PANANAMPALATAYA

PANANAMPALATAYA

Sa gitna ng trahedya at kawalan ng pag-asa

(Ni Guillermo Octavio)

MATINDING gutom kahit nilalagpas-lagpasan ng malalaking isda, labis na uhaw kahit napaliligran ng tubig, at matinding lamig sa gitna ng kawalan—ito ang mga karanasang pinagdaanan  ng isang mangingisda  matapos magpalutang-lutang sa dagat ng halos limang  araw sa karagatan ng Bajo de Masin­loc na bahagi ng Scarborough Shoal.

Marami ang nagtaka kung paano at bakit nalampasan ng mangingisdang ito ang lahat ng kanyang dinanas gayung kung sa iba ay tiyak nawala na ng pag-asa.

Natiis ni Angelito Epetito Jr., isa sa mga tripulante ng Three Sisters 2 Fishing Boat na hinampas ng malalakas na alon noong nakaraang Nob­yembre 6 at lumubog sa Recto Bank habang papauwi sila sa Bataan, ang lahat ng hirap dahil sa pananampalataya sa Maykapal at marubdob na pagnanais na makauwi sa kanyang pamilya.

Naging sandigan, ta­nging kaibigan at tagapagligtas ng tripulanteng si Epetito Jr. ang isang container ng tubig na nagpanatiling nakalutang hindi lamang sa kanyang katawan, kungdi maging ng kanyang pag-asa.

Nahiwalay umano si  Epetito  sa 13 iba pang tripulante ng sinamang-palad na fishing boat at nasagip lamang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc, bandang 1:30 ng madaling araw ng Nobyembre 11.

Ayon kay Epetito, alas 3 ng madaling-araw noong Nob­yembre 6 nang maganap ang malagim na trahedya sa karagatan kung saan hinampas ng malakas na alon ang kanilang sasakyang pantubig matapos pumalaot upang manghuli ng isda.

Sinabi niya na papauwi na sila sa kanilang lalawigan sa Bataan at malas na sa lakas ng hampas ng alon ay tumaob ang kanilang fishing boat kung kaya’t napahiwalay siya sa pagsisikap na makaligtas.

Nalaman na nagsagawa ng search and rescue operation ang BRP Tubbataha,BRP Capones at BRP Boracay para mahanap ang 13 pang nawawalang mangingisda na tila hindi naging kasing swerte ni Epetito.

Nakikipag koordinasyon na rin ang PCG sa China Coast Guard sa posibilidad na mayroon silang nasagip na mga mangingisda.

Matapos masuri ng mga doktor ay inihatid na sa pamilya sa Mariveles, Bataan si Epetito.

13 nawawala pa

Kaugnay nito, nanawagan ang alkalde ng nasabing bayan na si Mayor Jocelyn Castañeda sa pamahalaan para sa higit pang tulong sa search and rescue operations para sa 13 pang nawawalang mangi­ngisda.

Patuloy pa ring hinahanap sina Ronilo Epetito, 31; Boby Gabales, 32; Christian Gabales, 28; Dondon Narciso, 22; Jerry Mantaring, 27; Jerry Villaruel, 26; Ariel Epetito, 30; Frederick Falogme, 33; Jeffrey Abayin, 21; Almar Benocan, 32; Ruel Guico, 19; Joel Negrido, 39; at ang kanilang kapitan at may-ari rin ng fishing boat na si Laureano de los Santos, 55, pawang mula sa Barangay Sisiman in Mariveles.

Mula 1985 ay nangi­ngisda na si delos Santos.

Ayon sa kabiyak ng kapitan na si Leonisa, huli niyang nakitang buhay ang asawa noong Oktubre 28, nang umalis ang grupo nito.

Nagulantang na lamang umano siya nang malaman noong Nobyembre 7 na lumubog ang barkong tinitimon ng asawa.

Gayunpaman, nanatiling buhay ang pag-asa ng ginang na makakauwi na buhay ang kabiyak at iba pang kasamahan nito.

Nanawagan din ang ginang sa pamahalaan na ipag­patuloy ang paghahanap para mailigtas ang mga nawawalang mangingisda, upang makapiling sila ng mga mahal buhay sa sasapit na Pasko.

Please follow and like us:
Read More