PNP: WALANG BAYAD SA GUSTONG MAG-PULIS

(NI NICK ECHEVARRIA)

PINAALALAHANANG muli ng Philippine National Police (PNP) ang publiko  na libre at walang dapat bayaran ang mga aplikante ng gustong mag-pulis.

Ginawa ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac ang  paalala matapos maaresto ang isang pulis sa Parang, Maguindanao na nahuli sa aktong nangongotong sa mga PNP applicants.

Nabatid na nitong Huwebes, nasakote ng mga tauhan ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) sa isang entrapment operation si P/Cpl. Harold Julaton na nakatalaga bilang Liason Officer sa Lanao Del Sur Provincial Police Office at ang sibilyan na kasabwat nitong si  Janet Sarip.

Hinihingan umano ng mga suspek ng P25,000 ang bawat aplikante kapalit ng pangakong tiyak na maipapasok ang mga ito sa serbisyo.

Niliwanag ni Banac na binabalikat ng PNP ang lahat ng gastusin para sa pagpoproseso ng aplikasyon at walang kahit ni singko na sinisingil sa mga aplikante.

Kasunod nito, umapela ang PNP sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang mga himpilan  sakaling may mga kabaro silang sinasamantala ang recruitment program ng PNP para kumita.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS, DRUG SUSPECT PATAY SA BUY BUST/ HOSTAGE

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG pulis, na nagsilbing poseur buyer, ang patay habang sugatan ang dalawa pa niyang kasamahan, nang pagbabarilin ng isang drug suspect na napatay rin ng mga awtoridad matapos mang-hostage pa ng siyam na bata, sa isang buy-bust operation na nauwi sa madugong engkwentro sa Pililla, Rizal, nitong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon nina P/SSgt Dave Bias at P/Cpl Jimbo Sagofian, ng Pililla MPS sa Rizal Police Provincial Office (RPPO), nakilala ang napatay na police poseur buyer na si P/SSgt Michael Cabillo, habang sugatan naman sina P/SSgt Lazaro Guinao-wa at Pat. Paul Ryan Santos.

Samantala, patay rin ang drug suspect na si Neser Tena, residente ng Barangay Bagumabayan, ng naturang bayan.

Nabatid na dakong alas-11:10 ng umaga nang maganap ang madugong buy-bust operation sa Aida’s Farm sa Barangay Bagumbayan.

Nauna rito, nagkasa umano ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement Team (DET) ng Pililla MPS laban sa suspek, sa superbisyon ni P/Major Florante Yu, acting Chief of Police, kasama ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division at Special Weapons and Tactics (SWAT), matapos makatanggap ng tip hinggil sa ilegal nitong aktibidad.

Nagsilbing poseur buyer si Cabillo at bumili ng isang pakete ng shabu mula sa suspek.

Gayunman, bago pa man maaresto, ay nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksiyon kaya’t kaagad na bumunot ng baril at pinaputukan ito, na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Kaagad namang rumesponde ang mga back-up cops at hinabol ang tumatakas na suspek, ngunit maging sila ay pinaputukan ng suspek, na nagresulta upang masugatan ang dalawa pang pulis.

Nagawa naman umano ng suspek na makapasok sa kanyang inuupahang tahanan at hinostage ang tatlong batang nasa loob nito.

Naging siyam naman ang batang hostage ng suspek, nang matakot ang anim na bata pa sa nagaganap na putukan, at pumasok sa katabing apartment, kung saan sila pinuntahan rin ng suspek at ginawa na ring hostage.

Tinangka ng mga pulis na makipag-negosasyon sa suspek upang sumuko na at palayain na ang mga bata ngunit nagmatigas umano ito.

Nang makahanap ng tiyempo, kaagad nang binaril ng mga pulis ang suspek, na ikinamatay nito, at nasagip ang mga batang kanyang ginawang hostage.

Please follow and like us:
Read More

2 PULIS BINUGBOG, TINANGAYAN NG BARIL NG TAMBAY

(NI ALAIN AJERO)

SUGATAN ang dalawang pulis matapos romansahin ng gulpi ng isang pangkat ng mga kalalakihan sa harap ng resto-bar sa Malabon City.

Kinilala ang mga biktima na sina P/Cpl. Jefferson Apit, nakatalaga sa Malabon Police Community Precinct (PCP) 7; at Pat. Janrex Anguluan, ng PCP-1 habang malayang nakatakas ang mga hindi nakilalang suspek.

Nabatid na nasa paradahan ng IAMS Restobar sa  Brgy. Tañong ang mga biktima Linggo ng madaling-araw para umano bumili ng pagkain nang pagtulungan ng mga suspek si Cpl. Apit na pasakay na sa kanyang motorsiklo.

