2 CHINESE SA INDOOR MARIJUANA PLANTATION KAKASUHAN NA

(NI KEVIN COLLANTES)

KAKASUHAN na ang Chinese national na may-ari ng indoor marijuana plantation sa isang condominium sa San Juan City matapos salakayin ang kumpiskahin ang pananim nito.

Kaagad na sinalakay ng mga awtoridad ang isang condominium building sa Barangay Batis, San Juan City nitong Huwebes ng gabi matapos ang pagkakadiskubre na mayroong ‘indoor plantation’ ng high-grade at imported na marijuana sa ikaapat na palapag at rooftop nito.

Sa ulat ng San Juan City Police, na pinamumunuan ni P/Col. Jaime Santos, nabatid na dakong alas-7:10 ng gabi nang salakayin ng mga awtoridad ang gusali na matatagpuan sa 26 A. Rita Street, Barangay Batis.

Lumilitaw na bago ang pagsalakay ay nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad mula sa mga tenant ng gusali hinggil sa naturang plantasyon ng marijuana.

Nagsuspetsa ang tenant na may iregularidad na nagaganap sa lugar nang biglang tumaas ang bill ng kuryente na umabot ng P29,000 na nagresulta sa pagkaputol nito, napuna rin ang kahinahinalang pag-aakyat ng mga pataba at mga lupa sa gusali, na ginagamit sa naturang ilegal na operasyon at nakuhanan pa ng larawan ang pagbababa ng mga ‘halaman.’

Kaagad namang nagsagawa ng 2-araw na surveillance ang San Juan Police at nang makumpirma ang ulat ay nag-aplay ng search warrant sa sala ni Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 Judge Danilo Cruz at isinagawa ang pagsalakay, bago pa man makatunog ang may-ari ng plantasyon, katuwang ang mga tauhan ng District Intelligence Division ng Eastern Police District (EPD) at regional office ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-NCR.

Sa pagsalakay, nadiskubre rin ng mga awtoridad ang isang greenhouse na ginamit sa ‘indoor cultivation’ ng mga ilegal na halaman sa rooftop ng gusali, gayundin ang mga kagamitan sa pagtatanim nito at may walong pakete ng dried marijuana leaves, na handa na umanong ipagbili sa kanilang mga kostumer.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) director P/BGen. Johnson Almazan, natukoy na ang 4th floor at roof deck ng gusali, na pagma-may-ari ng isang alyas ‘Ming Uy’ ay may pitong buwan nang inuupahan ng isang Chinese national na si Aaron Huang.

Hindi aniya naabutan sina Huang at Uy sa gusali nang isagawa ang pagsalakay ngunit tiniyak na sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.

Sinabi naman ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/MGen Guillermo Lorenzo Eleazar na ito na ang itinuturing nilang isa sa pinakamalaking indoor cultivation ng marijuana matapos ang pagkakadiskubre sa isa pang plantasyon sa Marikina City.

“Ito yung sinasabi natin na ‘indoor cultivated marijuana plantation.’ Hindi first time na magkaroon tayo ng ganitong operation. May iba pang equipment na ginagamit sa pagtatanim nitong marijuana,” ani Eleazar. “Sa urban area, ginagawa nilang paraan kasi sa loob ng mga bahay as long as i-me-maintain ang tamang temperature, puwede na silang ma-cultivate.”

Ayon sa mga pulis, kada kilo ng marijuana ay aabot ng P15,000 hanggang P25,000 ngunit tumataas pa ito kung mahigpit ang kampanya ng mga awtoridad laban sa shabu. Karaniwan rin umanong isinusuplay ito sa mga high school at college students.

Sinabi pa ni Eleazar na isa sa mga inaasikaso umano ng mga awtoridad sa ngayon ay ang paghanap sa ledger o mga notes ng mga suspek upang matukoy kung saan dinadala ang mga ilegal na pananim at sinu-sino ang mga kostumer ng mga ito, gayundin ang mga iba pa nilang kinukuhanan ng mga suplay.

