RAKET SA SIMBANG GABI; TEENAGER HULI SA MARIJUANA

(NI ALAIN AJERO)

ISANG teenager na bukod sa pagtitinda ng ‘ready to wear’ na damit ay nagtutulak din ng marijuana sa gilid ng simbahan ang dinakip at nakuhanan ng P120,000 halaga ng droga sa Caloocan City, Sabado ng gabi.

Napipintong sa piitan abutin ng Pasko si Jenard Velasco alyas “Chong Good,” 19, ng  11B, Milegos St., Brgy. 98, Zone 9, Caloocan, City, na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Naganap ang insidente alas- 8:20 ng gabi sa gilid ng Our Lady of Grace Church sa sa 11th Avenue, Brgy. 90, Zone 8, ng lungsod.

Nakabili ng chongke ang isang parak kay Velasco at nang sumenyas ang poseur-buyer sa mga kasama ay dinaluhong na ng mga parak ang suspek.

Nakumspiska kay Velasco ang isang malaking plastic ng marijuana at  isang medium na plastic ng marijuana na tumitimbang na humigit-kumulang isang kilo at nagkakahalaga ng P120,000.

Nasamsam din kay Velasco ang isang tunay na 1,000 bill na naka-bundle sa 14 na pekeng pera na ginamit sa operasyon, isang plastic bag at isang itim na motorsiklo.

 

Please follow and like us:
Read More

SIMBANG GABI NABULABOG NG MAGNITUDE 4.3 LINDOL

LINDOL-3

(NI DONDON DINOY)

DIGOS CITY—Ginulantang ng pagyanig ang mga nagsilabasang mananampalataya matapos ang Simbang Gabi sa Mary Mediatrix Cathedral, Linggo ng umaga.

Ayon kay Rosita Pantonial, 46, bigla siyang parang idinuyan ng lupa matapos maramdaman ang lindol.

Sinabi naman Ritchie Amisola, 32, simula Sabado ng gabi, wala na silang tulog sa kanilang bahay dahil bigla ring naramdaman ang malakas na pagyanig.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs) naitala ang magnitude 4.4 dakong alas 6:44 ng gabi, at nasa 4 kilometro sa southeast ng Kiblawan, Davao del Sur. Tectonic ang origin at may depth of focus na 1kilometro.

Nagkaroon din nga mga Instrumental intensities 3 sa Malungon, Sarangani; Intensity 2 sa Tupi, South Cotabato at Intensity 1 sa Kidapawan City; Alabel, Sarangani at Koronadal City.

Ayon sa Phivolcs ang lindol dakong alas 5:26 ng umaga ng Linggo ay isang magnitude 4.3, at ang epicenter ay naitala mga 15-kilometros northwest ng Malungon, Sarangani province.

Dagdag ng state seismic bureau na may lalim itong 34 kilometro at tectonic in origin.

Naitala din ng Phivolcs ang mga pagyanig sa iba’t ibang dako ng Mindanao.

Intensity 3 sa Digos City; Intensity 2 sa Davao City; General Santos City; Koronadal City;  at Tampakan, South Cotabato.

Ang Instrumental intensities na Intensity 5 ay naitala sa Malungon, Sarangani; Intensity 4 asa Tupi, South Cotabato, Intensity 3 sa Koronadal City; Alabel, Sarangani at Kidapawan City at Intensity 2 sa Davao City; General Santos City at Kiamba sa Sarangani province.

Simula ng mangyari ang magnitude 6.9 na tumama sa Matanao, Davao del Sur noong Disyembre 15, naitala na ng Phivocs ang mahigit 1,000 aftershocks sa malaking parte ng Mindanao.

Sinabi ng mga Geologists na ang Tangbulan Fault, na may habang 69 kilometro mula sa bayan ng Bansalan, Davao de Lsur papuntang Sta. Maria in Davao Occidental, ang posible umanong naging sanhi ng malalakas na lindol at aftershocks sa lalawigan at mga karatig na lugar.

