HINDI LANG TULONG NA LIGAL SA MGA OFW

TINIG NG MANGGAGAWA final

NAPAKAGANDANG balita ang planong pagtatalaga ng karagdagang social welfare attaches (SWAs) sa lahat ng embahada ng Pilipinas.

Ayon sa isang senador, nasa mga kamay na ni Pangulong Duterte ang bola dahil pirma na lang niya ang kailangan at makapagtatalaga na ng karagdagang SWAs sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang mga SWA umano ang titiyak sa kaligtasan at mangangalaga sa karapatan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Uunahin dito ang mga bansang maraming manggagawang Pilipino.

Saludo ang Tinig ng Manggagawa sa panukalang ito at sana nga ay agad itong maipatupad upang mabigyang-atensyon naman ang pangangailangan ng ating mga kababayan na nagsasakripisyo sa ibang bansa para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Pero sana ay hindi gamitin ang proyektong ito ngayong panahon ng kampanya. Baka kasi ibinibida ang bagay na ito ngayon para makadagdag sa boto ng mga kandidato ng kasalukuyang administrasyon.

Kailangan natin ay sinserong programa para sa mga kababayan natin sa sandaling makaranas sila ng krisis at iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa ibang bansa.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2017, nasa 2.34 milyong Pinoy ang umalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa. Ang 20.7 porsyento o 484,000 sa mga ito ay mula sa Region 4A (Calabarzon). Sinasabing may kabuuang 10 milyong Pilipino ang naninirahan at nagtratrabaho ngayon sa ibayong dagat.

Malaking bilang ‘yan ng mga botante!

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang maraming manggagawang Pinoy sa mga bansang Malaysia, Kuwait, Qatar, Hong Kong, Dubai, Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia. Pero iilan ang mga SWA na nakatalaga sa mga lugar na iyan.

Kaya naman may mga kababayan tayo na hirap matugunan ang kanilang problema kahit pa may magagaling na abogado naman sa mga embahada.

Hindi lang kasi legal na aspeto ang kinakailangan ng isang OFW na nahaharap sa krisis o dumaranas ng kalbaryo sa kamay ng kanyang amo, dapat mayroon ding ayudang ‘psychosocial’ o ang pinagsamang psychological at social behavior.

Panahon ngayon ng kampanya kaya kaliwa’t kanan ang ‘papogi’ ng mga kandidato, nawa’y totohanan ang pagsasabatas ng programang ito na makatutulong nang malaki sa mga itinuturing nating ‘Makabagong Bayani.’ (TINIG NG MANGGAGAWA / Dong Valeza)

Please follow and like us:
Read More

MAG-INGAT SA SINDIKATO SA EXPRESS ONLINE BANKING

TINIG NG MANGGAGAWA final

HABANG paunlad nang paunlad ang teknolohiya sa mundo, nagli-level-up din ang modus ng mga sindikato na ang layunin ay makapanloko at makapangulimbat ng malaking halaga ng pera.

Gamit ang modernong teknolohiya tulad ng CELLPHONE, COMPUTER at INTERNET, naisasakatuparan ang modus lalo na sa mga potential victim na mayroon ding paghahangad ng madaliang pagkita o kung tawagin sila ay “willing victims”.

Samantalang ang iba naman ay nabibiktima ng panloloko ng sindikato dahil sa kakulangan ng kaalaman sa proseso ng sinasabi nating “modernong teknolohiya” sa pamamagitan ng ONLINE BANKING TRANSACTION.

Nakapagtataka nga lamang, tila isang pattern ang nangyayari at isang bangko lamang ang napag-didiskitahan ng modus na ito. (Kung mayroon man sa ibang bangko, hindi pa ito nakarating sa ating kaalaman).

Isang karanasan ang ibinahagi ng ating kaibigan at dating kasamahan sa industriya na si JEPOY PANLILIO. Personal n’ya itong na-encounter matapos makatanggap ng mensahe mula sa Electronic Mail (E-mail) na nagmula umano sa Bank of Philippine Islands (BPI).

Ayon kay Mr. Panlilio, may na-receive siyang dalawang e-mail. ‘Yung una, March 15, 2019, na sinasabing may gumamit ng kanyang bank account online.  Ang transaksyon ay nangyari raw sa Singapore kung saan nag-purchase daw s’ya ng iphone 7 online.

“May tono pang pagmamalasakit ang mensahe na kung hindi raw ako ang gumawa ng transaksyon, pwede naman daw i-refund. Nasa unang screenshot, may attachment na word document na refund form kapag inopen yung attached file, jpeg file lamang at sa “screenshot 2”, wala naman ibang detalye kung ano ang gagawin. Seems legit, pero upon checking, hindi nagmula sa legit BPI registered email add ‘yung mail,” ayon sa paglalahad ni Mr. Panlilio.

After 10 days, muling nakatanggap ng e-mail from BPI (kuno) si Mr. Panlilio. Sinasabi sa mensahe na kailangan na raw nilang “I-DEACTIVATE” temporarily ang kanyang account. At para ma-activate muli ito, kailangan daw mag fill-up ng form.

Parang legit pa rin daw kasi ‘yung kulay at email ay parang BPI nga. Subalit kapag sinuri itong mabuti, ‘yung email add n’ya ay hindi galing sa BPI site. Ito ‘yung address, verify@bpiexpressonline.koms sa halip na bpiexpressonline.com.

Idinagdag pa ni Mr. Panlilio, “Though, ‘yung link na binigay n’ya ay legit naman. Pero upon clicking, lilipat siya sa isang page na same ng BPI online login page. Seems legit pa rin. Pero eto na, upon checking ulit, ang site host ay: peralatanresto.com. Boom! Click bait pala.”

Ayon pa sa depositor na si Mr. Panlilio, kapag ni-LOG IN mo ‘yung account mo dito, BINGGO, tiyak HACKED na ang account mo dahil naibigay mo na ang USERNAME at maging ang iyong PASSWORD.

Kung sakaling hindi ito alam ng bibiktimahing depositor at napasunod sa mapanlinlang na proseso ng sindikato, tiyak LIMAS ang inyong pinaghirapan na nakadeposito sa bangko.

Linawin lamang natin, hindi ko direktang dinadawit ang pamunuan ng BPI pero dapat ay mag-imbestiga kayo. Dahil malamang sa totoo, meron kayong malaking tao sa loob na sangkot sa modus na ito.

Alam ng sindikato na kahit saang anggulo, kapag ginamit ang inyong personal na detalye ng iyong pagkatao, KAYO ANG TALO. Bakit ‘ika mo? Palalabasin ng sindikato na kayo mismo ang nakikipagtransaksyon dahil gamit ang iyong pagkatao.

Magsilbing babala ito sa mga DEPOSITOR na naka-enroll online, hindi lamang sa BPI, kundi maging sa ibang bangko. Tiyaking mabuti na naiintindihan ang bawat binibigay na detalye sa alinmang transaksyon ONLINE. Sa isang pagkakamali, tiyak TODAS ang inyong pinaghirapan.

Nagpapasalamat ang kolum na ito kay Mr. Jepoy Panlilio. Dahil sa pagbahagi mo, marami tayong kababayan ang maliliwanagan at posibleng makaiwas sa ganitong uri ng “modus” ng sindikato.

Tandaan! Maging mapagmatyag sa lahat ng oras at pagkakataon.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

BABALA SA MODUS NG “ONLINE CASH LOAN”

TINIG NG MANGGAGAWA final

MAGSILBING babala sana ang isyu ng kolum natin sa mga naglipanang “online” CASH LOAN sa panahon ngayon.

Trending sa kasalukuyan ang ganitong uri ng pagpapahiram ng pera na UMANO’y walang kahirap-hirap, ayon sa kanilang “ads” online. Resulta nito, maraming nagogoyo sa ating mga kababayan na kadalasan nasa huli ang pagsisisi.

Hindi po hangarin ng kolum na ito ang makapanira ng negosyo basta’t lehitimong proseso ang pinaiiral. Nais ding linawin ng kolum na ito na hindi lahat ng ganitong uri ng pagpapautang ay may kaakibat na MODUS o RAKET.

‘Ika nga, “transact at your own risk!” Nasa inyo pa rin ang pagsusuri sa bawat transaksyon na pinapasok n’yo. Kaya nga nagbibigay tayo ng babala o paalaala.

Kapansin-pansin ang pagsusulputan nga­yon itong nauusong sistema ng pagpapautang sa pamamagitan ng internet. Bagama’t iba’t iba ang estilo nila, iba’t iba ang proseso, ngunit halos iisa ang resulta. Pauutangin ka ng CASH ngunit dakong huli malalaman mo na may kaakibat itong interes na walang iniwan sa estilo ng “5-6” o may interes na 20 percent kada utang sa loob ng isang buwan.

Halimbawa, sa isang online company, hihikayatin kang umutang ng P6 na libo na walang interes kuno. Ngunit kakaltasan naman ito ng halagang P500 bilang service fee para sa express approval kuno. Bukod dito, kailangan mabayaran mo ang pinahiram na P6 libo sa loob ng 10 araw, sa isang bigayan.

Kapag hindi mo ito nabayaran sa itinakdang panahon, dito manganganak ang INTERES bilang penalty. Halimbawa, 20 percent ng halagang ni-loan ay para raw sa Loan Extension Fee matapos na ‘di mabayaran sa loob ng 10 araw ang hiniram na P6 na libo.

Aabot naman ng 30% ang penalty ng utang na hindi mababayaran sa loob ng isang buwan at palaki ito nang palaki hangga’t hindi nakukumpleto ang bayad. Resulta, mababaon ka rin sa utang.

Sa ibang punto, panganib din ang kinakaharap ng isang naghahangad mangutang. Ayon kasi sa ilang proseso, kailangang sagutan ang mahahalagang impormas­yon na hihingin “online”. Darating pa raw sa puntong kailangang ipakita mo ang mahahalagang detalye sa isa sa inyong government issued “ID”. Ngunit ang masaklap nito, matapos mong sagutin ang mga tanong, sasabihin ng kompanya na wala raw sapat na pondo. Reject ang inyong application.

Sa madaling kuwento, na-bogus ang naghahangad mangutang. At kapag muli raw bubuksan ang site na humingi ng maraming impormasyon hinggil sa pagkatao ng borrower ay bigla itong magba-block o hindi na mabubuksan.

Ang masaklap pa rin nito, ang mahahalagang detalye ng iyong pagkatao at itinuturing na “confidential” ay ipapasa mo sa mga taong hindi mo kilala. Ang pagbibigay n’yo nito ay delikado. Magiging mapanganib sa parte ninyo kung sakaling gamitin ang mga impormasyong ito sa hindi magandang layunin. Kayo ang talo sa bandang huli.

