NAKAKAINIS NA PARKING AT PARKING FEE

NIPIS

KAHIT saan panig ng Metro Manila, hindi mawawalan ng mga sasakyan na ang mga sakay o pasahero ay nagtutungo sa malls,  department stores, entertainment places, hotels, restaurants  at mga katulad nito.

Palasak na ngayon ang mga sasakyan na kahit pangkaraniwang mamamayan ay kayang kaya na bumili o kumuha ng hulugan sa mga banko at iba’t ibang lending ins­titutions.

At lalong ang mga tao ngayon ay mas nais na kumain, magkuwentuhan, magbonding, magsosyalan at mamasyal sa mga magaganda at mamahaling lugar. Siyempre, hindi sila makakapunta sa mga ganitong lugar kung hindi magdadala ng kani-kanilang mga sasakyan na kadalasan ay sanhi ng traffic sa mga kalsada.

Labas na tayo sa problema ng trapiko dahil pilit naman itong sinusolusyunan ng mga opisyal ng pamahalaan lalo na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police-Highway Patrol Group at local traffic enforcement units.

Ang usapin na ating tututukan ay ang mga parking lalo na sa mga mall, hotels, restaurants na binabayaran ng medyo may kataasan ang presyo lalo na kapag valet parking.

Kapag pumarada sa malls, bumabayad ang may-ari o driver ng isang sasakyan ng pinakamababa ang P40 sa loob ng tatlong oras, pwera na lang sa SM chain of department stores na P40 ang talagang bayad. OO nakaparada ka nga pero hindi ka naman sigurado na mabibigyang proteksyon ang iyong sasakyan dahil nakasulat sa tiket na ibibigay sa iyo na ingatan ang mga gamit dahil wala silang pananagutan kapag nawala.

Ano? Paano kung nabiktima ng basag salamin sa loob ng mall o hotel? Wala rin silang pananagutan? Eh nasa loob kaya ng kanilang teritoryo? Di ba dapat may responsibilidad sila na pabantayan ang mga sasakyan?

Ang valet parking ay nakapamahal sa mga hotel. Bumayad ka na nga ng mahal sa hotel na kinainan mo, sisingilin ka pa ng mahal sa valet parking. Kasalanan naman nila dahil wala na silang nakalaang parking para sa customer.

Ang iba kasi, sinasad­yang magreserba sa valet parking dahil mas malaki ang kita rito ng mga attendant. Sabagay pati ang establisimyento ay mas malaki ang kita.

Dapat talagang magkaroon na ng panukalang batas na magreregulate ng parking fees hindi lang sa malls, restaurant at esta­blisimyento subalit maging sa mga ospital. Opo, maging sa ospital ay may parking fee at napakahirap pang pumarada.

Kahit sa mga city hall, trial court, police station at iba pa ay napakahirap pumarada at may kataasan ang parking fee.

Kaya nga panawagan sa mababa at mataas na kapulu­ngan na umaksyon naman para sa usapin ng parking. Kung ang traffic ay problema na ngayon, mas lalo ang parking. Marami ang nale-late sa appointment dahil sa hirap ng parking. Tapos mahal pa ang bayad. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MEDIA NA MAKABAYAN, MEDIA NA MAKABAYAD

NIPIS

BILANG isang le­hi­timong miyem­bro ng media, masakit mabasa sa social media na marami sa mga mamamahayag na naglalabas ng iba’t ibang isyu kaugnay sa mga kapalpakan ng mga namumuno sa Southeast Asian Games 2019 ay pawang bayaran.

Nakakapikon talaga at halos kumulo ang dugo ng mga totoong mamamahayag na nagko-cover sa SEA Games kapag inakusahan ng mga opisyales ng Philippine Sea Games Organizational Committee na mga binayaran sa halip na magpaliwanag ang mga ito kung bakit may mga kapalpakan at pagkukulang ang kanilang pamunuan sa kaganapan.

Hindi naman po ang mga mamamahayag ng Pilipinas ang unang naglabas at nagpakita ng mga kapalpakan at kakulangan ng pamunuan na namamahala sa SEA Games. Hindi po ba ang mga atleta mula sa ibang bansa ang naglabas sa kanilang social media account ng kanilang karanasan sa kung paano sila sinalubong, hinarap at tinanggap ng mga Pilipino bilang bisita?

Dapat, ang sinisi ng mga namahala sa SEA Games o ng PHISGOC ay ang social media at hindi nag-akusa kaagad na lumabas ang issue dahil sa mga bayarang media na silang nagpapakalat ng mga pagkakamali sa paghawak ng 30th SEA Games.

Masakit para sa mga mamamahayag na naglabas ng isyu bilang trabaho nila at hindi upang upakan ang PHISGOC para pagkaperahan. Sana, bilang mga opisyal ng pamahalaan, hindi sila naging balat-sibuyas at sa halip ay sinagot ang bawat bato ng akusasyon.

Bilang mamamahayag, karamihan ay kinukuha naman ang magkabilang panig bilang pagsunod sa code of ethics na pagiging fair and just in writing issues. Hindi lang maganda ang pagtanggap ng maraming opisyal ng SEA Games dahil batid nilang mayroon talaga silang pagkukulang.

Sinong matinong mamamahayag ba ang nais na masira ang sari­ling tahanan para lang makakuha ng balita? La­ging nag-iisip muna bago tumipa lalo’t batid ng mga ito na maganda ang layu­nin ng SEA Games batay sa motto nitong “We Win As One.”

Umiiral pa rin sa dugo ng karamihang mamamahayag ang pagiging makabayan. Pero dahil sa naglabasang issue, hindi muna inisip ng maraming opisyal ng pamahalaan at maging ng mga mamamayan na mabilis mag-akusa na ang isyu ay mula sa mga bayarang media.

Sa totoo lang, kung wala namang talagang palpak na nakita ang mga dayuhan, wala namang maglalabasang isyu. Pero dahil kumalat, mabilis na nag-react si Pangulong Rodrigo Duterte at nag-utos ng imbestigasyon.

Paano nga naman, napakalaki ng budget na itinalaga para sa okasyon dahil inaabot ng ilang taon bago ulit mapunta sa Pilipinas ang pamamahala at paggaganapan ng SEA Games.

Mabilis si PHISGOC chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano na mag-akusa sa mga mamamahayag na binayaran at tinakot pa na magsasampa ng libelo dahil sa paninira sa mga pahayagan sa isyu ng SEA Games.

Sino ba ang nag-aalaga ng mga bayarang media? Hindi ba ang mga opisyal na katulad mo?  Ang mga opisyal ng pamahalaan na may inaalagaang pangalan? May inaalagaang proyekto? May hinihintay na pangyayari at higit sa lahat ay yung mga tumatakbo sa eleksyon?

Baka lang nakalimutan ng speaker ng mababang kapulungan na noong mga unang buwan ng taon, nagpalabas siya ng mga artikulo sa ilang pahayagan na handang-handa ang PHISGOC sa paghawak at pamumuno sa SEA GAMES kaya nga kung mga nangya­ring kapalpakan, dapat humingi na lang siya ng paumanhin at inayos ang mga nagawang kamalian at hindi ituturo media na silang may kasalanan dahil mga bayaran.

Sa palagay ko, marami pa rin ang makabayang media na handang ilabas ang katotohanan sa mga kaganapan. Ang mga mamamahayag na makabayad ay yung mga nakahawak lang ng celfon at may nakuhanang pagkakataon at ipapakalat na kaagad.

Masasabing makabayad din iyong mga gumagawa ng fake news o issues para lang masira ang partikular na tao o grupo dahil sa hindi magandang motibo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

ISTAP! WALA MUNANG UTAK TALANGKA

NIPIS

HINDI na maitatago ang mga kapalpakang nangyayari sa gaganaping 30th South East Asian (SEA) Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019 dito mismo sa ating bansa.

Nagsimula sa P50 milyon ‘cauldron’ na binatikos ng mga mamamayan lalo na ng mga oposisyon, hanggang umabot na sa pagdating sa bansa ng mga athletang bisita na kasali sa kompetisyon na hindi nabigyan ng tamang atensiyon ng organizing committee ng SEA Games.

Nagreklamo ang mga atleta at lumabas pa sa mismong mga komunikasyon nila sa sarili nilang bansa ang mga palpak na pagtanggap sa kanila ng Pilipinas gayun noon pa man ay kilala na ang ating bansa sa kahusayan sa pagtanggap ng panauhin.

Ipinakita ang pagsisiksikan sa isang sasakyan ng mga bisitang atleta, maling pinagdalhang hotel, pagtulog sa sahig ng hotel dahil sa kawalan ng preparasyon at akomodasyon, traffic, palpak na pagkain dahil hindi nabigyang halaga ang pagkain ng mga Muslim, kakulangan sa tubig, hindi tapos na press venue, hindi tapos na pagdarausan ng mga laro at marami pang iba.

Hindi nga maganda ang paghawak ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC)  na pinangungunahan ni House Speaker Allan Peter Cayetano dahil nagmukhang amateur ang Pilipinas sa paghawak ng ganitong event gayung hinawakan na natin ang 23rd SEA Games noong 2005 na nagkaroon man ng gusot subalit mabilis na nagawan ng paraan at hindi masyadong malaking kahihiyan ang naidulot.

Bago magkaroon ng 2019 National and Local Elections, nagpalabas pa ng press release si Ca-yetano na noon ay kalihim ng Department of Foreign Affairs at chairman ng PHISGOC.

Sa press release, sinabi ni Cayetano na handang-handa ang Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang pinamumunuang committee na pangunahan ang 30th SEA Games kung saan inaasahang dadaluhan ng labing-isang bansang miyembro nito.

Subalit, talagang palpak kaya hindi maitago ang mga kaganapan. Ilang nasa panig ng pamahalaan ang nagsasabi na puro dilawan o oposisyon ang bumabanat at naghahanap ng kasiraan ng administrayon kaugnay sa palpak na paghawak sa SEA Games.

Maging si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nabubuwisit na nangyayaring kahihiyan ng bansa na dulot ng SEA Games. Hindi na nga naman ito gawa mismo ng diliwan o ng kalaban ng pangulo sa politika subalit mismong ang mga pinagkatiwalaan na ng pangulo.

Noong una, iniyayabang pa ng pangulo na kaya ganoon kamahal ang kalderong gagamitin sa palaro ay dahil sa milyon din ang bayad sa taong nagdisenyo nito. Nilinaw niya na walang korapsyong naganap sa pagpapagawa nito.

Subalit, unti-unting lumilinaw sa isipan ng pangulo na tila may mali sa pamamahala ng SEA Games. May ilang lumalabas na isang dahilan ay ang kakulangan ng panahon dahil hindi umano ito orihinal na itinalaga sa Pilipinas. Naunang itinalaga sa Brunei ang palaro subalit inayawan dahil sa kakulangan ng budget.

Gayunman, nang ipasa sa Pilipinas, nagkaroon nang pag-urong sulong ang bansa dahil sa nangyaring Marawi Siege noong 2017. Gumastos ang bansa para sa pagbangon ng Marami ngunit makalipas nga ang ilang buwan ay tinanggap na ng Pilipinas ang pagho-host sa SEA Games.

Nandiyan na yan, wala nang magagawa ang mga Pinoy kung hindi tanggapin na lang ang mga pangyayari at sana, huwag na tayong dumagdag pa sa problema ng mga opisyales ng pamahalaan sa pagbatikos sa mga nangangasiwa ng kaganapan.

