NAG-AWAY NG GF; CHINESE NATIONAL TUMALON SA BUILDING

crime44

(NI ROSE PULGAR)

AGAW-BUHAY ngayon sa pagamutan ang isang Chinese national nang tangkain nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ikaapat na palapag sa isang gusali  matapos silang magkatampuhan ng kanyang nobyang Pinay Biyernes ng madaling araw.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital, ang biktmang si Yang Zhuang, 20, binata, empleyado ng isang online gaming customer service, tubong Jiling Province China at pansamantalang naninirahan sa no. 402 GG Cruz corner Airport Road, Baclaran nang nasabing lungsod.

Ayon kay Police Colonel Rogelio Rosales Jr. hepe  ng Paranaque City Police, dakong alas-5:10 ng madaling araw nang tumalon ang biktima mula sa ikaapat na palapag ng Pearl Plaza Building, Barangay Tambo sa naturang lungsod.

Masuwerte namang nakaligtas sa bingit ng kamatayan ang biktima dahil bumagsak ito sa bubong ng yero ng isang bahay sa tabi ng nasabing gusali.

Agad naman naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima na nagtamo ng pinsala sa cervical spine at bali sa magkabilang binti.

Sinabi ni Rosales, bago maganap ang insidente, nagkaroon muna nang pagtatalo ang biktima at ang nobya nitong Pinay (hindi na binanggit ang pangalan) na nauwi sa tampuhan.

Labis na dinamdam ng biktima ang pag-aaway nila ng kanyang kasintahan na naging dahilan ng tangkang pagpapakamatay nito.

Iniimbestigahan naman ng pulisya ang insidente at inaalam din kung may naganap na foul play sa insidente.

Please follow and like us:
Read More