Panawagan na rin ito sa mga kinauukulan. Aksyunan ang problemang ito, bago pa man makapaminsala nang husto ang lumalalang “MODUS” na ito.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MANIPULASYON NG ISANG DOROBO? (2)

TINIG NG MANGGAGAWA final

SA pagpapatuloy ng kuwento ng a­ting tagasubaybay, nailahad natin ang miserableng buhay ng isa nating kababayan. Bu­nga ito ng PANGGAGANTSO umano ng isang abogado na kanilang pinagkatiwalaan. Abogado na dapat siyang umaalalay sa kanyang kliyente na nasa yugto ng katuliruhan (lucid interval), ngunit s’ya pa ang nagsamantala at nanloko sa kanyang kliyente?

Ang akala ko nga, sa pelikula lang nangyayari ito ngunit ito’y tunay na nangyari sa isa nating tagasubaybay na itinago natin sa alyas na Carmela. Si Carmela ay nagtatago ngayon at kasalukuyang kinukupkop ng isang kong­regasyon ng mga madre dahil naman sa banta ng kapatid na sugapa sa ipinagbabawal na droga.

Ayon sa kuwento ni Carmela, nagtanim daw ng galit ang kanyang kapatid matapos ihabilin ng kanyang nasirang mommy na huwag itong bigyan ni-isang sentimo mula sa kanyang iniwang P10 milyon na nakadeposito sa bangko.

Bunsod umano ito sa masamang asal na ginawa ng kanyang kapatid nu’ng nabubuhay pa ang kanilang ina. Sinariwa ng complainant ang madalas na pananakit ng kanyang kapatid. Katunayan aniya, minsan ay muntikan nang patayin ang kanilang ina habang bangag sa droga ang kapatid.

Ani Carmela, bagama’t balak naman daw n’yang bigyan ng karampatang parte ang kapatid mula sa nasabing mana, ngunit hindi natupad matapos siyang mabigong makuha ang nakadepositong pera dahil naman daw sa ginawang pagmanipula ng kanilang ABOGADO.

Resulta, lalong nagalit ang kapatid at nagbantang papatayin si Carmela dahil sa paniwalang sinolo nito ang pera na nasa bangko. Ito ang dahilan kung bakit siya pa ang nagtatago ngayon.

Samantala, na-withdraw naman niya ang P5 milyon, ngunit ang natirang P5 milyon ay nailagak ng kanyang abogado sa pamamagitan ng “time deposit” na lingid sa kanyang kaalaman mula nu’ng taong 1995.

At ito umano ang hindi n’ya ma-withdraw dahil sa hindi maipaliwanag na ginawa ng kanyang abogado at pinaniniwalaan n’yang kasabwat ang ilang empleyado ng bangko. Ang tinutukoy na bangko ay ang UCPB na may sangay sa E. Rodriguez, Quezon City.

“All documents got lost because I was not prepared and my mind and soul completely not in proper frame due to my mom’s demise. I can’t accept the fact mom died and the bank didn’t want to release the money,” salaysay ni Carmela.

Sa ngayon, nais ipagtuloy ng complainant ang kanyang paghahabol laban sa mandarambong na abogado. Pansamatalang hindi natin huhubaran ng kanyang maskara si Atorni.

Pero ang abogadong ito na kababata ng complainant ay dating kilalang opisyal ng gobyerno. Dati itong commissioner sa ahensya ng Dept. of Telecommunications at sinibak dahil sa katiwalian. Si atorni ay dati rin umanong legal counsel ng National Shrine of Our Lady of Mount Carmel, sa lungsod Quezon.

Pinag-aaralan na niya ang posibleng paglapit sa tanggapan ng Central Bank. Sa ngayon, nananatiling nakabinbin ang reklamo ni Carmela sa head office ng UCPB.

Sa mga taga-UCPB, E. Rodriguez branch, agapan na ninyong imbestigahan ang mga tauhan n’yo, bago pa tuluyang masira ang imahe ng inyong bangko!

At sa’yo Atorni, kung nasisikmura mong ipakain sa pamilya ang perang bunga ng ‘yung PANLILINLANG, kwidaw ka, ‘ika nga, ang KARMA ay digital na ngayon.

Patuloy na bibigyan ng espasyo ang reklamong ito. Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang iny0ong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

TUPARIN ANG PANGAKO

TINIG NG MANGGAGAWA final

MUKHANG tina­tablan na rin ang Malacañang sa pangangalampag ng mga pampublikong guro para sa umento sa kanilang sahod.

Bakit nga naman hindi, napagbigyan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at sundalo pero ang mga guro na may malaking papel din sa lipunan dahil sila ang instrumento para mahubog ang ating mga kabataan ay nakanganga pa rin sa dagdag na sahod.

Ang hinihirit ng mga guro ay mismong kay Pangulong Duterte nanggaling dahil isa ito sa mga pangako niyang gagawin kapag siya’y naging pa­ngulo.

Dahil talagang nangungulit na ngayon ang mga guro ay nag-anunsyo ang Palasyo na tuloy ang pangako ni Pangulong Duterte na bigyan sila ng umento.

Siyempre, nakatutuwa ang pahayag na yan pero hindi maaaring maging lubos ang saya ng mga guro dahil ramdam nila na mukhang binobola lang sila.

Iyon ay dahil mata­tagalan pa bago raw sila mapagbigyan. Katwiran ng Palasyo, milyun-mil­yon ang bilang ng mga guro kaya kung ibibigay ang umento ay mamo­mroblema naman sa pondo.

Bakit kaya hindi naisip ni Pangulong Duterte ang bagay na yan bago niya ipinangako?

Sa talumpati ng Pangulo sa oathtaking ng newly elected officials sa Cagayan de Oro City kamakailan ay sinabi niyang ginagawan ng pa­raan ng pamahalaan ang umento sa mga guro.

Dismayado pa rin sina Ma’am at Sir dahil malinaw na wala pa silang maaasahan sa mga susunod na araw.

Hindi natin sila masisisi kung maghimutok man ang mga guro dahil para silang batang pinangakuan ng kendi pero ang binigyan lang ay yung kanilang mga kalaro.

Para silang pinaglaway tapos ay wala pala.

Hindi rin dapat ikatwiran ng Pangulo na kakaunti ang bilang ng mga pulis at sundalo. Ang bottom line kasi ay pare-pareho silang nag­lilingkod sa bayan at dapat ay pantay-pantay ang pagtrato sa kanila ng pamahalaan.

Baka hindi alam ni Presidente na may mga gurong kahit kakarampot ang sahod ay nagagawa pang mag-donate para sa ilang pangangailangan sa classroom. Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang mga problema sa mga paaralan tulad na lang ng nag-viral kamakailan na maging ang comfort room ay ginagamit na ng mga guro bilang faculty room dahil sa kakapusan ng mga silid-aralan.

Kapag kulang ang supply ng chalk o anomang school supplies ay napipilitan ang gurong bumili gamit ang sariling pera kahit pa nga karampot ang kanyang kinikita.

Hindi rin tama ang katwiran ng Pangulo na pagbigyan na ng mga guro ang mga pulis at sundalo dahil nagbubuwis ng buhay ang mga ito sa pagtupad sa tungkulin. Pareho lang na marangal ang mga nasabing propesyon at hindi dapat magkaroon ng sukatan para i-justify ang ibibigay na benepisyo.

Napakalaki talaga ng diperensya ng sahod ng entry-level officer sa pulisya na umaabot na sa P29,668 mula sa base pay na P14,834 habang ang entry-level sa public school teacher ay may monthly salary lamang na P20,754.

Sana’y maisip din ni Pa­ngulong Duterte yan.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MANIPULASYON NG ISANG DOROBO?! (1)

TINIG NG MANGGAGAWA final

SA lahat ng propesyon na aking hinahangaan, isa ang abogasya sa may mataas akong respeto.

Paano nga naman, sa lahat ng pagkakataon, ang ABOGADO o si attorney ang dapat lapitan upang hingan ng tulong pagdating sa kaalaman sa batas.

Sinoman kasing magaling na abogado, kahit anong pasikut-sikot sa batas ay alam kung saan ikakamada ang kanyang kliyente. Kaya naman, bilib na bilib ako kapag nagdedebate ang dalawang kapwa magaling na atorni sa loob ng korte.

Ito ang dahilan kung bakit abogado ang unang hinahanap ng mga awto­ridad, sa isang inaarestong akusado base sa “miranda doctrine”. Dapat daw kasi, bago magbigay ng anomang pahayag ang isang akusado, may kaharap itong lawyer mula sa pamahalaan o maging pribado man.

Ngunit nakababahala rin pala ang labis na tiwala sa isang abogado. Naalaala ko tuloy ‘yung sinabi ng aking INA nu’ng ito’y nabubuhay pa, ‘ika n’ya, “overconfidence kills a man!”

Bakit ko nasabi ito?  Aba, lumiham sa kolum na ito ang isa nating tagasubaybay na biktima ng abusado at dorobong abogado. Sinamantala ang pighati at kahinaan ng kanyang kliyente.

Sa liham na pinadala ni Bb. Carmela (di-tunay na pangalan) nakapanggagalaiti ang kanyang reklamo laban sa isang atorni na pinagkatiwalaan ng kanilang pamilya. Bukod daw kasi sa fa­mily friend nila ang ‘do­robong’ abogado, KABABATA pa ito ni Carmela.

Ayon sa salaysay ng biktima, nagsimula ang kanyang kalbaryo nang mamatay ang kanyang “mommy” nu’ng Enero 19, 1996, mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. May naiwang kabuhayan ang kanyang ina na nakadeposito sa isang bangko. Nagkakahalaga ito ng P10 mil­yong cash.

Ito raw ang dahilan para siya magpatulong sa kanyang kababatang abogado at lubusang ipinagkatiwala ang buong prosesong legal.

Ngunit sa halip na makamit ang inaasahang tulong, nagawang MANIPULAHIN ng gahamang abogado sa pakikipagkutsabahan daw ng ilang empleyado ng bangko. Ang bangko ay matatagpuan sa kanto ng E. Rodriguez Ave. at España, sa lungsod Quezon.

“I don’t know who to run to for help, I can’t trust anyone after they did all this to me. I got sick, 4th stage cancer. I had seven major operations and the last 2 major ones caused all this my plight now,” hinagpis ng nagrereklamo.

Nabanggit din ni Carmela na may kapatid siyang lalaki. Ito ay gumagamit at madalas “lulong” sa iligal na droga. Isa raw ito sa nagpapahirap sa kanilang mag-ina nu’ng nabubuhay pa. Katunayan aniya, minsan nang pinagtangkaang patayin ng kanyang kapatid ang kanilang mommy.

Nuong Oktubre 1995, nagkasakit daw ang kanilang mommy hanggang maratay sa ospital matapos ang isang matinding operasyon. Nang makalabas ng ospital, napagkasunduan nilang mag-ina na bumalik sa Marilao, Bulacan at du’n na sana manirahan.