Sana, sa halip na magbatuhan ng putik dahil sa mga nangyayari sa SEA Games, magtulungan muna upang malutas ang mga maliliit na kakulangan ng mga opisyales ng PHISGOC nang sa gayun ay matapos ang palaro na nagkakaisa ang mga Pilipino.

Huwag muna tayo mag-utak talangka. Magtulungan muna tayong lutasain ang mga problema at kakulangan dahil ang kahihiyan at kapalpakan ng PHISGOC sa gaganapin/ginagaganap/naganap na SEA Games ay kahihiyan at kapalpakan din ng ating bansa.

Pagkatapos ng SEA Games, magkaroon na ng masusing imbestigasyon sa mga nangyaring kapalpakan, gisahin ang dapat gisahin at parusahan ang dapat parusahan.

Pero sa ngayon, magtulungan muna tayo para sa ikagaganda ng ating Inang Bayan. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

KALANSAY SA MAYNILA UNTI-UNTING NAHUHUKAY

NIPIS

NAGSIMULA nang umalinga­saw ang itinatagong baho ng ilang tanggapan na nasa ilalim ng Manila Police District na sinasabing nagiging money making office na nagbibigay ng tara sa kanilang mga tauhan upang madagdagan ng extra ang kanilang suweldo.

Naunang nagreklamo ang ilang tauhan ng MPD- Tourism Police Unit kung saan ang hepe nito ay inireklamo ng kanyang mga tauhan dahil sa pagbibigay sa mga ito ng tara na P150 hanggang P300 bawat araw.

Pumiyok ang mga tauhan ng MPD-TPU na ang “Tanggapan” ay nasa Senior Citizen Garden sa Luneta Park sa Ermita dahil sino nga ba naman ang kanilang huhuthutan ng pera sa tourist spot na Luneta at Mabini gayung ilan na lang ang foreigner na namamasyal doon.

Kataas-taasan na hahanapan nila ng paglabag sa batas ay ang ilang pro­binsiyano, matatanda at mga estudyante na nagtitiis na mamasyal sa Luneta dahil sa kawalan ng pera o maliit lang ang laman ng kanilang bulsa.

Siyempre, malambot ang puso ng ilang mga pulis kaya’t hindi matiis ang kalokohang nais ipagawa ng kanilang mga hepe kaya’t napilitang magpumiyok at magreklamo sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (GAIS).

Nagsimulang maglabasan ang ilang baho ng mga tanggapan sa MPD dahil tukoy na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga kalokohan ng mga pulis lalo na sa ginagawa ng mga itong panggigipit sa mga botante ng Maynila.

Unang ibinunyag ni Mayor Isko ang ginagawang pangongotong ng mga pulis sa vendors ng Divisoria, Blumentritt, C.M. Recto, Pedro Gil at iba pang lugar sa kanyang nasasakupan na pinapayagan ang mga magtitinda na maglatag ng kanilang mga produkto kapalit ng payola.

Sabagay ang paglutang ng mga pulis laban sa kanilang hepe ay suportado ni MPD district director P/BGen. Bernabe Balba sapagkat maging ito ay ayaw ng korapsyon sa pamahalaan.

Makabubuting paimbestigahan ni Gen. Balba at Yorme ang lahat ng tanggapan sa Maynila na tumatanggap ng lagay mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan gayung sinusuwelduhan naman ang mga ito ng maayos ng gobyerno.

Si Mayor Isko, hindi papatol sa pag-iimbestiga dahil hindi naman sakop ng kanyang tanggapan ang imbestigasyon sa PNP. Pero dapat sumawsaw na rin siya dahil malaki ang suportang ibinibigay niya sa mga pulis.

Swerte nga ng MPD cops dahil pinirmahan na ni Yorme ang allowance ng pulis na P30k bawat isa para sa isang taon.

Hindi nga ba’t kaya tinaasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suweldo ng mga pulis ay upang hindi na ang mga ito mapilitang mangotong.

Sabagay, ang ilan kaya nango­ngotong ay dahil may iba pang pinagkakagastusan tulad ng ikalawa at ikatlong pamilya at luho sa katawan.

Napapanahon na talaga na magsagawa ng lifestyle check sa mga pulis upang matukoy sa mga ito kung sino ang ibang klase ang pamumuhay na lampas na kita nila bilang pulis.

Pero sana, huwag na hintayin ng mga pulis na sangkot sa ‘tara’ at ‘lingguhang payola’ na pumutok pa ang kanilang pangalan sa gawaing koto­ngan, ngayon pa lang tigilan na ang kanilang extrang negosyo sa kanilang mga “tanggapan” upang hindi na umingay pa ang kanilang pangalan at malagay pa sa mga pahayagan na posib­leng maging ugat ng kahihiyan sa kanilang pamilya. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MAYOR ISKO ‘DI SUSUKO

NIPIS

TILA hinahamon ng mga aktibistang Panday Sining, youth group ng Anakbayan,  kung hanggang saan ang pisi ng pasensiya ni Manila Mayor Isko Moreno matapos sagutin ng panibagong spray painting ang panawagan ng alkalde na tigilan na ang ginagawang bandalismo sa lungsod na kanyang pinapa­munuan.

Noong isang linggo, ang bagong linis, bihis  at pinturang underpass sa tapat ng Manila City hall ay sinulatan gamit ang pulang spray paint ng mga miyembro ng Panday Sining.

Sinabi ng aktibistang grupo, sining o art ang kanilang ginawa at ipinaglalaban nila ang mga biktima ng hindi makatarungang pamumuno sa bansa.

Kaya naman sinagot sila ni Yorme Kois na “hiningi ba nila ang tulong nyo?” Bukod pa sa sagot hindi niya palalampasin ang pambababoy sa Maynila kaya’t kapag nahuli ang mga ito ay padidilaan nya hanggang mabura ang spray paint.

Ngunit bago pa may mahuling muli ay ipina­kita na ni Mayor Moreno na mahirap burahin at tanggalin ang ginawa nilang bandalismo kaya’t nasabing malaking gastos at oras ang ginugugol ng pamahalaan na sa halip na madala sa ibang programang mas magdadala ng pag unlad sa Maynila.

Pero tila wala talagang puso at wala talaga sa sariling pag iisip ang mga aktibista dahil mu­ling sinubukan si Yorme nang panibagong spray paint vandalism sa pader ng Arraulo High School sa may  Taft Avenue na ilang metro ang layo sa Manila Police District (MPD) Headquarters ang isinulat sa mga pulang titik na nakasaad ay “ Makatwitran ang maghimagsik”.

Pero ang alkalde ay hindi para sumuko sa hamon ng mga batang suwail na tila hindi kayang supilin ng kanilang mga magulang, kaya naman mas pinahigpitan pa nito ang pagbabantay sa mga bahagi ng kamaynilaan na madalas sprayan ng mga aktibista.

Kaya nga kapag nahuli ay tiyak na ipatutupad nito ang kanyang bantang padidilaan ang mga sinulat hanggang mabura.

Eh kilala naman si Yorme na may isang salita kaya’t alam natin na hindi ito para umurong sa laban at patunay dito ang hanggang ngayon na paninindigan niya na hindi puwedeng magtinda sa kalsada ng C.M Recto, Blumentritt at Pedro Gil.

Sinabi ng alkalde na kapag nagkaroon ng mga magtitinda ay ibig sabihin na tinanggap niya ang P5M na suhol para lang makapuwesto sa mga nasabing lugar.

Tiyak ang banta ni Mayor Isko na papapanagutin ang may sala. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

PROBLEMA SA TUBIG

NIPIS

BAGAY na bagay sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang awitin ni Lani Misalucha, Asia’s Nightingale, na “Tunay Na Mahal”.

Bakit? Nakasaad sa Chorus ng awiting ang “Nasaan na ang pangako mo, noong sinusuyo ako. Anong tamis, anong lambing binibigkas ng labi mo. Ngunit kahit nagbago sa akin ang damdamin mo, mananatili kang mahal sa puso ko”.

Noong bago pa lang igawad ng MWSS sa da­lawang concessionaires ang sole right to manage, operate, repair, decommission at refurbish ang mga pasilidad na dating sila ang namamahala, kung ano-anong mabubulaklak na salita at pangako ang ginawa ng MWSS.

Sinabi nito na mas gaganda ang serbisyo ng tubig sa National Capital Region kapag sumailalim na sa pamamahala at pangangalaga ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services.

Sinamantala ng dalawang concessionaires ang crisis sa tubig kung kaya’t naniwala sa kanila ang pamahalaan lalo na ang taumbayan na ka­yang kaya nilang isaayos ang problema nang hindi tumataas ang gastos ng mga mamamayang naghihikahos.

Napakaraming pangako tulad nang pagpapagawa ng mga dam na pinagkukunan ng tubig upang hindi maubusan, pagsasaayos ng mga tubo upang hindi pasanin ng consumers ang mga tagas sa tubo na pumapasok sa kanilang bill at marami pang iba.

Pero nang makuha na nila ang kontrata, ano na? Hindi ba’t ang mga pagawain na dapat sagutin ng kanilang kum­panya dahil sila naman ang kumikita ay pawang ikinarga rin nila sa mga customer nila?

Sobra-sobrang pahirap kay Juan Dela Cruz ang ipinapasan ng dalawang concessionaires at maging ng MWSS.

Aba’y nasaan na nga ang pangako ninyo na aayusin ninyo ang suplay ng tubig sa Metro Manila. Hindi ba’t noong Marso ay naging problema na ang kakulangan ng suplay ng tubig dahil ang rason ninyo ay tag-init at bumaba ang level ng tubig sa Angat Dam at mga katulad nito na pinanggalingan ng tubig na isinusuplay sa Kamaynilaan.

Magkagayunman, dapat ay ibinaba ninyo ang presyo ng tubig upang maibsan ang inis at galit ng mga mamamayan dahil sa pinagdaraanan nilang hirap sa kawalan ng tubig. Pero may nangyari ba?

Nagbago na talaga ang MWSS, Manila Water at Maynila Water dahil hindi sila tumupad sa kanilang pangako.

Bagay na bagay sa mga nasabing kumpanya ang bahagi ng awitin ng Asia’s Nightingale “ Ngunit kahit nagbago sa akin ang damdamin mo, mananatili kang mahal sa puso ko”.

Nananatiling nasa puso ng mga tao ang galit dahil sa nananatili ring mahal ang kanilang singil sa tubig na kanilang isinusuplay.

May iba nga na ang rek­lamo ay sinisingilan sila ng tubig subalit madalas namang walang tulo ang kanilang gripo at umiigib sila kung saan o kaya naman ay umaasa sa rasyon ng trak ng bumberong kakilala.

Hay naku, kelan kaya mababago ang serbisyo o nagseserbisyo sa suplay ng tubig sa Metro Manila? Kung kelan isinapribado saka pa naman nagkaroon ng taas presyo at pangit na serbisyo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MATINDING TRAFFIC SA METRO MANILA

NIPIS

ILANG tulog na lang ay Disyembre na kaya’t inaasahang marami ang lalabas ng kani-kanilang bahay, magtutungo sa malls at ilang pang pamilihang lugar kung saan makakakita sila ng mas mura at kakaibang bagay na posibleng ga­mitin bilang dekorasyon, panregalo, panghanda at mga katulad nito.

Pagpasok pa lang ng Setyembre ay naririnig na sa mga radio, pampublikong sasakyan at shopping malls ang mga awiting pamasko lalo na ang awitin ni Jose Marie Chan na “Christmas in our hearts” bukod pa sa malamig na simoy ng hangin kaya’t batid natin na nalalapit na talaga ang kapaskuhan.

