MGA KANDIDATONG SENADOR NG MGA MANGGAGAWA, TALO

LABOR WIN.jpg

(Ni Nelson S. Badilla /Ikalima at Huling Bahagi)

NGAYONG Mayo 13 pa lang ang marami-raming lider-manggagawa ang kumandidato sa halalan  sa Senado.

Ito ay sina Leody de Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Jose Sonny Matula at Allan Montaño ng Federation of Free Workers (FFW), Ernesto Arellano ng National Confederation of Labor (NCL) at Neri Colmenares ng Bayan Muna.

Si De Guzman lang ang hindi abogado sa lima, ngunit hindi maipagkakailang beteranong lider-manggagawa.

Katunayan, siya lamang ang “totoong manggagawa.”

Mga kandidato ng mga manggagawa di pinalad

HINDI pumasok sa labing-dalawang mananalong senador kahit isa sa kanila.

Wala rin maging sa ika-13 hanggang ika-15 puwesto.

Si Colmenares na siyang nakalalamang sa popularidad sa kanilang lima ay nasa ika-24 na puwesto batay sa huling opisyal na bilang ng Commission on Election (Comelec) nitong Linggo.

Si Colmenares na tumakbo sa ilalim ng Makabayan (organisasyon ng mga grupo ng party-list na naniniwala sa pambansa-demokratikong adyenda at mga mithiin) ay mahigit 4.6 milyon ang nakuhang boto.

Si Arellano na tumakbo bilang independent ay mahigit 900,000 ang nakakuhang boto at bumagsak sa ika-36 na puwesto.

Nasa ika-37 naman si Montaño sa botong mahigit 900,000.

Sumunod sa kanya si De Guzman, ngunit mahigit 887,000 ang boto.

Tumakbo si De Guzman sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa (PLMP).

Si Matula na kandidato ng Labor Party of the Philippines (LPP) ay hindi man lang umabot sa 400,000 ang nabingwit na boto.

Ikalawang ulit nang pagtakbo

ANG pagtakbo nina De Guzman, Montaño at Colmenares ay ikalawang beses na.

Tumakbo rin silang tatlo sa pagkasenador noong eleksyong 2016.

Ngunit, pare-pareho silang talo.

Sa bandila ng PLM tumakbo si De Guzman.

Samantalang si Colmenares ay sa ilalim din ng Makabayan at naging “guest candidate” nina kadindato sa pagkapangulo Grace Poe at kandidato sa pagkapangalawang pangulo Francis Escudero.

Sa United Nationalist Alliance (UNA) tumakbo si Montaño na ang kandidato sa pagkapangulo ay si dating Bise – Presidente Jejomar Binay.

Malinaw sa rekord ng Comelec na si Matula lang ang tumakbo sa pampolitikang partido ng mga manggagawa.

Nagkaisa silang lima

HABANG umuusad ang kampanya sa pagkasenador, nagkaisa ang mga samahan ng limang kandidato na pagbuklurin sila sa ilalim ng “Labor Win.”

Ang Labor Win ay isang “loose coalition” na itinatag para magkaroon ng malakas na puwersa ang mga manggagawa sa panahon ng eleksyon.

Ayon kay Matula, napakalaking tulong sa kanilang hanay na magkaisa ang mga lider-manggagawa upang ikampanya ang kanyang mga kandidato sa pagkasenador at ipakalat sa mamamayan ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga manggagawa.

Maliban sa Labor Win, dinala rin ng Makabayan sina Matula at De Guzman sa senatorial slate nito sa pangunguna ni Colmenares.

Hindi binanggit ni Matula kung bakit hindi isinama ng Makabayan sa pangkat nito sina Montaño at Arellano.

Higit 60-M manggagawa pero kandidato talo pa rin

ITINANONG ng manunulat na ito sa ilang lider-manggagawa kung bakit natalo ang mga kandidato ng mga manggagawa sa pagkasenador, gayong mahigit 60 milyon ang kabuuang bilang ng mga manggagawang Pilipino, kabilang na ang mga naghahanap-buhay sa iba’t ibang panig ng daigidig na kung tawagin ay overseas Filipino workers (OFWs).

Kung mahigit 100 milyon ang populasyon ng bansa, nangangahulugan lamang na napakalaki ng bilang ng mga manggagawa sa bansa kumpara sa ibang sektor tulad ng mangingisda, manggagawang-bukid, magsasaka, guro at iba pang mahihirap.

Ayon kay De Guzman, “una, malalim ang kulturang politika ng tradisyonal na mga politiko sa bansa, personalidad at pera-pera na walang lahat sa progresibong puwersa.”

“Ikalawa, lumiit ang bilang ng mga organisadong manggagawa,” banggit pa rin ni De Guzman.

Ang tinutukoy niya sa kanyang ikalawang punto ay ang mga manggagawang kasapi ng mga unyon.

Naniniwala rin si Matula na ang isang dahilan sa kanilang pagkatalo ay dahil maliit lang ang bilang ng mga organisadong manggagawa.

Ang pangalawang punto ay “we were not able to create a critical mass to swing for a labor vote,” tugon ni Matula.

“Lack of resources and lack of organizational cohesion. Simply, we are not that prepared for the challenge against traditional politicians,” patuloy ni Matula.

Idiniin naman ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), “nawasak ang kilusang unyon sa bansa, walang malakas na labor party, walang totoong labor unity at bulok ang sistemang pampolitika sa bansa na kontrolado ng mayayaman” ang mga dahilan kung bakit natalo ang mga manggagawa sa halalan sa pagkasenador ngayong 2019.