Sa galit umano ng kanilang mommy, iniutos nito na huwag bigyan ng kahit “isang sentimo” ang kanyang adik na kapatid. Sinabi din ito sa harapan ng abogado. Kasunod nito, inatasan ang atorni na i-withdraw ang pera at ilipat sa ibang bangko sa Bulakan.

Dito napansin ni Carmela na nag-“tengang-kawali” lamang ang abugado. Hindi sila pinansin ng pinagkakatiwalaang atorni. Hanggang dumating ang hindi inaasahan, namatay ang kanyang ina nu’ng Enero 16, 1996.

Dahil sa mga pangyayari, nagsimula ang pagiging mi­serable ng buhay ni Carmela. Bukod daw kasi sa seryosong banta ng kanyang kapatid na lulong sa droga, sinamantala rin ng abogado ang kaguluhan ng kanyang pag-iisip.

Ilang dokumento ang pinapirmahan ng abogado. Walang paliwanag kung ano at kung para saan ‘yun?

Ang masaklap pa raw, siya ang biktima ng pangyayari, siya pa ang nagtatago ngayon. Ang biktima ay kasalukuyang nakikitira sa isang kongregasyon ng mga MADRE sa Quezon City.

Sundan ang karugtong ng masalimuot na reklamong ito. Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga kara­ingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MAGAGALIT NA BA SI PRES. DUTERTE SA BFF N’YA?

TINIG NG MANGGAGAWA final

MATINDI na ang pambu-bully ng mga Intsik sa mga mangingisdang Pinoy. Kung noon ay itinataboy lang ang mga ito sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig kahit pa nasa loob mismo ng bahagi ng sakop ng ating karagatan, nga­yon ay nagawa na nilang banggain at palubugin ang bangka na may lulang 22 mangingisdang Pilipino.

Hindi natin masasabing aksidente o hindi nila sinadya ang pangyayari dahil kung ganun nga, sana ay tinulungan nila ang mga mangingisda nang papalubog na ang bangka ng mga ito. Pero hindi ganun ang nangyari dahil matapos nilang banggain ay umalis ang Chinese vessel at iniwan ang mga mangingisdang kanya-kanyang langoy para mailigtas ang sarili.

Mabuti na lang at may mga Vietnamese na agad nakaresponde at natulungan ang ating mga kababayan kaya nakaligtas ang mga ito.

Imbes namang humi­ngi ng dispensa ang China sa ginawa ng kababayan nila, ang sabi ni China foreign ministry spokesman Geng Shuang, ito ay isang “ordinary maritime accident.”

Hindi pa ba maliwanag na tinatarantado na tayo ng China?

Nagbabala pa si Shu­ang laban sa aniya’y ires­ponsableng pamumulitika sa naturang insidente.

May gana pang magbanta ang tinamaan ng lintik!

Naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang nararapat na aksyon dahil hindi dapat palampasin ang barbarikong asal ng mga singkit na yan.

Ang magandang marinig ang reaksyon ay kay Pangulong Duterte.

Pero mukhang tahimik si Tatay Digong at wala tayong marinig na kaunti man lang na pagpalag sa ginawa ng BFF niyang mga Intsik.

Ang sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ay nagalit si Presidente sa pangyayari. Pero hindi nya masabi kung kinakailangan pang iakyat sa United Nations ang barbarikong ginawa ng ilang Chinese.

Tingnan nga natin kung sa pagkakataong ito ay magagalit talaga si Pangulong Duterte sa kaibigan niyang China o tatahimik na lang siya at ida-divert ang atensyon natin sa ibang isyu.

oOo

Nitong pagpasok ng buwan ng Hunyo ay magkasunod ang holiday kaya masaya ang iba nating mga kapwa manggagawa partikular ang mga nasa pribadong sektor.

Paano nga kasi’y dalawang double pay ang ibig sabihin ng magkasunod na holiday. Una ay noong Hunyo 5 na Eid’l Fitr at nitong Hunyo 12 na Independence Day.

Nag-isyu ng advisory si Labor Secretary Silvestre Bello III, para ipaalala ang double pay na dapat ibigay sa mga empleyado.

Nakasaad sa advisory, na ang mga empleyadong hindi papasok sa mga naturang araw ay dapat na bayaran ng 100 percent ng kanilang sweldo ([Basic wage + COLA] x 100 percent), habang ang mga nagtrabaho naman sa nasabing mga araw ay pagkakalooban ng 200 percent ng kanilang regular salary para sa unang walong oras ng trabaho ([Basic wage + COLA] x 200 percent).

Sana naman ay makonsensya ang mga employer na magugulang. Ibigay ninyo ang nararapat na sahod sa mga empleyado niyo para naman ganahan silang magtrabaho. Kapag masaya ang mga yan ay siguradong maganda rin ang output ng kanilang trabaho na ang makikinabang ay ang inyo rin namang kompanya.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

OFW HOSPITALS

TINIG NG MANGGAGAWA final

MALAKING tulong sa mga kababayan nating Overseas Filipino Worker (OFW) ang pagkakaapruba ng Kongreso sa panukalang batas na naglalayong magtatag ng mga ospital para sa kanila at kanilang pamilya.

Sa botong 180-0 ay pinaboran ng mga mambabatas ang House Bill 9194, na nagsasaad ng pagtatatag ng Overseas Filipino Workers Hospital.

Sa ilalim ng panukala, itatayo ang mga OFW hospital para magbigay ng komprehensibong health care services sa lahat ng migrant workers na kabilang sa mga nagbibigay ng kontribusyon sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Kapag naitayo na ang naturang mga pasilidad, ito ay pangangasiwaan ng Department of Health.

Bukod dito, nilalayon din ng panukala na mabigyan ng medical examinations para masiguro ang physical at mental capability ng mga overseas contract workers na may kaukulang job order.

Magsisilbi rin itong primary referral hospital para sa mga repatriated OFW’s na manga­ngailangan ng medical assistance and support.

Nitong Mayo, pinasinayaan sa San Fernando City, Pampanga ang kauna-unahang ospital na laan sa mga OFW. Target daw itong matapos sa taong 2020 para mapakinabangan na ng mga OFW at kanilang pamilya.

Maganda ang layu­nin ng panukalang batas na ito kaya karapat-dapat itong agad ipatupad. Para naman maramdaman ng mga itinuturing nating ‘makabagong bayani’ ang pagpapahalaga sa kanila ng pamahalaan.

Malaking tulong ang ipinapasok nilang dolyar na padala sa kanilang pamilya sa pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa kaya nararapat itong suklian ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng programa.

May alinlangan lang ako dahil posibleng makasilip ng pagkakataon ang mga kurakot na pagkakitaan ang mga ganitong proyekto.

Milyon-milyon ang pondong ilalaan sa pagtatayo ng mga ospital na ito kaya dapat nating bantayan na sa proyekto nga ito gagamitin at hindi ibubulsa ng ilan. Tingnan nyo na nga lang iyang ali­ngasngas ngayon sa Philhealth.

Marami talagang walang kaluluwa sa panahon ngayon at puro pagkakaperahan ang nasa isip. Mantakin nyong pati ang pagpapagamot ng mga probre nating kababayan ay nagawang kupitan.

Mabuti na lang at may mga naglakas ng loob na ibunyag ang ‘raket’ ng ilang klinika na sumisingil kahit patay na pala ang pasyente na nagpapa-dialysis sa kanila. Kumbaga, ‘ghost’ dialysis.

Hindi lang yan mayroon din umanong ‘ghost’ patients, false claims, misrepresentation at upcasing sa PhilHealth.

Mahilig pala sa multo ang ilan dyan sa Philhealth at nagawa nilang makipagsabwatan sa ilang wellness clinic.

Multuhin sana kayo ng mga pinagkakitaan ninyong patay na e ipinangongolekta nyo pa ng benepisyo.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

TOTAL DEPLOYMENT BAN

TINIG NG MANGGAGAWA final

INIHATID na sa kanyang huling hantungan ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Maria Constancia Dayag.

Si Dayag ang pinakabagong biktima ng kalupitan ng amo sa bansang Kuwait. Umalis siya sa bansa para magtrabaho bilang domestic helper. Baon niya ang pag-asang maitaguyod ang mga anak na solo na niyang binabalikat matapos siyang mabiyuda.

Ngunit isang araw, nabalitaan na lang ng kanyang pamilya na pumanaw na si Dayag at ang masaklap, ito ay dahil sa pagmamaltrato ng among Arabo.

Sa pagkamatay ni Dayag, napatunayan na hindi sapat ang pagkakaroon ng bilateral agreement ng Pilipinas at Kuwait para masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa sa nasabing bansa.

Aminado rito si Migrante Isabela chairperson Krista Pacis.

Kaya naman nais ng Migrante na wakasan ng pamahalaan ang labor export program para wala nang Pilipino na mabiktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato na tulad ni Dayag.

Pero may pag-aalinlangan sa parte ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung nararapat bang gawing permanente ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

Paliwanag ni DOLE Sec. Silvestre Bello III, hindi nila matitiyak na mapagbibigyan ang kahilingan ng grupo sapagkat hindi basta-basta ang pagpapatupad ng deployment ban.

Dapat aniya itong pag-aralan na mabuti at siguruhing hindi mabahiran ng pulitika. Isinasaalang-alang kasi ni Bello ang iba pang mga OFW na maaapektuhan sa sandaling iutos muli ng pamahalaan ang deployment ban sa Kuwait.

Kung inyong matatandaan, Pebrero noong isang taon nang ipatigil ang pagpapadala ng mga Pinoy worker sa Kuwait bunsod ng pagtaas ng bilang ng reklamo ng mga inaabusong manggagawa sa naturang bansa. Higit na nakapagpagalit sa mga Pinoy ang pagkakatuklas sa bangkay ni Joanna Demafelis sa isang freezer na kagagawan umano ng kanyang mga amo.

Di naglaon at lumagda sa bilateral agreement ang dalawang bansa kaya inalis ang deployment ban. Ang nakalulungkot, hindi pa rin nahinto ang pagmamalabis sa mga Pinoy worker sa kabila ng nasabing kasunduan.

Patuloy pa ring may mga nagpapasaklolo dahil sa pang-aabuso ng amo. Hanggang sa mangyari na nga ang kalunos-lunos na pagkamatay ni Dayag.

Nawa’y patuloy na tutukan ng grupo ni Pacis ang pag-usad ng kaso ni Dayag. Huwag sanang mangyari na babaunin ni Dayag sa hukay ang hustisyang nararapat sa kanya.

Kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi sapat ang pakikiramay at pagtapik sa balikat ng mga namatayan. Nawa’y pagpursigihan ng inyong tanggapan at ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang pag-abot sa hustisya sa masaklap na sinapit ng isa na naman nating kababayan.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MAGANDANG INTENSYON NG 4Ps NAPU-POLITIKA? (2)

TINIG NG MANGGAGAWA final

PILIT ko mang ipa­unawa sa sarili ko na walang kinalaman sa nagdaang midterm-election nitong Mayo 13, 2019, ang paglagda ng presidente sa Republic Act (RA) 11310 o pagpapalawak sa saklaw ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o higit na kilala sa tawag na 4Ps, ngunit nakabuyangyang ang katotohanan, ayon sa mga sumbong ng ating mga kababayan.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang ganapin ang halalan ngunit ngayon pa lang naglilitawan ang mga anino ng pandaraya gamit ang benepisyo ng “4Ps” na kinagat naman ng ating nakararaming mahihirap na kababayan.

Tulad ng nabanggit ko sa nagdaang isyu, maganda ang layunin ng “4Ps” na ipinatupad nu’n pang 2012, sa ilalim ng RA 11310 na inakda ng nakakulong na si Sen. Leila De Lima. Ang RA 11310 ay pinalawak ang saklaw na kasalukuyang pamahalaan at nilagdaan nu’ng April 17, 2019.

Ayon sa batas, ang “4Ps” ay nasa direktang pag-implementa at superbisyon ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD) kabilang na ang pagsala sa mga pamilyang dapat pagkalooban nito bilang miyembro.

Subalit kung paniniwalaan ang mga sumbong at reklamo nitong nagdaang eleksyon, tila “luray-luray” sa pagkakagahasa matapos gamitin ang “4Ps” sa PANUNUHOL este, pangangampanya ng ilang politiko. Pinagandang sistema ng VOTE BUYING, ‘ika nga.

Pero huwag na tayong magpakalayo-layo. Ano itong nabalitaan natin, ilang lokal na kumandidato dito sa Metro Manila ang isinangkalan ang “4Ps” sa kanilang pangangampanya? At na­nalo naman.

Hindi ko muna huhubarin ang kanilang maskara. Pansamantala, hahayaan ko muna sila sa kanilang kapritso.

Sa sumbong, bago pa man ang midterm election, namudmod umano ang mga ito ng ‘cash’ sa ilalim ng educational assistance. Di-umano, umaabot sa P1,500 hanggang P5,000, batay sa educational level ng anak ng isang botante. Gaano katotoo ito?

Samantalang sa ilalim ng nasabing batas, ang bawat kuwalipikadong pamilya ay pagkakalooban ng hindi bababa sa P300 bawat anak na nag-aaral sa day care at elementary sa loob ng 10 buwan, kada taon, samantalang, P500 bawat supling na nag-aaral sa “junior high school” at P700 kada bata na naka-enroll sa senior high school.

Ang tanong, bakit hinayaan ng DSWD na ipangalandakan ng mga politikong ito ang “4Ps” para sa kanilang pansariling interes?

Sa isang nakatutuwa ngunit nakabubuwisit na sumbong mula sa isa nating kababayan, hindi umano “patas” ang pagbibigay ng 4Ps sa kanilang lugar.

Ayon sa isang alyas Evelyn, ‘yung kapitbahay nila, me­rong tatlong palapag na bahay pero benepisyaryo ng “4Ps”  tapos ‘yung kanyang ina, na nag-apply ay hindi tinanggap. Ang dahilan daw ay maputi at maayos ang pananamit.

Ani Evelyn, sinabihan pa raw sila ng social worker, “mukhang ‘di n’yo naman kailangan ang “4Ps” at maayos naman ang buhay ninyo.  “Pero ang totoo, bedridden ang tatay ko dahil may sakit. Ako lamang ang nagtatrabaho sa pamilya. Ganda nga ng programa, palakasan naman,” himutok ni Evelyn.

Ang reklamong ito ay isa lamang representasyon sa sangkaterbang problema dulot ng pang-aabuso ng iilan sa magandang layunin ng “4Ps”.

Kung sa bagay, dahil daw sa maraming sumbong na tinatanggap ng DSWD, inilunsad kamakailan ng ahensya ang kanilang Grievances Redress System (GRS). Ito raw ‘yung tutugon sa mga reklamo. Sana nga lang, totohanan ito at hindi maging “ningas-kugon”.

Mananatiling nakatutok ang mga mata ng kolum na ito. Patuloy na magbibigay ng espasyo sa mga kababayan nating may sapat na “tibay ng dibdib” para lumantad at gawing lehitimo ang mga reklamo. Nang sa gayun, mapanagot sa batas ang mga taong patuloy na BUMABALAHURA sa programang ito.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa a­ting mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA /DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MAY TRABAHO NGA, KUMUSTA NAMAN ANG SWELDO?

TINIG NG MANGGAGAWA final

BAD news sa mga kababayan nating pangarap magtrabaho sa abroad kung saan doble o triple ang kita kaysa sa Pilipinas.

Ito ay dahil posibleng ipahinto ng embahada ng Pilipinas sa Japan ang pagpapadala ng mga engineer sa nasabing bansa.

Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel V, mataas na ang demand ng mga inhinyero at iba pang skilled workers sa Japan.

Gayunman, pinapa-yuhan nila ang mga skilled worker gayundin ang mga engineer na wag nang umalis ng Plipinas dahil kaila-ngan sila para sa “Build, Build, Build” program ng Duterte administration.

Kabilang din daw sa mga higit na kailangan sa Pilipinas ay mga structural at hydro-engineers para sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sa tala ng Department of Labor and ­Employment (DOLE), nasa 800,000 hanggang isang milyong manggagawa na nasa ­construction, architecture, at engineering ang kakailanganin hanggang 2022 para sa nasabing infrastructure projects ng kasalukuyang administrasyon.

Sa totoo lang mas okey ito kung mabibigyan nga ng trabaho ang mga manggagawang Pinoy sa bansa para di na sila mawalay sa kanilang pamilya.

Ilang ulit na rin natin itong binigyang-diin dahil hindi biro ang hirap at lungkot na pinagdaraanan ng isang OFW habang kumakayod sa dayuhang bansa.

Pero sana ay hindi lang trabaho ang tingnan ng pamahalaan kundi ang aspeto na rin ng kita o sweldo. Mahalaga ito sapagkat may kani-kanyang pamilyang binubuhay ang mga manggagawa.

Marami rin sa kanila ang may mga anak na pinagtatapos sa pag-aaral.

Dapat ang kita ng manggagawa ay sasapat sa pangangailangan ng kanyang pamilya sa araw-araw. At dapat ay makaagapay ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

kahit ipagduldulan ng pamahalaan ang mga trabahong magbubukas sa ilalim ng Build, Build, Build program nito, ­marami pa ring kababayan natin ang maeengganyong mangibang bansa dahil naroon ang pagkakataong makaahon sila sa kahirapan.

Dapat ay trabahong may maayos na sweldo ang ialok nila sa mga ­manggagawa para makumbinsi ang mga itong na maisantabi ang pangarap na makapagtrabaho sa abroad.

Huwag naman sa-nang mangyari ang madalas sinasabi sa mga katuwaan: Binigyan ka na ng trabaho hihingi ka pa ng sweldo.

Hindi kalabisan ang hingin natin sa gobyerno na bigyan ng disente at maayos na pamumuhay ang mga manggagawang Pinoy.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa­ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Ilihan lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com (TINIG NG MANGGAGAWA )

Please follow and like us:
Read More

MAGANDANG LAYUNIN NG 4Ps, NAPUPOLITIKA?

TINIG NG MANGGAGAWA final

MARAMING salamat sa benepisyo ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o hi­git na kilala sa tawag na 4Ps sa ilalim ng Republic Act (RA) 11310.

Milyong Pilipino ang nabibiyayaan ng programang ito simula pa noong taong 2012. Ang batas ay inakda ng nakakulong ngayon na si Sen. Leila De Lima bilang principal sponsor at Sen. Bam Aquino, bilang co-author at kapwa nasa panig ng oposisyon ng kasaluku­yang administrasyon.

Ang magandang programang ito ng 4Ps ay pinakikinabangan ngayon, hindi lamang ng mahihirap na Pilipino kundi maging ang mismong gob­yernong Duterte. Ba­kit ‘ika mo?

Sa ganda ng layunin, sinakyan ito ng kasalukuyang administasyon, pinalantsa at inaprubahan ng presidente ang batas sa ilalim ng RA 11310. Ito’y tuluyang nilagdaan ni Pangulong Digong nu’ng Abril 17, mahigit tatlong linggo bago sumapit ang midterm elections nitong Mayo 13, 2019.

Maganda talaga ang layunin ng programang ito kung maimplementa lamang nang tama at walang halong PAMUMULITIKA.

‘Ika nga mismo ng may akda nito, “Tagumpay ito, lalo na ng mahihirap nating kababayan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay,” ayon kay Sen. De Lima sa isang panayam.

Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin ang pagkakaloob ng ayudang pinansyal sa mga kuwalipikadong mahirap na pamilyang Pilipino.

Ang bawat kuwalipikadong pamilya ay pagkakalooban kada taon ng hindi bababa sa P300 bawat anak na nag-aaral sa “daycare” at elementary, sa loob ng 10 buwan, sa isang taon; P500 bawat anak na nag-aaral sa ju­nior high school, at P700 kada bata na naka-enroll sa senior high school.

Bukod dito, pagkakalooban din ng gob­yerno ng hindi bababa sa P750 kada buwan sa loob ng isang taon bilang ayuda sa kalusugan ng isang beneficiary.

Para raw maging benepisyaryo ng 4Ps, dapat ay pumasa sa ilang alituntunin na hinihingi ng nasabing batas. Ilan dito ay; Dapat kabilang sa mahirap at pinakamahirap na pamilya sa kanilang lugar; Mayroong anak na may edad zero hanggang 18 anyos o kaya ay miyembro ng mahirap na pamilya na nagdadalantao sa panahon ng pagpapatala nito.

Ang naatasang mag-asses nito ay ang tanggapan ng DSWD at sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa nais maging miyembro ng 4Ps.

Walang duda, maganda talaga ang layunin ng 4Ps na napasimulan na ng dating administrasyon at sinakyan, este nilagdaan ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Digong.

Gayunman, tila nababahiran ngayon ng alingasngas ang programang ito dahil sa ilang reklamo mula sa ating mga ka-manggagawa.  Bunsod ito ng hindi raw PATAS na pagpapatupad nito, pagkakaroon ng DISKRIMINASYON at higit sa lahat PALAKASAN.

Sa mga susunod na isyu ng “Tinig ng Manggagawa”, hihimayin natin ang mga reklamong nakarating sa kolum na ito. Reklamong dapat tugunan at aksyunan ng mga kinauukulan. Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

HUSTISYA KAY CONSTANCIA DAYAG

TINIG NG MANGGAGAWA final

NAWALAN ng saysay ang pag-uusap at kasunduan ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait.