Pero ano ba ang talaga ang nais nating tukuyin kaugnay ng Disyembre? -Ang problema sa trapiko pagsapit ng buwan ng Disyembre.

Hindi naman bago sa karanasan ng maraming nagtratrabaho sa Metro Manila at naninirahan dito na kapag sumasapit ang Disyembre at hindi na halos gumagalaw ang mga kalye sa Kamaynila dahil nga sa pagdagsa na rin sa labas ng mga sasakyan.

May nagtutungo sa malls, nagtutungo sa Taytay para sa mga murang damit, nagtutungo sa Divisoria para sa mga murang tela, laruan, paninda, panregalo, prutas, pagkain, imported goods at kung anu-ano pa at nagtutungo sa mga restaurants at kainan para dumalo ng Christmas party at iba pang handaan na kabilang sa mga dahilan nang pagsisikip ng mga kalsada dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan.

Noong pagpasok pa lang ng buwan ng Set­yembre, inamin ng Traffic chief ng  Metro Manila Development Authority na si Bong Nebrija  na mas matindi ang traffic sa EDSA simula noong Enero hanggang Agosto kaysa noong nakaraang Pasko. Kaya ano pa ngayong darating na Disyembre.

Bunga nito, kakaila­nganin talaga ng MMDA ang tulong ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG)  na nauna na rin namang inatasan ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde na makipagtulungan na mapaluwag ang EDSA mula sa matinding bagal na daloy ng mga sasakyan.

Kasi naman, marami ang mga pasaway na tsuper at hindi nakikinig o natatakot sa mga traffic enforcer ng MMDA na inaakala nilang pwedeng malagyan o masuhulan.

Sinabi naman ni HPG chief P/BGen Eliseo Cruz na magtatalaga sila ng mga pulis na tutulong sa mga MMDA enforcer na magmando ng trapiko sa EDSA upang hindi maging problema ang traffic sa dara­ting na buwan ng Kapaskuhan.

Maganda ang planong pagtutulungan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan subalit mas maganda kung ngayon pa lang ay magbubuo na sila ng plano kasama ang mga opis­yales ng labing-anim na lungsod at isang munisipalidad ng Kamaynilaan.

Ibilang na rin sa magplaplano ang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang sila man ay makapagbigay din ng magandang ideya at  solusyon sa  trapiko na madalas problema ng motorista at commuters. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MANAGINIP KAYO – YORME KOIS

NIPIS

POSIBLENG dala ng inis ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa nasaksihang tambak na basura sa Ylaya sa Binondo, Manila na iniwan ng mga magtitinda sa lugar kaya’t nang tanungin ito kung makapagtitinda ang karamihan ng mga vendor sa mga pangunahing lansangan sa Divisoria sa darating na Pasko ay naisagot nitong “Managinip kayo!”

Itinanggi ng alkalde ng Maynila na nabali na ang kanyang binitiwang salita tulad ng lumabas sa ilang balita na magbubukas ang mga kalye ng Divisoria sa mga magtitinda dahil nalalapit na ang kaPaskuhan.

Sinabi ni Moreno na mula noong Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagbabago ang kanyang paninindigan at polisiya na hindi makakapagtinda ang mga vendors sa C.M. Recto.

Bagaman noong una ay hinamon siya ng ilang critics na hindi kayang tumagal ni Moreno sa kanyang ipinalabas na panuntunan at hindi nito kayang panindigan ang kanyang mga binitiwan salita.

Subalit hanggang ngayon, may apat na buwan na ang batang alkalde ng Maynila sa kanyang puwesto ay nananatili siya sa kanyang prinsipyo.

Bilang ganti naman ni Moreno sa ilang orga­nizer na nagpapaputok na makakapagtinda na ang karamihan ng vendors sa mga lugar na dating pinuwestuhan ng mga ito dahil sasapit na ang Pasko, sinabi ni Moreno na ma­ling maling ang akala ng mga organizer na kating-kati na ang puwit na magkapera.

Tila iniinis ni Mayor Isko Moreno ang organi­zers na handang bumayad sa mga magsusulat na lumambot na ang puso ng alkalde kaya puwede na magtinda at makapuwesto ang mga ito sa C.M> Recto at iba pang pangunahin daan sa Maynila.

Bagaman maraming nangangailangan na magkaroon ng hanap-buhay ay nananatili si Moreno sa kanyang prinsipyo na kailangang sumunod sa panuntunan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ilugar ang pagtitinda.

Nanindigan si Moreno na handa siyang bigyan ng puwesto ang ilang magtitinda subalit sa mga daang hindi makakaperwisyo. Hindi puwede sa Blumentritt, C.M. Recto at Pedro Gil.

Kapag pinagbigyan na makapagtinda ang mga ito sa kalsada, mas marami ang mapeperwisyo lalo na ang mga mananakay dahil hindi na makaraan ang mga sasakyan.

Tama naman ang gusto ng alkalde sapagkat ang nais niya ay para sa kapakanan ng nakararami at hindi ng iilan lamang. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

BAGONG MUNDO NI ROBREDO

NIPIS

NOONG Oktubre 31, taong kasalukuyan, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) upang pamunuan ang kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na droga hanggang matapos ang kanilang termino sa Hun­yo 30, 2022.

Posibleng napikon na rin si Pangulong Duterte sa walang katapusang pagkontra ni Robredo sa tuloy-tuloy na kampanya ng administrasyon laban sa salot na droga.

Nasabi ng ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na huwang nang ipagpatuloy ang kampanya laban sa droga na mabilis na nakuha ang reaksyon ni Presidente Duterte kaya’t maraming sagot ang naglabasan.

Sa bandang huli, nang masukol na si Robredo, sinabi nito na hindi naman niya sinabing ihinto o itigil ang kampanya. Ang sabi niya umano ay “not to continue” na parang sinasabi niya na iba naman sa pahayag na “stop”.

Naku, nagkalokohan na. Abogado si Robredo at abogado rin si Pangulong Duterte kaya nasa utak nila ang tamang interpretasyon ng mga nabitiwang salita.

Kahapon, hinihintay ng madla ang sagot naman ni Robredo sa hamon sa kanyang tanggapin ang pagiging co-chair ng ICAD. Hindi lang si Senate President Vicente “Tito” Sotto at Senator Bong Go ang humamon kay Robredo subalit ang buong bansa.

Kaya naman nang ianunsiyo ang pagtanggap ni Robredo sa posisyong ibinigay sa kanya bilang hamon kaugnay sa kampanya sa droga ay halos tumigil ang inog ng mundo ng  mga taong may koneksyon at nabubuhay sa droga.

Maging ang mga oposisyon ay namangha nang tanggapin ni Robredo ang offer sa kanya subalit bandang huli ay pawang nakangisi na rin ang mga kakampi ng da­ting mambabatas ng Bicol dahil sa binitiwan niyang salita.

Sinabi ni Robredo na kaya niya tinanggap ang alok ng pangulo ay dahil nais niyang matigil ang patayan ng mga inosente at mapapanagot ang mga kailangang managot lalo na ang mga opisyal na abusado, ang mga “ninja cops” at ang mga nagpapalusot ng tone-toneladang droga.

Wow! Very good si Madam VP. Tipong pabayani effect ang kanyang dialogue. Lalo na sa binitiwan niyang salita na ang alok sa kanya ay pamumulitika lang sapagkat hindi naman siya susundin ng mga ahensiya dahil gagawin ng mga ito ang lahat para hindi siya magtagumpay, ay handa siyang tiisin.

Parang nakakaloko naman ang kanyang binitiwang salita. Hindi pa siya nagsisimula sa trabaho ay may mga agam-agam na kaagad siya sa kanyang utak. Parang sinasabi niya sa mga tao na kahit anong gawin niya ay hindi siya magtatagumpay sa kanyang trabaho.

Eh di sana, hindi mo na lang tinanggap. Dapat, aksyon muna o magpasikat ka muna bago mo sabihing hindi ka susuportahan o susundin ng mga ahensiyang nasa ilalim ng pamumuno mo.

Hindi ba puwedeng tigilan ang pamumulitika? Di ba dapat ay magkaisa kayo ni Pangulong Duterte sa laban sa droga? Ang dapat ninyong unahin ay ang kapakanan ng bansa at hindi ng partidong sumusuporta sa inyo.

Sana matularan man lang ng mga namumuno sa bayan ang slogan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na “ My lo­yalty to my party ends where my lo­yalty to my country begins.”

Maisapuso at isip  sana ng magkabilang kampo ang awitin ni Virna Liza  na “Magkaisa” na ang sumulat ng liriko ay walang iba kung hindi ang Se­nate President na si Sen. Tito Sotto. Nawa’y magsama nga ang bawat mamamayang Pilipino at lutasin ng kapitkamay ang lahat ng suliraning kinakaharap ng bansa.

Wala na muna sanang pasaringan ang magkabilang kampo at sa halip ay pag-usapan kung ano ang dapat gawin ni Robredo sa kanyang bagong puwesto nang sa ganoon ay magkaalaman kung hanggang saan ang kapangyarihang ipinagkaloob ng pangulo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

NCRPO DIRECTOR SINAS ALAMIN MO

NIPIS

PAG-UPO sa puwesto ni NCRPO chief P/BGen. Debold Sinas mula sa Region 7, marami na kaagad ang hindi nakagusto sa kanyang ugali kaya’t may ilang pagkakataon na may mga nakabangga na kaagad siya dahil sa talim ng kanyang dila.

Unang nakabangga niya ay ang presidente ng NCRPO Press Club na si Lily Reyes na hindi kumibo sa ginawa niyang pambabastos nang tanggalan niya ng opisina kasama ang ilang miyembro ng media.

Bukod sa nais niyang ora-orada ang pag-alis na gawin ni Reyes at mga kasama ay halos agawin na niya ang susi ng nasabing tanggapan na ipinagkaloob ni dating NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao at nang matalaga bilang kapalit sina Gen. Oscar Albayalde at P/MGen. Guillermo Eleazar ay hindi naman kinuha o binawi ang tanggapan na nasa 2nd Floor ng Kamuning Police Station.

Habang nakakatawa naman ang pahayag ni Gen. Sinas kaugnay sa mga pulis ng NCRPO na nakatalaga sa Bureau of Corrections (BuCor) kung saan nahulihan ang 16 sa mga ito na nagpupuslit ng mga kontrabando.

Simpleng pananakot lang naman ang ginawa ni Sinas na ipu-pull-out niya ang mga pulis na nakatalaga sa National Bilibid Prison kapag nagpatuloy ang pagturo sa mga pulis na ang mga ito ang nagpasok ng kontrabando.

Sana, inalam muna ni Sinas kung kanino galing ang utos na italaga ang mga pulis sa BuCor bago siya nagbitiw ng salita para hindi siya magmukhang katawa-tawa. Kaya ba niyang kontrahin ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Eh kung hindi naman, eh makabubuting manahimik na lang siya. Sabagay, ang kalat kasi niya ay ibang tao ang naglilinis.

Katulad na lang ito nang pang-aaway niya kay Reyes na parang sinasabi niyang walang halaga sa kanya ang print media at tanging ang broadcast ang pinapahalagahan niya kaya nga kapag may press conference siya ay pawang taga telebisyon ang pinapatawagan niya.

Hindi niya batid na ang kalat na ginawa niya ay isang tauhan niya ang naglinis na siyang nakakaalam ng kalakaran sa Metro Manila. Nagmamalinis itong si Sinas pero ngayon pa lang ay naglulutangan na ang ilang mersenaryo niya na siyang nag-aayos ng ilang koleksyon o pagkakaperahan sa kanilang nasasakupan.

