MANDATORY ROTC KINONTRA

(Ni Dan Salcedo / Huling labas)

KINONTRATA ng kinatawan ng Kabataan at Gabriela ang panukalang mandatory ROTC. Anila, ito ay maghihikayat ng pikit-matang pagsunod at pumipigil sa mapanuring kaisipan ng mga estudyante.

Maari umanong abusuhin ang nasabing programa na posibleng magamit sa militarisasyon at maghatid ng takot sa eskuwelahan. Ayon ito kay Kabataan Rep.  Sarah Elago.

Ang pagsasailalim ng mga menor de edad sa programa ay labag sa batas na nagbabawal sa pagkalap ng mga menor de edad sa military.

Ayon sa Bayan Muna, ang nasyonalismo ay makikintal sa pagtuturo ng lokal na lengguwahe at kasaysayan, hindi sa implementasyon ng programa ng ROTC.

Sinabi ni Rep Carlos Zarate na ang mandatory ROTC training ay magtuturo lang sa mga kabataan kung paano sundin ang mga utos nang hindi nag-iisip at hindi nakapagsasalita.

Labag sa international law ang panukalang ibalik ang mandatory ROTC program para sa grades11 at 12. Ayon ito sa pahayag ni Senador Risa Hontiveros.

Aniya,  ang Senate Bill No.  2232  na naghahangad na kailangan ng mga estudyante na senior high school na lumahok sa nasabing programa ay lalabag sa Optional Protocol to the United Nations Convention on the Rights of the Child, kung saan kabilang ang Pilipinas.

Mandato ng protocol na ang hindi pa tumutungtong sa edad na 18 ay hindi sapilitang sinasapi sa armadong lakas.

Nararapat umano na manatiling optional ang programa at ang mga estudyante ay dapat bigyan ng pagpipilian kung paano nila tupdin ang responsibilidad sa bansa.

SANG-AYON

Pinuri at pinasalamatan ni Department of National Defense (DND). Secretary Delfin Lorenzana ang mga mambabatas sa pag-pruba ng mga ito sa panukalang batas.

Sa kanyang mensahe,  sinabi ni Lorenzana na ang pagbabalik ng mandatory ROTC ay makatutulong upang ikintal ang pagmamahal sa bansa,  mabuting mamamayan, respeto sa karampatang pantao at pagkiling sa alituntunin ng batas.

Malugod namang tinanggap ng Armed Forces of the Philippines ang magandang  pagbabago na nangyari

Ang AFP ay walang patid sa pagtataguyod ng military training program na magiging bahagi ng curriculum dahil sa paniniwalang makatutulong ito upang matutunan ng mga estudyante ang pagmamahal sa bansa.

Disiplina, respeto sa mga batas at otoridad,  at pagsunod sa mga alituntunin at regulasyon ang ilan sa mga adhikain na nais matamo para sa mga estudyante

Nagpahayag ng suporta ang Department of Education (DepEd) sa panukalang mandatory ROTC program ng mga estudyante na senior high school.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, pabor siya sa mandatory ROTC, na pinagkukunan ng depensa dahil hindi dapat umasa sa ibang bansa sa pagtatanggol.

MGA REAKSYON

Iba’t ibang reaksyon ang lumitaw kaugnayan ng mandatory ROTC sa senior high school.

Ayon sa isang estudyante: “Nasa estudyante na ang kalayaan sa pagpili kung paano makapag-aambag at maging parte ng pagpapatatag ng bansa. Hindi lang ROTC ang tugon sa adhikaing ito”.

Para sa isang magulang: Kalayaan sa pagpili ng paraaan  sa pagsilbi sa bayan.

Nakatulong naman ang ROTC sa isang propesyonal na ang disiplina sa training ay gabay niya hanggang ngayon.

Porke daw nag-ROTC ay patriotic na. Kontensyon ng ilang makabayan.  Kahit daw ang mga hindi nag- aral ng kolehiyo ay may naiaambag sa ikauunlad ng bayan

Dagdag gastos lang daw. Bibili ng uniporme,  baon sa training.

Napapanday ang pagiging independent na estudyante at nakikita ang halaga ng pagtatanggol sa bansa sa hindi inaasahan o napipintong banta.

Marami pang kontra,  pabor,  paliwanag sa usaping ito.

Mandatory o optional,  ang mahalaga ay Inang-Bayan ang nasa puso’t isipan ng bawat mamamayan.

Nasyonalismo ang gustong ipamalas ngunit tinanggal naman ang FIlipino at Panitikan. Ito ang pasaring ng ilang mahilig kumatha ng kuwento, tula at liriko sa wikang nagpapamalas ng sariling pagkakakilanlan.

Please follow and like us:
Read More

ROTC MAY KONTROBERSYA: BAKIT DI NA MANDATORY?