Mistulang papel na walang silbi ang nilagdaang kasunduan ng dalawang panig para sa kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino dahil isa na namang OFW ang dumanas ng matinding kalbaryo na humantong sa kanyang pagkamatay sa naturang bansa.

Si Constancia Dayag ay pinaniniwalaang inabuso at minaltrato ng kanyang amo sa loob ng apat na taon niyang paninilbihan bilang domestic worker.

Dapat bilisan ng mga ahensya ng pamahalaan ang pagrepaso sa nilagdaang kasunduan dahil maliwanag naman na may hindi nasunod ang bansang Kuwait.

Kung inyong matatandaan, iniutos ng pamahalaan ang pagbabawal na magtrabaho sa Kuwait ang mga manggagawang Pinoy matapos ang magkakasunod na ulat ng pang-aabuso sa mga OFW roon kasama na ang brutal na pagpatay kay Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer.

Labis na ikinagalit ng mga Pinoy ang sinapit ni Demafelis na minaltrato rin ng kanyang mga amo at nang mapatay ay isinilid sa freezer.

Dahil dito, nagkaroon ng deployment ban sa Kuwait. Makalipas ang ilang buwan na pakikipag-usap ay pumirma ang dalawang bansa sa memorandum of understanding na magbibigay ng mas malawak na proteksyon sa mga Pinoy worker sa Kuwait.

Kasunod ng kasunduan ang muling pagpapadala roon ng Pilipinas ng mga manggagawa partikular ang mga domestic helper.

Ngunit base na rin sa ilang OFW na ang ilan ay sa Facebook at iba pang form ng social media naglalabas ng kanilang problema at nagpapasaklolo, taliwas sa kanilang inaasahan ay hindi lubos ang kanilang kaligtasan mula sa mga mapang-abusong amo.

Sa kabila umano ng kasunduan ng Pilipinas at Kuwait ay may mga OFW pa rin ang minamaltrato. Patunay riyan ang sinapit nitong si Dayag, ang 47-anyos na tubong Isabela.

Biyuda na si Dayag at upang maitaguyod ang mga anak ay naisipang magtrabaho sa Kuwait.

Sa kabila na talamak sa pagiging abusado ng karamihang Kuwaiti ay naeengganyo pa rin ang marami nating kababayan na magtungo sa nasabing bansa dahil hindi magastos ang magtungo roon kumpara sa ibang bansa.

Ngayong may isa na naman tayong kababayan na inapi sa ibayong dagat, dapat mabilis ang kilos ng pamahalaan partikular si Labor Sec. Silvestre Bello lalo pa at sya mismo ay aminado na nagkaroon ng breach o paglabag sa pangyayari.

Bukod diya, tiyakin din ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mabibigyan ng legal assistance ang pamilya ng biktima para sa paghahabol nila sa sinapit ng ginang.

Nararapat na panagutin ang gobyerno ng Kuwait sa pagkamatay ni Dayag.

Ngayong naproklama na ang mga nanalo sa nakalipas na halalan, sana isa ang mga problemang ito sa tutukan nila.

Isa lang ang matibay na solusyon sa problema ng pang-aapi sa mga Pinoy sa ibang bayan at yan ay walang iba kundi ang pagkakaroon ng sapat at maayos na hanapbuhay sa sariling bansa.

Hanapbuhay na makatutugon sa pangangailangan ng pamilya upang wala nang maengganyo pang lumabas ng bansa. Wala nang magtitiis ng lungkot sa pagkakawalay sa pamilya at ng hirap at pag minamalas-malas pa ay daranas ng pagmamaltrato sa amo.

Nasa kamay ng mga politiko ng bayan ang bola para mabago ang buhay at kinabukasan ng mga manggagawang Pinoy. (TINIG NG MANGGAGAWA / Dong Valeza)–

Please follow and like us:
Read More

DATA SA CP KAYANG I-HACK/CLONE NG ONLINE LENDING COMPANY?

TINIG NG MANGGAGAWA final

TINATAWAGAN natin ng pansin ang dalawang ahensya ng gobyerno na nakasasakop sa problemang dulot ng isang ONLINE LENDING company na inuulan ng reklamo dahil sa kanilang pang-aabuso, panggigipit at iligal umanong panghihimasok sa PRIVACY ng kanilang kliyente.

Huhubaran natin ng ‘maskara’ ang kompanyang TRENDING sa reklamong PAMAMAHIYA, PANGGIGIPIT at PANANAKOT. Dagdag pa ang pagnanakaw umano sa mga pribadong impormasyon ng kanilang parokyano.

Ito ay ang ONLINE LENDING company na PONDO PESO, kung saan sangkaterba nang reklamo ang natatanggap ng kolum na ito mula sa mga taong nakaranas ng MODUS ng nasabing kompanya.

Direkta nating ipinararating sa tanggapan ng Securities and Exchange Commission (SEC) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil sila ang nakasasaklaw sa mga problemang gaya nito. Lubhang nakaaalarma ang sumbong ng mga umano’y nabiktima.

Anila, ‘SCAM’ ang kompanyang ito dahil ONLINE ang transactions, walang malinaw na virtual office address ang PONDO PESO at maging ang contact numbers nito ay paiba-iba.

May ilang nagsabi na nakapagpapautang daw ng mula P10 libo pataas ang PONDO PESO ngunit hindi nakukuha nang buo dahil ibinabawas na ang interes at ang service fees. Ang itinatakdang termino ay kalahating buwan at kapag hindi nabayaran sa takdang oras, ito ay tutubo dahil sa interes at penalty.

Wala naman daw gaanong problema sa ganitong polisiya. Ang problema ay sumisibol dahil sa kanilang estilong ‘modus’. Kapag malapit na raw ang DUE DATE ng kanilang pagbabayad, hindi na nila mabuksan ang ONLINE transactions.

Dahil dito, ang isang creditor na wala namang intensyon na pumalya sa pagbabayad, magkakaroon ng penalty at interes.

Ang problema ay manganganak pa ito sa pamamagitan ng dati nang estilo ng mga nagpapautang na kapag hindi nabayaran, HIHIYAIN, PAGBABANTAAN at TATAKUTIN ang pobreng parokyano o nangutang.

Tulad ng nabagggit ko, hindi na bago ang estilong ito. Ang malaking kaibahan ngayon ay ang paggamit nila sa makabagong teknolohiya at estilo para abusuhin ang karapatan ng kanilang parokyano.

Sa pamamagitan ito ng pag-HACK at pag-CLONE sa telepono ng isang debtor. Nagagawa nilang kopyahin ang CONTACTS at ilang DATA sa telepono ng umutang. Kasunod nito, ISA-ISANG padadalhan ng mensahe ang mga nakuha nilang numero sa layong ipahiya ang debtor.

Bunsod nito, tinatawagan natin ang DICT bilang ahensya ng gobyerno na may saklaw sa ganitong problema, para imbestigahan ang ginagawang HACKING at pagnanakaw sa mga pribadong impormasyon ng isang indibidwal.

Sa puntong ito, hindi lamang ang kompanyang PONDO PESO ang dapat BUSISIIN. Nararapat ding imbestigahan kung hindi man MAPAHINTO ang operasyon ng ONLINE LENDING na nauuso sa kasalukuyan.

Bagama’t SIMPLE lamang na problema at ang mga biktima ay karamihan nakinabang naman sa kanilang inutang. Ngunit, ‘ika nga, malinaw na may paglabag sa batas ang mga naturang kompanya.

Samantala, sa mga kababayan nating kadalasan biktima ng KAGIPITAN, iwasan nang KUMAPIT sa ganitong sistema. Tandaan, ang pagsisisi, laging nasa huli!

Bukas ang espasyong ito sa paliwanag ng PONDO PESO.

-o0o-

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com. (TINIG NG MANGGAGAWA / Dong Valeza)

Please follow and like us:
Read More

TULUNGANG MAGNEGOSYO ANG MGA OBRERO

TINIG NG MANGGAGAWA final

MAGANDANG balita itong naisipan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga manggagawa sa informal sector na magbenta ng kanilang produkto online o online marke¬ting.

Oportunidad ito sa mga manggagawa na may kakayahang mamuhunan para umangat ang kanilang pamumuhay. Kapag sinuwerte nga naman ay maaari silang umasenso kaya mula sa pagiging manggagawa ay pwede silang maging negosyante.

Mula nang mauso ang online selling ay dumami na rin ang sumubok nito. Napakadali nang magbenta ngayon sa tulong ng internet.

Maaari kang magsimula sa iyong mga Facebook friend na aalukin mo ng iyong paninda. Kadalasan, mga misis na gustong tumulong sa kanilang mister sa pagtataguyod ng pamilya ang sumusubok nito.

Karaniwan na RTW o ready-to-wear na mga damit ang produkto pero mas marami ang ‘pampa’- pampaganda, pampapayat, pampatangkad at kung ano-ano pa.

Tamang-tama ang naisipan na ito ng mga opisyal sa Labor department dahil kasabay ng pagdami ng mga nagbebenta sa online ang pagdami rin ng mga do¬robo.

Iyon bang nag-aalok ng produkto tapos kapag nakapagpadala na ng pera ang kostumer ay maghihintay ito sa wala. Lilipas ang mga araw at linggo na walang matatanggap na order ang kostumer at kapag muling kinontak ang online seller ay maglalaho na itong parang bula.

Luhaan ang kostumer dahil gustuhin man niyang magreklamo ay hindi nila alam kung sino ang irereklamo at kung saan ito matatagpuan.

Kapag katuwang na ang DOLE ay makasisi¬guro na ang mga kostumer na lehitimo ang kanilang binibilhan ng produkto.

Ang libreng online market platform ay tinawag na DOLE Livelihood Beneficiaries Pro¬ducts Showcase (DLBPS), na binuo at pinamamahalaan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC).

Naglalayon itong mapahusay ang kakayahan sa pagbebenta ng mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Tutulungan din nitong mapabuti ang mga produkto at serbisyo ng maliliit na mamumuhunan, kasama ang isang pagsusuri ng produkto na nasa online platform kung saan ang mga mamimili o mga nami¬mili ay maaa¬ring magbigay ng feedback o i-rate ang mga produktong mina-market.

Target na matulungan ng DOLE ang mga nasa informal sector tulad ng mga construction worker, kasambahay at maging ang mga tricycle driver.

oOo

TINIG NI JUAN: Matapos ang eleksyon, may mga nabasa akong post sa social media ng ilang botante. Naghihimutok. Yun iba galit talaga. Tatandaan daw nila ang kandidatong si ganoon at si ganito. Hinding-hindi na nila muling iboboto.

Na-curious ako kaya ilan sa mga post na ganito ang binasa ko.