Baka akala ni Sinas, maitatago niya ang kanyang mga gagawing kababalag­han? Naku, Malabo yan sa sabaw ng pusit. Kahit anong gawin niyang tago, sisingaw at sisingaw iyan sapagkat matatalas ang pang-amoy ng mga mamamahayag.

Kung iyon ngang itinatago nilang “weekly protection money” mula sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)  na milyon-mil­yon eh pumutok, iyon pa kayang plano pa lang nila  sa Metro Manila ngayon?

Malayo ang Cebu sa mga matatalim na mata ng mga mamamahayag sa Kamaynilaan pero nakarating sa Maynila ang balita, paano pa kaya kung nasa Maynila na sila kung saan naroroon din ang mga mamamahayag na handang bantayan sila 24-oras? (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

NCRPO DIRECTOR SINAS KAILANGANG TUMATAG

NIPIS

SANA’Y kayanin ni National Capital Region Police Office Director P/BGen. Debold Sina ang kahihinatnan ng kanyang pagiging malupit sa mga mamamahayag na nakatalaga sa NCRPO Press Club na binastos nito noong nakaraang linggo nang magtungo ito sa kanyang satellite office sa Kamuning Police Station.

Binastos ni Sinas ang presidente ng NCRPO Press Club na si Lily Reyes nang bastusan nitong kunin ang satellite office ng NCRPO director na siya ring ginagawang opisina ni Reyes at mga kasamahan sa grupo.

Hindi naman inaangkin ng NCRPO Press Club ang opisina bagaman doon tumitigil ang mga mamamahayag dahil ito ang ipinagkaloob sa kanilang tanggapan ng noo’y hepe ng NCRPO na si Chief Supt. Joel Pagdilao at hindi naman nakipag-agawan sa mga mamamahayag sina da­ting NCRPO directors Generals Oscar Albayalde at Guillermo Eleazar.

Bukod tanging si Sinas ang malakas ang loob na bastusin ang presidente ng NCRPOPC sa harap nina Quezon City Police District acting director P/Col. Ronnie Montejo at NCRPO Deputy Regional Director P/BGen. Crizaldo Nieves nang harap-harapang kuhanin ang tanggapan at palayasin si Reyes sa opisinang matagal-tagal ding kinalinga ng huli.

Ora-orada ang gina­wang pagkuha ni Sinas at halos agawin na ang susi ng tanggapan mula kay Reyes eh meron naman siyang tanggapan sa Bicutan. Eh ano nga ba ang dahilan at halos ayaw na ni Sinas na makatuntong pa sa NCRPO Sattelite Office ang mga taga media?

Tahimik lang si Lily Reyes sa ginagawang pangwawalanghiya sa kanya ni Sinas subalit dahil nandiyan lang si Carmi Martin (read as Karma) tila nakaganti na ang taga NCRPOPC nang magpa-presscon si Sinas na nang maupo sa silya ay bumagsak dahil hindi kinaya ang kanyang bigat.

Nakita tuloy na dapat physically fit ang mga pulis lalo na ang mga opisyal dahil sila ang ehemplo ng kanilang mga tagasunod. Ano nga ba ang aasahan sa matabang pulis kapag nagkaroon na ng responde lalo’t habulan?

Sa ginawang pambabastos ni Sinas sa mamamahayag, marami ang nag-init sa kanya at ngayon ay nakatutok sa kanyang mga gawain. Kaya naman sa loob ng tatlong buwang ibinigay ng Philippine National Police hierarchy sa  kanya upang ipakita na deserve niya ang puwesto, kailangang humanda at tumatag si Sinas dahil hindi biro ang ginagawa niyang pamamahiya kaya’t marami ang pupuna ngayon sa kanyang mali ginawa at gagawin pa.

Dahil maging maingat si Sinas sa kanyang mga desisyon at aksiyon dahil mainit ang mata ng mga mamamahayag sa kanya na ang iba pa nga ay nagbitiw ng salitang “lintik lang ang walang ganti.”

Pero hindi na kaila­ngang mga mamamahayag ang gumawa ng hakbang upang makaganti kay Sinas dahil mismong kapalaran na ang guma­ganti tulad nang pagbagsak niya sa upuan.  Maging ang ibang tao ay siyang gumagawa ng pamamahiya kay Sinas dahil sa matalim na tabas ng dila nito.

Tiyak na marami pang darating kay Sinas na problema sa kanyang pamumuno sa NCRPO. Malamang sa alamang ay ito ang hinihintay na pagkakataon ng mga mamamahayag upang maipadama sa hepe ng kapulisan sa Metro Manila na kakailanganin niya ang tulong ng media.

Abangan kung kayang tumatag ni Sinas na itsa-puwera ang media sa panahon ng kanyang pag­hahari sa NCRPO. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

BIGYAN SANANG HALAGA NG PNP ANG SOPPB

NIPIS

SINASABING ma­ra­ming opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang hindi nasiyahan sa naganap na revamp sa organisasyon na ipinatupad ni Officer in Charge P/LtGen. Archie Gamboa,  ipinalit sa nagretirong si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na opisyal na baba ng puwesto ngayong araw bagaman sa Nobyembre pa ang talagang mandatory retirement niya.

Dismayado ang karamihan dahil pawang mga hindi inaasahan ang mauupo sa puwestong kinalalagyan ng mga ito sa ngayon.

Noong hindi pa nauupo si Pangulong Rodrigo Duterte, maraming pinagdaraanan ang isang opisyal bago niya makuha ang pwesto na gusto niya. Hindi puwedeng sa isa lang malakas ang isang opisyal na nais makakuha ng ‘juicy position’ subalit dapat ay malakas siya sa lahat.

Maraming kakausapin bago mapunta sa isang lugar tulad halimbawa ng provincial director, district director, regional director at iba pang posisyon.

Noon, bago mapunta ang isang district director sa nais niyang makuhang distrito ay daraan at susuyuin muna niya ang alkalde o mga alkalde na nakakasakop sa nais niyang patunguhan  bukod pa ito sa mga nasa higher headquarter o Camp Crame.

Kapag napapayag na ng opisyal o ng kanyang backer ang alkalde, kailangang tumango rin ang nasa PNP Camp Crame lalo na ang mga nasa itaas subalit mas lalong kailangan ang approval ng Senior Officers Placement and Promotion Board (SOPPB).

Kailangang magpadala ang mga ito ng mga pamimilian ng alkalde o kung mas mataas na puwesto ang hinihingi ng opisyal tulad ng Regional Director ay kailangang kausap ang mga gobernador na bumubuo sa rehiyon.

Doon, magpapadala ang SOPPB ng mga kandidato para sa puwesto na kapag natipuhan ay tiyak na siyang itatalaga ng PNP sa puwestong kailangan.

Kapag hindi nais ng mayor o gobernador ang itatalaga ng PNP, puwede ang mga itong mag­reklamo at papalitan ang naitalaga.

Subalit ngayon, hindi na makapamili ang mga alkalde kung sino ang nais nilang maitalaga sa kanilang nasasakupan sapagkat ayaw ni Pangulong Duterte na magkaroon ang mga alkalde o gobernador ng private armies.

Maganda naman ang layunin, subalit mayroon din itong hindi magandang dulot sapagkat posibleng hindi kabisado nang matatalaga ang ibinigay sa kanyang puwesto lalo na ang mga lugar dahil kapag nagkaganoon, ang hepe na mauupo ay gagawin lang tolongges ng kanyang mga tauhan pagdating sa trabaho maliban na lang kung pera lang talaga o pakinabang ang nais ng pulis na opisyal.

Sa ngayon, ang ilan sa mga itinalagang opisyal sa puwesto ay sinasabing pawang malalapit umano kay Gen. Gamboa at sinasabing hindi naman sila gusto ng mga opisyal ng Local Government Units na kanilang pinuntahan.

Walang magawa ang mga LGUs kung hindi maghintay na mapalitan ang opisyal na napunta sa kanilang teritoryo suba­lit ang nagsasakripisyo ay ang mga mamamayan dahil hindi naman todo ang suportang ibinibigay ng LGUs sa pulisya hindi katulad ng kapag gusto nila o alaga nila ang nakapuwesto ay lahat ng hiling para sa trabaho nila ay ibinibigay.

Sana lang, maibalik sa dati ang kinagawian ng PNP na dumaraan sa SOPPB ang mga opisyal na matatalaga sa kung saan-saang lugar at maging sa tanggapan sa mismong headquarters.

Mababalik ang tiwala ng mga opisyal ng PNP sa kanilang mga nakatataas na pinuno   kapag ganito ang nangyari at hindi ang desisyon lang umano ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang masusunod.

Nawa’y mapag-aralan nga ng PNP na maibalik ang da­ting proseso upang sa gayun ay magkaroon ng pagkakataon ang mga deserving na opisyales ng PNP na nais na magserbisyo sa lugar na kanilang target at masuportahan sila ng mga katsokaran nilang opisyales ng bayan, lalawigan at rehiyon. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

SUSPEK SA PAMAMASLANG, MAY ANGAS SA PAMPANGA

NIPIS

MATINDI ang dahilan sa pamamaslang sa kolumnistang si Jupiter Gonzales at kasama nitong si Christopher Tiongson na binaril nang malapitan sa loob ng kanilang sinasakyang kotse sa Arayat, Pampanga, ilang metro ang layo sa isang peryahan o pergalan.

Kilala na ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS)  sa pangunguna ni Executive Director Undersecretary Joel Sy-Egco ang suspek sa pamamaslang kaya’t nasabi ng mga ito na hindi kasama sa trabaho ni Gonzales, alyas “Spider”, bilang mamamahayag ang motibo ng suspek sa pamamaslang.

Magkagayunman, kailangang mabigyang katarungan ang marahas na pagkamatay ng isang kapatid sa hanapbuhay sa kamay ng isang taong sinasabing may angas sa Arayat, Pampanga at posibleng pinoprotektahan ng kanyang amo na umano ay isang politiko.

Ang pumatay kay Spider, base sa imbestigasyon at ilang saksi sa pangyayari, ay sumakay pa sa kaliwang likurang bahagi ng sasakyan ng mamamahayag kung saan hinihinalang nagkaroon sila ng sagutan at posibleng bago ito bumaba ay nabaril na niya sa Tiongson.

Base sa CCTV footage, binuksan ng gunman ang pintuan ng kotse na minamaneho ng mamamahayag at tinangkang agawin ang manibela mula kay Gonzales na nagawa pang ilayo ang sasakyan subalit bumangga sa flower box.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima na nangangahulugang hindi talaga sila bubuhayin ng suspek.

Pero sino nga ba ang suspek? Ayon sa ilang source, tauhan ito ng isang peryahan/pergalan sa Pampanga. Ang peryahang pinagtratrabahuhan ng suspek ay namamayagpag umano noon sa lalawigan ng Rizal subalit dahil sobrang angas ng mga ito ay nainis na ang mga taga-Rizal kaya’t sinipa sila o ipinatanggal na ang kanilang peryahan/pergalan. Kaya’t dumayo ang mga ito o lumipat sa Arayat.

Posibleng parang karayom na dumaan ang peryahang pinapangasiwaan ng suspek sa bunton ng dayami bago sila nakapagbukas sa Arayat, Pampanga at siyempre, may basbas ito ng police station commander at higit sa lahat ng alkalde ng Arayat.