Kumaripas si Apit papuntang barangay hall ng Tañong at humingi ng tulong habang tinangkang habulin ni Anguluan ang mga suspek matapos na magpakilalang pulis.

Gayunpaman, pagsapit sa 2nd Street sa Brgy. Tañong, ay si Anguluan  naman ang binugbog ng mga suspek na umano ay nawalan ng malay kaya’t nakuha ng mga suspek ang kanyang service firearm. Itinakbo sa Tondo Medical Center si Anguluan kung saan siya patuloy na inoobserbahan.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS, 1 PA, PATAY SA BULACAN ENCOUNTER

PATAY ang isang pulis, kasama ang hinahabol na lalaking sangkot sa droga, matapos mauwi sa engkuwentro ang follow-up operation sa Plaridel, Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Police Cpl. Ronnie Tamaliwan, ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO).

Isang tawag mula kay Lalangan Barangay chair Danilo Tayaw ang natanggap ng police station hinggil sa umano’y armadong lalaki na pinangungunahan ni Nesty Nacino ang gumagala sa Alveo relocation site ng naturang lugar.

Agad na nirespondehan ng provincial intelligence branch at Swat team ng BPPO ang reklamo.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek ngunit palapit pa lang ay agad nang nagpaputok ng baril si Nacino.

Nagkabarilan na hanggang tamaan sa katawan ang pulis.

Nagpatuloy ang engkuwentro hanggang sa nakalipat ng pinagtataguan si Nacino sa isang ginagawang bahay.

Naghagis pa ng granada ang suspek pero tumama ito sa pader at bumalik kay Nacino pero hindi ito sumabog.

Matapos ang ilang minuto ay nasukol si Nacino at napatay.

Naisugod pa sa Dr. Peralta Hospital si Tamaliwan pero idineklara itong dead on arrival.

Please follow and like us:
Read More

PULIS PATAY SA YAKAP NA ARMALITE

(NI DONDON DINOY)

KIBLAWAN, Davao del Sur-  ISANG miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang agad binawian ng buhay matapos maputukan ng sariling armas, Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Police Master Sergeant Brigham Wayner Pascual, 41, ng Purok Lomboy, Lapu-Lapu Extension sa lungsod ng Digos at nakadestino sa Kiblawan Police Station.

Ayon kay Police Captain James Carumba, hepe ng Kiblawan Police Station, nakahiga ang biktima sa duyan na nasa likod ng kanilang istasyon nang bigla na lang umalingawngaw ang putok ng armas.

Sa pagresponde ng mga kasamahan nito nakita na lang na naliligo na sa sariling dugo ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napag-alaman na pumutok ang lumang M-16 armalite rifle na nakapatong sa dibdib ng biktima.

Hindi umano naka-safety ang naturang armas kung kaya’t agad na pumutok at tumagos sa ulo ng biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Naniniwala ang mga otoridad na aksidenteng nakalabit ng biktima ang kanyang armas habang naidlip dahil mula alas 2:00 hanggang alas 4:00 ng madaling araw ang duty nito.

Narekober din sa crime scene ang isang basyo ng bala ng nasabing armas.

Ngunit, kumbinsido naman ang pamilya na aksidente nga ang nangyari at hindi nagpakamatay ang biktima dahil wala naman itong dinadalang problema.

Please follow and like us:
Read More

PULIS PATAY SA TRUCK

accident12

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY–DEAD on the spot ang isang opisyal na pulis matapos madisgrasya ang kanyang sinasakyang motorsiklo alas 5:00 ng umaga ng Lunes sa Lower Tamugan, Marilog District.

Nakilala ang biktima na si Police Lieutenant Aliper dela Camara Mendoza, residente ng Lanao del Sur at nakadestino sa Police Regional Office-Northern Mindanao.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon sa traffic section ng Marilog Police Station, isang Saddam truck ang nakabangga sa motorsiklo na minamaneho ng biktima sa madulas na daan sa Lower Tamugan.

Galing sa Lanao ang biktima at papunta ito sa Regional Training Center-Davao sa Mintal, Davao City kung saan nag-schooling para sa Public Safety Officers Basic Course.

Sumuko ang driver ng truck at sasampahan na ng kaukulang kaso.

Please follow and like us:
Read More

PULIS TODAS SA NAKAPARADANG JEEP

accident121

(NI JG TUMBADO)

NAISUGOD pa sa ospital pero agad din binawian ng buhay ang isang pulis na motor rider matapos bumangga sa nakaparadang jeep.