Ang ipinagngingitngit pala nila ay ang pangakong pakinabang ng ilang kandidato nitong midterm election.

Yung isang nagrereklamo ay pinangakuan daw ng groceries ng isang partylist kaya naman wala na siyang anomang pagsusuri o pagtatanong tungkol sa partylist. Minarkahan niya ito sa kanyang balota. Matapos ang botohan, binalikan nya ang lider na nangako ng groceries pero dedma na raw ito.

Nagoyo siya. At para siguro makaganti ay ikinuwento niya ang karanasan sa Facebook.

Mayroon pang ibang nabiktima ng ‘vote now, pay later’ na yan.

Gaya ng inaasahan, marami sa kanila ang luhaan.

Kung bakit naman kasi kailangan ninyong ibenta ang inyong boto.

Kailan ba natin ituturing na sagrado ang ating boto?

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

RESTO NA EXCLUSIVE SA CHINESE?

TINIG NG MANGGAGAWA final

PABOR ako sa panawagan kamakailan ni Senador Panfilo Lacson na ipasara ang mga negosyo partikular ang mga restaurant na nagbabawal o hindi welcome ang mga Pinoy.

Isipin n’yo na lang, narito sila sa Pilipinas tapos para silang may sariling mundo at ang pagbabawalan e tayo pa mismo na tagarito?

Maling-mali talaga yan.

Hindi lang ang pagkakait na makakain tayo sa kanilang restaurant ang nais kong ipasilip sa mga ganyang uri ng establisimyento kundi maging ang usapin sa pagkuha nila ng manggagawa.

Hindi na naman bago sa atin na may mga reklamo nang nauna na prayoridad ng mga Chinese sa kanilang negosyo ay mga kalahi nila.

Hindi ba’t isa yan sa mga batikos sa programang Build, Build, Build ng administrasyong Duterte?

Na ang mga proyektong popondohan gamit ang inutang sa Chinese e mga Chinese din ang makikinabang dahil prayoridad ang kanilang mga manggagawa sa mabibigyan ng trabaho?

Ang sabi, iimbestigahan ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang reklamong yan laban sa mga Chinese resto lalo na diyan sa parteng Parañaque at Pasay kung saan nag-uusbungang tila kabute ang mga establisimyentong ang pangalan ay nakasulat sa Chinese characters at ni walang Pinoy translation.

Ano na ba ang nangyari? Nag-imbestiga ba talaga ang DOLE o nag-press release lang? Natatanong natin ito dahil wala na tayong balita muli hinggil dito.

Wala na rin tayong narinig mula sa tanggapan ni Bello kung may resulta na ang sinasabi nilang imbestigasyon.

Bukod sa DOLE, dapat ding kumilos sa bagay na ito ang Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng gobyerno para mapigilan ang mga negosyante mula sa China sa pagpasok sa small and medium enterprise.

Sa ginagawa kasi nilang ito ay inaagawan nila ng pagkakataon ang mga Pilipino. Dapat na maging prioridad sa mga SME o Small and Medium Enterprise ay ang mga Pilipino at hindi ang mga Tsino na mayroong milyong pisong puhunan.

Bukod sa mga restaurant ay mayroon na rin daw convenience store sa Makati at Pasay na puro produkto ng China ang binebenta at walang produktong Pinoy.

Isa pang malaking tanong ay kung bakit hinahayang isama sa SMEs ang mga negosyanteng Tsinoy at kumpitensyahin ang maliliit na nagnenegosyong Pinoy.

Bantayan natin kung ano ang kahihinatnan ng imbestigasyon na iyan dahil dehado tayong mga Pilipino. Alamin ang mga paglabag sa batas ng mga dayuhan na naghahari-harian ngayon sa ating bayan, parusahan sila at palayasin. Hindi dapat inaapakan ang karapatan nating mga Pilipino sa mismong bayan natin.

-0o0-

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Ilihan lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

PANGHA-HARASS NG MGA ONLINE LENDING COMPANY, TRENDING!

TINIG NG MANGGAGAWA final

MULA nang magpalabas ng babala ang kolum na ito hinggil sa naglipanang “raket” sa ONLINE CASH LOAN, sunod-sunod na rin ang reklamo na natatanggap ko sa ating “E-mail o online”.

Pansamantalang hindi ko papangalanan ang kompanyang inirereklamo dahil sa pangha-harass sa isa sa kanilang mga kliyente na nagoyo. Hindi na bago sa aking pandinig ang ganitong gawain ng mga nagpapautang.

Ito ‘yung estilong PAGBABANTA, PAGPAPAHIYA at PANANAKOT sa mga creditor na nabigong makapagbayad ng kanilang inutang na pera sa pamamagitan ng ONLINE CASH LOAN.

Ayon sa liham ni Mariel (‘di tunay na pangalan), “Nagpapa-loan po sila ng pera 14-days term, pero bukod po sa malaking deduction dahil bawas na po ang interes at service fee, maya’t maya ang tawag at nagre-remind ng pagbabayad gayung wala pa sa takdang araw ang kanilang due date.”

Ngunit dumating sa puntong hindi nga nakapagbayad sa itinakdang petsa ang nagrereklamo, kaya’t  pinutakte ng tawag ang kanyang cellphone mula sa mga representante raw ng lending company na kanyang inutangan.

“Kapag tinatawagan namin ‘yung tumawag sa akin, hindi naman nakokontak. Ang nakapagtataka po kung papaano nila nakukuha ang numero ng CP ng aking mga kaibigan at katrabaho at isa-isa nilang napapadalhan ng TEXT at tawag para maipaalam ang utang ko,” paglalahad pa ng nagrereklamo.

Sa pag-imbestiga ng TINIG NG MANGGAGAWA, lumilitaw na masuwerte pa pala itong nagrereklamong si Mariel. Dahil mas masahol pa ang ginawang PAMAMAHIYA sa ibang UMUTANG, dahil Facebook ang ginagamit para IPAHIYA ang umutang na hindi nakapagbabayad.

oOo

Sa isa pang reklamo na ipinadala sa kolum na ito ng isang taga-Antique na itago natin sa alyas na Gloria, nakababahala ang reaksyon ng nagrereklamong ito dahil sa dumating na raw sa puntong gusto na n’yang MAGPAKAMATAY.

Ito ay dahil sa labis na kahihiyang dulot ng pangha-harass ng isa ring kompanya ng ONLINE CASH LOAN.

Ang hindi umano katanggap-tanggap na pangyayari ay ang palilitawin umanong nangutang siya sa lending company gayung wala naman siyang inutang at ni hindi binalak na umutang. Narito ang kanyang reklamo:

“Iginigiit po nila sa akin, na sa akin daw nakapangalan ang ONLINE CASH LOAN sa lending company na may pangalang “FAST CASH,” ayon sa nagrereklamo.

Giit pa ng nagrereklamo, “hindi po ako nag-loan sa kanila, ayaw nila maniwala. Nakuha ko raw po ang pera sa M.L. Lhuiller, P4,000 daw po. Nagmamatigas po ako na hindi bayaran kasi wala naman po talaga akong nakuha. Tapos ngayon po ay araw-araw na po silang tumatawag sa mga contact ko at ipinapaalam ang pagkakautang ko raw.”

“Nu’ng nakaraan po may tumawag sa akin, pinagmumura po ako. Ang sabi po, patay gutom daw ako, walang-hiya, garapal. Labis-labis na pong kahihiyan ang tinatanggap ko at pangha-harass nila,” dagdag pa sa reklamo ni Gloria.

Ang masahol pa, strategy ng mga dorobo na ito, na i-post sa FB page ng kompanya ang mga nangutang daw sa kanila at ise-send ito sa FB account ng ‘nangutang’ kaya malalantad ito sa kahihiyan sa mga kaibigan nito.

Sa susunod na isyu ng kolum na ito ang iba pang TRENDING na “Modus” ng mga kompanyang ONLINE CASH LOAN.  Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

GAMITIN ANG ISIP, HUWAG PADALA SA AGOS

TINIG NG MANGGAGAWA final

ELEKSYON na sa Lunes. Handa ka na ba?

Alam mo na ba kung sino-sino ang mga isusulat mo sa balota?

Napakahalaga ng magaganap na halalan sa Mayo 13. Hindi lang para sa ating mga ka-manggagawa kundi sa pangkalahatan.

Sana ay maging matalino na tayo sa pagpili at bigyang-pansin ang plataporma ng mga kandidato at hindi ng kung sino ang nag-eendorso sa kanila o kaninong partido sila kaanib.

Lalong huwag magpagoyo sa mga boladas ng mga kandidato.

Marami sa kanila ang paulit-ulit nang tumatakbo, hindi first timer kaya halos kilala na natin ang likaw ng kanilang bituka, ika nga.

Nitong mga nakaraang linggo ay kanya-kanya silang papogi at paganda. Hindi nawawala sa kanilang mga ibinibida ang pagtaas ng sahod nating mga manggagawa.

Totoong kailangan na ng dagdag na sahod ng mga obrero. Sabagay, marami sa atin ang sanay nang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw.

Sanay tayong maghigpit ng sinturon dahil mula pa noon ay napapabayaan tayong mga manggagawa.

Oo nga’t nakakatsamba tayo minsan ng wage increase pero kakarampot. Utang na loob pa natin dahil pinagbigyan ng mga nasa gobyerno ang ating hiling.

Kailangan pa nating magmartsa nang magmartsa at mamaos sa kakasalita bago nila tayo pakinggan.

Yun mga panay ang bida ngayong kampanyahan na tutulungan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng P710 na taas-sahod, bantayan natin sila. At singilin natin kapag naupo na.

Huwag hayaang dumaldal sila nang dumaldal pagkatapos kapag nakapwesto na ay bye-bye na sa mga pangako.

Sa pagboto sa Lunes, isipin natin ang kapakanan at kinabukasan ng ating mga anak.

Isipin natin ang kinabukasan ng ating bansang Pilipinas.

Pag-isipan at himaying mabuti ang bawat kandidato. Tingnan ang kanilang pagkatao, plataporma at hindi ang partido o grupo para makapili tayo nang maayos at tapat na manunungkulan sa bayan.

Kung tingin mo nagkamali ka sa pagpili sa mga nakaraang halalan, ngayon na ang pagkakataon para itama ito.

Sa Lunes, maaga tayong bumoto at umuwing taas ang noo.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MALASAKIT SA MGA PINOY SA ABROAD 

TINIG NG MANGGAGAWA final

NAPAKAGANDANG balita ang planong pagtatalaga ng karagdagang social welfare attaches (SWAs) sa lahat ng embahada ng Pilipinas.

Ayon sa isang senador, nasa mga kamay na ni Pangulong Duterte ang bola dahil pirma na lang niya ang kailangan at makapagtatalaga na ng karagdagang SWAs sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang mga SWA umano ang titiyak sa kaligtasan at mangangalaga sa karapatan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Uunahin dito ang mga bansang maraming manggagawang Pilipino.