Please follow and like us:
Read More

PAISA-ISANG PARTY-LIST NG MGA MANGGAGAWA ANG NANANALO SA HALALAN

Partido Manggagawa

(Ni NELSON S. BADILLA / Ikaapat na Bahagi)

INATASAN ng Konstitusyong 1987 ang mga kasapi ng Kongreso ng Pilipinas na bumuo ng sistemang party-list sa bansa.

Kaya, isinilang ang Republic Act 7941 o Party-list System Act noong Marso 3,1995.

Ang unang eleksyon sa party-list ay isinagawa noong 1998.

Pagkakataong lumahok ng mga manggagawa

NAPAKAGANDANG pagkakataon sa mga organisadong manggagawa na bumuo ng sarili nilang pampolitikang partido upang sumali sa eleksyon at kung mananalo ay magkakaroon ang uring manggagawa na kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa unang pagkakataon.

Ngunit, batay sa rekord ng Mababang Kapulungan, paisa-isang nananalo ang mga manggagawa sa halalan ng party-list.

Dahil ganito ang kinahinatnan ng mga party-list ng mga manggagawa, mistulang lumulusot sa butas ng karayom ang pag-usad ng mga panukalang batas ng mga kongresistang lider-manggagawa.

Napansin ng mga mamamahayag na nadestino sa Kamara, na nahihirapan ang mga kinatawan ng mga manggagawa na kumbinsihin ang mga tradisyonal na politiko at political warlords na kampihan sila sa kanilang pakikibaka sa loob ng Kongreso laban sa kapitalista at mapagsamantala at mapang-aping lipunan.

Magtubo, Beltran mga lider-manggagawang naging kongresista

HINDI maipagkakailang beteranong mga lider-manggagawa sina Renato Magtubo at Crispin Beltran.

Si Magtubo ay naging pangulo ng unyon ng mga manggagawa ng sigarilyo sa Lungsod ng Valenzuela, bago nahalal na maging tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM).

Si Beltran naman ay matagal na kumilos sa iba’t ibang samahan ng mga manggagawa sa iba’t ibang kompanya hanggang maging pinuno ng Kilusang Mayo Uno (KMU) noong si Corazon Cojuangco Aquino ang naging pangulo ng bansa.

Unang naging kongresista si Magtubo noong 1998 kung saan siya ang naging kinatawan ng Sanlakas.

Alyansa ng mga organisasyon ng iba’t ibang sektor sa lipunan ang Sanlakas, kaya kinatawan ito ng Masang Pilipino, sa Kamara.

Naging kasapi ulit ng Kamara si Magtubo noong 2001 at 2004 kung saan siya ang naging kinatawan ng PM.

Ang PM ay totoong pampolitikang Partido ng manggagawa.

Pagkatapos ng 2004, hindi na nakabalik si Magtubo at PM sa Kongreso.

Hindi na rin nanalo ang Sanlakas.

Si Beltran ay naging kongresista noong 2001 bilang kinatawan ng Bayan Muna party-list.

Naging kinatawan muli sa Kamara si Beltran noong 2004 at 2007, ngunit para sa Anakpawis party-list.

Ang Bayan Muna at Anakpawis ay inakusahang party-list ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Bukod kay Beltran, naging kinatawan ng Bayan Muna si Satur Ocampo at naging tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF).

Ang NDF ay alyansa umano ng mga lihim na organisasyong nagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa pamahalaan na itinatag ng CPP noong 1974.

TUCP naman ang pumalit sa PM

PAGKATAPOS magwagi ng PM ng dalawang beses, ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) naman ang humalili rito.

Lumahok ang TUCP sa eleksyong party-list noong 2006, ngunit natalo.

Sumabak ito muli sa eleksyon ang TUCP noong 2010 at nanalo naman.

Nagpatuloy ang panalo nito sa 2013, 2016 at nitong katatapos na halalan.

Ngunit, ayon sa tagapagsalita ng TUCP na si Alan Tanjusay, ang problema ay palaging isa lang ang kinatawan ng TUCP party-list sa Kamara.

Ang TUCP ang sinasabing pinamalaking alyansa ng mga union ng mga manggagawa sa Pilipinas sa panahong ito at siya na ring ipanarehistro sa Commission on Elections (Comelec) bilang party-list group.

Ganito ang paliwanag ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP kung bakit hindi bumuo ng hiwalay na pampolitikang Partido ang TUCP: “Kailangan kasi i-maintain ang identity ng TUCP as workers organization. So, kailangan itayo ang TUCP party-list to legislate workers agenda and get more political power in the face of strengthening capitalists’ power.”

Ani Tanjusay, dahil sa desisyong ito ng pamunuan ng TUCP, naging political party ang TUCP party-list, samantalang nanatili ang orihinal na TUCP bilang alyansa ng mga unyon ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Aniya, parehas na pangalan ngunit magkaiba ang pagkakakilanlan at trabaho ng dalawa tungo sa pagsusulong at pakikibaka sa mga interes at karaingan ng mga manggagawa.

Sa pagkapanalo ng PM at TUCP, ibig sabihin, paisa-isa lang ang kinatawan ng “totoong” partido ng mga manggagawa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Tatlong kinatawan bawat party-list ang pinakamataas na bilang na maaaring makapasok sa Kamara, alinsunod sa R.A. 7941. (Itutuloy)

Please follow and like us:
Read More