Ayon kay Police Lt. Col. Soc Faltado, Spokesperson ng Police Regional Office 4B, ang biktima ay nakilalang si Police Master Sgt. Arcel Villa Alimane.

Ayon kay Faltado, mag- aalas-10:00 ng gabi ng Miyerkoles habang binabagtas ang Pablico Road 1, Brgy. Tiniguiban sa Puerto Princesa City nang sumalpok si Alimane sa nakaparadang jeepney.

Lumalabas sa imbestigasyon, na walang early warning device na inilagay ang driver ng jeepney dahilan para hindi ito mapansin ng biktima.

Sa lakas ng impact nang pagbangga, tumilapon ang sakay ng motor at nagtamo ito ng malalang injury sa katawan.

Please follow and like us:
Read More

PULIS INATAKE SA PUSO SA TRAINING

crime12

(NI KOI HIPOLITO)

NAMATAY habang sumasailim sa kalagitnaan ng pagsasanay ng physical strengthening and conditioning ang isang pulis na hinihinalang inatake sa puso sa National Capital Region Training Camp (NCRTC), Regional Mobile Force Battalion (RMFB) road ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City, Miyerkoles ng medaling araw.

Nakilala ang biktima na si PSSG. Victorino Oriero, 39, nakadestino sa Taguig City Police Community Precinct (PCP3).

Base sa report na nakarating sa opisina ni Taguig City police chief  PCol. Alexander Santos, nagjo-jogging ang biktima sa nasabing lugar nang bigla na lang umanong bumagsak ito at mag-collapse kaya’t agad binigyan ng paunang lunas ng mga kasamahan. Naisugod sa Parañaque City Doctors Hospital kasama si PLtCol. Rene Zunega, medical doctor sa Regional Health Service ng NCRPO, ang biktima subalit idineklarang dead on arrival sa ospital.

Please follow and like us:
Read More

PULIS NAGWALA SA KAMPO; 2 KABARO TINODAS

shooting incident123

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI umano matanggap ng isang kasapi ng Philippine National Police (PNP) nang matalo ito ng kanyang kasamahan sa larong ‘bunong daliri’ , dahilan para pagbabarilin nito ang kanyang kalaro at isa pang kasamahan na tumangkang umawat, sa Tuguegarao City.

Kinilala ang mga namatay na sina Police Staff Sergeant Romualdo Ngina Jr, 32, residente ng Otucan, Bauko, Mountain Province at Patrolman Rey Wanaten, 30, residente ng Kibungan, Benguet.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Police Corporal Paul Cungihan Badangayon, 28, residente ng O-ong, Hingyon, Ifugao at pawang mga nakatalaga sa 151 Regional Mobile Force Battalion sa Barangay Viewpoint,  Banaue, Ifugao.

Batay sa report ng pulisya, naganap ang insidente alas 3:30 ng madaling araw ng Linggo, sa loob ng kampo ng tatlo.

Lumabas sa pagsisiyasat, madalas na nilalaro ng mga pulis na duty sa gabi ang ‘bunong braso’, para hindi makatulog hanggang sa dumating ang oras ng kanilang palitan.

Subalit, nang matalo umano si Badangayon ni Ngina, bigla na lamang silang nagtalo, nakita naman ni Wanaten na nagtatalo ang mga ito kaya sinubukan silang awatin.

Dito na bumunot ng baril ang suspek at binaril si Ngina saka isinunod si Wanaten na kapwa tinamaan sa dibdib na agad naman dinala sa Bontoc Gene­ral Hospital pero hindi na rin umabot pang buhay ang mga ito.

Nakatakda naman sampahan ng kaukulang kaso si Badangayon na agad nadakip ng kanyang mga kabaro.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NAKATULOG SA PAGMAMANEHO, PATAY

accident12

(NI ANNIE PINEDA)

POSIBLE umanong nakaidlip ang isang kawani ng Philippine National Police (PNP) dahilan para sumalpok ito sa puno habang minamaneho ang kanyang motorsiklo na naging dahilan ng kanyang kamatayan, sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinilala ang biktimang si Patrolman Ervin Ocampo, ng Bgy. Laois, Labrador Pangasinan.

Batay sa report ng pulisya, naganap ang insidente sa Tarlac-Pangasinan highway sa Brgy. Buer, Aguilar, Pangasinan.

Sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan habang minamaneho ang kanyang motorsiklo nang bigla na lamang itong bumangga sa puno ng na nasa gilid ng kalsada.

Isinugod ito sa Blessed Holy Trinity Hospital, Mangatarem, Pangasinan pero idineklara na rin itong patay ng doktor sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Paniwala ng mga awtoridad, maaring nakaidlip sa daan ang biktima at hindi na nito napansin ang malaking puno dahilan para sumalpok ito.