Saludo ang Tinig ng Manggagawa sa panukalang ito at sana nga ay agad itong maipatupad upang mabigyang-atensyon naman ang pangangailangan ng ating mga kababayan na nagsasakripisyo sa ibang bansa para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Pero sana ay hindi gamitin ang proyektong ito ngayong panahon ng kampanya. Baka kasi ­ibinibida ang bagay na ito ngayon para makadagdag sa boto ng mga kandidato ng kasalukuyang administrasyon.

Kailangan natin ay sinserong programa para sa mga kababayan natin sa sandaling makaranas sila ng krisis at iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa ibang bansa.

Sa datos ng ­Philippine Statistics Authority noong 2017, nasa 2.34 milyong Pinoy ang umalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa. Ang 20.7 porsyento o 484,000 sa mga ito ay mula sa Region 4A (Calabarzon). Sinasabing may kabuuang 10 milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa ibayong dagat.

Malaking bilang ‘yan ng mga botante!

Sa ­kasalukuyan, matatagpuan ang ­maraming ­manggagawang Pinoy sa mga bansang ­Malaysia, Kuwait, ­Qatar, Hong Kong, Dubai, ­Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia. Pero iilan ang mga SWA na nakatalaga sa mga ­lugar na iyan.

Kaya naman may mga kababayan tayo na hirap matugunan ang kanilang problema kahit pa may magagaling na ­abogado naman sa mga embahada.

Hindi lang kasi legal na aspeto ang kinakailangan ng isang OFW na nahaharap sa krisis o dumaranas ng kalbaryo sa kamay ng kanyang amo, dapat mayroon ding ayudang ‘psychosocial’ o ang pinagsamang psychological at social behavior.

Panahon ngayon ng kampanya kaya kaliwa’t kanan ang ‘papogi’ ng mga kandidato, nawa’y totohanan ang pagsasabatas ng programang ito na makatutulong nang malaki sa mga itinuturing nating ‘Makabagong Bayani.’ (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

NAMATAYAN NA, PINAGKAKITAAN PA!

TINIG NG MANGGAGAWA final

TILA “double whammy” ang nangyaring trahedya sa limang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi sa isang aksidente kamakailan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX), gayundin ang walong kasamahan nila na nakaligtas sa nasabing trahedya.

‘Ika nga, doble ang saklap na nangyari sa mga biktima dahil sa mistulang panloloko ng mga kinauukulan bunsod ng hindi tamang pagbayad sa kanilang insurance at iba pang benepisyo kasunod ng naganap na sakuna.

Sa ibinahaging kopya ng kanilang “demand letter” sa kolum na ‘to. Pinangunahan ni ginang Josefina Flores, ina ng nasawing OFW na si Mila Flores, 32 anyos at ang kamag-anak ng apat na iba pang nasawi, ang pagsampa ng reklamo.

Kasama ring nag­rereklamo si Ginoong Mark Anthony Jonson, kapatid naman ng sugatan ngunit ligtas sa sakuna na si Jessamarr Jonson. At kamag-anak ng pitong iba pang nakaligtas.

Ang kanilang rek­lamo ay bunsod ng natanggap nilang INSURANCE BENEFIT na lubhang maliit umano kaysa sa nakasaad sa umiiral na batas sa ilalim ng RA 8042, o higit na kilala bilang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.”

Ayon sa grupong Serbisyong OFW Worldwide (SOFWW) sa pangu­nguna ni Tirso Nieva Paglicawan, Jr., isang non-governmental organization (NGO), ino­obliga sa naturang batas ang pagbayad sa mga nasawing OFW ng halagang US$15,000 o katumbas ng P750 libo kada isang nasawing OFW habang nasa kontrata pa ito ng isang ahensya.

Subalit ayon kay Paglicawan, tumanggap lamang ng halagang P200 libo ang bawat isang biktimang nasawi.

Ang limang nasawi at walong biktimang nakaligtas ay kasaluku­yang nakakontrata sa mga ahensyang First Personnel Services, Inc., at Sir Prince Global Services, Inc. nang mangyari ang sakuna nito lamang nakalipas na Marso.

Ang grupong SOFWW, ay nilapitan ng mga kamag-anak ng biktima upang direktang ipaabot sa mga kinauukulang ahensya ang kanilang rek­lamo. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin daw linaw na katugunan ang mga nilapitang ahensya ng gobyerno tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); Phil. Overseas Employment Administration (POEA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

“Bakit P200,000 lang ang halagang ipinagkaloob sa bawat pamilya ng limang (5) namatay na OFW gayong ang individual accidental death insurance ay nagkakahalaga ng US$15,000?,” tanong ng mga kamag-anak ng mga biktima.

Dahil dito, humihingi ng kaukulang “public statement” o paliwanag sa pangyayari kung PAPAANO, at ano ang pinagbatayan ng ibinigay na halagang P200,000 gayung nasa batas anila ay aabot ito sa US$15,000 bawat nasawing OFW.

Samantalang inoobliga naman umano ng batas ang pagbayad ng halagang US $10,000.00 kada isa sa survivor.

Matatandaan, ang insidenteng ito ay nangyari noong Marso 23, ng taong kasalukuyan nang tumaob ang sinasakyang van ng mga biktima sa bahagi ng NLEX.

Ang tanong ng marami at tanong na rin ng kolum na ito, saang bulsa napunta ang malaking halagang dapat ay para sa mga biktima?

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o ma­ging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

BABALA LABAN SA MODUS NG SANLANG-TIRA!

TINIG NG MANGGAGAWA final

KADALASAN ang salitang “awa” ang nagtutulak sa isang tao upang mabiktima ng mga dorobo at mapagsamatalang ESTAPADOR at ESTAPADORA. Siyempre bukod yan sa hangarin na kumita.

Magsilbing babala sa posible pang mabiktima ng kahalintulad na modus nitong sindikato. Ilang kababayan na rin ang nabiktima ng modus na ito na kung tawagin ay SANGLANG-TIRA at upang hindi maisahan ng pag-atake ng grupong ito.

Ang masaklap sa ganitong pangyayari, bihirang makamit ang hustisya ng mga nabibiktima dahil sa isa pang problema, ang sangkaterbang proseso sa pagsampa ng kaso at kabagalan ng mga otoridad sa pagtugon sa mga kasong tulad nito.

Sa ibinahaging reklamo ng isa sa mga na­ging biktima na si ginang Ester A. L. ng Tondo Manila, nangyari ito ilang taon na ang nakalilipas.

Isang kapitbahay raw ang lumapit sa kanya. Ipinakilala ang isang ginang. May problema raw sa pera ang ginang na ito dahil may sakit ang isa sa mga anak nito at nasa ospital pa ang tatay.

“Sakitin daw ‘yung anak n’ya, kaunting lagnat tumitirik ang mata. Nadala ako sa drama ng ipinakilala sa akin na isang Alice daw ang pangalan. At siyempre, bukod sa habag ko, natukso rin ako sa alok na dagdag kita,” paglalahad ni ginang Ester.

Ang usapan, isasanla daw kay ginang Ester ang paupahang bahay na pag-aari ng suspect na isang alyas Alice. Kumagat ang biktima dahil uso naman daw sa ibang lugar ang ganoong kalakaran. Isasanla ang paupahang bahay at ‘yung renta ay mapupunta sa pinagsanglaan.

Ito raw ay mangyayari sa loob ng dalawang taon, base sa kanilang napagkasunduang kontrata.

Kung tawagin ang sistema ay “SANLANG-TIRA.”

Sa kaso ni Ginang Ester, madali umano s’yang napapayag dahil hindi lamang sa kikitain kundi pati na rin sa ma­damdaming drama ng suspek kung saan may sakit kuno ang anak nito.

Ang siste, makaraan ng dalawang buwan, natuklasan na ang paupahang bahay na isinanla sa kanya ay lumilitaw na isinanla rin pala sa ibang tao.

Malalaman ito sa mismong barangay na nakasasakop sa lugar. Lumilitaw na ang “MODUS” ay pare-pareho at marami na rin ang nabiktima.

“Kung tutuusin halagang P35 libo ang natangay ng dorobong biktima, pero sa pagreklamo ko sa barangay at tatlong beses na pinatawag ang mga suspek, hindi ito sumisipot sa mga hearing. Madalas ako mag-absent sa trabaho at malaking stress kaya hindi ko na rin naaasikaso,” ayon sa pahayag ng biktima.

Ang masahol pa sa mga pangyayari, natuklasan na hindi lamang si Ginang Ester ang nabiktima kundi patong-patong ang kasong Estafa laban sa suspek na si Alice.

Kasama ang ilang nabiktima ng modus, inilapit daw ang kasong Estafa sa tanggapan ng Public Attorny’s Office (PAO) ngunit nabinbin lamang ito dahil sa simpleng rason, WALA NA ANG SUSPEK.

Ibinalik ang kaso sa mga otoridad gaya ng pulis, subalit dahil sa dami raw ng proseso kung kaya’t mismong ang mga nagrereklamo ang nawalan ng interes sa kaso.

“Wala na pong nangyari sa kaso. Ultimo abogado na galing sa PAO laging wala. Pinasilip namin sa pulis, ‘ayun daming kailangan. Kaya kesa ma-stress pa nang tuluyan, kusa na lamang naming itini­gil ang kaso at bye bye na lang du’n sa pinagpawisan ko,”  paglalahad ni Ginang Ester.

Ang ganitong estilo ng modus ay hindi lamang sa bahagi ng Tondo nangyayari. Laganap din ito sa iba’t ibang lugar na kung tawagin ay “depressed area.” Sila ang target ng ganitong sindikato.

Ang modus na ito ay nagpapatuloy. Tandaan, likas sa mandarambong ang magaling magpaikot sa isipan ng kanilang bibiktimahin.  Madali sa mga ito ang mambiktima, lalo na kapag ang kausap ay mayroon ding paghahangad.

‘Ika nga sa matandang kasabihan, “ANG MAG­HANGAD NG KAGITNA, ISANG SALOP ANG NAWAWALA!” Babala!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

WAKASAN ANG PANG-AABUSO SA MANGGAGAWANG PINOY 

TINIG NG MANGGAGAWA final

MAY mga iniuulat na namang pang-aabuso sa mga kababayan nating naninilbihan sa Middle East partikular sa Saudi Arabia.

Ang maganda rito ay agad nakarating sa kinauukulan ang kanilang reklamo at nangako naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na iimbestigahan ang mga employer, pati na rin ang mga recruitment agency na responsable sa trahedyang dinaranas ng ilan nating kababayan.