Samantala, pinuri naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang San Juan Police at Eastern Police District (EPD) dahil sa mabilis na aksyon at pagkakabuwag ng naturang plantasyon ng marijuana sa kanilang lungsod.

Nanindigan si Zamora na kalaban niya ang ilegal na droga at hindi siya papayag na sa lungsod ng San Juan ay mayroong ganitong mga plantasyon at binalaan ang lahat ng nagbabalak na magbenta o magpaikot ng droga sa San Juan na kanila itong huhulihin at pananagutin sa batas. “100 percent all out tayo against drugs,” anang alkalde.

Nagpasalamat rin naman si Zamora sa mga residente na siya mismong nagsumbong ng ilegal na aktibidad sa mga pulis, na nagresulta sa pagkadiskubre nito.

 

Please follow and like us:
Read More

LALAKI NAN-RAPE SA UTOL NG GF, ARESTADO

arrested124

(NI NICK ECHEVARRI)

HULI ang isang  19-anyos na teenager na gumahasa umano sa dalagitang kapatid ng kanyang kasintahan sa pinagtataguan nito sa Gen. San Luis St. Brgy. Tibagan, San Juan City, Sabado, alas-4:00 ng hapon.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director P/BGen. Nolasco Bathan, nakilala ang suspek na si Geoffrey Javillo, ng Purok 6, Brgy. Sto. Rosario, Hagonoy, Bulacan.

Ayon kay San Juan City Police Office Chief P/Col. Ariel Fulo, ang suspek na si Javillo ay wanted sa kasong panggagahasa makaraang ireklamo ng isang grade 10 student na 16-anyos at kapatid ng kanyang girlfriend noong Februay 15, 2017  na nan-rape sa kanya sa loob ng bahay mismo ng suspek sa Hagonoy.

Sa rekord ng kaso, nagtungo umano ang dalagitang biktima sa bahay ng suspek para hanapin ang kanyang kapatid na kasintahan nito, nang malamang wala doon ang kapatid paalis na sana ang biktima nang bigla na lamang siyang hatakin ng suspek papasok at pwersahang pinagsamantalahan.

Matapos ang panghahalay, binantaan pa umano ni Javillo ang biktima na papatayin kapag nagsumbong siya.

Napilitan lamang umanong ipagtapat ng biktima sa kanyang pamilya ang panggagahasa nang ipagkalat ng suspek sa kanilang mga kapitbahay na nakatalik na niya ang dalawang magkapatid.

Dahil dito agad nagtungo  ang ama ng biktima sa mga awtoridad para ireklamo ng kasong rape ang suspek na mabilis namang umalis sa kanilang lugar para magtago.

Si Javillo ay nadakip ng mga elemento ng San Juan City at Hagonoy Police Station sa bisa ng warrant of arrest mula sa Malolos, Bulacan RTC branch 9 makaraang makatanggap ng impormasyon na nagtatrabaho ang suspek bilang ice delivery boy sa lungsod.

Agad inilipat sa Hagonoy Police Station ang pangangalaga sa suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o ang Anti-Child Abuse Law habang  wala namang inirekomendang piyansa ang korte.

Please follow and like us:
Read More

2 MAID HULI SA P1.5-M NINAKAW NA ALAHAS, PERA NG AMO

crime robber12

(NI KEVIN COLLANTES)

PINAG-IINGAT ni San Juan City Police chief, P/Col. Ariel Fulo ang publiko sa pagkuha ng mga kasambahay, matapos maaresto ang  dalawang kasambahay na bagong pasok lamang sa trabaho, at inaakusahang nagnakaw ng P1.5 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga alahas at cash ng kanilang amo sa San Juan City.

