DIAZ, DIDAL NAMUMURO SA 2020 TOKYO OLYMPICS

(NI ANN ENCARNACION)

MALIBAN kina pole vaulter Ernest John Obiena at artistic gymnast na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo na pasok na sa 2020 Olympics, namumuro na rin na sumunod sa kanila sina weightlifter Hidilyn Diaz at skateboarder Margielyn Didal.

Ayon kay Philippine Sports Institute (PSI) chief at Philippine Sports Commission (PSC) National Training Director Marc Edward Velasco, konting tulak na lang ang kailangan  nina Didal at Diaz upang magkuwalipika sa kada apat na taong multi-sports tournament.

“Hidilyn (Diaz) needs to participate in two more international tournament to be assured of a slot, and so with Margie (Dida),” ani Velasco.

Ang 28-anyos na Olympic silver medalist na si Diaz na at Asian gold medalist na si Diaz ay sariwa pa mula sa kanilang gold-medal finish sa katatapos na 30th Southeast Asian Games, na isang Olympic qualifying tournament na may karampatang Olympic qualifying points.

Sa kasalukuyan ay nasa ikalimang puwesto sa International Weightlifting Federation sa women’s 55kg division ang Pinay weightlifter, na nakatakdang sumabak sa Rome World Championships at IWF Asian Championships sa Kazakhstan.

Halos abot-kamay na rin ni Didal ang isang silya sa Olympics matapos mapanalunan ang nakalipas na dalawang international tournaments na isa sa mga daan patungo sa Tokyo.

Sumali na sa Olympic qualifying tournament si Didal subalit nabigong makumpleto ito kaya’t naunsiyami ang kanyang pangarap. Ngunit ngayon ay desidido siyang ituloy ang kanyang inaasam na 2020 Tokyo Olympics.

Please follow and like us:
Read More

GINTO SA 2020 OLYMPICS TARGET NG PHL ATHLETES

(NI ANN ENCARNACION)

MATAPOS ang matagumpay na kampanya sa Southeast Asian Games, target naman ng mga atletang Filipino ang 2020 Tokyo Olympics.

Optimistiko ang 387 national athletes na nanalo ng medalya sa 30th SEA Games na may tsansa silang maka-gintong medalya sa pinapangarap ng lahat ng mga atleta sa mundo na Olympics.

Personal na humarap ang mga naturang atleta kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magpasalamat sa suporta nito sa kanila sa kada dalawang taong regional tournament kung saan tinanghal na overall champion ang Pilipinas.

“Nagpapasalamat po kami sa pagtulong sa amin ni Pangulong Duterte at pati na sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangangalaga nila sa amin. Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya para maibigay sa pangulo ang pinakamimithing unang gintong medalya sa Olympics,” sabi ng mga atleta sa pangunguna ng skateboarder na si Margielyn Didal ng Skateboarding and Roller Sports Association.

Pinasalamatan mismo ng mga pambansang aleta ang pagbibigay ng buong suporta ng PSC sa lahat halos ng mga pangangailangan simula sa paghahanda, pagsasanay, pagpapadala para lumahok sa kompetisyon, pagbibigay ng mahuhusay na pagkain at nararapat na kasuotan.

“Masayang-masaya ang pangulo lalo na noong makita niya ang mga atleta. Sumasayaw pa nga siya at pumalakpak noong ipakilala sa kanya ang lahat ng mga pambansang atleta. And then, after that, sinabi niya na agad susuportahan ang susunod na kampanya para sa Olympics,” ayon kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez.

Mayroon nang dalawang atleta sa kasalukuyan ang Pilipinas na nakapagkuwalipika sa Olympics, sina pole vaulter Ernest John Obiena at men’s artistics gymnastics Carlos Yulo, habang umaasa ang PSC na aabot sa kabuuang 20 atletang Pinoy ang makakapasok sa kada apat na taong sports tournament.