At natural lang na magbigay ang mga ito ng pasalubong o goodwill para sa proteksyon sa kanilang ilegal na pasugalan upang maging matibay ang mga ito sa mga “naghaharing uri” sa nasabing bayan.

Kung talagang malinis ang kamay ng alkalde at ng chief of police ng Arayat dapat ay ipag-utos ng mga ito ang pagpapasarang peryahang pinangangasiwaan ng suspek sa pamamaslang kay Jupiter Gonzales.

Panawagan na rin kay P/Col. Jean S. Fajardo, Provincial Director ng Pampanga, na sana’t pakilusin niya ang kanyang mga tauhan upang tumulong sa PTFoMS na malutas ang kaso at mabigyang katarungan ang pagkamatay ng isang mediaman.

Sa pag-upo ng bagong Director ng Police Regional Office 3 na si P/ BGen. Leonardo Cesneros nawa’y maging mahigpit na ang mga ito sa pagpapatupad ng batas at maging mahigpit na ang mga ito sa patuloy na operasyon ng mga ilegal na pasugalan.

Higit sa lahat, nawa’y maresto na ang suspek upang sa gayun ay mabigyang katarungan ang pagkamatay ng biktimang pinagbabaril nang walang kalaban-laban. Sabagay, nangako naman ang PTFoMS na sasampahan ng kaso ang suspek na hihinihalang binibigyang proteksyon ng kanyang among politiko. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

ISANG KISAP MATA ANG BUHAY

NIPIS

MALUNGKOT na Lu­nes ang sumalubong sa mga opisyales at miyem­bro ng National Press Club at Remate, Ang Dyaryo ng Masa, kaugnay sa pamamaslang sa kolumnistang si Jupiter Gonzales, alyas “Spider” at kasama nitong si Christopher Tiongson sa Arayat, Pampanga.

Ang buhay nga talaga ay isang kisapmata. Hindi mo aakalain na ang taong kasama mo lang nang Linggo ng umaga sa isinagawang clean up drive sa Navotas City Centennial Park and Bay at feeding program ay pinaslang nang gabi sa Pampanga.

Ang masaklap, manga­ngapa na naman sa motibo nang pamamaslang ang Presidential Task Force on Media Security na pina­ngungunahan ni Undersecretary Jose Sy-Egco at maging ang NPC, sa pa­ngunguna ni President Lakay Gonzalo, na naunang kumondena sa pamamas­lang.

Ilang buhay na rin ng mga mamamahayag ang inutang ng mga hindi kilalang salarin na ang motibo ay siguradong pawang pansarili at hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyang katarungan. Dasal natin na sana’y ma­lutas ang kaso ni Jupiter Gonzales at mabigyang katarungan ang kanyang pagkamatay.

Sa isang buwan naman, sasapit na ang ika-10 taong paggunita  sa walang awang pamamas­lang sa 58 katao kabilang ang 32 miyembro ng media sa Maguindanao. Nobyembre 23, 2009 nang paslangin ng may 100 katao kabilang ang ilang miyembro ng Philippine National Police at private armies ng pamilya Ampatuan ang mga taong nakasuporta sa noo’y vice Mayor na si Esmael Mangudadatu na pinangunahan naman ng asawa ng huli na si Genalyn.

Bilang isang mamamahayag, dalangin natin na nawa’y magkaroon ng liwanag sa mga kaso ng mga mamamahayag na pinaslang.

Isang pakikiramay sa pamilya ni Jupiter.

Dumako naman tayo sa magandang balita para sa mga mamamayan ng  Caloocan at Malabon Cities dahil kabilang ang dalawang nasabing lungsod sa 2019 Seal of Good Local Governance awardees sa National Capital Region.

Malaki ang pasasalamat ni Mayor Len Oreta dahil ikatlong taon na nila itong 2019 bilang awardee sa SGLG ng Department of Interior and Local Go­vernment na nagpapatunay na maayos ang kanyang pamamalakad sa kanyang lungsod.

Samantala, gayundin ang Caloocal City sa ilalim ni Mayor Oscar Malapitan na kabilang din sa tatanggap ng pagkilala at parangal mula sa DILG.

Samantala, talagang napakasuwerte nitong Caloocan City sa pamumuno ni Malapitan sapagkat ang dating kulelat na lungsod ngayon ay nagsisimulang bumangon at maki­lala bilang isa sa pinakamayamang lungsod sa buong bansa.

Sa inilabas na financial report ng Commission on Audit, pumalo ang Caloocan sa ika-7 puwesto bilang pinakama­yamang bayan sa Pilipinas kung annual income nitong 2018 ang pag-uusapan na umabot sa P18.31 bilyon kumpara sa P17.01 bilyon noong 2017.

Gayunman, nangunguna pa rin ang Makati City sa usapin ng mataas na koleksyon sa annual income kung saan nakapagtala ito ng P230.833 bilyon na pinangalawahan naman ng Lungsod ng Quezon na nakapagtala ng P87.285 bilyon.

Sanay tuloy-tuloy ang gagawing pagpapaunlad ni Mayor Malapitan sa Caloocan City sapagkat hindi lang naman para sa kanya ang pagbabagong nagaganap sa lungsod subalit mas higit na makikinabang ang mga mamamayan at ang mga mamamayan sa susunod na henerasyon. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

NAUNA SI MAYOR OCA

NIPIS

NANG ipag-utos ng Department of Interior and Local Government ang pagpapaluwag ng mga kalsada upang maibsan ang problema sa trapiko base sa kautusan ni Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, taong kasalukuyan, nauna na ang pamunuan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan.

Mabilis ang pagtalima ng alkalde ng Caloocan sa kautusan ng DILG  gamit ang ‘Oplan Sagabal’ na siyang sumuyod sa ilang subdibisyon sa North Caloocan upang wasakin ang mga sagabal sa mga kalye bukod pa sa pagpapabukas nito sa mga gate ng mga subdivision upang makasiguro na madaraanan ang mga ito upang  magluluwag ang daloy ng traffic sa kanyang nasasakupan.

Tahimik lang naman ang pagkilos ni Mayor  Oca at maging ang kanyang anak na si Congressman Dale Gonzalo “Along” Malapitan, Caloocan City 1st District Representative kaya’t  ramdam na ramdam ng mga residente ang kanilang mga ginagawa upang maisaayos ang daloy ng trapiko.

Maraming pagbabago na rin namang naipatupad ang alkalde ng Lungsod ng Caloocan tulad ng pagkakaroon ng bagong City Hall mula sa Mabini St. ay nailipat na sa East Grace Park, mayroon na ring Caloocan City Sports Complex sa Bagumbong, maayos na mini-city hall sa North Caloocan at ma­rami pang iba.

Dahil sa mga naipagawa ng mga Malapitan, ramdam na ramdam ng mga mamamayan ng Caloocan City ang pag-unlad, ang progresong kanilang matagal na inantabayanan. Dito nila ibinase ang pagmamahal sa kanila ng alkalde.

Naniniwala kasi itong si Mayor Oca na “walang imposible kung mayroon tayong sipag, tiyaga at determinasyon upang mapa-unlad ang ating buhay,” na  isinasalin niya sa kanyang mga anak na si Along na gayundin ang panuntunan lalo na sa pagpapakita bilang ehemplo sa mamamayan.

Sa aking pagkakatanda, maraming mga bakod ng residente ng Sunriser Village ang giniba dahil sa kautusan ni Mayor Oca na alisin ang mga balakid at paluwangin ang kal­ye upang madaanan ng maayos ng mga sasakyan na makikiraan sa nasabing lugar.

Nainis ang inyong lingkod dahil hindi nakita ng pamunuan ng barangay at ng city hall ang mga sagabal sa kalye ng Llano mula Silanganan hanggang tapat ng Llano Elementary School  na talaga namang nagsisikip kapag naglabasan na ang mga sasakyan sa umaga at mga trak naman sa gabi.

Dahil sa pagbubukas ng Sunriser Village sa mga dumaraan, posibleng malagay sa panganib ang buhay at ari-arian ng mga nakatira roon.

Subalit hindi puwedeng ihagis kay Mayor Oca ang sisi dahil ipinatutupad nito ang tagubilin ng DILG na linisin ang mga kalsada mula sa mga sagabal pero iba ang pag-unawa ng mga opisyal ng barangay na laging gamit ay sumusunod lang sila sa utos ng pangulo.

Naman! Naman! Ang sabi ng pangulo, linisin ang mga bahagi ng pag-aari ng pamahalaan na ginagamit ng mga pribadong mamamayan sa kanilang negosyo o pagkakakitaan.

Natapos na ang 60 days na palugit na ibinigay ng DILG sa mga Local Government Units upang linisin ang mga nasasakupan nila na nagiging dahilan nang mabagal na daloy ng trapiko. At nagsabi ang DILG na magtutuloy-tuloy ang kanilang programa upang mas mapaluwag pa ang mga daanan sa bansa.

Pagtutuunan ng pansin ang mga maliliit na kalye na marami ring sagabal sa pagdaan ng mga sasakyan at mga tao.

Sa Caloocan, hindi na kailangang tingnan ang nagawa ni Mayor Oca dahil nauna na ito sa paglilinis ng mga maliliit na kalye at maging pribadong subdibsiyon kaya dapat na bigyang papuri ito sapagkat hindi pa man iniuutos ng DILG, nauna na si Mayor Oca Malapitan.

Pahabol: Congratulation kay P/MGen. Guillermo Lo­renzo Eleazar, dating director ng National Capital Region Police Office sa pagkakatalaga nito nilang The Chief Directorial Staff ng Philippine National Police. Gayundin, congrats kay P/BGen. Debold Sinas, bagong director ng NCRPO na pumalit kay Eleazar. (NIPIS /  LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

PAGBABAGO SA BuCor TULOY-TULOY NA?

NIPIS

MARAMING ipinatupad, ipinatutupad at ipatutupad  na pagbabago ang bagong upong Bureau of Corrections chief Gerald Bantag sa kanyang nasasakupan lalo na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Sinimulan ni Bantag, miyembro ng Philippine National Police Academy class ’96 (Kaagapay), ang paglilinis sa mismong kulungan kung saan ipinawasak ang mga maliliit na bahay-bahayan at kubol-kubol sa loob mismo ng maximum security compound ng NBP na noon pa man ay naitayo na bago pa man maupo sina dating BuCor chiefs Ronald “Bato” dela Rosa at Nicanor Faeldon.

Bukod sa paglilinis ng mismong kapaligiran, ang dating opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology ay naglilinis din ng mismong tanggapan niya kung kaya’t sinibak nga niya ang may 300 guwardiya ng maximum security compound.

Marunong din naman magpakumbaba ito si Bantag at sa halip na iyabang ang kanyang naabot ay hiningi niya ang tulong ni dating National Capital Region Police Office director P/MGen. Guillermo Eleazar sa paggiba ng mga kubol na ginagawang taguan umano ng kontrabando ng mga preso o persons deprived of liberty (PDL) at pagpapatupad ng pagbabago sa BuCor kaya’t nasa mahigit 500 pulis ang itinalaga sa kulungan.

Naunang nagkaroon ng pagsabog sa mga illegal structures sa loob ng NBP na tila pauna na upang huwag buwagin ang mga nasabing taguan ng mga kontrabando lalo na ng mga ilegal na droga. Subalit nagkamali ng tantiya ang mga mayayaman at financier ng droga o mga drug lords na nasa mismong kulungan sapagkat iyon ang gusto talaga ni Bantag, ang magkaroon ng mga banta sa kanya na huwag ituloy ang anumang balak na mga pagbabago sa loob ng kulungan.