Kinilala ni Fulo ang mga suspek na sina Lourdes De Asis, alyas ‘Lulu,’  49, at Analyn Escari , alyas ‘Inday,’ 20, kapwa stay-in helpers sa 105 Kennedy St., North Greenhills, Barangay Greenhills, San Juan City.

Ang mga suspek ay naaresto dakong 8:45 ng umaga ng Sabado, , sa isang fastfood chain sa Annapolis, Barangay Greenhills, batay sa reklamo ng kanilang amo na si Victoria Marzan, 58, isang pribadong employer, at residente ng naturang lugar.

Batay sa salaysay ng biktima kay SPO2 Dennis Ramos, na nakarating kay Eastern Police District (EPD) director, P/BGen. Christopher Tambungan, nabatid na Abril nang tanggapin niya bilang katulong ang mga suspek, batay sa referral ni Meriam de Asis Ropaning, na kaanak umano ni Lourdes.

Matapos lamang naman ang isang buwan mula nang sila ay tanggapin sa trabaho, o nitong Mayo 16, ay nagpaalam na umano ang mga suspek sa amo na aalis na, na pinayagan naman umano niya.

Laking gulat na lamang ni Marzan nang madiskubre niyang nawawala na ang kanyang mga alahas at cash na nakalagay sa kanyang safety vault.

Kaagad namang kinontak ni Marzan si Ropaning at sinabihang dalhin ang mga suspek sa Greenhills dahil nais niyang makausap ang mga ito kaugnay ng insidente.

Pumayag naman umano si Ropaning, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay naireport na pala ni Marzan sa pulisya ang insidente, kaya’t nang magkita sila sa loob ng isang fastfood chain ay kaagad nang dinampot ang mga ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP) ng San Juan City Police.

Mariin namang itinatanggi ng mga suspek na sila ang nagnakaw ng mga nawawalang cash at alahas ng biktima.

Batay sa report ng pulisya, ilang alahas at mga accessories na ang nagkakahalaga ng P150,000 ang nabawi nila ngunit hindi pa narerekober ang P910,000 halaga pa ng iba’t ibang uri ng alahas, gayundin ang P500,000 cash na nakalagay sa vault.

Kasalukuyan nang nakadetine ang mga suspek sa San Juan City Police Custodial facility at mahaharap sa kasong qualified theft.

 

Please follow and like us:
Read More

DISQUALIFICATION NI EDU IAAPELA SA COMELEC

edu manzano12

(NI HARVEY PEREZ)

IAAPELA ng aktor na si Edu Manzano sa Commission on Elections (Comelec) ang desisyon na kanselahin ang  kanyang certificate of candidacy (CoC) bilang kandidato sa pagka-kongresista ng San Juan City.

Sinagot ni Manzano ang isyu sa kanyang post sa Instagram account.

Nakahanda rin si Manzano na iakyat ang usapin sa Supreme Court.

Paliwanag ni Manzano, ang Comelec 2nd division lamang ang nagpasya na kanselahin ang kanyang CoC bunsod ng pagkwestyon sa kanyang citizenship.

Ipinaliwanag pa ni Manzano na may pareho nang reklamo na isinampa sa kanyang noon kung saan pinaboran siya ng SC.

Ito umano ay  noong tumakbo siya at nanalo siyang vice mayor ng Makati.

Please follow and like us:
Read More

KUYA KRITIKAL; UTOL NA SUSPECT PINATAWAD

stabbing1

(NI MAC CABREROS)

INOOBSERBAHAN ang kalagayan sa ospital ng isang lalaki nang saksakin ng mismong kapatid makaraan ang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang barracks sa ginagawang ospital sa San Juan City, Sabado ng madaling araw.

Naaresto ngunit agad namang pinalaya si Brando Fampula Fabito, 30, binata, matapos patawarin ng kanyang nakatatandang kapatid na biktima na si Edmund, 38, karpintero. Ang magkapatid ay kapwa trabahador sa ginagawang San Juan Medical Center, Brgy. Balong-bato, ng nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid ala-1:30 ng madaling araw sa loob na kinukumpuning ospital.