(Ni Dan Salcedo / Ikalawang bahagi)

BAGO tumapak ang 2000, umusbong na ang mga sama ng loob,  kawalan ng kasiyahan at reklamo  hinggil sa pangangasiwa at korapsyon sa programa.

Sa kasagsagan ng mga alegasyon at karaingan ay naganap ang isang trahedya na nagkaroon ng malakas at ma­tinding epekto sa programa ng ROTC.

Natagpuang patay ang estudyante ng University of Santo Tomas na si Mark Chua,  ang kanyang katawan ay nakalutang sa Ilog Pasig noong Marso 18, 2001.

Bago ang kanyang kamatayan, ibinunyag niya at ng isa pang estudyante ang umano’y korapsyon sa yunit ng ROTC ng nasabing unibersidad.

Ang insidente ay nagsindi ng galit, naging mitsa ng mga protesta.

Bilang tugon,  umaksyon sa hamon ang Kongreso.  Nagkaroon ng maraming panukalang batas at resolusyon sa dalawang kapulungan bilang sagot sa hiyaw ng pait at galit. Karamihan sa mga panukala ay kumilala sa pagkamatay ni Chua bilang dahilan ng pagbabago. 

Naging optional na ang ROTC noong 2001.

 ISINILANG ANG NSTP

Taong 2002, ang Republic Act No.  9163 o ang National Service Training Prog­ram Act ay ginawang batas, na pinapayagan ang mga estud­yante sa kolehiyo na pumili sa pagitan ng ROTC at community service bilang bahagi ng kinakailangang National Service Training Program.

Ang National Service Training Program (NSTP) Act of 2001  ay tugon ng Kon­g­reso sa sigaw at panawagan ng pagbabago sa programa ng ROTC.

Pinagtibay ito noong Ene­ro 23, 2002.

Sa   NSTP Program, ang lahat ng kumukuha ng degree at technical vocational na kurso sa pampubliko at pribadong paaralan ay obligadong sumailalim sa isa sa tatlong programa, isa rito ang ROTC,  ng dalawang semester.  Ang ROTC na kinakailangan para sa graduation ay hindi na ipinatupad.

Sa pagsasaliksik,  sa ma­higit sampung taon,  mula 2002 hanggang 2012, ang Civic Welfare ay nagkaroon ng 10,614,000 na nagtapos, habang ang ROTC ay may 1,435,000 reservists sa  Armed Forces of the Philippines  at ang  Literacy Training ay may  538,700 na nagtapos.

Noong 2006, naging sponsor si Alfredo Lim ng Senate Bill 2224 at si Rep.  Eduardo Gullas ng House Bill 5460, na naghahangad na maging mandatory uli ang ROTC.

Nagpahayag din ng kagustuhan na maging sapilitan ang ROTC si DND Sec. Voltaire Gazmin noong 2013 na sinalubong ng protesta ng mga grupo ng kabataan

Naghain naman ang mga miyembro ng House of Repre­sentatives 16th Congress na ilang panukalang batas na may kaugnayan sa programa ng ROTC

MANDATORY ROTC,  TRIP NI DU30

Noong 2017, inaprubahan ni President Duterte ang panukalang ibalik ang mandatory ROTC para sa mga estudyante sa senior high school.

Nauna nang naipasa ng House of Representatives ang bersyon nito noong Mayo 21, 2019.

Sinertipikahan ng Pa­ngulo  bilang urgent ang Senate Bill No.  2232 sa pamamagitan ng sulat kay Senate President Vicente Sotto.

Sa sulat,  sinabi ni Duterte na kailangan ang batas na magbabalik sa basic military at leadership training para sa mga kabataan upang pasiglahin ang nasyonalismo at pagkamakabayan na kailangan sa pagtatanggol sa bansa, at maitaguyod ang papel sa pagpapaunlad ng bansa.

Ang sertipikasyon ni Duterte ay nagpapahintulot sa Senado na ipasa ang panukala sa 2nd reading  gayundin ang ikatlo at pinal na reading sa parehong araw.

NAKABINBIN

Hindi pa maipapatupad ng DepEd ang ROTC sa Senior High School sapagkat pumasa lang ito sa House of Representatives, at hindi pa ito batas.

Hindi pa ito pasado sa Senado kaya hindi hahantong sa kasunduan ang dalawang kapulungan upang tapusin na ito bilang batas.

Ang panukalang batas ay ihahain muli sa sunod na Kong­reso at dahil sinertipikahan ito ng Pangulo bilang prayoridad na panukala ay may katiyakan na mabilis na aksyon dito.

Gayunman,  ang Kong­reso ay opisyal na magtitipon-tipon sa Hulyo 23.

May hakbang na ipatutupad ng DND at ng AFP ang ROTC sa 100 pilot schools.