Inabisuhan din ng Phivolcs ang publiko na huwag mag-panic at mag-ingat sa mga darating pang aftershocks.

 

 

Please follow and like us:
Read More

AFTERSHOCK SA MISA: GINANG INATAKE SA SIMBANG GABI

(NI DONDON DINOY)

SULOP, Davao del Sur—Nagdadalamhati ngayon ang pamilyang Momo matapos pumanaw ang 45-anyos na ginang na inatake sa puso sa loob ng kanilang simbahan habang dumalo sa Simbang Gabi noong Miyerkules, Disyembre 18.

Ayon sa ulat nagsimba sa San Roque Catholic Church si Josephine Momo kasama ang live-in partner na si Jaime Llammos nang biglang yumanig ang magnitude 5.3 na aftershock.

Si Jaime ay kagawad ng Pangulo ng Liturhiya (PSL) at nasa serbisyo sa altar ng simbahan nang mangyari ang pagyanig.

Aniya, nakita na lamang nito na naglabasan ang mga tao at nawala na si Josephine sa kinauupuan nito sa harap ng altar sa simbahan.

Inakala ni Jaime na lumabas lang ang kinakasama dahil sa lindol ngunit nabigla na lang siya ng makatanggap ng balita na nasa pagamutan na si Josephine.

Isa sa mga nakasaksi sa nangyari ay si Edgar Dafosala, municipal administrator ng bayan, na nagsabing nakita na lamang niya na biglang hinimatay ang biktima nang malapit na ito sa pintuan ng simbahan.

Agad na tinulungan ng ibang mananampalataya si Josephine upang dalhin sa pagamutan.

Ngunit makalipas ang ilang minuto ay binawian na ito ng buhay.

Inamin ni Jaime na may sakit sa puso si Josephine at madalas itong nakararanas ng nerbyos.

Hindi inakala ni Jaime na mag-panic ang kinakasama matapos ang pagyanig dahil wala namang epekto sa kanya ang tatlong magkakasunod na malakas na lindol noong buwan ng Oktubre.

Mas lalo pang nagdadalamhati si Jaime dahil wala siya sa tabi ng kinakasama upang tulungan ito matapos na isugod sa pagamutan at namatay.

 

Please follow and like us:
Read More

SIMBANG GABI

SIMBANG GABI-4

(Ni Guillermo Octavio)

KANINANG umaga, dinagsang muli ang mga simbahan sa Pilipinas ng mga Katoliko—na karamihan ay may kahilingan na gustong matupad, gaya ng makuha ang salaping nararapat lang ibigay sa kanila, o kaya ay makikipagtagpo sa kung sinong taong itinuturing nilang mahalaga sa mga sandaling iyon — dahil sinimulan na ang Simbang Gabi, isang tradisyong Pilipino tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Ang Simbang Gabi ay siyam na gabing debosyon, katulad ng serye ng misa sa bukang-liwayway na dinadaluhan naman ng mga Puerto Rico na tinatawag namang “Misa de Aguinaldo”.

Ang serye ng Misa para sa Simbang Gabi ay idinaraos mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre at ginaganap sa iba’t ibang oras sa pagitan ng alas-3 ng madaling-araw hanggang alas-5 ng umaga.   Misa de Gallo sa Español, o Misa ng Tandang sa Filipino ang tawag sa huling simbang gabi sa bisperas ng Pasko.

Noong unang panahon…

Mga unang bahagi pa ng higit 300 taong pananakop sa atin ng mga Español, noong 1669, nang magsimula ang Simbang Gabi sa Pilipinas bilang isang praktikal na gawain para sa mga magsasaka, na nagsisimulang magtrabaho sa bukid bukang-liwayway pa lamang upang maiwasan ang matinding init mula katangha­lian. Sinisimulan ng mga pari ang Misa umagang-umaga.  Ang kaugaliang ito tuwing Pasko ay nakasanayan na at naging bahagi ng kulturang Pilipino.

