2 CHINESE NATIONAL HULI SA PAGNANAKAW SA KOMPANYA

cell

(NI ROSE PULGAR)

SA rehas na bakal ang bagsak ng dalawang Chinese national nang nakawin umano ang P50, 000 cash sa safety vault ng pinagtatrabahuan nilang kompanya sa Paranaque City, Sabado ng umaga.

Nahaharap ngayon sa kasong qualified theft ang mga suspect na sina Runmo Gao, 24, at Jiyong Fang, 25, kapwa Chinese nationals at empleyado ng Flying Dragon Network Philippines na matatagpuan sa 8th Floor Aseana 3 BPO Building, Macapagal  Boulevard, Barangay Tambo,Paranaque City, mga residente sa Shore Residence Sunrise Drive,Pasay City.

Samantala, nagsilbing complainant naman si Arnold Sumido Sabado, security officer ng kompanya.

Base sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pagnanakaw sa loob ng Flying Dragon Network Philippines sa Paranaque City, dakong alas-11:00 ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, agad na tumawag ang supervisor at translator ng kompanya sa security department kaugnay sa pagtangay ng dalawang suspect sa P50,000 cash sa safety vault na nasa VIP room.

Mabilis na pinigil ng guwardiyang si Francis John Diago Plasabas ang mga suspect bago pa man lumabas ng nasabing opisina.

Narekober sa loob ng bag ni Jiyong Fang ang naturang pera na sanhi ng kanilang pagkakadakip ni Gao na sinasabing kasabwat nito sa insidente.

Isinasailalim naman sa imbestigasyon sina Fang at Gao sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB).

Nakakulong ang dalawang Chinese sa detention cell ng Paranaque City Police.

 

 

Please follow and like us:
Read More

2 MAID HULI SA P1.5-M NINAKAW NA ALAHAS, PERA NG AMO

crime robber12

(NI KEVIN COLLANTES)

PINAG-IINGAT ni San Juan City Police chief, P/Col. Ariel Fulo ang publiko sa pagkuha ng mga kasambahay, matapos maaresto ang  dalawang kasambahay na bagong pasok lamang sa trabaho, at inaakusahang nagnakaw ng P1.5 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga alahas at cash ng kanilang amo sa San Juan City.

Kinilala ni Fulo ang mga suspek na sina Lourdes De Asis, alyas ‘Lulu,’  49, at Analyn Escari , alyas ‘Inday,’ 20, kapwa stay-in helpers sa 105 Kennedy St., North Greenhills, Barangay Greenhills, San Juan City.

Ang mga suspek ay naaresto dakong 8:45 ng umaga ng Sabado, , sa isang fastfood chain sa Annapolis, Barangay Greenhills, batay sa reklamo ng kanilang amo na si Victoria Marzan, 58, isang pribadong employer, at residente ng naturang lugar.

Batay sa salaysay ng biktima kay SPO2 Dennis Ramos, na nakarating kay Eastern Police District (EPD) director, P/BGen. Christopher Tambungan, nabatid na Abril nang tanggapin niya bilang katulong ang mga suspek, batay sa referral ni Meriam de Asis Ropaning, na kaanak umano ni Lourdes.

Matapos lamang naman ang isang buwan mula nang sila ay tanggapin sa trabaho, o nitong Mayo 16, ay nagpaalam na umano ang mga suspek sa amo na aalis na, na pinayagan naman umano niya.

Laking gulat na lamang ni Marzan nang madiskubre niyang nawawala na ang kanyang mga alahas at cash na nakalagay sa kanyang safety vault.

Kaagad namang kinontak ni Marzan si Ropaning at sinabihang dalhin ang mga suspek sa Greenhills dahil nais niyang makausap ang mga ito kaugnay ng insidente.

Pumayag naman umano si Ropaning, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay naireport na pala ni Marzan sa pulisya ang insidente, kaya’t nang magkita sila sa loob ng isang fastfood chain ay kaagad nang dinampot ang mga ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP) ng San Juan City Police.

Mariin namang itinatanggi ng mga suspek na sila ang nagnakaw ng mga nawawalang cash at alahas ng biktima.

Batay sa report ng pulisya, ilang alahas at mga accessories na ang nagkakahalaga ng P150,000 ang nabawi nila ngunit hindi pa narerekober ang P910,000 halaga pa ng iba’t ibang uri ng alahas, gayundin ang P500,000 cash na nakalagay sa vault.

Kasalukuyan nang nakadetine ang mga suspek sa San Juan City Police Custodial facility at mahaharap sa kasong qualified theft.

 

Please follow and like us:
Read More