Hay naku, di kasi nag-iisip ang mga may pakana ng pagsabog dahil hindi nila basa ang utak ni Bantag na utak kalye o masasabing kanto boy na sanay sa gulo at away bukod pa sa lalong nag-iinit at nang-aasar kapag inunahan ng pananakot.

Sa unang pahayag pa lang ni Bantag, makikita o mababasa na ang nilalaman ng bao ng ulo nito lalo nan ang sabihin niya na hindi siya mag-aahit ng balbas hangga’t hindi naisasaayos ang buong BuCor na ang ibig niyang sabihin ay hangga’t hindi nawawala ang korapsyon sa pamunuan.

Natural, ayaw ni Bantag na mukha siyang marumi dahil sa kanyang balbas at bigote dahil sanay siyang malinis ang mukha lalo na’t naka-uniporme kaya’t mamadaliin niyang maisaayos ang tanggapang kanyang pinamumunuan.

Basta para kay Bantag, bukas ang kanyang tanggapan sa pagbabago. Handa siyang magbigay ng deve­lopment na nangyayari sa Pambansang Piitan sa ilalim ng kanyang pamunuan dahil hindi niya ipag­dadamot ang nangyayari sa opisinang ipinagkatiwala sa kanya sapagkat nais niyang suklian ang tiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Mukhang malabong mangyari sa pamunuan ni Bantag ang pagbebenta ng Kalayaan ng mga PDL o yung pagpapabayad sa mga preso sa good conduct time allowance (GCTA) sapagkat ayaw niyang kutyain tulad nang nangyari sa kanyang sinundan na si Faeldon kung saan napakaraming napalawa gamit ang GCTA pero mukhang nagkabayaran naman.

Sa isang banda, pawang maaayos na opis­yal ang naisama ni Bantag sa BuCor at isa na rito ang kanyang spokesperson na si Atty. Wena Fe Dalagan, dating hepe ng Public Information Office ng BJMP-National Capital Region.

Mahusay ang pagpi­ling ginawa ni Bantag sa dati niyang kasamahan sa BJMP sapagkat si Major Dalagan ay napakagaling sumagot dahil isa itong abogada. Malaki ang maitutulong nitong kanyang spokesperson sa mga pagbabagong nais niyang ipa­tupad sapagkat marami itong nalalaman sa batas at puwede rin niyang gawing adviser ito.

Sa ngayon, malinaw sa isip ng bagong BuCor chief ang paglilinis sa kanyang tanggapan. Unang nais lini­sin ni Bantag ay ang gulo kaugnay ng GCTA bukod pa sa nais niyang ipatupad ang computerization sa kanyang tanggapan.

Pero ang pinamatindi sa isip ni Bantag na nais niyang mabura sa pambansang piitan ay ang kalakalan ng bawal na droga. Matindi ang pagnanais ni Bantag na maisaayos ang kulungan at hindi magamit sa paggawa at pinagmumulan ng droga na sumisira sa buhay ng maraming mamamayan lalo na ng mga kabataan.

Para kay Bantag, ang kulungan ay dapat maging sagrado para sa pagbabago ng mga taong nagkasala na maisip nila ang kanilang nagawang kamalian at maisapuso at maisaisip ang pagbabagong buhay upang sa kanilang paglaya ay hindi naman sila nangangapa at sa huli ay muling babalik sa buhay kulungan.

Kaya nga sa mga naunang ipinatupad na pagbabago ni Bantag, may mga nagtatanong lalo na yung mga hindi nakakakilala ng lubos sa kanya kung tuloy-tuloy na ba ang pagbabago sa BuCor?

Let’s keep our fingers crossed. Ako, naniniwala na magkakaroon ng mala­king pagbabago sa pambansang piitan. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

PRRD AYAW NA MADAPA

NIPIS

HAWAK na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pangalan ng magiging kapalit ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde na magreretiro sa Nobyembre 8.

Binanggit ni Presidente Digong na pag-aaralan na niyang mabuti ang pagpili ng magiging kapalit na hepe ng pulisya dahil ayaw na niyang madapa. Sa madaling salita, parang sinabi na rin niya na nagkamali siya sa pagpili kay Albayalde na pinaniniwalaan ng marami sangkot sa usapin ng “ninja cops.”

Gayunman, kung hihimayin ang aksyon ng pangulo, makikitang may tiwala pa rin ito kay Albayalde sapagkat hindi niya ito kaagad sinibak sa puwesto  matapos madiniin sa Senado kaugnay sa usapin ng kanyang mga tauhan na nasangkot sa droga noong panahong siya ay provincial director ng Pampanga at sa halip ay hiningian niya ng matibay na ebidensiya ang mga nag-aakusa.

Si Albayalde, kaklase ni dating PNP chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ay iniendorso ng dating PNP chief at maging ni dating pangulo at Speaker of the House na si Gloria Macapagal Arroyo.

Sa pagkakataong ito, isang malapit na kaibigan at itinuturing na niyang anak-anakan ang posibleng pakinggan ni Pangulong Duterte sa pagtatalaga ng hepe ng PNP kapalit ni Albayalde. Maging ang kanyang mga totoong anak ay hindi pakikialaman o panghihimasukan ang magiging pasya ng kanilang ama sa pagpili ng gusto nitong mamuno sa pulisya.

Kawawa ang heneral na dapat sana ay siyang ieendorso ni Albayalde bilang kapalit niya dahil sa mahusay nitong performance sa trabaho. Subalit dahil walang maisip na paraan ang ilang may alaga sa mga contender para sa PNP chief post, naging “wakwakan” ang labanan.

Pero teka, tila iniligaw lang ng usaping “ninja cops” ang totoong pakay ng Senate Blue Ribbon Committee na lumabas ang katotohanan kaugnay sa good conduct time allowance (GCTA) na kinasasangkutan ni dating Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon.

Hindi kaya dahil ito sa may nakatakda pang lumaya sa mga presong maituturing na personalidad sa lipunan na noon pa man ay napirmahan na ang papeles?  Aba, dapat sigurong mag-ingay muna ulit si Senador Panfilo Lacson.

Sa usapin nang ayaw madapa sa pagpili, hindi ba nadapa si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili niya bilang director general ng BuCor si dating Bureau of Jail Management and Penology warden Gerald Bantag? Si Bantag, mula sa Philippine National Police Academy class ’96, ay hinihinalang inirekomenda ng kanyang kaklase na miyembro ng Davao group.

Naitalaga si Bantag ilang araw matapos sabihin ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ang nais ni Presidente Duterte  na mamuno sa BuCor ay isang “killer.” Si Bantag ay kinasuhan ng 10 counts of murder matapos magkaroon ng pagsabog sa kanyang tanggapan sa Parañaque City Jail kung saan 10 preso ang namatay.

Pero mukhang hindi nagkamali ang presidente sa pagtatalaga kay Bantag dahil matatag ang desisyon nito na hindi siya kayang subukan pagdating sa pananalapi at lalong hindi siya puwedeng ikorap ng mga magtatangkang gumawa ng anomalya sa kanyang pamumuno.

Sa madaling salita, matatag ang disposisyon ni Bantag at lalong mahihirapan ang mga magtatangkang suhulan siya pagdating sa isyu ng GCTA.

Kaya, mas makabubuting magtiwala si Pangulong Duterte sa kanyang instinct sa pagtatalaga ng opisyal na kanyang nais sapagkat kung sakaling magkamali man siya, wala siyang puwedeng sisihin kung hindi ang kanyang sarili at puwede niyang sibakin anumang oras niya naisin. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MABUTING NAKAPAG-ISIP SI PRRD

NIPIS

NOONG isang linggo bago umalis si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Russia, nagkaroon ng laglagan sa imbestigasyon sa Senado kaugnay sa droga kung saan muling nabuhay ang usapin sa ‘ninja cops.’

Marami pala ang ninja cops na ang original ay pawang mula sa Manila Police District tulad nang unang nabanggit sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon committee kung saan sinabi pang isinasalya ng mga pulis na sangkot sa droga ang kanilang mga nakumpiskang bawal na gamot sa drug queen na si Guia Gomez Castro.

Kaya lang biglang nagbago ang takbo ng pagdinig at nauwi sa usapin na ang mga ‘ninja cops’ ay pawang mga alaga umano ni Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde noong siya ang Provincial Director ng Pampanga.

Nagisang mabuti si Albayalde sa Senado na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon matapos ilaglag nina dating Criminal Investigation and Detection Group chief  Gen. Benjie Magalong, ngayon ay mayor ng Baguio City, at Philippine Drug Enforcement Agency director Aaron Aquino.

Bago nagtungo si Presidente Digong sa Russia, nagkaroon umano nang pagkakataon sina Magalong at Aquino na humarap sa una at magsalita ng mga impormasyon hinggil sa droga. Kaya naman nang nasa Russia ang ‘haligi ng bansa’ nasabi nito na dalawang heneral sa PNP ang protektor ng droga.

Nabanggit pa nga umano ni Magalong sa ilang kaibigan niya at kakilala sa media nan ang magtungto sila  kay Pangulong Duterte, napakatapang at lakas ng loob ni Aquino na magsumbong kay Pangulong Duterte subalit pagdating sa Senado ay parang asong bahag ang buntot kaya’t ilang beses niya itong sinabihan na “Aaron, magsalita ka.”

Dahil sa sumbong umano nina Magalong at Aquino kay Pangulong Digong, nabigla na rin ang pangulo sa mga binitiwang salita niya sa Russia  na ‘dalawang heneral ang protektor ng droga sa bansa. ‘

Subalit maaaring nakapag-isip ang pangulo at napag-aralang mabuti ang takbo ng pangyayari sa Senado. Posibleng nabasa rin ng president na may motibo ang mga gumigiba kay Albayalde.

Kasi nga naman, bakit naman kung kailan magreretiro na si Albayalde sa Nobyembre 8 ngayong taon ay saka pa nila ilalabas ang mga pangyayaring may kaugnayan sa droga.

Hindi kaya sindikato ito ng Philippine National Police sa pagtatalaga ng susunod na PNP chief o ng posibleng kapalit ni Albayalde?

Kapag sirang sira o basing basa ang pangalan ng kasalukuyang PNP chief ay hindi na ito papaniwalaan ng tao lalo na ni Pangulong Duterte kaya’t hindi na ito makakapag-endorso ng bata niya sa PNP bilang kapalit niya sa puwesto.

Natural, mauupo ang iba pang contender at higit sa lahat ay ang Davao group o Davao connection.

Kaya naman nabigo ang ilang umaasa na pagdating ni Pangulong Digong ay sisibakin na sa puwesto si Gen Albayalde dahil sa pagputok ng pangalan nito na ‘may alagang mga pulis na sangkot sa droga.’

Mabuti na lang, nabigo ang mga may pakana ng iskandalo dahil naiba ang ihip ng hangin. Pagdating ng pangulo sa bansa, wala muna siyang naging aksyon sa imbestigasyong isinagawa ng Senado at sa halip ay inatasan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ni Albayalde sa ‘ninja cops.’

Kasi nga naman sa hearing sa Senado, puro salita at walang matibay na ebidensiya na magsasangkot kay Albayalde sa mga akusasyon sa kanya.

O, eh di matatahimik na pansamantagal este pansamantala ang mga mandirigmang salto sa plano nila na mapagtulungan ang PNP chief na kung sakali nga namang nakalusot sila sa plano ay posibleng masungkit ng mga bata nila ang puwesto at doon pa lang magkakatotoo na may mga pulis na sangkot sa droga.