Biglang kumuha ng patalim ang suspek at sinasak sa dibdib ang kanyang kuya bago tumakas habang isinugod sa pagamutan ang huli.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nadakip ang suspek ngunit hindi na sinampahan ng kaso matapos pumirma ng waiver ang biktima dahil sa humanitarian na rason.

Samantala, sa Mandaluyong City, inaresto at kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drugs Act sina Angelito Dizon, 28, at Jhoan Raposas, 22, ng Aglipay St., Brgy. Old Zaniga,  dahil sa pag-iingat ng dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu alas-2:00 ng madaling araw nitong Sabado.

Sa Pasig City, nadakip sa buy-bust si Alvin Concepcion, 48, alas-10:00 ng umaga ng Sabado at nakuha sa kanya ang tatlong sachet ng shabu.

Please follow and like us:
Read More

LALAKI NAG-AMOK: 2 PATAY, NURSE, SUGATAN

crime

(NI MAC CABREROS)

DALAWA ang patay habang isa ang sugatan nang pagbabarilin ng lalaking nag-amok sa Barangay Little Baguio, San Juan City Martes ng gabi.

Dead on the spot si Catalino Banez, US citizen, habang binawian ng buhay sa Cardinal Santos Medical Center si Ma. Theresa Antiquera, therapist. Inoobserbahan sa pagamutan si Rhea Antonio, 33, nurse.

Naaresto at sasampahan ng kaso ang suspek na si Roberto Banez, 59, kapatid ni Catalino, residente ng No. 242 Baraoisan St., Brgy. Little Baguio.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nanonood ng telebisyon ang mga biktima alas-8:30 ng gabi nang pumasok ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima.

Dahil bihasa sa baril at nakipagbarilan sa mga pulis, gumamit ang mga awtoridad tear gas para ma-neutralize ang suspek at maposasan ilang minuto ang nakalipas matapos ang hatinggabi.

Narekober ng awtoridad ang isang shotgun, kalibre 45 at 22 na baril.

“Sabi ng kasambahay, mainit ang ulo (ng suspek) at namaril na lang bigla,” ayon PCol. Ariel Fulo, hepe ng San Juan City Police.

Binanggit pa ni Fulo na nag-amok na rin si Roberto at nabaril nito ang kanilang driver noong  2014 ngunit nakaligtas ang huli.

Sinasabing gumagamit ng droga at surrenderee sa Operation Tokhang si Roberto. Nakuha rin sa suspek ang ilang party drug.

Inaalam pa ng awtoridad ang tunay na motibo sa nasabing pamamaril.

Please follow and like us:
Read More

TEACHER NAN-RAPE NG ESTUDYANTE, ARESTADO

arrest

(NI NICK ECHEVARRIA)

NAARESTO ng San Juan City Police ang isang Senior High School teacher na inakusahang gumahasa noong nakaraang taon sa kanyang 17-anyos na estudyante  sa loob ng tinutuluyan nitong boarding house,  Biyernes ng umaga.

Sa report ni San Juan City Police Chief SSupt. Ariel Fulo, kinilala ni Eastern Police District (EPD) acting Director CSupt. Christopher E. Tambungan ang suspek na si       Zamir Laud, residente ng No. 48 Barcelona St., Bgy. Sta Lucia, ng nasabing lungsod.

Ayon kay Fulo, ang suspek ay dinakip ng mga tauhan ng  San Juan City Police Warrant and Subpoena Unit sa tinitirahan nitong  boarding house sa Bgy. Sta Lucia.

Si Laud ay may warrant of arrest sa kasong Rape mula sa  San Juan City Regional Trial Court (RTC) Branch 14-FC sa sala ni Judge Mary Catherine Noblejas-Garcia na may petsang February 21, 2019.