Please follow and like us:
Read More

DIDAL ALANGANIN SA OLYMPICS

Margielyn Didal-2

(NI ANN ENCARNACION)

NANGANGANIB na maagang mapatalsik ang Olympic medal hopeful at 2018 Asian Games gold medalist na si Margielyn Didal makaraang bumaba ang rankings nito sa mga skateboarder sa buong mundo.

Mula sa dating No. 10 ay dumausdos sa ika-13 si Didal, ayon sa World Skateboarding Ranking.
Hindi nakalahok ang 20-anyos na Pinay skateboarder mula Cebu sa 5-star International Skateboarding Open sa Qingfeng, China noong Setyembre 3 hanggang 8 dahil sa kawalan ng panggastos.

Samantala, tumapos lamang siya na pang-15 mula sa kabuuang 20 na nakapasok sa semifinals ng SLS World Championships noong Setyembre 19 – 22 sa Sao Paulo, Brazil.

Nagawa ni Didal okupahan ang ikawalong puwesto pagpasok sa semifinal round ng Women’s Street Skateboarding subalit kinapos sa Olympic qualifying points kaya’t hindi tuluyang nalaglag sa kompetisyon.

Please follow and like us:
Read More

OBIENA PASOK SA 2020 OLYMPICS 

(NI ANN ENCARNACION)

AWTOMATIKONG nag-qualify sa pole vault event ng 2020  Tokyo Olympics ang 23-anyos na Filipino athlete na si Ernest John Obiena.

Nagawa rin ng 6-foot-1 na si EJ na magtala ng bagong Philippine pole vault record na 5.81 metro sa pagsabak nito sa Isshatti In Plaza Tournament sa Chiara, Italy.

Ang Olympic Qualifying Standard ay 5.80 metro at dahil nahigitan ito ni EJ kaya’t pasok na siya sa kada apat na taong Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.

Naluluhang sinabi ng ina nito na si Jeanette Obiena, tumawag sa kanya si EJ ganap na 4:35 ng madaling araw ng Miyerkoles at agad hinanap ang ama na si Emerson bago ibinahagi sa kanila ang magandang balita.

“Tumawag si EJ at around 4:35 am dito sa atin, around past 11 na or 12 midnight na doon sa Italy at hinanap agad ang papa niya. Tapos nagsalita siya na, Pa, nagawa ko na. Pasok na ako sa Olympics,” kwento ni Jeanette.

Nagawang matalon ni EJ ang 5.81 metro sa ikatlo at huling pagtatangka upang talunin ang limang iba pang world-class pole vaulters para sa gintong medalya.

Nasa ika-10 puwesto siya ngayon sa IAAF World ranking sa men’s pole vault kasalo si Kurtis Marschall ng Australia na nakapagtala rin ang 5.81 metro noong Pebrero 2.

Tinangka pa ni EJ na maabot ang 5.93 metro para tabunan ang Asian record sa naturang event subalit nabigo matapos na sumabit ang kanyang kamay.

Ang Asian record na 5.92 metro ay hawak ni Igor Potapovich ng Kazakhstan at naitala sa Stockholm, Sweden noong Pebrero 1998.

Kasalukuyang hawak ni Renaud Lavillenie ng France ang World record na 6.16 metro na naitala niya sa Donetsk, Ukraine noong 2014.

Unang nalampasan ni Obiena ang Asian Games pole vault record na 5.70 metro na itinala ni Seito Yamamoto ng  Japan noong Agosto 29, 2018 sa Jakarta, Indonesia.

Itinala din ni EJ ang personal best na 5.76 metro sa pagsabak nito sa 2019 World Universiade sa Naples, Italy noong Hulyo 12, 2019.

Nagawa rin ni Obiena magtala ng multiple feats sa 23rd Asian Athletics Championships (AAC) nang gumawa ng bagong national record at burahin ang 26- taon na AAC record na 5.70 metro ni Kazakhstan Grigoriy Yegorov noong 1993 sa Manila.

Please follow and like us:
Read More