Please follow and like us:
Read More

PULIS BINARIL NG 17-ANYOS GANG LEADER SA LOOB NG BGY HALL

(NI FRANCIS SORIANO)

NAKALIGTAS sa tiyak na kamatayan ang isang police corporal matapos barilin ng isang umanong gang leader ng mga kabataan  sa loob mismo ng isang barangay hall sa Navotas City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang biktima na si P/Cpl. Mark Jhon Abiva, 31, ng Bagong Barrio, Brgy. San Jose, na agad isinugod sa Tondo Medical Center dahil sa tama sa kaliwang balikat at kamay.

Ayon kay Balasabas, kasalukuyang nagsasagawa ng  ‘Pulis sa Barangay’ ang biktima at kasamang si Cpl. Christopher Binuhe sa loob ng barangay hall ng Brgy. Sipac Almacen, nang bigla umanong pumasok dakong alas 11:20 ng gabi ang suspek na si alias ‘Kian’, 17-anyos at pinagbabaril ang biktimang pulis.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek na binatilyo sa hindi malamang direksyon.

Sugatan man ang biktima ay pinilit pa rin umanong habilan ang suspek kasama Binuhe pero nabigo sila kaya mabilis na isinugod sa naturang pangamutang ang biktima na nasa maayos nang kalagayan.

Ang suspek ay pinaghahanap ng mga awtoridad at madalas masangkot sa petty crimes sa Brgy. Sipac Almacen at malakas lumabag sa city ordinances sa tuwing nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga awtoridad.

Isa sa mga miyembro ng suspek ay nahuli  at kinasuhan ng alarm and scandal.

Naniniwala ang awtoridad na ang bigong pagpatay kay Abiva ay bahagi ng pagganti ng suspek  sa biktima na patuloy na nagsasagawa ng police operation sa mga youth offenders sa nabangit na lugar.

Please follow and like us:
Read More

PULIS NA NANGHIPO NG WAITRESS, SINIBAK

PNPLOGO1

(NI JG TUMBADO)

TINANGGAL na sa posisyon ang pulis na inireklamong nanghipo umano ng waitress sa Tanauan City, Batangas.

Natukoy ang suspek na si Police Corporal Vic Jayson Navales, nakatalaga sa Tanauan City Police Station.

Batay sa ulat ng CALABARZON Police, dumulog ang biktimang si alyas Maureen sa Tanauan City Police Station para ireklamo ang umano’y panghihipo ni Navales.

Ayon sa biktima, dumating ang suspek na kasama ang isang Police Corporal Laurel sa pinagtatrabahuhan nitong Barefoot Bar Cafe sa Brgy. Poblacion 3 at umorder ng beer.

Matapos umanong maubos ang beer ay umorder ulit ang suspek ng isa pang bucket ng alak.

Habang nagsisilbi ng order si alyas Maureen, hinatak umano ng suspek ang waitress at hinawakan ang maselang parte ng katawan.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek na pulis matapos ang insidente. Nahaharap si Navales sa kasong acts of lasciviousness bukod pa sa administrative charges na posibleng ihain laban dito.

Please follow and like us:
Read More

PULIS NA VIRAL SA PAGSA-SHABU ARESTADO

(NI ROSE PULGAR)

ISA na namang aktibong pulis ang inaresto ng kanyang mga kabaro dahil sa pagbebenta umano ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib puwersa ng mga tauhan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP – IMEG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Muntinlupa City Police, nitong Lunes ng gabi sa Muntinlupa City.

Kinilala ni Police Col. Gerry Umayao, hepe  ng Muntinlupa City Police ang suspect na si Patrolman Leo D. Valdez, nasa hutsong gulang at nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Si Valdez din ang pulis sa viral video na nagyayabang pa habang gumagamit ng shabu.

Dakong alas-10:00 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation ng PNP – IMEG , PDEA at Muntinlupa City Police laban kay Valdez sa Marquez Compound, Barangay Putatan, nang nasabing lungsod.

Base sa report nakatanggap ng reklamo ang pulisya hinggil umano sa talamak na paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ng nasabing pulis.

Isa sa mga operatiba ang nagpanggap na bibili ng droga at nang magpositibo ay kaagad dinakip ang nasabing suspect.

Nakumpiska mula kay Valdez ang P1,000 marked money at apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Base sa record ng pulisya, noong 2014 ay na AWOL ang suspect at noong 2017 ay nakabalik ito sa serbisyo.

Pahayag pa ng mga awtoridad, ang nasabing pulis din ay nakuhanan ng video habang gumagamit umano ng droga.

