FOLAYANG KONTRA KING SA ONE

folaya12

(NI EM RUBIN)
MALAKING hamon ang haharapin ni Eduard “Landslide” Folayang sa ONE: Dawn of Heroes sa Agosto 2 sa Mall of Asia Arena.

Makakasagupa ng 35-anyos na si Folayang si dating Bellator at UFC lightweight champion Eddie “The Underground King” Alvarez sa kanyang pagbabalik-aksyon sa loob ng ONE Championship cage.

“Syempre nagkaroon ako ng excitement kasi isang legend na naman ang makakalaban ko. Maganda kasi palaging legend ang nakakalaban natin,” ani Folayang sa panayam ng Radyo Pilipinas 2.

Sa kanyang ikalawang laban ngayong 2019, asam ni Folayang na makabalik sa pagiging title contender matapos niyang isuko ang kanyang ONE lightweight belt kay Shinya Aoki ng Japan.

Nitong Marso sa Tokyo, pinatulog ni Aoki si Folayang sa pamamagitan ng arm triangle choke sa first round, dahilan para matapos ang paghahari ng Filipino MMA superstar sa kanyang dibisyon.

Hindi naman magiging madali ang daan para kay Folayang, dahil hangad din ni Alvarez na makabawi mula sa kanyang masaklap na pagkatalo sa unang pagsabak sa ONE Championship.

Sa quarterfinals ng ONE Lightweight World Grand Prix noon ding Marso, bumagsak ang 30-anyos na Amerikano sa unang round sa kamay ni Timofey Nastyukhin ng Russia.

Matinding aksyon ang aasahan ng nga Pinoy fans sapagkat kilala ang dalawa sa pagiging mga striker.

Samantala, susubukan ni Danny “The King” Kingad na umusad sa semifinals ng ONE Flyweight World Grand Prix kontra Kairat “The Kazakh” Akhmetov.

Makakatapat naman ni Honorio “The Rock” Banario si Nasthyukin sa semifinals ng lightweight tournament.

Nakabalik sa torneyo si Banario matapos mag-withdraw si Lowen Tynanes na tumalo sa Team Lakay fighter sa quarterfinals.

Please follow and like us:
Read More