Ang Pilipinas mula noon at hanggang ngayon, taliwas sa gustong ipilit ng ilang pulitiko, ay isang bansang agrikultural.  Kilala tayo noon sa ating mga plantasyon ng niyog, tubo at bigas.  Hindi siguro maniniwala ang mga ninuno natin noon kung sasabihin mo sa kanilang sa susunod na milenyo ay magiging isa, o magiging tayo ang pinakamalakas umangkat ng bigas sa buong daigdig.

Maghapon sa sakahan noon ang mga kasama at sakada at nagpapahingan lamang para mananghalian, kung kailan pinakamainit ang sikat ng araw.  Dahil sa nawalang isang oras na ito, doble kayod ang ating mga ninunong magsasaka at pinagkakasyang pili tang oras dahil sa mga takot sa mga enkargado, o katiwaldas…katiwala pala, na namamalakad sa mga lupain ng Español na “panginoon” o haciendero.

Sa pagitan ng pagtatanim at pag-ani lamang napapahinga sa pwersahang trabaho ang ating mga ninuno.  Yaong mga nasa edad na para magtrabaho ay tinitipon sa ilalim ng sistemang tribute, kung saan, marahil dahil sa takot o kamangmangan, o kombinasyon ng dalawa, ay pumapayag ang mga sinaunang Pilipino na magtrabaho ng libre para sa mga proyekto ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya. Ang mga babae naman ay inaaalagaan ang mga tanim nilang gulay sa tumana o kaya ay nagiging kasambahay para sa mga elitista.

Nakalulungkot mang isipin, hanggang sa kasalukuyan ay mga tila hindi natuto sa mga aral ng kasaysayan at nag-aasal “panginoon” sa paniniwalang wala namang pagpipilian ang mga manggagawa kundi sumunod.

Sa pagdating ng Kapaskuhan, naging kaugalian na ang mga novena tuwing gabi, at nakita ng mga pari na dumadalo pa rin ang mga parokyano sa kabila ng maghapong pagod.  Bilang kompromiso, sinimulan ng pari na idaos ang misa ng umagang-umaga habang hindi pa sumisikat ang araw bago magsipunta sa bukid o pumalaot sa dagat ang ating mga ninuno.

Pagkain at inumin

Noong panahon ng mga Español at unang bahagi ng panahon ng mga Kano, walang maihandog ang mga parokyano sa Misa kundi bigas, prutas, gulay at itlog.  Ipinamamahagi ng Simbahan ang ani sa buong kongregasyon matapos ang misa.

Matapos ang Misa, kakain ang mga Pilipino ng mga pagkaing ibinebenta malapit lamang sa simbahan.

Gaya noong unang panahon, sa kasalukuyan ay mayroon na ring handang makakain sa labas lamang ng simbahan.   May latik at yema, gayundin din ang uraro, barquillos, Lengua de Gato.

Nariyan rin ang arróz caldo  at sa maniwala kayo o hindi, papaitan, pang-almusal at hindi pang-pulutan sa mga kapatid nating Ilokano.

Hindi nawawala mula noong panahon pa ng a­ting mga lolo at lola ang bibing­ka, puto bumbong, suman at iba pang kakanin, pero kung noong una ay mainit na tsokolate, kapeng barako o kaya naman ay salabat ang kapares nito, marahil ngayon ay kape na mula sa Starbucks o kaya naman ay milktea.

Ang mga pagkaing gawa sa bigas ay itinitinda para mapuno ang sikmura ng ating mga magsasaka, dahil ito ay mura at mula pa noong una ay “staple food” na ng mga Pinoy.  Ang mga kakanin ay puno rin ng carbohydrates ay kailangan din ng mga kolonyal na Pilipino para sa maghapong pagtatrabaho sa mga bukid at gilingan ng asukal.

