

Lumitaw sa imbestigasyon na nasa magkasalubong na direksyon ang truck at ang ambulansiya nang umano ay sakupin ng ambulansya ang kabilang linya kaya’t nakasalpukan ang dalawang sasakyan.

 

Please follow and like us:
Read More

CHECKPOINT INARARO NG TRUCK; 1 PATAY, 20 SUGATAN

accident12

(NI JG TUMBADO)

ISA ang patay habang 20 ang sugatan nang araruhin ng isang ten wheeler truck ang checkpoint at kumarambola sa iba pang sasakyan sa Carmona, Cavite.

Binawian na ng buhay ang isa sa dalawa katao na malubha ang kondisyon matapos ang aksidente sa Carmona Cavite.

Nakilala ang babaeng namatay na si Jennifer Castillon, 30, ng Barangay Milagrosa, Carmona, Cavite, ayon kay Police senior Master Sergeant Wilbert Dagami, ng Carmona Municipal Police.

Hindi na ito umabot nang buhay sa Perpetual Biñan Hospital ngunit  hindi na nito kinaya ang tindi ng tinamong pinsala sa kanyang katawan at tuluyang nasawi.

Dagdag pa ni Dagami, hinihintay pa ang pamilya ng isa pang kritikal na si Dennis Danglo para mailipat na sa mas malaking ospital habang patuloy pa ding nagpapagaling ang iba pang mga nasugatan.

Batay sa impormasyon mula kay Police Major Rommel Carcellar, hepe ng Carmona Police, aabot sa pitong sasakyan ang sangkot sa karambola.

Lumalabas na isang six-wheeler truck ang umararo sa iba pang mga sasakyan na nadaanan nito matapos mawalan umano ng preno.

Nangyari ang aksidente sa isang checkpoint sa tapat ng Police Community Precinct sa Carmona. Nadamay din sa insidente ang police mobile ng Carmona Police.

Naisugod na sa ospital ang mga biktima habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng aksidente.

Please follow and like us:
Read More

TRAK BUMANGGA SA SHOP; 2 TODAS

trak12

(NI JUN V. TRINIDAD)

CALAUAG, Quezon – Dalawa katao ang namatay at tatlo ang sugatan matapos sumalpok ang isang trak sa vulcanizing shop sa Maharlika Highway sa bayang ito, araw ng Huwebes.

Sa report ng pulisya, tinatahak ng Mitsubishi Canter dropside truck na minamaneho ni Jojo Madrid ang kahabaaan ng highway nang biglang sumabog ang isang gulong nito sa unahan pagsapit sa Barangay Barangay Bagong Silang bandang alas-4:30 ng umaga.

Sa kawalan ng kotrol sa sasakyan ay bumangga ito sa kasalubong na cargo truck na minamaneho naman ni Willam Villegas.

Matapos siyang banggain ay nawalan din ng kontrol si Villegas sa kanyang sasakyan hanggang sa bumangga ito sa isang vulcanizing shop na nasa kaliwang bahagi ng highway.

Agad na namatay si Evelyn Lerum, 47, pagkatapos siyang biglang salpukin ng trak sa loob ng nasabing shop.

Isinugod sa Saint Peter General Hospital sa kabayanan ang dalawang sugatang tsuper ng nagbanggaang trak gayundin ang dalawa pang nasa loob ng vulcanizing shop na sina Jose Eugene Lerum, 53, at Prince Alfred Lerum, 3, na parehong nagtamo ng grabeng pinsala sa ibat ibang bahagi ng katawan

Ngunit namatay din si Jose habang ginagamot sa nasabing ospital.

Please follow and like us:
Read More

DRIVER SINUWAG NG SARILING TRAK

crime

(NI NILOU DEL CARMEN)

NASAWI ang isang driver matapos maipit ng kanyang truck sa Barangay Poblacion, San Juan, Batangas, nitong Huwebes.

Kinilala ang nasawi na si Raymund Añora, 36, residente ng Barangay Concepcion, Batangas City.

Batay sa report ng San Juan police, nakatayo ang biktima sa unahan ng kanyang nakahintong truck na nakaparada sa paibabang bahagi ng kalsada.

Bigla na lamang umanong umarangkada ang kargadong trak at nasalpok ang biktima hanggang sa maipit ito sa kongkretong pader.

Agad isinugod ang biktima sa San Juan Doctor’s Hospital matapos  maialis sa pagkakaipit subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Please follow and like us:
Read More

HIGIT 30 KATAO SUGATAN SA SALPUKAN NG BUS, TRUCK SA MAYNILA

bus12

(PHOTO BY JHAY JALBUNA)

MAHIGIT sa 30 pasahero ang sugatan nang  magsalpukan ang isang pampasaherong bus at trailer truck sa kanto ng San Marcelino at Remedios St., Maynila, Martes ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang pampasaherong bus na may plakang CDK 3992

ay galing ng Lawton at patungong Tagaytay nang magsalpukan.

Sa tindi ng salpukan ay tumagilid ang bus na naging sanhi ng pagkasakitan ng mga sakay na pasahero.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Please follow and like us:
Read More

2 BABAE NATUMBOK NG TRUCK, PISAK; SASAKLOLONG LALAKI NIRATRAT

DUMP TRUCK -BLOODY

MALAGIM ang kamatayan ng dalawang babae matapos masagasaan ng dump truck na ikinalasog ng kanilang katawan sa probinsya ng Maguindanao.

Ngunit hindi pa roon natapos ang trahedya dahil maging ang lalaking magmamagandang-loob sana na tumulong sa kanila ay pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang babaeng biktima habang nakilala lamang sa pangalang Efren ang nasawing lalaki na residente ng Brgy. Poblacion, Buluan.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente sa Pandag, Maguindanao.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang mga biktima nang araruhin ng dump truck at nagulungan pa kaya nagkalasog-lasog ang kanilang mga katawan na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Nakita umano ni Efren ang pangyayari kaya tinangka nitong tulungan ang dalawang babae subalit bigla na lamang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki at pinagbabaril ito ng backrider

Nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng pulisya kung may kaugnayan ang pagbangga sa dalawang babae at ang pamamaril sa lalaki.

Tinutugis na rin ng pulisya ang driver ng dump truck para papanagutin sa krimen.

Please follow and like us:
Read More