Kaagad na dinala si Patrolman Valdez sa tanggapan ng PNP-IMEG upang isailalim ito sa imbestigasyon at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act OF 2002.

 

 

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS ITINUMBA SA SEMENTERYO

(NI KOI HIPOLITO)

DEAD on the spot ang isang pulis matapos barilin ng hindi kilalang suspek sa isang lamay sa loob ng sementeryo, Huwebes ng gabi sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Pat. Ralph Aquino, 31, tubong Tuguegarao City, Cagayan at aktibong miyenbro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Taguig Police Community Precinct (PCP8).

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Taguig City chief of police PCol.Alexander Santos, sinundo ng kanyang kaibigan na alyas ‘Toto’ ang biktima sa bahay nito para pumunta sa lamay ng kaibigan.

Gayunman pagdating sa sementeryo ay ay bigla na lamang nilapitan ng isang gun man ang biktima at pinagbabaril na agad namatay sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan at ulo.

Tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit.

Naglatag na ng follow up investigation ang mga otoridad para alamin kung sino at ano ang motibo sa pamamaslang sa kanilang kabaro.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NAG-AMOK SA KASALAN, 1 PATAY

(NI JG TUMBADO)

ISINAILALIM sa hospital arrest ang isang bagitong pulis matapos itong masugatan sa pag-aamok nito sa isang wedding reception kung saan isa ang nasawi at isa pa ang sugatan sa San Jose Del Monte, Bulacan, araw ng Linggo.
Nakilala ang suspek na nagpapagaling sa ospital dahil sa tama ng bala sa kanyang braso si Patrolman Jessie James Gubat, nakatalaga sa San Jose Del Monte City Police na kasalukuyang bantay sarado ng kanyang mga kabaro.

Sa ipinarating na report kay Police Regional Office 3 Director Col. Joel Coronel, pasado alas-12:00 ng tanghali nang bulabugin ni Gubat ang kasiyahan ng malalapit na kaibigan at kaanak ng bagong kasal sa kanilang wedding reception sa Barangay Citrus.

Napag-alamang hindi kalayuan ang ginaganap na selebrasyon sa bahay ng pulis kung saan agad sinugod at hinanap nito ang puntirya na biktima na si Cleevan Rosal, kapatid ng babaeng bride.

Naisentro ang kasiyahan ng mga tao sa matinding pagtatalo ng dalawa hanggang akmang bubunot na ng baril ang pulis subalit nasunggaban ito ni Rosal at nagpambuno ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng pambubuno ay pumutok ang service firearm ni Gubat at tinamaan ang braso nito kasunod pa ng isang putok na kung saan ay tinamaan ng ligaw na bala ang binti ng groom o ang bayaw ni Rosal na nakilala lamang sa alyas “Reggie”.

Tumakbo papasok ng bahay si Rosal subalit sinundan ito ng pulis at doon na sunud-sunod na pinagbabaril ang una na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng pamamaril ni Gubat na agad nang sinibak sa kanyang pwesto kasunod ng agarang pagsasampa laban sa kanya ng kasong administratibo, murder at frustrated murder.

Samantala, boluntaryo namang sumuko sa kanyang mga kasamahang pulis si Patrolman June Zamora ng Talisay City Police dahil sa pagpatay nito sa 71 taong gulang na Japanese national na si Akira Togo.

Bago mag alas-5:00 ng hapon ng Linggo nang sumuko si Zamora sa mismong himpilan nito ilang oras makalipas ang isinagawang pamamaril kay Togo sa Toledo City pasado alas-9:00 ng umaga.

Ayon kay Police Brig. General Debold Sinas, ng Police Regional Office-7 sa Central Visayas, matinding selos umano ang motibo sa nangyaring krimen.

Nasagap umano ni Zamora ang alegasyon ng umanoy pakikipagrelasyon ng kanyang live in partner sa biktimang banyaga.

Please follow and like us:
Read More

2 POLICE ESCORT NG MGA GURO, SUGATAN SA AMBUSH

patikul sulu12

(NI NICK ECHEVARRIA)

DALAWANG pulis ang sugatan habang inihahatid ang mga guro mula sa Department of Education (DepEd), sa pananambang ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu, Lunes ng umaga.

Naganap ang insidente sa Brgy. Igasan, Patikul, Sulu bandang alas-7:45 ng umaga habang nagsasagawa ng route security ang nasabing mga pulis bilang escort ng mga guro na nakatalaga sa Silangang bahagi ng Patikul nang paulanan ng bala ng mga bandido.

