MALIIT NA PUHUNAN TUGON SA KAHIRAPAN

ICE DROP

(Ni Dan Salcedo / Ikalawang bahagi)

ARMANDO VELASQUEZ

Kuwento ng balong tindero

Pagal ang katawan.  Nanlalagkit  ang balat sa init na sinuong,  ngunit kontrolado niya ang manibela ng dinadalang motorsiklo.  Kalmado ang utak at pulso.

Ayaw niyang mapahamak at maaksidente dahil angkas niya ang kanyang mag-ina na kasama niya araw-araw sa paglalako ng tinapay at ice drop.

Sa bundok nakatira ang pamilya ni Armando Velasquez, isang tindero ng tinapay at pampalamig sa bayan. Dumarayo rin siya sa mga barangay kapag may pistahan.

Ganyan ang ikot ng kanyang buhay na kanyang niyakap nang buong sinseridad.

“Kailangang makauwi nang ligtas at makabalik kinaumagahan sa paglalako,” paliwa-nag ni Mando.

HINDI BUMIGAY SA PAGSUBOK

Sinubok ang kanyang katatagan nang mamatay ang kanyang asawa.

Hindi siya bumigay, matapang na binalikat ang responsibilidad sa mga anak,  lalo na sa bunso na tangi niyang pag-asa na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.

Pinalakas siya ng pangarap na kahit isa man lang sa kanyang mga anak ay makapagtapos ng kolehiyo.

Sinuong na ng dalawa niyang anak ang paglalako at tinanggap niya ang desisyon ng mga ito.

“Si Virgie na lang ang pag-asa kong makapagtapos. Kahit mahirap maglako lalo kapag matindi ang init o kaya ay umuulan ay kailangang gumalaw,” matatag ang tono ng kanyang boses,  kasingtibay   ng kanyang ambisyon at dedikasyon.

Hindi niya alintana kung amoy-araw siya.  Wala sa kanya kung punit man ang suot na damit dahil ang mahalaga ay may makakain sila at may maitatabi para sa ibang pangangailangan.

Marami nang nagsulputang panaderya sa kanilang bayan at nauso na ang motorsiklo kahit sa kabundukan kaya humina ang benta ng inilalako niyang tinapay.   Ang mga nasa bundok at malalayong barangay ay madalas nang bumaba sa kabayanan upang mamalengke,  kasama ang pagbili ng tinapay kaya malaki ang nabawas sa inirarasyonan ni Mando.

Matumal na rin ang benta ng ice drop dahil abot na rin ng kuryente ang liblib na mga lugar.  May mga refrigerator na ang iba.  Gumagawa na ng ice candy.

Humina ang benta ng ice drop ni Mando.

MATIBAY NA PANANALIG

“Binabalik ko sa kinukunan ko kahit tunaw. Minsan lugi sa gastos sa paglalako dahil gasino na ang porsyento sa nagtitinda,” may desperasyon sa tono ng kanyang boses.

Hindi pinababayaan ng Diyos ang nagsisikap.

Sa bawat pagsubok ay may ginhawang kapalit. Sa kasabihang ito kumakapit si Mando.

Pinatatag siya upang malagpasan ang problema sa buhay.

Dumating ang pagkakataon na ngayon ay nagbibigay na sa kanya ng kaluwagan.

Pinasok niya ang pagbebenta ng Yakult.

Isa na siya sa malakas magbenta  ng Yakult. Sa maliit na puwesto na tuwing araw ng tyangge ay nagkaroon na siya ng mga parukyano.

Lumalaki na rin ang kanyang order upang matugunan ang bilang ng mga bumibili.

Inilalako rin niya ang produkto tuwing regular na mga araw.

Naipagawa niya ang kanilang bahay at natupad na ang pangako niya sa namayapa niyang asawa. Nagtapos na ng Political Science ang kanyang anak.

NAGKAROON NG BAGONG PAG-IBIG

Magsasalita sana si Mando nang tumunog ang kanyang cellphone.  Dinukot sa bulsa at tiningnan. Napangiti at nagpaalam  sandali at bahagyang lumayo.

Masaya na nakikipag-usap.

May narinig ako mula sa katabi niyang tindera.  “Kausap na naman ang tsiks.”

Nainlab na uli ang balong tindero.

Please follow and like us:
Read More

MALIIT NA PUHUNAN TUGON SA KAHIRAPAN

SMALL BUSINESS

(Ni Dan Salcedo / Unang bahagi)

Halos kalahati ng kumikita ay nasa impormal na gawain o tinatawag na underground economy.

Hindi opisyal na kinikilala ang kanilang aktibidad kaya itinuturing na iligal.

Kabilang sa impormal na trabaho ay ang pagtitinda sa tabi ng kalsada o kadalasan ay sa mismong kalye kapag may espesyal na okasyon.

Sila ang pamosong street vendors.

Ang Pinoy ay madaling makaagapay sa sitwasyon at makaisip ng paraan o magaling dumiskarte upang malabanan ang kahirapan at walang kasiguruhang kabuhayan.

Ang pagtitinda sa kalye ay patok na maliit na negosyo sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Tiyaga ang puhunan.

Malaking tulong din ang street vendors sa mga namimili na gustong makamura at tumawad. Bahagi na sila ng merkado na hindi mawawala sa agos ng negosyo.