Sa record ng korte, inakusahan ng 17-taong gulang na biktima ang suspek ng panggagahasa sa loob ng  boarding house nito noong August 13, 2018 bandang alas- 6:00 gabi.

Nagtungo umano ang biktima sa boarding house ng suspek na isang Science and Research Teacher sa San Juan City National High School para ikonsulta ang kanyang problema subalit sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay sinimulan na ng suspek ang sexual advances.

Makaraan ang dalawang araw isinumbong ng biktima ang nangyari sa kanyang mga guro na nagreport naman sa pulisya kasunod ng pagsasampa ng reklamong rape.

Ayon kay Fulo ang pagkakadakip sa suspek ay resulta ng isinagawang surveillance ng pulisya makaraang makatanggap ng impormasyon na doon pa rin ito tumutuloy sa kanyang boarding house.

Itinanggi naman ng suspek ang insidente at pinanindigang walang nangyaring rape sa kabila ng ginawang kumpirmasyon ng medico-legal officer ng Philippine National Police Crime Laboratory na positibong ginahasa ang biktima.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa San Juan City Police Custodial Facility at walang piyansang inirekomenda.

 

 

 

Please follow and like us:
Read More

NAGPAKILALANG NPA ‘NANGOTONG’ HULI SA SAN JUAN

kotong1

(NI NICK ECHEVARRIA)

MATAPOS ang apat na taong pagtatago, naaresto ng mga tauhan ng San Juan City Police ang isang nahatulan na nagpakilalang miyembro ng CPP/NPA na nangikil sa isang construction firm sa Makati City noong 2015.

Kinilala ni San Juan City Police Chief P/SSupt. Ariel R. Fulo ang nadakip na suspek na si Mario Luis Gonzales, 67, at residente ng No.19 J. Vicencio St., Bgy. Sta Lucia ng nabanggit na lungsod.

Sa report ni Fulo  kay Eastern Police District Director P/CSupt. Christopher Tambungan, naaresto ang suspek  sa kanyang tahanan sa nabaggit na address noong Miyerkoles ala-1:20 ng hapon. Halos isang buwang surveillance matapos na itimbre ng kanyang mga kapitbahay.

Armado ng warrant of arrest sa kasong robbery/extortion na ipinalabas ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 143 na may petsang Nov. 17, 2017 mula sa sala ni Judge Maximo Leon, sinalakay ng mga raiding teams ang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Batay sa ulat ng korte noong April 21, 2015,  kinikikilan ng P550,000 ni Gonzales at dalawa nitong kasamahan ang isang Engineer Noel Franco na may-ari ng isang construction firm.

Tinawagan at nagpakilala umano ang suspek na kasapi ng Central Committee ng CPP/NPA ang biktima at binantaang papatayin ang kanyang pamilya kung hindi magbibigay ng   nabanggit na halaga bilang tulong sa kilusang komunista.

Binigyan umano ng tracking number ng suspek si Franco at inutusan na magpadala ng paunang halaga na P70,000 hanggang P120,000 sa remittance center, Makati branch habang ang balanse umano ay dadalhin  naman ng biktima sa Cinema Square sa Makati City.

Nang iabot ng biktima ang P200,000 sa mga suspek, agad silang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation subalit nakatakas noon  si Gonzales.

Nahaharap ngayon ang nadakip na suspek mula sa apat hanggang anim na taong pagkakabilanggo.

Kamakalawa nagbabala si Tambungan sa mga residente na nasasakupan ng EPD na huwag maniniwala at sa halip ay ipagbigay alam kaagad sa mga awotridad kung may matatanggap na mga extortion at pananakot mula sa kanilang mga cellphone.

