TRADE RUMORS NAGING INSPIRASYON NI MANUEL

SA halip masira ang diskarte dahil sa trade rumors, ginalingan pang lalo ni Vic Manuel ang laro para tulungan ang Alaska Aces na manatiling buhay ang pag-asa sa playoffs berth ng PBA Governors Cup at tanghaling PBA Press Corps-Cignal Player of the Week.

Tinalo ng 32-anyos na si Manuel sa nasabing weekly honors ang kanyang rookie teammate na si Abu Tratter at pitong iba pang players kabilang sina Kiefer Ravena, Jericho Cruz, at Poy Erram ng NLEX, rookie Bong Quinto, Chris Newsome, at Raymund Almazan ng Meralco, at veteran Barangay Ginebra guard LA Tenorio.

Kumamada si Manuel ng 23 points at 10 rebounds sa huling panalo ng Alaska kontra NorthPort Batang Pier, 106-99, noong Linggo para pagandahin ang record ng Aces sa 3-6 panalo-talo.

Nauna rito kumalat ang balitang ite-trade din si Manuel sa ibang team gaya ni Chris Banchero.

“Last week, kinausap na kami ng management. Yun nga, mukhang papunta na kami sa Phoenix ni Chris. Tapos biglang nabago, hindi natuloy,” ani Manuel.

“Si Chris nakausap ko na rin at sabi nga niya, dun na kami at mukhang reunion kami with Calvin (Abueva) and coach Louie (Alas),” dagdag niya.

Ngunit sa halip sa Phoenix, na-trade si Banchero sa Magnolia kapalit nina Rodney Brondial at Robbie Herndon.

Tinext naman ni Manuel ang kanyang coach na si Jeffrey Cariaso upang linawin kung mate-trade din siya? At nagulat umano siya sa isinagot nito sa kanya.

Sa pahayag ni Manuel na lumabas sa spin.ph, tiniyak umano sa kanya ni Cariaso na hindi siya mate-trade.

“Na-touch ako tapos sabi ko nga, stay na ko. Saka nagustuhan ko rin kako yung mga bagong players ng team. Kaya stay na ko,” paniniguro ni Manuel.

Please follow and like us:
Read More