Sa report ng Police Regional Office BARMM kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, nakilala ang dalawang sugatang pulis na sina P/Cpl. Angelo Canapi at P/Pat. Nijar Awwalon, ng 2nd Mobile Force Company ng Sulu Provincial Police Office.

Dahil sa pananambang nagtamo ng tama bala ng baril sa kanang braso si Canapi samantalang sa  noo naman nasugatan si Awwalon na kapwa dinala sa  Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa Brgy. Busbus, Sulu para lapatan ng lunas.

Kaagad namang ipinag-utos ni PRO-BARMM Director P/BGen. Marni Marcos ang pagtugis sa mga salarin para papanagutin sa batas.

Hinangaan naman ng pamunuan ng Philippine National Police, ayon kay Banac, ang dalawang pulis na hindi natinag sa malalakas na armas ng mga salarin na nakaligtas sa ambush sa pagganap ng kanilang sinumpaang tungkulin.

 

Please follow and like us:
Read More

SAFEHOUSE NG KFR GROUP SINALAKAY, 1 PATAY

(NI JG TUMBADO)

NAPATAY sa pakikipagbarilan ang isa sa mga miyembro ng Kidnap for ransom (KFR) group na isinasangkot din sa pagdukot ng ilang mga opisyales ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa kanilang hideout sa Marilao, Bulacan.

Armado ng search warrant, nilusob ng pinagsanib na puwersa ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO), Police Regional Office 3, PNP-Highway Patrol Group, Bulacan Provincial Police at PNP Anti Kidnapping Group, ang pinagkukutaan ng grupo kung saan napatay ang 41-anyos na KFR member na si Leo Dela Fuente, residente ng Cubao, Quezon City.

Bago tinunton ng pulisya ang hideout ni Dela Fuente nitong gabi ng Miyerkoles sa Marilao, ay ilang serye rin ng pagsalakay ang ikinasa sa iba pang lugar, kabilang sa Caloocan at sa San jose del Monte City sa Bulacan.

Ayon kay NCRPO chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar, modus ng grupo ang manghingi ng pera mula sa mga biktima at kanilang kaanak.

Gumagamit pa umano ng uniporme ng PNP ang mga suspek at may mga kasabwat silang mga AWOL na pulis.

Nakumpiska sa loob ng isa sa mga bahay ang 8 iba’t ibang uri ng armas na may mga bala habang sa mga sasakyang nadatnan sa lugar ay may mga nakuha din na mga high powered firearms.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NA NANUTOK NANG ‘DI MAKAPAG-OVERTAKE , SISIBAKIN

PULIS-2

(NI KOI HIPOLITO)

INIREKLAMO ang isang pulis na umano’y nanutok ng baril nang hindi makasingit sa linya ng sasakyan sa Commonwealth, Quezon City.

Nagtungo sa tanggapan ni NCRPO Chief PMGen.Guillermo Eleazar ang

biktimang si Christopher Johnson Ong, 31, residente ng 3rd Floor, PS Bank, Mindanao Ave.Branch, Brgy. Bahay Toro sa Quezon City.

Habang positibong kinilala naman ni General Eleazar ang inirereklamong pulis na si PMSgt.Wilson Aquino, naka-assign sa Tactical Motorcycle Reaction Unit (TMRU-PS3) ng Quezon City Police District (QCPD) at isa pang suspek na nakasuot din ng t-shirt na may tatak na ‘pulis’.

Base sa kuwento at ipinakitang video na kuha ng dashcam ng biktima kay Eleazar, sakay siya ng kanyang KIA KC2700(XCL-957) sa kahabaan ng Commonwealth South Bound, patungo sa Quiapo, Manila, nang sumingit sa kanyang linya ang isang kulay puting SUV subalit hindi umano niya ito napagbigyan.

Kasabay ito ng pagharang sa kanyang harapan ng isang SUV na Montero na may  plate number ABA-1201. Nagbukas ng bintana ang sakay nito saka naglabas ng baril at itinutok sa biktima at pilit na kinukuha ang kanyang lisensya. Bumaba umano ang pulis na suspek na may dalang shotgun sa sasakyan at binantaan ang biktima na huwag sumingit sa kanilang sasakyan kahit na patuloy na humihingi ng dispensa. Natigil lang umano ang pulis nang bumaba ang kasamahan nito na nakasuot ng kulay berdeng tshirt at iniwan ang biktima.

Agad naman ipinag-utos  ng NCRPO Chief ang pagsibak sa puwesto sa suspek na kasalukuyang naka-leave ngayon at mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.

“We are here to serve and protect not to intimidate or threaten our citizens.This will serve as a lesson for everybody at nagpapasalamat ako dahil na-expose ang mga pulis na abusado. Huwag kayong matakot,  nasa likod nyo ako at hindi natin hahayaan ang mga katulad ng pulis na ito na abusuhin ang ating mga mamamayan,” ani Eleazar.

