ATBP NG POLITIKA

JOY-GIAN-2

JOY-GIAN  APRUB NA

NAPROKLAMA na ng Commission on Elections – Board of Canvassers ang magkatambal na Vice Mayor Joy Belmonte at Councilor Gian Sotto bilang bagong alkalde at bise-alkalde ng Quezon City.

Tinalo ni Belmonte at Sotto ang mahigpit na katunggaling si 1st District Representative Vincent “Bingbong” Crisologo at Jopet Sison.

Inaasahang mas pauunlarin pa ng tambalang Belmonte at Sotto ang lungsod Quezon. (Joel Amongo)

ISKO NAGTAGUMPAY

TINALO ni dating Vice Ma­yor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Mayor Joseph Estrada sa ginanap na 2019 midterm election.

Maging ang katambal ni Moreno na si Vice Mayor Honey Lacuna ay nagwagi rin laban kay dating Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing na running mate ni Estrada.

Si Moreno, na dating bise alkalde ni Estrada sa una nitong termino bilang local exe­cutive, ay nangako ng pagbabago na aniya’y hindi nagawa ni Estrada sa Maynila sa loob ng dalawang termino nito.  (Mina Diaz)

MILLENIAL MAYOR VICO

TINAGURIANG ‘millenial mayor’ si Councilor Vico Sotto nang magwagi at maagaw ang puwesto mula kay incumbent Pasig City Mayor Bobby Esuebio sa katatapos na May 13 midterm elections.

Landslide victory si Sotto, 29, anak ng komedyanteng si Vic Sotto at beteranang aktres na si Connie Reyes, na nagpapakita lang na tinapos na ng mga botante ang 27-taong pamumuno sa lungsod ng Pasig ng mga Eusebio.

Tiyak rin ang panalo ng unopposed incumbent Vice Mayor Carucho Bernardo habang nagwagi rin si dating Pasig Rep. Roman Romulo laban kay incumbent Pasig Rep. Ricky Eusebio, kapatid ng kasalukuyang alkalde.

REMULLA  AT REVILLA PA RIN SA CAVITE

NANALO sa pagka-Gobernador ng Cavite si Juanito Victor “Jonvic” Remulla laban sa dati ring Gobernador na si Erineo “Ayong” Maliksi.

Si Maliksi ay dating Go­vernor ng Cavite  mula 2001 hanggang 2010 hanggang sa natalo ito ni Jonvic at nani­nilbihan itong Governor mula 2010 hanggang 2016 matapos na palitan siya ng kanyang kapatid na si Jesus Crispin “Bo­ying” Remulla na nanalo naman sa pagka-Congressman ng ika-7 Distrito ng Cavite.

Muli naman naluklok sa pagka Bise Gobernador si Ramon “Jolo”  Revilla na walang nakalaban nitong nakaraang midterm election.  (Sigfred Adsuara)

 ZAMORA TINAGPAS ANG MGA ESTRADA

HINDI na umabot sa ika-50 taon ang pamumuno ng mga Estrada sa San Juan matapos tapusin ni dating Vice Mayor Francis Zamora ang pamamayagpag ng una nang ilampaso sa halalan ang katunggaling si Janella Ejercito Estrada.

Papalitan ni Zamora, anak ni San Juan Rep. Ro­naldo Zamora, si Mayor Guia Gomez, dating kapartner ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada.

Noong panahon ng campaign period ipinangako ni Zamora na babaguhin nito ang San Juan at gagawing Smart City, magkakaloob ng mga libreng WiFi sa lahat ng mga pampublikong lugar, mga high-rise city housing at abot kayang healthcare.

Si Zamora ay tumakbo sa ilalim ng partido ng PDP-Laban habang si Janella naman ay sa partido ng kanyang lolo na Pwersa ng Masang Pilipino.

Sa Mandaluyong City, landslide ang pagkakapanalo ni Mayor Menchie Abalos laban sa katunggaling si Florencio Solomon habang sure win din ang running mate ng una na si Anthony Suva laban kay Boy De Quinto.

Bagaman walang kalaban, nabinbin ang proklamasyon ni incumbent Marikina Mayor Marcy Teodoro sa kanyang ikalawang termino dahil hindi pa nabibilang ang lahat ng boto. Nanalong bise- alkalde naman si Doc Marion Andres.      (Nick Echevarria)

BINAY BIGO SA MINORITY POST

HINDI na makukuha ni da­ting Vice-President Jejomar Binay ang minority leadership para sa 18th Congress matapos malasin at mabigong masungkit ang  1st District Congressional seat sa Makati City.

Bago ang kampanya, kabilang si Binay sa matunog at inaasahang tatakbo sa Spea­kership sa Kamara subalit hindi para maging top-leader ng Kapulungan kundi para ma­ging House Minority Leader.

Lamang, nasilat siya ni dating Makati City Vice Ma­yor Romulo “Kid” Pena Jr.

ABBY BINAY TINAMBAKAN ANG KUYA

MALAKI ang lamang ni incumbent Mayor Abby Binay sa kanyang kapatid na si da­ting Mayor Jun-jun Binay sa ginanap na banggaan nilang magkapatid sa Mayoralty race sa Makati City.

Nakakuha si Abby ng 175,385 boto mula sa kanyang mga taga suporta habang ang kuya niya ay nakakuha ng 96,299 na boto mula naman sa mga tagasunod.

Si re-electionsit Muntinlupa Mayor Jimmy Fres­nedi ay idineklarang panalo ng board of canvassers. Si Fres­nedi ay nasa huling termino na niya bilang alkalde. (Dave Medina)

MGA PANABONG NI DIGONG TINOLA SA MALABON

TALUNAN ang mag-asawang manok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lungsod ng Malabon na sina Vice Mayor Jeannie Sandoval, na tumatakbong alkalde, at reeleksyonistang Congressional bet na si Fe­derico “Ricky” Sandoval.

Iprinroklamang nagwagi kahapon ng umaga si Malabon Mayor Antolin “Len Len” Oreta III laban sa kanyang bise  na si Sandoval.

Samantala, matapos mabilang ang boto sa mga presinto, lumamang ng halos 20,000 boto si dating Congresswoman Josephine Veronique “Jaye” Lacson-Noel  sa lalaking Sandoval.

Magugunitang inendorso ng Pangulo ang mga Sandoval at pinagbantaan pa ni Duterte si Mayor Oreta na ipadarakip at ipatatapon sa Manila Bay kapag hindi naresolba ang problema sa droga sa lungsod sa loob ng isang buwan.   (Alain Ajero)

Please follow and like us:
Read More