Sobrang NIPIS kasi ng mga akusasyon ninyo kay Albayalde. Sana, bago maglabas ng anumang akusasyon, dapat may mga hawak na ebidensiya upang hindi pumalpak ang plano.

Kaya ngayon, doble trabaho muli si Albayalde upang maisaayos ang problemang nilikha ng mga upperclassman niya sa Philippine Military Academy. Parang hindi nag-iisip ang mga ito na ang kasiraan ng puno ng PNP ay kasiraan ng buong kapulisan.

Bakit kaya hindi subakan ni Pangulong Duterte na mula sa Philippine National Police Academy ang ipalit na PNP chief kay Albayalde? Marami namang mahuhusay na opisyal mula sa PNPA pero ipinipilit lagi ang PMA. Baka sakaling kapag PNPA ang nakaupo ay magtulungan ang mga ito sa halip na magkainggitan. (NIPIS / Lea Botones)

Please follow and like us:
Read More

USAPING PAWANG ‘ITUTULOY’

NIPIS

NAGSIMULA sa imbestigasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang Senate Blue Ribbon committee ni Senador Richard Gordon dahil sa pagputok ng balitang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Nasangkot sa usapin ng planong pagpapalaya kay Sanchez si dating Bureau of Corrections director Nicanor Faeldon na hinihinalang nagpalabas ng malaking halaga upang maisaayos ang kanyang rekord sa bilibid.

Sinabi nina Senators Panfilo Lacson at Franklin Drilon na walang ebidensyang direktang magsasangkot kay Faeldon subalit dapat ay napigilan nito ang korapsyon sa ahensiyang kanyang pinamumunuan.

Bagaman walang direktang ebidensiya laban kay Faeldon kaugnay sa planong pagpapalaya kay Sanchez, naniniwala pa rin ang mga mambabatas na may usapan na sina Faeldon at pamilya Sanchez kaugnay sa pagpapalaya sa dating alkalde na nahatulan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay at panghahalay kay Aileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez, kapwa estudyante ng University of the Philippine.

Hinahanap ng Senado ay ang kaugnayan ni Faeldon sa pagpapalaya sa mga preso gamit ang GCTA subalit lumayo nang lumayo ang usapin at nauwi na sa mga lumang isyu kaugnay sa droga.

Pumasok ang usapin ng ‘ninja cops’ at recycle drugs kasabay ng mga recycle na issues na pilit sinisira naman ang career at mga programa ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde.

Mahigit isang buwan na lang at magreretiro na si Albayalde subalit tila sa kanya na umikot ang usapin sa ilegal na droga at sa ninja cops. Sa mada­ling salita, nawala na ang usapin sa GCTA.

Ang mga nangyayari sa hearing ng Senado ay pinagtatawanan lang ni Faeldon sapagkat sa ibang usapin na napunta ang la­yon na alamin ang lalim ng kaugnayan niya sa GCTA.

Tila talagang pinasulpot ang usapin ng ‘ninja cops’ at recycle drugs upang mawala ang focus kay Faeldon at masira naman ang ang kredebilidad at tiwala ng mga tao kay Albayalde dahil pagkatapos nito bilang PNP chief ay malaki pa rin ang posibilidad na maupo ito bilang director ng BuCor bagaman nakatalaga na bilang acting director si dating Bureau of Jail Management and Peno­logy official Jail Superintendent Gerald Bantag.

Masakit na magreretiro si Albayalde na sira ang kanyang pangalan subalit mas masakit na ang sambayanang Pilipino ay  lumalabas na napapaikot at kayang kayang lokohin ng mga opisyal ng pamahalaan na iniluklok ng mga mamamayan sa puwesto. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

PDEA CHIEF IYAKIN

NIPIS

NAKAKATAWA namang parang bata si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Dir. Gen Aaron Aquino sa ginawa niyang pagsusumbong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtanggal ng Philppine National Police (PNP) sa kanyang 15 police escorts.

Kulang na lang ay ngumalngal si Aquino dahil sa recall order sa mga pulis na nakabantay sa kanya at siyempre, sa sumbong niya kay Presidente Digong, si PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde ang may pakana.

Idinawit pa niya sa sumbong niya si Regional Police Office 3 Director P/BGen. Napoleon Joel Coronel na hinilingan niya na huwag pabalikin sa kanilang unit ang mga nagbabantay sa kanya dahil marami siyang death threat.

Hindi lang basta sumbong ang ginawa nitong miyembro ng Philippine Military Academy ’85 Sandiwa class subalit halos wakwakin na niya ang kanyang underclass sa PMA ’87 Hinirang class nang sabihin nitong hindi siya pinakinggan ni Coronel sa halip ay pinagpaliwanag pa ang mga escort na nakatalaga sa kanya.

At talagang kinaladkad pa niya ang pangalan ni Pangulong Duterte kaugnay sa recall order sa kanyang mga escort.

Hindi maintindihan ni Aquino na ang purpose nang recall order ay dahil sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games (SEAG) at hindi dahil sa kung anupaman. Paano naman kasi, puro pulis na taga Region 3 ang pinili niyang bantay.

Sana naman, kumuha si Aquino ng ilan lang mula sa Camp Crame at ang ibang bantay niya ay pawang mga tao niya sa PDEA. O baka naman wala ring tiwala si Aquino sa mga tauhan niya mismo sa ahensiya.

Eh bakit naman kasi napakarami ng escort ni Aquino? Labinlima? Aba’y kanino ba nanggagaling ang suweldo ng mga escort nyang yan? Siyempre, hindi naman sa kanyang sariling bulsa.

Balik muna sa totoong isyu. Sinabi niya na kaya tinanggal ang kanyang mga escort ay dahil sa pagbubunyag niya sa “Ninja Cops.”

Meron pa bang ‘ninja cops’? Panahon pa ni Pre­sidente Benigno Aquino III nang sumikat ang mga pulis na ang gawain ay manghuli ng droga na ipinakakalat ng mga Chinese drug lords sa bansa.

Mabuti pa noong panahon na iyon, maraming huling drug lords na hindi nakapamayagpag dahil inaaresto sila. Ngayon ba may malalaking isda na huli ang PDEA?

Lumalabas, maraming huling droga ang PDEA pero walang tao? Anong nangyari? Meron man, ang mga ito ang tinatawag  na ‘pyaet’ o ‘mga dagang dingding’ na ang ibig sabihin ay pawang maliitan lang ang transaksyon.

Kaya naman, dalawa lang ang maiisip ng mga tao sa nangyayaring ito. Maaaring may pinoproteksyunan na malala­king supplier o drug lord o di naman kaya ay mahina talaga ang intelligence network.

Sa totoo lang, ang tinaguriang ‘ninja cops’ ay matagal nang nagretiro sa trabaho. Ilan sa kanila ay ipinapatay na o na­ging bahagi na ng kampanya sa pagsugpo ng droga. Noong kapanahunan ng mga ito, pawang karangalan ang ibinigay nila sa kanilang mga hepe dahil sa kilo-kilo ang kanilang huli at milyong pera ang naipasusubi nila sa kanilang director.

Alam yan ni dating Criminal Investigation and Detection Group at ngayon ay Baguio Mayor Benjamin Magalong dahil minsan niyang naging tao ang mga ito at mismong direktang nagrereport sa kanya. Maliban na lang kung itatanggi niya ito.

Sana nga ay matalakay na mabuti sa Senado ang totoong isyu at hindi pawang panligaw lamang sa hinahanap na katotohanan. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MAGANDANG LAYUNIN NI PRRD, MASAMANG GAWAIN NG MGA NAKAPALIGID

NIPIS

MAGAGANDA ang mga pangarap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa Pilipinas  na batid niyang magbibigay daan upang umunlad ang a­ting Perlas ng Silangan at makaahon ito mula sa pagkakalubog sa utang sa labas ng bansa.

Ang pagpapalagay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Ope­rator (POGO) ay batid ni Presidente Digong na magbibigay ng milyon-milyong kita sa buwis para sa kaban ng bansa bukod pa sa magkakaroon ng trabaho ang marami sa mga Filipino.

Subalit dahil sa may mga nakapaligid sa pa­ngulo na mga ‘switik’ at tanging nasa isip ay mas lalong pagpapayaman o paglalaman sa kanilang bulsa, nagkakaroon tuloy ng problema sa implementasyon ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Sa POGO lang, bil­yon-bilyong  piso ang dapat kitain ng bansa bilang buwis mula sa operasyon nito subalit dahil may mga taong sadyang minali ang interpretasyon at implementasyon ng  mga program ani Pangulong Duterte, hindi pumapasok sa ‘kaban ng bayan’ ang salaping dapat ay magagamit para pambayad sa mga utang sa labas na ginamit sa build, build, build program ng pamahalaan.

Maging ang mga tauhan sa operasyon ng POGO na dapat ay mga Pinoy ay nabulilyaso dahil sa pagbibigay ng permiso sa mga Chinese bukod sa makapagnegosyo ay nabig­yan din ng papeles para makapagtrabaho. Natural, kapalit nito ang malaking halaga na hindi naman pumasok sa pamahalaan sa pamamagitan ng buwis na dapat na tinatanggap ng Bureau of Internal Revenue mula sa mga dayuhang kumpanya at mga dayuhang empleyado.

Kawawang mga Filipino na tinanggalan ng pagkakataon na mabuhay o maghanap buhay dahil pinayagang makapagtrabaho ang mga dayuhan sa ating bayan.

Bukod pa rito na ilang tauhan ng Palasyo ang mismong may kaugnayan sa ilegal na operasyon ng ilang negosyo ng Chinese sa Pinas.

May mangilan-ngilang tapat sa tungkulin at handang isakripisyo ang kanilang career para lang malinis mula sa katiwalian ang pamahalaan subalit natatabunan ang kanilang magandang hangarin dahil sa nagtutulong-tulong ang ilang opisyales ng pamahalaan na huwag mabun­yag ang kanilang mga katarantaduhan.

Sa madaling salita, marami sa mga ito ang nagtatakipan upang huwag lang umalingasaw ang baho na kanilang ginagawa.

Sa totoo lang, karamihan nga ng gumagawa ng kalokohan ay pawang malapit kay Pangulong Duterte. Ito yung mga taong inisip ng pangulo na hindi siya lolokohin at kasama niya sa pagpapalago ng kabuhayan ng bansa. Pero ang mga taong ito ang sila pang mas lalong nagpapalubog sa ekonomiya ng bansa.

Kailan nga kaya may totoong tao na makakasama ni Pangulong Digong na magmamalasakit para sa Inang Bayan at  makiisa sila sa paggawa ng mga magagandang programa na magpapaangat sa ekonomiya ng bansa?

Sabagay, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil may dalawang taon pa ang pangulo upang makilala at makaliskisan ang mga taong nasa paligid niya na silang nagdudumi sa bakuran ni Presidente Duterte. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

DISIPLINA ANG SUSI SA PAG-UNLAD NG BAYAN

NIPIS

DAHIL sa pag-iikot ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lupaing kanyang nasasakupan, ang kabuuan ng lungsod ng Maynila, nakita niya na isa sa dahilan kung bakit nagsisikip ang daloy ng trapiko ay ang naglipanang tricycle, pedicab at kuliglig na ang mga driver ay walang disiplina.

Nakita at naobserbahan nitong alkalde ng Maynila na ayaw na yata tumigil sa kanyang bahay at opisina at sa halip at panay ang paggagala sa kanyang na teritoryo na hindi na ang mga jeepney driver ang hari ng kalsada subalit ito ng mga tricycle driver.