Please follow and like us:
Read More

PULIS NANGGIGIL SA PUWET NG DALAGITA, KALABOSO

arrested124

(NI JULIE DUIGAN)

BUKOD sa kasong criminal, nahaharap din sa kasong administratibo ang isang tauhan ng Philippine National Police  (PNP) matapos saklutin ang puwet  ng isang 17-anyos na magandang estudyante, iniulat ng pulisya.

Nakilala ang suspek na si Patrolman Kenjie Sangian, naka-assign umano sa CALABARZON at residente ng 1139 Int.32 Vargas St., Antipolo, Tondo, Manila.

Gayunman , desididong magsampa ng reklamo ang dalagitang itinago sa pangalang “Amor” 17 anyos ; estudyante at residente  ng Dagupan St., sa Tondo.

Base sa ulat ni P/SMSG Thelma Samudio, ng Manila Police District-Children and Women’s Protection Unit, bandang alas-8:30 ng gabi nitong nakaraang Agosto 4 nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Vargas St., sa Tondo.

Salaysay ng kaklase at kaibigan ng dalagita, magkakasama umano silang naglalakad patungo sa bahay nito,. nang mapadaan sila sa lasing na pulis.

Hindi akalain ng biktima, na gagalangin umano siya kapag nagdaan , pero laking gulat nito nang bigla umano siyang hawakan sa puwet.

Bukod pa rito, nagparinig pa umano ng malaswang salita patungkol sa dalagita  ang pulis, kaya nagpasiya na itong maghain ng reklamo na agad naman siyang sinamahan ng ama sa MPD-Headquarters.

Si Singian ay nahaharap sa kasong R.A. 7610 o mas kilala sa kasong child abuse law.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS BINARIL SA ULO NG TAUHAN SA NEGOSYO

crime

(NI NILOU DEL CARMEN)

LOS BAÑOS, LAGUNA — Patay ang isang pulis matapos barilin ng kanyang sariling tauhan sa kanyang negosyo sa Los Baños, Laguna, Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni PLtCol Louie Dionglay, hepe ng Los Baños Police, ang biktima na si Police Staff Master Sergeant Dominic Obligado, 43, nakatalaga sa Lucena City Police Station.

Batay sa report, nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan sa Barangay  Tuntungin-Putho  alas 9:50 ng gabi, nang biglang dumating ang suspek na si Ruel Nabatilan, alyas Burnok at binaril ang biktima gamit ang kalibre 45 baril.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at nasawi matapos mairating sa  Los Baños Doctors Hospital.

Tumakas naman ang suspek at ang kasama nito na si Cresencio Pitogo matapos ang pamamaril.

Napag-alaman na ang dalawa  ay parehong pinagkakatiwalaan o mga  tauhan ng pulis sa kanilang negosyong pautang.

Nagkasa na ng manhunt operation ang mga awtoridad  laban kay Nabatilan at Pitogo.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NA NAGBANTA, NAPIKON SA VIRAL VIDEO, SINIBAK

(NI KOI HIPOLITO)

IPINAG-UTOS ni NCRPO Chief P/MGen. Guillermo Eleazar kay Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Nolasco Bathan ang agarang pagsibak sa puwesto kay P/SMS Arnulfo Ardales na naka-assign sa San Juan City Police Station (PCP-4) ngayon araw ng Linggo.

Matatandaan na nag- viral sa social media ang pulis na si Sergeant Ardales matapos nitong pagmumurahin at bantaan ang biktimang si Aaron Estrada, 21, call center agent at residente ng Brgy. Ermitaño sa Lungsod ng San Juan, habang bumibili sa isang sari-sari store/karinderya sa Aurora Boulevard.

Hindi umano nagustuhan ng pulis ang umano’y hindi pagrespeto sa kanya ng biktima habang nakasabayan bumili ng pagkain sa tindahan na naging dahilan umano para murahin at pagbantaan ito ng suspek.

Pansamantalang inilipat muna si Ardales sa District Headquarters Service Unit (DHSU) ng Eastern Police District habang iniimbestigahan ang kanyang kaso.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NA SUSPEK SA QUEZON ‘ROAD RAGE’, SUMUKO NA

arrested12

(Ni JUN V. TRINIDAD)

QUEZON – Sumuko na sa mga otoridad ang isang pulis na umano’y responsable sa naganap na pamamaslang sa dalawang motorista sa bayan ng Candelaria kamakailan.

