PEKENG PARTY-LIST GROUPS NANALO

PARTYLIST PROCLAMATION

(Ni Nelson S. Badilla / Una sa 4 na serye)

LIMAMPU’T isang party-list groups ang iprinoklama na ng Commission on Elections (Comelec) makaraang manalo sa halalan nitong Mayo 13.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, ang limampu’t isang orga­nisasyon ang siyang nakakuha ng dalawang porsiyentong boto o higit pa na itinakda ng Comelec para manalo ang isang grupo ng party-list sa halalan.

Peke ang mayorya sa mga nanalong party-list’ – Fortaleza 

WALANG dapat ikatuwa ang mamamayan sa pagkakahalal ng limampu’t isang party-list groups, sapagkat “peke” ang mayorya sa kanila, ratsada ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido ng Manggagawa (PM).

Idiniin ni Fortaleza na karamihan sa mga nagwaging organisasyon o partido para sa eleksyong party-list ay “hindi totoong nagsisilbi” sa “marginalized sector.”

Ang kahulugan ng marginalized ay grupo o sektor ng mga taong mahihirap, walang pampolitikang kapangyarihan, inaapi, pinagsasamantalahan at napabayaan at patuloy na pinababayaan ng pamahalaan tulad ng mga manggagawa (kabilang ang mga naghahanap-buhay sa ibang bansa o overseas Filipino workers), mangingisda, magsasaka, kababaihan, at iba pa.

Malinaw sa Republic Act No. 7941 o Party-List System Act kung ano ang tinutukoy na mga sektor ng mga taong mahihirap, walang pampolitikang kapangyarihan, inaapi, pinagsasamantalahan, napabayaan at patuloy na pinababayaan ng pamahalaan.

Hindi tinukoy ni Fortaleza kung anu-anong grupo ang pekeng party-list.

Ngunit, ayon sa kanya, batay sa “nominees” ng mga nanalong party-list ay matutukoy na kung anu-anong partido ang totoong kinatawan ng marhinalisadong sektor sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at anu-ano ang hindi.

Kung aanalisahin ang punto ni Fortaleza, isa ang One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals, Inc. (1 – Pacman) party-list na hindi kuwalipikado sa basehan ng R.A. 7941, sapagkat ang mga nominado o kinatawan nito ay sina bilyonaryong Michael Romero at Marlon Bautista,  kapatid ni Senator-elect Ramon “Bong” Revilla Jr.

Si Romero ay chief exe­cutive officer o chairman ng Harbor Centre Port Terminal, Mikro-tech Capital, Manila North Harbor Port, Pacific Inc., at 168 Ferrum Mining.

May-ari rin siya ng isa sa mga koponan sa Philippine Basketball Association (PBA).

Batay sa rekord ng Mababang kapulungan, isa si Romero sa mga pinakamayamang kasapi ng Ika-17 Kongreso kung saan ang kabuunang ha­laga ng kanyang kayamanan ay umabot sa P7 bilyon.

May mga kasong kriminal

NABATID ng manunulat na ito na ilan sa mga kinatawan ng party-list group ay nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal.

Isa sa kanila ay ang Magkakasama sa Sakahan, Kaunlaran (Magsasaka) party-list ay nakakuha ng isang puwesto para sa Ika-18 Kongreso.

Ang uupong kinatawan nito ay si Atty. Argel Joseph Cabatbat na ayon sa impormasyong isinapubliko ng Kontra-Daya, nakaligtas sa ambus si Cabatbat noong Pebrero 2018 sa Quezon City.

May kasong “illegal possession of firearms” at  “homicide” si Cabatbat na isinampa ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa impormasyong ito ay masasabing hindi tunay na kinatawan ng mga magsasaka, magbubukid, manggagawang-bukid at pesante ang Magsasaka party-list.

Ang isa pa ay ang nominado o kinatawan ng Cons­truction Workers’ Solidarity (CWS) party-list na magiging kasapi ng Ika-18 Kongreso ay hindi construction worker kundi si  Romeo Momo Sr. na ayon sa impormasyon ng Kontra-Daya ay naging undersecretary sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Si Momo at ilan pang opisyal ng DPWH ay nahaharap sa kasong “plunder” (pandarambong) dahil sa maanomalyang proyektong rehabilitasyon ng kalsada sa Masbate, ayon sa Kontra-Daya. (Itutuloy)

Please follow and like us:
Read More