“NO BREAK POLICY” SA BID AT MODUS NG CHINESE NATIONAL SA BANSA!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

IMINUNGKAHI ng Department of Transportation (DOTr) na ipatupad ang “No break policy” sa mga opisyal ng Bureau of Immigration lalo na kung maraming nakapila sa mga Immigration counter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Secretary Arthur Tugade, mas higit na mababawasan ang mahabang pila sa mga Immigrations counter at mababantayan pa umano ang record ng mga turista na pumapasok ng bansa. Idinagdag pa ni Tugade na kailangan din ng karagdagang rapid response team o strike team force mula sa Manila International Airport Authority para sa pagbabantay sa mga immigration counter.

Sa kasalukuyan ay 500 personnel lamang ang naka-deploy sa tatlong terminal ng NAIA na nasa shift schedule kaya iminungkahi ng kalihim ng “No break Policy”.

Sa panayam ng inyong lingkod kay Ma’am Dana Sandoval, spokesperson at Deputy Chief ng IRD, sinabi nito na higit nilang binabantayan ang mga immigrations counter para ma-monitor ang pagpasok ng mga turista at kahit kakain lamang ang isang personnel ay hindi nawawalan ng tao ang immigration counters dahil may shifting sila.

Napakaganda ng mungkahi ni Secretary Arthur Tugade dahil maiiwasan nga naman ang matagal na pila ng mga tao sa immigration counter. Mismong ang inyong lingkod ay naobserbahan ang mahabang pila sa mga counter, pero tuloy-tuloy naman ang paggalaw nito.

Ang importante ay dapat magdagdag ng personnel ang BID para lalong maserbisyuhan ang mga pasaherong pumapasok sa terminal o paliparan sa buong bansa.

Ang ating pakiusap lamang kay BID Commissioner Jaime Morente, Sir, sana naman higpitan pa ninyo ang pagbabantay sa mga undocumented Chinese national na halos umaabot na sa 1.3 milyon ang nakapasok sa bansa dahil sa maluwag ang ating gobyerno sa pagpapasok sa mga ito.

Kamakailan lamang ay may mga Chinese national na hinuli ng NBI dahil sa pangingidnap sa kanilang kababayan na ang kanilang modus ay alukin na mag-travel sa Pilipinas pero kalaunan ay kanilang pauutangin para magsugal sa mga casino hanggang mabaon sa utang. Kapag hindi nakabayad ay kanilang ikukulong at ipatutubos sa mga kamag-anak ang biktima.

Diyan lamang sa lungsod ng San Jose Del Monte, may isang “Godfather” ng mga Chinese national na nagngangalang alyas Jojo Lim at Vicson Lim na maraming hawak na mga Intsik na itinatago umano sa kanilang warehouse sa isang barangay sa lungsod. Kapareho ang kanilang modus operandi, aalukin ang kanilang kababayan na mapera na mag-travel sa Pilipinas at tuturuang magsugal sa casino at kapag lulong na ay kanilang pauutangin hanggang masimot ang dalang pera. Kapag walang-wala na ay mapipilitan na itong mangutang at doon na ito sasamantalahin ng mga kababayang pasok sa ganitong uri ng sindikato. Abangan ang mas matitindi pang expose. (HAGUPIT NI BATUIGAS / Mario Batuigas)

Please follow and like us:
Read More