P6.8-M SHABU SA TEABAGS NASAMSAM SA P’QUE BUY BUST

(NI ROSE PULGAR)

NASA P6.8 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa lalagyan ng tsaa ang nakumpiska sa lalaking naaresto sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa Paranaque City, Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Police Brig. General Nolasco Bathan ang nadakip na si Bayan Salamat Ibrahim, 32, ng 10 C Ninoy Aquino Avenue, Barangay San Dionisio ng nabanggit na lungsod.

Lumabas sa report ng pulisya, dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon nang madakip ang suspect ng pinagsanib na pwersa ng Caloocan City Police at Paranaque City Police sa Russia St., Brgy. Don Bosco ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay Bathan, nakatanggap ng report ang Caloocan City Police hinggil sa pagbebenta ng droga ng suspect.

Nakipag-ugnayan ang Caloocan Police sa tanggapan ng Paranaque City Police hanggang bumuo ng team para sa buy-bust operation laban sa suspect.

Isa sa mga pulis ang nagpanggap na bibili ng droga at nang magpositibo ay dito na nila dinakip ang suspect.

Nakumpiska sa suspect ang shabu na 1 kilogram na nagkakahalaga ng P6.8 million, na nakalagay sa malaking tea bag na may brand na “Refine Chinese Tea”, 5 pirasong P1,000 bills at 95 pirasong P1,000 bills  boodle money, na ginamit sa buy bust operation, isang kulay puting Toyota Vios  na may plakang ABH-9953 at cellphone.

Sasamapahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive dangerous drug act of 2002 ang suspect sa Paranaque Prosecutor’s Office.

Please follow and like us:
Read More