KON. RODERICK PAULATE ‘KAPIT-TUKO’ SA PUWESTO

RODERICK PAULATE

(Ni: Nelson S. Badilla)

INAMIN ng isa sa mga empleyado ni Quezon City Councilor Roderick Paulate na hindi pa iniiwan ng lokal na mambabatas ang kanyang puwesto sa Sangguniang Panglunsod.

Ayon kay Anneth Cabalquinto, wala pang abiso sa kanila si Paulate hinggil sa 90-araw na suspensiyong utos ng Sandigangbayan laban sa konsehal.

Kaya, nananatiling ‘nakakapit’ si Paulate sa pagiging konsehal ng lungsod.

Katunayan, inamin ni Cabalquinto sa reporter na ito nitong Martes ng hapon na “nasa field si sir… nag-iikot.”

Ngunit, hindi para raw nangangampanya si Paulate.

Si Paulate ay tumatakbong bise-alkalde.

Suportado siya ng Serbisyo sa Bayan party-list (SBP), ang party-list ng pamilya Belmonte matapos mapagtanto ng pamunuan ng nasabing partido na “mahina” si Konsehal Gian Sotto.

Maliban sa dalawa, si dating Konsehal Jopet Sison ay tumatakbo rin sa pagkabise-alkalde sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – Laban), ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bawal o labag sa batas na mangampanya ang mga politikong tumatakbo sa anumang posisyon sa pamahalaang lokal, sapagkat ayon sa batas, sa Marso 29 pa sila dapat magsimulang mangampanya.

Kamakalawa, inilabas ng Sandiganbayan ang desisyon nitong 90-araw na suspensyon kay Paulate kaugnay sa kinakaharap niyang kaso ukol sa “ghost employees.”

Ang kasong korapsyon ni Paulate ay may kinalaman sa pagbubulsa ng P1.109 milyong pera ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City sa pamamagitan ng sahod ng kanyang 30 ghost employees mula Hulyo 2010 hanggang Nobyembre 2010.

Ayon sa argumentong inihain ni Paulate sa Sandiganbayan, hindi raw siya maaaring isuspinde dahil eleksyon batay sa Local Government Code of 1991.

Sa Mayo 13 isasagawa ang halalan.

Ibinasura ng Sandiganbayan ang argumento ni Paulate kung saan idiniin nitong ang pasya ng nasabing korte ay nakabatay sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nakasaad daw sa RA 3019 na ligal ang pagsuspinde sa halal na opisyal ng pamahalaan kahit malapit na ang halalan, giit ng Sandiganbayan.

Inatasan ng Sandiganbayan si Local Government Secretary Eduardo Año na ipatupad ang utos ng korte.

Tiniyak ni Cabalquinto sa reporter na ito na hindi pa ipinapadala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang desisyon ng Sandiganbayan.

Please follow and like us:
Read More