NPA SA LIKOD NG DOLE OFFICIAL SLAY? LABOR CASE INAALAM NG NCRPO

(NI HARVEY PEREZ)

MAY posibilidad umano na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumaslang  sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong Nobyembre 3 sa Malvar St. Malate, Maynila.

Ayon kay NCRPO Regional Director PBGen Debold Sinas, sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na walang kaaway o kaalitan ang biktimang si  Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Maari umanong  may kinalaman sa kanyang trabaho sa DOLE ang posibleng motibo  ng pagpaslang kay Dacanay kaya inaalam nila kung anu-anong labor case ang dumaan sa tanggapan nito.

Una nang nakita sa CCTV ang mukha ng dalawang gunman na nakitang bumaril ng may 16 na beses sa biktima.

Gayundin, nanawagan si Sinas sa  publiko na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kung kilala nila ang mga   suspek na muling sumakay sa motorsiklo at iniwan sa isang lugar sa Linao St., bago sumakay lamang ng tricycle.

Naganap ang insidente alas 4 :45 ng hapon noong Nobyembre 3 sa Malvar Street, sa nabanggit na lugar.

Kalalabas lamang  umano ni Dacanay sa kanyang tanggapan sa DOLE Manila head office, sa 4th Floor ng DY International Building, San Marcelino Street, kanto ng Malvar Street, sakay ng itim na Honda Brio, na may plakang ACA-7338.

Habang binabaybay ang Malvar Street, pagitan ng Singalong at Benitez Streets, nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang suspek na riding in tandem.

Idineklarang dead in arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima.

Hindi naman tinamaan ng bala si Atty. Agata Ann Daquigan, labor arbiter sa DOLE main office at kasama ni Dacanay sa sasakyan nang maganap ang krimen.

 

Please follow and like us:
Read More