Ayon kay Undersecretary for Administration Alain del Pascua,  hindi maiimplementa ang pilot program dahil may umiiral na batas na ginawang voluntary ang ROTC.

Hindi umano basta makapaglalabas ng memorandum o pumasok sa joint circular ng AFP at DND upang gawin itong mandatory kahit ito ay sa pilot schools.

Please follow and like us:
Read More

ROTC, MILITARY TRAINING SA KABATAAN

ROTC-1

Pinagmulan at kasaysayan

(NI DAN SALCEDO)

INAPRUBAHAN na ng House of Representatives ang kontrobersyal na panukalang batas na mandatory Reserve Offi­cers’ Training Corps (ROTC) para sa Grades 11 at 12.

Ayon sa House Bill 8961,  ang pagsasanay militar sa ilalim ng ROTC ay para sa lahat ng estudyante sa Grades 11 at 12 sa lahat ng senior high schools sa pampubliko at pri­badong paaralan.

Ang lalaki at babaeng estudyante ay parehong isasailalim ng military training na ang layunin ay makintal ang pagmamahal sa bayan,  at maihanda ang mga reservist sa serbisyong militar at sibiko. Bukod pa rito ang kabutihan ng kaugalian at ispiritwal.

Sa ilalim ng HB 8961, ang mga estudyante na sa palagay ng doktor ng Armed Forces of the Philippines o ng kanyang medical officer bilang hindi akma sa pisikal at sikolohikal para sa programa ay maaaring malibre sa programa, alinsunod sa rekomendasyon ng eskuwelahan na pinapasukan ng estudyante.

Hindi na rin dadaan sa pagsasanay ang mga varsity player sa mga kompetisyon pampalakasan, mga nagsasanay sa parehong military training, at ang iba na hindi i­noobliga ng Department of National Defense dahil sa ibang wastong dahilan o rason.

Ang estudyante na hindi makakukumpleto ng mandatory ROTC ay hindi papayagan maka-graduate. Magiging dahilan din ito para sa sapilitang military training.

Kahit malayo pa ang martsa nito bago maging ganap na batas,  ay mainit na ang talakayan sa isyung ito.  Hinati muli ang mabusising pananaw ng mga indibidwal – may pabor,  may kontra.

Bakit kinakailangan  maging mandatory ang ROTC?  Sulyapan natin ang ugat at pinagmulan nito,  at ungkatin muna ang kasaysa­yan ng ROTC.

ANO ANG ROTC?

Ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa Pilipinas ay isa sa tatlong ba­hagi ng National Service Training Program  (NSTP) para sa mga estudyante sa kolehiyo. Layunin ng ROTC na bigyan ng kaalaman at pagsasanay sa militar ang mga estudyante bilang kahandaan sa pambansang depensa.

Inihahanda ang mga estudyante para sa serbisyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa oras ng kagipitan at ang kanilang pagsasanay na maging reservist at posibleng opisyal na AFP.

Ang ROTC sa mga kolehiyo at unibersidad ay inorganisa ng Department of Military and Tactics (DMST) pinangasiwaan ng administrasyon ng eskuwelahan at ng Department of National Defense.

UMPISA NG ROTC

Nagsimula ang ROTC sa Pilipinas noong 1912 nang umpisahan ng Philippine Constabulary ang pagtuturo ng military sa University of the Philippines. Nagkaroon ng representasyon ang Board of Regents ng unibersidad sa United States Department of War at tumanggap ng serbisyo ng opisyal na US Army na naging propesor ng Military Science. Naitatag ang unang opisyal na ROTC unit  sa University of the Philippines (UP) noong Hulyo 3, 1922.

Taong 1921, ang National University  (NU) ay naging unang pribadong kolehiyo sa Pilipinas na nagkaroon ng ROTC unit.

Noong 1936, binuhay ang Office of the Superintendent for ROTC Units sa ilalim ng Philippine Army (PA) upang pangasiwaan ang lahat ng ROTC  sa bansa.

Noong 1939, naglabas si Presidente Manuel L.  Quezon ng Executive Order No.  207 na ginawang obligasyon ang ROTC sa lahat ng kolehiyo at unibersidad na may 100 estudyante o higit pa

Nang sumiklab ang   World War II, ang mga kadete ng ROTC ay sumabak sa Battle of Bataan, ang ilan ay sumama sa United States Army Forces in the Far East (USAFE).  Ang ibang unit ay bumuo ng Hunters ROTC guerilla group.

Kinansela ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Exe­cutive Order (EO) 207 noong Pebrero 8, 1967 at naglabas ng kautusan na gumawa sa ROTC na mandatory sa lahat ng kolehiyo at unibersidad na ang bilang ng mga lalaking estudyante ay 250 o higit pa. (May karugtong)

Please follow and like us:
Read More