Ayon kay Lt. Colonel Franco Allex Reglos, Candelaria police chief, imbyerna sa buhay at init ng ulo sa pakikipagtalo ang nagtulak sa suspek na si Staff Sgt. Angel Ilao Jr. na barilin ang dalawang nakagalit na motorista.

“Sabi niya (Ilao) ay dala ng bugso ng damdamin dahil nagkaroon ng pagtatalo sa aksidente. At may mga previous problems siya. Namatayan siya ng kapatid lately,” ani Reglos sa panayam sa telepono.

Ang suspek na nakatalaga sa Sampaloc police station sa lalawigan ay sumuko sa hepe ng pulis ng nasabing bayan noong bago maghating-gabi ng Linggo.

“Kusa siyang sumuko dahil continuous ang hot pursuit operation ng police. Namonitor niya na hinahanting siya,” ani Reglos.

Natunton ang suspek mula sa records ng kanyang ginamit na Toyota Fortuner (ATA 1751) noong araw na ‘yon. Ang nasabing sasakyan ay nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) sa pangalan ng kanyang asawa.

Noong Lunes ng hapon ay isinagawa ang inquest proceeding sa suspek na ngayon ay nakapiit sa Candelaria police jail at nahaharap sa kasong double murder.

Matatandaan na noong Sabado ng gabi ay aksidenteng nagkasagian ng Hyundai EON (AAA 9517) at ang sasakyan ng suspek sa isang bahagi ng bypass road sa Barangay Masin Sur.

Habang nag-uusap ang dalawang tsuper para ayusin ang gusot ay walang sabi-sabing niratsada ng sunod-sunod na pamamaril gamit ang hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang katalong tsuper na si Marvin Domenden at ang may-ari ng Hyundai EON na si Domingo Dialino.

Dead on arrival si Domenden sa Peter Paul Medical Center sa kabayanan at namatay naman si Dialino habang ginagamot sa nasabi ring ospital.

Please follow and like us:
Read More

PULIS MAYNILA, TIMBOG SA KIDNAPPING

arrested124

(NI JULIE DUIGAN)

DAHIL sa bisa ng arrest warrant, naaresto Martes ng umaga, ang isang pulis Maynila, sa kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention, apat na taon na ang nakakaraan sa Antipolo City .

Si P/Staff Sgt. Alejandro Ruz  ay inaresto alas-9:30 ng umaga , sa harap ng Manila Police District –Ermita Police Station 5 .

Dahil sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ma.Consejo Gengos-Ignalaga ng Regional Trial Court Br.B -98 ng Antipolo City, inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Integrity Monitoring & Enforcement Group, Manila Police District-General Assignment Investigation Section at ng MPD-PS 5, si Ruz.

Ang kaso ay naganap umano noong July 30, 2015 .

Si Ruz ay dating nakatalaga sa Manila City Hall  and  Action Special Assistant (MASA) sa ilalim ni Manila Joseph Estrada.

Nasa kustodiya na ng  IMEG sa Camp Crame si Ruz, upang mapanagot sa ibinibintang dito.

 

Please follow and like us:
Read More

2 PULIS TIMBOG SA KOTONG

(NI BONG PAULO)

KALABOSO ang dalawang mga pulis matapos  arestuhin ng mga kabaro nila sa inilatag na entrapment operation na ikinasa ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) dahil sa pangingikil ng mga suspek sa kanilang inaresto sa bayan ng Wao, Lanao del Sur, nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mga pulis na inaresto na sina Police Staff Sergeant Jeffrey Romero Fabros at Police Master Sergeant Erwin Piquero.

Ayon kay CITF commander Police Col. Romeo Caramat, ang dalawa ay kapwa nahuli sa aktong nangongotong matapos na tumatanggap ng P50,000 na marked money mula sa complainant.

Ayon sa nagrereklamong si Laut Madale, naaresto ang kanyang anak nina Piquero matapos salakayin ang kanilang bahay na walang search warrant noong Mayo 17 para sa illegal possession of firearms at nakuhanan ng isang .45 kalibre na baril.

Hiningan umano ng mga nadakip na pulis si Madale ng P200,000 kapalit ng kalayaan ng kanyang anak at mapababa ang kaso.

Sinabi pa ni Madale na nakapagbigay na siya ng P100,000 at pinalabas ang anak. At may balanse pa silang isang daan libo na bumaba sa P50,000.00.

Dahilan para magsumbong si Madale sa CITF at dito naaktuhan tinatanggap nina Piquero ang P50,000 marked money.

Napag-alaman na ang dalawang mga parak ay inilipat sa Midnanao matapos na madawit ang mga ito sa illegal na droga.

 

Please follow and like us:
Read More