P24.3-M SYNDICATED ESTAFA IKINASO SA BAYAW NI GAISANO

doj12

EKSKLUSIBO

(NI NELSON S. BADILLA)

INAASAHANG magiging sentro ng atensyon at kontrobersya sa lalawigan ng Cebu ang pamilya ni business tycoon Eddie Gaisano, isa sa mga kinikilalang matagumpay na negosyante ng lalawigan, dahil sa kasong P24.3 milyong syndicated estafa na kinasasangkutan ng isa sa miyembro ng pamilya.

Si Gaisano ay may-ari ng kilalang Gaisano Malls sa Visayas at Mindanao.

Batay sa rekord ng Department of Justice (DOJ), ang kanyang manugang na si Derwin Wong at iba pang siyam na indibidwal  ay sinampahan ng kasong syndicated estafa sa Cebu City Regional Trial Court.

Si Derwin ay asawa ni Eda Frances, anak ni Gaisano.

Nadakip si Derwin noong Abril 17 sa isang condominium sa Makati City batay sa warrant of arrest na inisyu ni Cebu City – RTC Branch 7 Judge James Stewart Ramon Himalaloan noong Abril 8 ng taong kasalukuyan, ayon sa DOJ.

Hinahagilap pa ng mga otoridad ang kasama sa syndicated estafa na sina Wong Chung Yin alyas David Wong, Derick Wong, Diane Wong, Davidson Wong, Lucy Chua, Juvy Ting, Susan Lu, Beverly Ansay at Leonardo Marsan.

Hanggang ngayon ay nagtatago pa ang siyam.

Ang nagsampa ng nasabing kasong kriminal laban kay Derwin at siyam na iba pa ay ang kanyang hipag na si Valerie Gaisano – Sebastian, anak din ni Eddie Gaisano.

Walang piyansa ang kaso nina Derwin.

Kaya, siya ay mananatili sa Cebu City Jail (CCJ) habang linilitis ang kaso, ayon sa DOJ.

Naglabas din si Judge Himalaloan ng hold departure order laban sa mga akusado na ipinarating sa Bureau of Immigration (BI) upang ang huli ay harangin ang pag-alis sa bansa ni Derwin at ng iba pang mga akusado.

Batay sa reklamo ni Gaisano – Sebastian, “ipinagkatiwala” niya ang kanyang P24.3 milyong halaga ng “shares of stocks” sa DW Capital Inc. (DWCI).

Nang rebyuhin at pag-aralan ni Gaisano – Sebastian ang mga transaksyon ng DWCI ay nadiskubre niyang naibenta umano ang kanyang P24.3 milyong halaga ng sapi sa DWCI nang walang “otorisadong pahintulot” mula sa kanya.

Ang pamilya ni Derwin ang sinasabing nagpapatakbo ng DWCI.

 

 

 

Please follow and like us:
Read More