Please follow and like us:
Read More

TRAFFIC ENFORCER SINAKSAK  NG NAPIKON NA BARKER

traffic1

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG traffic enforcer ang sugatan nang dalawang ulit  tarakan ng balisong ng isang barker, na nagalit dahil sa paulit-ulit na pagsaway sa kanya ng biktima na magpasakay ng mga pasahero sa isang no unloading area sa Barangay Pedro Cruz, sa San Juan City nitong Biyernes.

Ginagamot na sa ospital si Virgilio Malpas Sr., 51, traffic enforcer, dahil sa dalawang tama ng saksak sa itaas na bahagi ng kanyang tiyan habang detenido na ang suspek na si Ace Adrales, 36, barker ng mga passenger jeepney.

Lumilitaw sa  ulat ng San Juan City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Bernabe Balba, na dakong 2:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa N. Domingo Street, sa naturang barangay.

Nauna rito, noong mga nakalipas na araw ay paulit-ulit umanong pinagsasabihan ng traffic enforcer ang suspek na huwag magpapasakay ng pasahero sa harapan ng isang simbahan sa N. Domingo Street, dahil no unloading zone doon.

Noong Pebrero 20 ay muli umanong pinagsabihan ng biktima ang suspek ngunit ikinagalit ito at bago umalis ay pinagbantaan ang biktima.

“Put… mo! Babalikan kita, mag-antay ka!,” babala pa umano ng suspek.

Hindi naman ito pinansin ng biktima at sa halip ay ipinagpatuloy lamang ang pagtupad sa kanyang tungkulin.

Habang naka-duty naman ang biktima ay bigla na lang itong nilapitan ng suspek, at kaagad na inundayan ng magkasunod na saksak sa tiyan, gamit ang isang balisong.

Nakita naman ni Task Force Disiplina Enforcer Arnold Carreon ang pangyayari at kaagad na sumaklolo. Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng M. Mendoza Street ngunit naaresto rin ng traffic enforcer habang isinugod ang biktima sa pagamutan upang malunasan. Nakumpiska mula sa suspek ang isang balisong na may habang 12 pulgada.

 

 

 

 

Please follow and like us:
Read More

2 EMPLEYADO HULI SA ‘ATM SCAM ‘

atmcard

(NI NICK ECHEVARRIA)

NAGWAKAS ang maliligayang araw ng dalawang kawatan matapos mabuking ng kanilang security agency, Lunes ng hapon, na patuloy na kinukubra ng mga ito ang suweldo gamit ang mga ATM cards ng kanilang mga dating kasamahang empleyado.

Nakilala ang dalawang magkasabwat na suspek na sina Rey Czar Pajara, 27, dating accounting staff at Jose Bolido, 36, dating office coordinator, kapwa ng Detecnet Security Agency Corporation sa Unit 804, Richbelt Tower, Greenhills, San Juan City.

Sa imbestigasyon ng San Juan City Police, inireklamo ni Valentino Valbuena, general  manager,  ng nabanggit na tanggapan, ang mga suspek makaraang madiskubre ng management ang “grave abuse of trust and confidence” laban sa dalawa na pinagtulungang nakawin ang pera ng kumpanya sa pamamagitan ng pag-withdraw gamit ang  ATM ng mga dati nilang kasamahan.

Umaabot na umano sa P45,000 ang nakulimbat ng mga suspect.

Nahaharap ngayon sa kasong Qualified Theft at paglabag sa Republic Act 8484 na kilala sa tawag na Access Devices Regulation Act of 1998 ang dalawa.

Please follow and like us:
Read More

PAMILYA NG BOWLING CHAMP UMATRAS SA IMBESTIGASYON

angelo

(NI DEREK LIPANA)

IKINALUNGKOT ng Eartern Police District Command (EPD) ang narinig na pahayag ng pamilya ng pinaslang na bowling champion noong January 11, 2019 na wala na silang planong paimbestigahan pa ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.