Dapat alam ng mga driver na ito na hindi nila dapat sinasakop o hindi sila dapat bumibiyahe sa mga pangunahing lansa­ngan subalit tila nabili ng mga ito ang kalye kaya wala silang pakundangan sa pagbiyahe.

Kaya naman, inatasan ni Mayor Domagoso si Vice Mayor Honey Lacuna at ang mga kasapi ng city council na buwagin na ang Manila Tricycle Regulatory Office (MTRO) sa pamamagitan nang pagpasa ng isang ordinansa.

Tama ang sapantaha ni Yorme Kois na kaya malakas ang loob ng mga dri­ver na sumasakop sa mga pangunahing lansangan kaya nagkakaroon nang pagbubuhol ng trapiko at pagsisikip ng kalye ay dahil sa kawalan ng disiplina ng mga ito.

Nagpaglimi-limi ng batang alkalde na kaya malakas ang loob ng mga ito na lumabag sa batas ay dahil sa proteksyon na tinatanggap ng mga ito mula sa tauhan ng MTRO dahil nga ay naglalagay sila sa mga ito ng lingguhan kung hindi man arawang suhol.

Napagpasyahan din ni Mayor Isko Moreno na lusawin na ang MTRO sapagkat marami na siyang natanggap na reklamo mula sa mga driver ng tricycle, pedicab, e-trike at mga katulad na ginagawa silang ‘palabigasan’ ng mga tauhan ng MTRO na patuloy na nangingikil sa mga nagpapapawis na mahihirap.

Binanggit ni Moreno na ang dahilan kung ba­kit walang disiplina ang mga tricycle driver ay dahil nga sa lagay na kanilang iniaabot. Kaya nga kailangang lusawin ang MTRO upang hindi na makagawa pa ng kalokohan ang mga empleyado nito na nabubuhay sa pagsipsip sa pera ng mga mahihirap na tricycle drivers.

Inasahan na rin ni Moreno na babatikusin siya at sasabihing anti-poor ang kanyang hakbang na pagbuwag sa MTRO kaya’t nauna na ang kanyang paliwanag na isang paraan ito upang matigil na ang katiwalian o korapsyon sa MTRO.

Iginiit pa nito na kung hindi kasi niya lulusawin ang nasabing tanggapan, ang mga tauhan nitong tiwali ay hindi mawawala at sa halip ay lilipat lang ng tanggapan.

Nabatid na ang matitinong empleyado ng MTRO ay ilalagay naman sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) habang ang mga sangkot sa kotong ay  sasampahan ng kaso at tuluyang sisibakin.

Ayon naman sa isang da­ting empleyado ng MTRO, kasalanan ng dating pamunuan at ng city council ang pagiging abusado ng mga tricycle driver at MTRO employees sapagkat walang kongretong batas na ipinasa ang konseho ng Maynila.

Anang dating tauhan, hinayaan na lang ng city council na walang regulasyon para sa mga driver ng tatlong gulong na sasakyan na ginagawang pangunahing serbis sa mga lugar na walang dumaraang jeep.

Tama naman ang katwiran ni Yorme Kois na labag man sa kanyang kalooban ang pagtanggal sa mga empleyado, kailangan pa rin niyang mamuno ng tapat at patas.

Kailangan niyang matutong disiplinahin ang lahat kahit pa ang tamaan nito ay mga taong naging kakampi niya noong halalan sapagkat sa pagbibigay disiplina lang magiging maunlad ang lungsod ng Maynila.

Malaki ang paniwala ni Mayor Moreno na disiplina ang kailangan ng mga mamamayan upang umunlad ang ating bayan. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

BAGONG BUCOR CHIEF, ISANG ‘KILLER’

NIPIS

ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong director-general ng Bureau of Corrections (BuCor) ang dating opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si Jail Superintendent Gerald Bantag.

Kamakailan, sinabi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na irerekomenda niya kay Presidente Digong na ang susunod na mamumuno sa BuCor ay isang mamamatay tao. Sabi ni Sen. Go kailangan ay ‘killer.’

Kaya nga nagpahanap si Pangulong Duterte ng dating militar o dating pulis na papalit kay Faeldon na maraming sinabitang isyu sa panunungkulan niya sa pamahalaan mula pa sa Bureau of Customs hanggang sa BuCor.

Sa panunungkulan ni Faeldon nagkaroon ng alingasngas kaugnay sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na sinasabing may kumite ng malaki sa ibinebentang Kalayaan para sa mga preso.

Sa madaling salita, nasunod si Sen. Bong Go sa kagustuhan niyang isang killer ang pumalit kay Faeldon. Matapos kasing hingin ni Pangulong Duterte kay Faeldon na lisanin na ang BuCor, itinalagang officer-in charge si retired Gen. Melvin Buenafe, na mi­yembro ng Philippine Military Academy class ’86.

Mahusay na intelligence official si Buenafe na kaklase ni dating Phi­lippine National Police chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa. Maayos ding opisyal ang taong ito at hindi nagkaroon ng isyu sa kanyang panunungkulan noong siya ay nasa serbisyo pa.

Sa ngayon, tumatayo si Buenafe na Deputy Director General for Security and operations.

Mismong si Pangulong Duterte umano ang nagdesisyon na si Bantag ang maupong Director General ng BuCor at nakasuporta ang Malakanyang sa desisyon ng pangulo. Sus, alam naman yan. Sino ba sa Palasyo ang kumontra sa pangulo?

Malaki umano ang tiwala ng pangulo kay Bantag na ipagpapatuloy nito ang kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon.

Nabatid na si Bantag ay dating warden ng Paranaque at Manila City Jails noong siya ay kaanib pa ng BJMP.

Noong warden pa siya ng Parañaque City Jail, ipinaaaresto si Bantag at dalawa pang jailguards dahil sa pagkakasangkot nila sa pagsabog sa kulungang kanilang kinatatalagaan.

Naharap si Bantag at Jail Officer 2 Ricardo Zulueta at Jail Officer 2 Victor Pascua sa kasong 10 counts of murder dahil sa naganap na pagsabog sa Pa­rañaque City Jail noong August 11, 2016 kung saan nasawi ang 10 preso kabilang sina Jacky Huang at Yonghan Cai, kapwa Chinese na nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga.

Naging warden ng Manila City Jail si Bantag subalit kaagad itong sinibak sa puwesto nang magpalabas ng warrant of arrest si Judge Madrona Fortunito, ng Parañaque City Regional Trial Court branch 274.

Sana nga ay tama ang suhestiyon ni Sen. Bong Go na ‘killer’ dapat ang susunod na BuCor chief at tama ang desisyon ni Pangulong Duterte na si Col. Gerald Bantag ang kanyang hinirang na mangangasiwa sa pambansang kulungan.

Nawa’y maging maayos ang pamamahala ni Bantag sa BuCor at nawa’y hindi ito masangkot sa kung anumang anomalya na naunang kinasangkutan ni Faeldon at iba pang nauna rito.

Salamat kay P/Lt. Col. Rodrigo Soriano, Quezon City Police District-Masambong Police Station commander, sa paunlak na interview sa special report na binubuo ng inyong lingkod, gayundin kay P/Lt. Col. Carlito Grijaldo, Manila Police District- Sta Mesa Police Station commander, sa pakikipagtulungan sa isinagawang “Blood Letting” sa United Bethel Church sa Manga Avenue, Sta. Mesa Manila noong Sept. 14. Salamat din kay P/MSgt. Alma Dipasupil at mga kasamang pulis sa Sta. Mesa Police Station. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More

MAGANDANG PASALUBONG

NIPIS

NGAYONG araw ay kaarawan ni outgoing  Quezon City Police District director P/Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr. Happy Birthday Sir Joyet.

At ngayong araw din lilisanin ni Gen. Esquivel ang Camp Karingal, Sikatuna Village dahil uma­ngat na siya ng puwesto at naging regional director ng Caraga Police Regional Office.

Sa madaling salita, ngayon ang turn over ce­remony sa QCPD kung saan papalitan si Esquivel ni incoming director P/Col. Ronnie Montejo.

Si Montejo, kilalang taga QCPD bago pa siya mapunta sa region, ay batid na noon pa man na papalit kay Esquivel dahil siya ang napipisil ng mga opisyal at miyembro ng relihiyong kanyang kinabibilangan.

Noon pa man ay nakapila na ang miyembro ng Philippine National Police Academy Tagapagbuklod class of  ’89 sa trono ng QCPD.

Hindi sumala ang sandok sa palayok dahil talagang inilaan ang puwesto kay Montejo.

Kaya naman bilang pasalubong sa pagda­ting ni Montejo sa QCPD, maganda ang kasong ibi­nigay sa kanya ng Cubao Police Station at Regional Drug Enforcement Unit.

Nakakumpiska ang mga tauhan ng Cubao Police Station at NCRPO-DEU ng P27-M halaga ng shabu mula sa isang Edgardo Labay Alfonso, ng Barangay Tramo, Pasig City, na nasawi matapos manlaban sa mga operatiba na humuli sa kanya.

Tinatayang apat na kilo ng shabu ang nabawi mula sa suspek na nakalagay sa bag. Nabawi rin ang isang kalibre .45 baril na may mga bala.

Sinasabing ang napatay na suspek at isa sa mga target na bigtime drug pusher na nag-ooperate sa Metro Manila.

Maituturing na magandang pasalubong o accomplishment ang pagkakapatay kay Alfonso at pagkakabawi ng P27 mil­yong halaga ng droga.

Nakaabang din ang 12 station commanders ng QCPD upang magbigay ng magandang trabaho para sa pagdating ni Montejo sa Quezon City.

Samantala, isang station commander sa Manila Police District ang halos isuka na ng kanyang mga tauhan dahil sa umano’y sobrang sama ng ugali nito.

Sinasabing ang station commander na ito ay madalas magmura sa kanyang mga tauhan subalit wala namang maipakitang magandang halimbawa pagdating sa trabaho.

Ang tanging alam umano ng hepe na ito ay magpauwi ng kung anu-anong pagkain sa kanyang pamilya subalit hindi inaasikaso kung may pahinga na ba ang kanyang mga tao na isinusuga niya sa pagdu-duty ng halos 24 oras.

Ayon sa mga tauhan nito, walang awa sa kanyang mga tao ang opisyal na ito na walang ipinagmamalaki kung hindi ang kanyang lakas kay MPD director P/Brig. Gen. Vicente Danao Jr.

Teka, hindi ka naman tao ni Gen. Danao, paano ka naging malakas kay Danao na isang Davao Boy.

Bukod sa balasubas sa kanyang mga tauhan ang opisyal na ito, ayaw umano maglabas ng pera nito para sa mga proyekto ng istasyon at hinahayaang mag-abono ang kanyang mga tauhan. Naman! Grabe naman ang opisyal na ito. Naku kapag ganyan ka, hindi ka tatagal sa kinauupuan mo. Kapag inireklamo ka ng mga tao mo, tiyak na may kalalagyan ka ilang araw mula ngayon.

Maraming salamat sa Manila Police District – Station 8 Police Community Relations and Station Strategic Performance Management System sa pakikipagtulungan sa ginawang blood letting activity ng Red Bank Foundation, RC Raha Sulayman Manila at Y’s Men Raha Philippines sa United Bethel Church sa Sta Mesa, Manila noong Setyembre 14, 2019. Naging matagumpay ang aktibidad dahil sa pakikipagtulungan ng lahat lalo na ng mga miyembro ng United Bethel Church. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:
Read More