Dahil sa kanila ay may mga negosyo ring naitatag. Isa rito ang microfinance.

Ang mga vendor ay kabilang sa mga nagpapatatag ng microfinance.

Mas madali at sigurado ang lumapit sa microfinance kesa umutang sa bangko kaya dahil sa mga vendor ay dumami at lumago ang microfinance.

Sa maliit na puhunan na kadalasan ay inutang ay may sektor ding ito ang nagiging daan tungo sa pag-asenso.

KWENTO NG PAG-ASA

Sa tabi ng kalsada,  maliit na bakanteng lote, kapirasong lapad ng bakuran at iba pang lugar na puwe-deng paglatagan.

Iyan ang paraisong parisukat ng mga vendor.

Umulan,  uminit ay nakapuwesto sila upang kumita ng kahit katiting upang may pantawid sa araw-araw.

Nasa laylayan sila ng sosyedad. Nasa patag ng pag-usad, ngunit nasa puso rin nila ang pangarap na ma-katuntong sa unang baytang hanggang sa tuktok ng kanilang deskripsyon ng tagumpay.

Tiyaga,  pagod,  determinasyon,  pagsisikap ang enerhiya nila sa inaasam na pangarap.

Vendor silang maituturing,  ngunit mahalaga ring komposisyon ng komunidad at pamumuhay.

Nagsisikap para sa pamilya.  Nangangarap ng magandang buhay.  Sila ang mga vendor na bibigyan natin ng espasyo upang maging inspirasyon,  salamin at testimonya na may puwang ang bawat isa sa mundo ng pagpupunyagi.

ABIGAIL SALALIMA: MAY PAG-ASA SA MALIIT NA ­KARINDERYA

Nawalan ng trabaho ang kanyang asawa nang magsara ang sinehan na pinapasukan nito.

Maliliit pa ang dalawa nilang naunang anak.

Mahirap maghanap ng trabaho at kung may mapasukan man ay mahirap pa rin pagdugtungin ang magkabilang dulo ng sinturon.

Bakante ang harapan ng kanilang bakuran.

Nagtayo sila ng maliit na tindahan, ngunit hindi sapat ang kinikita para sa nadaragdagang miyembro ng pamilya.

Bahay ng kanyang biyenan ang kanilang tinitirhan.  Kasama nila ang ina,  dalawang kapatid ni Bong, at  ilang pamangkin sa bahay.

Matao sa kanilang lugar sa kahabaan ng gilid ng riles.

Nasa lugar nila ang tinatawag na bagsakan kung saan pumupuwesto ang mga nagtitinda ng gulay,  rekado,  tuyo at daing at iba pang paninda na kailangang maibenta sa ilang oras na inilaan sa bagsakan,  na dalawang beses sa isang linggo.

Dito nila naisipan na magluto ng pagkain: .almusal at tanghalian para sa mga nagtitinda at namimili, para sa mga mag-aaral na sa limang pisong halaga ng pansit at tsamporado ay malalamanan na ang tiyan.

“Mahirap,  nakapapagod ngunit kailangang gawin,ˮ deskripsyon ni Abigail sa araw-araw na ginagawa nila.

Maagang mamamalengke ng iluluto.  Magkatuwang ang mag-asawa  sa pagluluto Habang nakatoka ang hipag at pamangkin ni Abigail sa mga kumakain.

“Nawawala naman ang pagod kapag nakikita at nararamdaman ang bunga ng sakripisyo,” nakangiting sambit ni Abigail.

Ito ay patungkol sa pamangkin ng kanyang asawa na nagtapos na cum laude  sa kolehiyo ngayong taon.

Tumutulong ang mag-asawa sa mga pamangkin na kasama nila sa bahay kahit may magulang ang mga ito.

Nakabili na sila ng motor na kailangan para sa pamalengke,  gamit sa paghatid sa kanilang mga anak sa eskwelahan.

“Sana,  suwertihin ding makabili ng lupa at makapagpatayo ng bahay,” ani Abigail, na binibigyan ng an-tisipasyon ang posibilidad na mademolis ang kanilang bahay at puwesto dahil sa balitang rehabilitasyon ng Bicol Express o biyahe ng tren mula Bikol hanggang Maynila.

Lupa ng Philippine National Railways. (PNR)  ang kinatatayuan ng kanilang bahay at karinderya .

Pinaghahandaan din nila ang pag-aaral sa kolehiyo  ng panganay  nilang anak,  na pangarap na maging seaman.

Mahal ang tuition sa maritime school ngunit  hindi sila pinanghihinaan ng loob at nais nilang ipakita sa anak na kakayanin nila.

Gasino na raw ang nakukuha nila sa Pantawid  Pamilyang Pilipino Program  (4Ps) na nakalaan sa baon,  gamit at iba pang pangangailangan ng eskuwela.

“Determinasyon, sikap  at tiyaga ang kailangan para sa mga anak,” pagbibigay buod ni Abigail sa pagpu-punyagi nila.

Apat na ang kanilang anak at mahaba-haba pa ang biyahe ng kanilang dedikasyon para marating ang tinutumbok na destinasyon. (May karugtong)

Please follow and like us:
Read More