BARIL NG PULIS HINDI LALAGYAN NG MASKING TAPE SA KAPASKUHAN

(NICK ECHEVARRIA)

PAIIRALING muli sa ikatlong sunod na taon ang “no muzzle taping of guns” o ang hindi paglalagay ng masking tape sa dulo ng baril ng mga pulis ngayong holiday revelry para patunayan ang pagiging responsable ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Gayunman, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Cascolan na masisibak sa puwesto ang mga police commanders at  chief at police na mabibigong umaksiyon sa loob ng 24-oras sa kanilang mga tauhan na masasangkot sa mga indiscriminate firing alinsunod sa “one strike policy” na mahigpit nilang ipatutupad.

“Our ultimate target is to reduce the 33 incidents of indiscriminate firing and 12 cases of stray bullet injuries last year to zero this Christmas season,” pahayag ni Cascolan sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes.

Ayon kay Cascolan sa nakalipas na dalawang taon ay walang naitalang mga police officer  na nagpaputok ng kanilang mga baril o nasangkot kaya  sa indiscriminate firing sa panahon ng holiday season.

Inatasan din ni Cascolan ang mga police commanders na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa komunidad bilang partner upang madaling matukoy ang mga trigger happy sa mga Barangay na madalas gumagamit ng mga illegal na armas.

Paiiralin din ang “one strike policy” kaugnay sa inaasahang mga pagsalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kaugnay sa nalalapit na 51st founding anniversary ng Communist Party of the Philippines sa December 26, na palagiang ginagawa ng mga ito kung saan kadalasang target ang mga pulis.

Naniniwala si Cascolan na sa pamamagitan ng kahalintulad na polisiya, mapipilitan ang mga police commanders na palakasin ang mga security measures sa kanilang nasasakupan laban sa anumang pagtatangka ng mga rebelde.

Inihalimbawa ni Cascolan ang nangyaring pag-atake ng mga NPA noong 2017 sa isang himpilan ng pulisya kung saan nagulantang na lamang at walang nagawa  ang mga ito ng biglang salakayin ng mga rebelde, na ilang araw na palang naniniktik sa ilang mga kabahayan malapit sa nasabing police station bago gawin ang pagsalakay.

 

Please follow and like us:
Read More