Ayon sa pamilya ng biktimang si Angelo Constantino na binaril at napatay habang nagkakape sa isang Cafetria sa loob ng E Lanes, Bowling Center, Ortigas Ave. San Juan City, napatawad na nila ang may kagagawan ng pagpatay at naniniwalang ganito rin ang gagawin ng biktima kung nabubuhay pa ito.

Gayunman ipupursige pa rin ng binuong Special Investigation Task Group “Constantino” ng EPD   ang lahat ng mga angulo at tiyaking  mabibigyang konsiderasyon ang lahat ng mga magiging pahayag ng mga posibleng witnesses para sa ikadarakip ng hindi pa nakikilalang suspek at ng kasama nito.

Ayon kay EPD P/SSupt. Florante L Torres, Deputy Director for Operation at itinalagang commander ng Task Group “Constantino” inatasan na nila ang lahat ng kanilang mga miyembro na suriing mabuti hanggang sa mga maliliit na detalye ng kaso, kasama ang mga CCTV footages na maaari nilang makuha sa mga katabing establisimyento at ang pagsasagawa ng mga forensic methods para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamagitan ng mga mababakas na latent prints at ballistic examaminations sa armas na ginamit sa pagpatay.

Sa meeting na isinagawa ng SITG, nabatid sa findings ng EPD Crime Laboratory na ang apat na cartridge ng mga live bullets at apat na basyo ng bala na natagpuan sa crime scene ay tumutugma sa narekober na baril sa kaliwang bahagi ng entrance gate patungo sa basement parking ramp ng naturang gusali.

Bagama’t may mga tinutumbok ng mahahalagang lead ang pulisya sa pagpatay kay Constantino, hindi naman nila ito maaaaring isa-publiko upang hindi masunog ang ginagawang imbestigasyon.

 

Please follow and like us:
Read More

BARIL NG BOWLING CHAMP KILLER NASA PULISYA NA

bowling

(NI KEVIN COLLANTES)

SINABI kahapon ng San Juan City Police na hawak na nila ang baril ng sinasabing killer ni Angel Nathaniel Constantino, 52,  na binaril at napatay sa isang cafeteria noong Biyernes ng hapon.

Tiwala ang kapulisan na malulutas nila ng kaso dahil sa mga ebidensiya, kabilang ang CCTV footage kung paanong naisagawa ang krimen sa Bill and Bo Bistro habang nagmimeryenda si Constantino bandang alas-5:00 ng hapon sa tabi ng E-Lanes Bowling Center, Greenhills, San Juan City.

Nabatid na ang naturang kalibre .45 na baril ay iniwanan ng gunman sa basement entrance at inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang nagma-may-ari nito.

Sinabi ni  P/Senior Supt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan City Police, posibleng mga hired killers ang pumatay kay Constantino at ito ngayon ang sinusundan nilang lead para malutas ang kaso.

Kinumpirma rin ni Reyes na may maganda na silang lead na tinututukan sa kaso ni Constantino, at kumpiyansa siyang magreresulta ito sa agarang pagkaresolba ng krimen.

Gayunman, tumanggi muna si Reyes na magbigay ng iba pang impormasyon hinggil dito upang hindi masunog ang kanilang mga isinasagawang follow-up operation.

Sa ngayon aniya ay may hawak na rin silang mahahalagang ebidensiya na maaaring makapagturo sa mga salarin sa pagpatay, gaya ng baril na ginamit sa krimen, na nasa kustodiya na aniya nila, ngunit hindi naman tinukoy kung paano nila ito narekober.

May kopya na rin aniya sila ng mga CCTV footage sa lugar na nagpapakita kung paano isinagawa ang pagpatay.

Tumakas ang suspek sakay ng isang dilaw na motorsiklo, na minamaneho ng di kilalang kasabwat nito.

Si Constantino, na miyembro ng RP national team, ay kilala sa pagkapanalo ng dalawang gintong medalya sa nilahukang 1992 World Youth bowling championships sa Caracas, Venezuela.

 

Please follow and like us:
Read More