Diumano, may apat na OFW household service workers na pinangalanan sa mga ulat na sina Samra Musa Lidasan, Lyn Silongan Sali, Norhen Gayo Sarat at Noraima Mamadra Bandara na minamaltrato umano at pinagtatrabaho ng mahigit 10-oras ng kanilang employer.

Ang mga biktima ay lehitimong manggagawa at may hawak na Iqama bago umalis sa kanilang mga amo at kasalukuyang nakatira sa Bahay Kalinga sa Philippine Consulate General (PCG) sa Jeddah simula pa noong March 1, 2019.

Iniutos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang masusing imbestigasyon sa reklamo ng mga biktima at pati ang pagkakasangkot ng ilang recruitment agency ay pinasisilip na rin.

Tama lang na ma­ging ang mga recruitment agency ay papanagutin sa kapahamakan ng mga manggawa dahil sila ang kadalasang nambubuyo sa mga ito para mangibang bayan.

Bukod sa apat na biktima ay may isang 22 anyos din umanong OFW ang hinalay noong December 22, 2018 na ang suspek ay ang agency representative.

Matatandaang nagkaroon ng deployment ban ng mga Pinoy sa bansang Kuwait dahil din sa mga pang-aabuso sa mga Pinoy roon. Kasunod ito ng malagim na sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer sa bahay ng kanyang mga amo.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matuklasan ang kanyang bangkay.

Kalauna’y nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis na sinasabing silang may kagagawan sa pagkamatay ng OFW.

Agad ding sinentensiyahan ng bintay ang mag-asawa.

Isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikinonsidera ang lifting ng total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.

Nawa’y tulad ng kaso ni Demafelis ay mabilis ding mabigyan ng hustisya ang pagmamaltratong dinanas ng apat na biktima sa Jeddah, Saudi Arabia. Gayundin ang 22 anyos na umano’y hinalay ng agency representative.

Hihintayin ng Tinig ng Manggagawa ang paglalapat ng katarungan sa mga biktima.

Dasal lang natin ay huwag ningas-kugon ang DOLE sa pag-aksyon sa mga reklamo.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga kara­ingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

TRABAHO SA JAPAN 

TINIG NG MANGGAGAWA final

INANUNSYO kama­kailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na malaking bahagi ng 350,000 bakanteng trabaho sa Japan na bubuksan sa mga banyagang manggagawa, ang nakalaan sa mga manggagawang Pilipino.

Magandang balita ito para sa mga kababa­yan nating OFW.

Pero magiging epektibo umano ito kapag pinahintulutan ang pagkakaroon ng bagong residence status ng mga banyagang manggagawa doon.

Aba sana nga ay maging epektibo agad ang batas na ‘yan upang ang mga kababayan natin ay magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa bansang iyan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, kabilang ang mga skilled Filipino worker sa mga nasyonal na pipiliin ng Japan para sa mahigit 100,000 bagong trabaho na bubuksan sa karatig-bansa sa Asya.

Tingnan mo nga naman, ang mga Pinoy ngayon ang nag-aabang ng trabaho sa ibang bansa habang ang mga Chinese ay dito sa Pilipinas kumakayod!

oOo

Isa pang usapin hinggil sa mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFW) ang kahilingan ng ilang grupo na matanggap ang kanilang karagdagang benepisyo mula sa kani-kanilang foreign employer.

Tila suntok sa buwan pa rin umano ito.

Sabi ng isang grupo na may malasakit sa mga OFW, ang “Serbisyo OFW Worldwide (SOW) sa pangunguna ng Founding Chairman nito na si Tirzo Nieva Paglicawan, Jr., “DOABLE” naman daw ang hakbang na ito. Ibig sabihin, posible naman daw itong maipatupad kung direktang mamamagitan ang Malakanyang sa usaping ito.

Kabilang sa mga hinihiling ng mga OFW na mabayaran ay ang kanilang 13th month pay at iba pang benepisyo na hindi nabayaran sa loob ng mahigit limang taon mula noong 2014.

Naniniwala ang grupong ito na kapag namagitan ang Malakanyang sa usaping ito, mapipilitang umaksyon ang mga local at foreign recruitment agency para maisama na sa kontrata ang karagdagang benepisyong nabanggit.

“Bagama’t may ba­tas na nagtatakda, never before na nabayaran ng 13th month pay ang a­ting mga OFW na katulad ng natatanggap ng mga manggagawang lokal,” ayon kay Paglicawan.

Idinagdag pa nito, itinatadhana aniya ng ating batas-paggawa, ang magbayad ng obligasyon ang sinomang employer sa kanyang empleyado nang hanggang limang taong nakalipas lamang.

Paliwanag ni Paglicawan, “kahit sampung (10) taon ka nagtrabaho na may DAPAT na matanggap na benepisyo at saka ka nagreklamo after ten (10) years at kapag nanalo ka sa asunto, hanggang para sa limang (5) taon lamang na benepisyo ang ipagkakaloob sayo ng employer.”

“Ang ibig sabihin, ‘yung mga 13th month pay at iba pang money claims para sa mga taong 2014, 2015, 2016, 2017 at 2018 ang matatanggap ng sinomang OFW,” ani Paglicawan.

May basehan ang kanilang kahilingan batay sa mga sumusunod na batas, 1976 Presidential Decree No. 851, na inisyu ng noo’y Pangulong Ferdinand Marcos, kung saan inoobliga ang mga employer na bigyan ng 13th month pay ang kanilang mga empleyado.

Sinundan pa ito ng Memo­randum Order No. 28, Series of 1986 ni dating Presidente Corazon C. Aquino, kung saan sinusugan nito at inayos pa ang naturang batas.

Matagal na ang petisyong ito na pinaaabot sa kasaluku­yang gobyerno. Huwag naman sanang “magtengang-kawali” at magbingi-bingian sa kanilang kahilingan.

Daan-daang OFW natin ang kasalukuyang napapakinabangan ng ating bansa sa pamamagitan ng kanilang mga ipinadadalang dolyares.

Huwag na huwag naman sanang saka lamang natin sila napapansin kapag kailangan natin ang kanilang “BOTO” sa tuwing election.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o ma­ging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:
Read More

MODUS NG SINDIKATO SA EXPRESS ONLINE BANKING 

TINIG NG MANGGAGAWA final

HABANG paunlad nang paunlad ang teknolohiya sa mundo, pataas nang pataas naman ang level ng modus ng mga sindikato na ang layunin ay makapanloko at makapangulimbat ng malaking halaga ng pera.

Gamit ang modernong teknolohiya tulad ng CELLPHONE, COMPUTER at INTERNET, naisasakatuparan ang modus lalo na sa mga potential victim na mayroon ding paghahangad ng madaliang pagkita o kung tawagin ito ay “willing victims”.

Samantalang ang iba naman ay nabibiktima ng panloloko ng sindikato dahil sa kakulangan ng kaalaman sa proseso ng sinasabi nating “modernong teknolohiya” sa pamamagitan ng ON LINE BANKING TRANSACTION.

Nakapagtataka nga lamang, tila isang pattern ang nangyayari at isang bangko lamang ang napagdidiskitahan ng modus na ito. (Kung mayroon man sa ibang bangko hindi pa ito nakarating sa ating kaalaman).

Isang karanasan ang ibinahagi ng ating kaibigan at dating kasamahan sa industriya na si JEPOY PANLILIO.  Personal n’ya itong na-encounter matapos matanggap n’ya ang mensahe mula sa Electronic Mail (E-mail) na nagmula umano sa Bank of Philippine Islands (BPI).

Ayon kay Mr. Panlilio, may na-receive siyang dalawang e-mail. ‘Yung una, March 15, 2019, na sinasabing may gumamit ng kanyang bank account online.  Ang transaksyon ay nangyari raw sa Singapore kung saan nag-purchase daw s’ya ng iphone 7 online.

“May tono pang pagmamalasakit ang mensahe na kung hindi raw ako ang gumawa ng transaksyon, pwede naman daw i-refund. Nasa unang screenshot, may attachment na word document na refund form kapag inopen yung attached file, jpeg file lamang at sa “screenshot 2”, wala naman ibang detalye kung ano ang gagawin. Seems legit, pero upon checking, hindi nagmula sa legit BPI registered email add ‘yung mail,” ayon sa paglalahad ni Mr. Panlilio.

After 10 days, muling nakatanggap ng e-mail from BPI (kuno) si Mr. Panlilio. Sinasabi sa mensahe na kailangan na raw nilang “I-DEACTIVATE”  temporarily ang kanyang account.  At para ma-activate muli ito, kailangan daw mag fill-up ng form.

Parang legit pa rin daw kasi ‘yung kulay at email ay parang BPI nga. Subalit kapag sinuri itong mabuti, ‘yung email add n’ya ay hindi galing sa BPI site. Ito ‘yung address, verify@bpiexpressonline.koms sa halip na bpiexpressonline.com.

Idinagdag pa ni Mr. Panlilio, “Though, ‘yung link na binigay n’ya ay legit naman. Pero upon clicking, lilipat siya sa isang page na same ng BPI online login page. Seems legit pa rin. Pero eto na, upon checking ulit, ang site host ay: peralatanresto.com. Boom! Click bait pala.”

Ayon pa sa depositor na si Mr. Panlilio, kapag ni-LOG IN mo ‘yung account mo dito, BINGGO, tiyak HACKED na ang account mo dahil naibigay mo na ang USERNAME at maging ang iyong PASSWORD.

Kung sakaling hindi ito alam ng bibiktimahing depositor at napasunod sa mapanlinlang na proseso ng sindikato, tiyak LIMAS ang inyong pinaghirapan na nakadeposito sa bangko.

Linawin lamang natin, hindi ko direktang dinadawit ang pamunuan ng BPI pero dapat ay mag-imbestiga kayo. Dahil malamang sa totoo, meron kayong malaking tao sa loob na sangkot sa modus na ito.

Alam ng sindikato na kahit saang anggulo, kapag ginamit ang inyong personal na detalye ng iyong pagkatao, KAYO ANG TALO. Bakit ‘ika mo?  Palalabasin ng sindikato na kayo mismo ang nakikipagtransaksyon dahil gamit ang iyong pagkatao.

Magsilbing babala ito sa mga DEPOSITOR na naka-enroll online, hindi lamang sa BPI, kundi maging sa ibang bangko. Tiyaking mabuti na naiintindihan ang bawat binibigay na detalye sa alinmang transaksyon ONLINE. Sa isang pagkakamali, tiyak TODAS ang inyong pinaghirapan.

Nagpapasalamat ang kolum na ito kay Mr. Jepoy Panlilio. Dahil sa pagbahagi mo, marami tayong kababayan ang naliwanagan at makaiiwas sa ganitong uri ng “modus” ng sindikato.

Tandaan! Maging mapagmatyag sa lahat ng oras at pagkakataon.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com

Please follow and like us:
Read More