Sa kasalukuyan…

Ngayong sinasabing tapos na ang panahong kolonyal at panahon na ng mga millennial, idinaraos na rin ang Simbang Gabi sa mga mall.  Gayunpaman, kamakailan ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon si Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagdiriwang ng Misa sa mga mall, maliban na lang kung may sarili itong kapilya.

May Simbang Gabi na talagang sa gabi  idinaraos at nagsisimula ito sa ika-15 ng Disyembre at nagtatapos sa ika-23, kung saan ang mga pagbasa para sa misa kinama­daling-arawan ang siya ring binabasa, bagama’t may mga nagsasabing ito raw ay labag sa kautusan ng Simbahan.

Para maranasan ng mga milenyal kung paano ang Simbang Gabi noong panahon nina Andres Bonifacio, may mga pangkat na nagdiriwang ng tradisyunal na Misa sa Latin, kandila ang gamit at ang daan-daang taong musika at awiting pang-Misa ang ginagamit.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala ang paniniwalang kapag nakumpleto ang siyam na araw na Simbang Gabi ay matutupad ang kahilingan ng nakakumpleto ng novena, kaya’t tiyak, maraming nagsimba kanina, na may kani-kaniyang gustong mangyari at pansari­ling motibo, at nakaligtaan ang tunay na diwa ng Pasko, ang mensahe pag-ibig sa kapwa na dala ng sanggol na si Hesus.

Bilang paalala, wakasan natin ang pitak na ito sa pagtatapos ng isang kantang Pamas­kong tiyak na alam ng lahat:

“At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN! At magbuhat ngayon, kahit hindi Pasko ay MAGBIGAYAN!”

Please follow and like us:
Read More

SIMBANG GABI 2019: PNP NASA FULL ALERT

(NI NICK ECHEVARRIA)

SIMULA December 15 ganap na alas-6:00 ng umaga hanggang January 5, 2020 isasailalim na sa full allert status ang lahat ng units ng kapulisan sa Luzon at Visayas bilang paghahanda sa pagsisimula ng tradisyunal na “Simbang Gabi”.

Batay ito sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa para palakasin ang police visibility ngayong holiday season kaugnay sa seguridad ng mga magsisimbang gabi kung saan ilalagay sa pinakamataas na antas ng kahandaan ang PNP sa mga nabanggit na mga lugar.

Aabot sa 69,335 na mga personnel ng PNP kasama ang 157,264 na mga force multipliers ang ipapakalat para sa law enforcement at public safety operations, batay sa ipinalabas na  PNP Command Memorandum Circular “Paskuhan” 2019.

“We do not really anticipate major peace and order issues during the Yuletide Season, but, we are deploying more policemen in the field as a crime prevention measure,” sabi ni Gamboa.

Partikular na inatasan ni Gamboa ang kanyang mga Regional Directors na dagdagan ang mga itatalagang pulis kung gabi na magsasagawa ng mga foot patrol para tutukan ang siyam na araw na “Misa de Gallo ngayong yuletide season.

Idinagdag pa ni Gamboa na kailangan din ang koordinasyon sa pagitan ng mga local police units at sa mga opisyal ng barangay para magkatuwang na bantayan ang mga lalabag sa paggamit ng mga ipinagbababawal na paputok.

Inabisuhan din ng PNP OIC ang mga field unit commanders na tiyaking laging bukas ang blinkers ng kanilang mga mobile patrol units para mas madaling makita ng publiko.

Sinabi naman ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na layunin ng hakbang na ipatupad ang PNP Enhanced Managing Police Operations (E-MPO) Strategy, para sa kaligtasan at sa iba pang security concerns.

Kabilang sa mga tutukan ng PNP ang mga na itinalagang firecracker at display zones sa mga komunidad, assistance hubs, simbahan, commercial centers, road safety points, mga pantalan, istasyon ng mga train at mga paliparan sa bansa.

Gagamitin naman sa mga  anti-criminality operations, anti-motorcycle-riding suspects at bilang reactionary standby support ang iba pang puwersa ng pambansang pulisya.

 

Please follow and like us:
Read More