DESISYON NG KORTE SA MAGUINDANAO MASSACRE

BOMBAHAN NA FINAL

MAKALIPAS ang 10 taon na paglilitis sa sala ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa kasong Maguindanao Massacre, nadesisyunan na ito noong Disyembre 19.

Guilty ang hatol ng korte sa pangunahing mga suspek na sina Andal Ampatuan Sr. (pumanaw na); Andal Ampatuan, Jr.; Zaldy Ampatuan at iba pa.

Marami rin namang naabswelto sa mga kamag-anak ng Ampatuan na idinadawit sa maramihang pagpatay, at ilang mga awtoridad.

Malayo pa ang lalakbayin ng kasong ito dahil pwede pang umabot ng Court of Appeals at ang huli ay sa Korte Suprema.

Dito na papasok ang pahabaan ng pisi, kung baga tiyagaan ang kasong ito, matira ang matibay.

Maraming sakripisyo sa mga complainant ang ilalaan dito kabilang na ang pera at pagod.

Kung sa QCRTC pa lang ay inabot na ng 10 taon bago nadesisyunan ang kaso, paano pa kaya ang Court of Appeals at Korte Suprema?

Ibig sabihin, another 20 years? Wow!

Sa panahon na ‘yun, mga senior na ang pangunahing mga suspek o baka mga patay na sila.

Sir, ganyan po ba talaga katagal ang mga kaso sa atin? Tanong ng isa sa mga silipero ng ‘BOMBAHAN NA’.

Marami pong dahilan ang naririnig natin kung bakit daw matagal ang mga kaso sa Pinas.

Kabilang na rito ang kakulangan ng empleyado sa mga korte, kulang sa pondo, kulang ng mga hukom at inaabutan na rin ng retirement ng judge. ‘Yan ang ilan sa nagiging sanhi ng delay.

Lalo na ngayon na maraming nakulong sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Hay naku! Kaya, lamang ang may pera na nakakulong dahil lalo silang natatagalan bago madesisyunan at lumalaki ang pagkakataon na magkaroon ng korapsyon.

Mas mabilis na desisyon ng kaso sa korte, mas lumiliit ang tsansa na magkaroon ng lagayan.

Sana po sir, makita ‘yan ng ating mga mambabatas kasi kawawa naman po ang mga ordinaryong mamamayan na biktima ng karahasan ng may pera, banggit pa isang silipero ng ‘BOMBAHAN NA’.

Kaya nga po, napakahalaga na ang ating pipiliing mga senador at kongresista ay may malasakit sa tao dahil sila po ang gumagawa ng mga batas.

Sila po ang nakakaa­lam kung ano ang ikabubuti ng taumbayan. At sana po ay basbasan sila ng banal na espiritu ng Panginoon habang gu­magawa sila ng batas para maging patas ang gagawin nilang batas.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa ‘BOMBAHAN NA’, mag-email joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Please follow and like us:
Read More

TAPOS NA BA ANG LABAN? (2)

(Ni Nenet L. Villafania)

MATAPOS ang halos sampung taong pag-antabay sa kaso ng Maguindanao ­massacre, inaasahang mabibigyan katarungan na rin ang pamilya ng mga ­pinaslang.

Ilang panahon ding nagsakripisyo ang mga mamamahayag sa pag-aantabay sa kaso.

Sa bisperas ng ika-apat na anibersaryo ng masaker, nag-alay sila ng mga ­panalangin para sa mga biktima sa isang misa na ipinagdiriwang ni Fr. Robert Reyes sa University of the Philippines (UP) College of Law sa Quezon City, kasama ang mga kaanak ng mga biktima.

“Sampung taon ­kaming naghintay,” ani Arlyn Arriola, asawa ng cameraman ng UNTV na si McDelbert Arriola, isa sa mga biktima. “Malaki na ang aming anak na lalaki. Baka sakaling makakamit na ng kanyang ama ang hustisya. Halos 12 days lang silang ­nagkasama ng kanyang ama dahil kapapanganak ko pa lamang nang mangyari ang trahedya.”

Umaasa rin ang biyuda ng journalist na taga-Koronadal na si Joel Parcon na maibibigay ng gobyerno ang kanilang hinihiling.

“Humingi kami noon ng tulong sa gobyerno para sa kumpensasyon dahil namatay ang aming “breadwinner” at wala kaming pagkukunan ng ikabubuhay,” ani Mrs. Parcon, “ngunit di kami pinakinggan kaya humingi kami ng tulong sa UN Human Rights Committee (UNHRC).

Dahil abugado nila noon si Harry Roque, ito ang humimok sa International ­Covenant on Civil and ­Political Rights (ICCPR) na bigyang-pansin ang paglabag sa karapatan ng mga biktima upang mabuhay. Dahil wala pang resulta ang kaso, nahihirapan ang mga kaanak ng biktima na buhayin ang kanilang pamilya at sustinahin ang gastos sa mga pagdinig.

Ngunit ayaw magbayad ng Malacañang dahil napakalaki umano ng hinihingi ng mga naiwan ng mga biktima. Ang ilan sa kanila ay ­humihingi P2 milyon kumpensasyon, at kung ibibigay raw umano ito ng gobyerno ay sobra-sobra. Katwiran naman ng pamilaya ng mga biktima, kung kinaya ng gobyernong magbayad sa pamilya ng mga mamamayan ng Hong Kong na napatay sa 2010 hostage-taking sa Luneta, bakit hindi sa kanila?

Sinusugan naman ito Rommel Bagares, isa pang abogado para sa mga kamag-anak ng mga biktima, at sinabing ang mga ­ordinaryong mamamayan ay maaaring magsampa ng reklamo sa United Nations para sa paglabag sa kanilang mga karapatan.

Si Roque at Bagares ay ilan sa naging inspirasyon ng kasong libel na isinampa laban kay Davao City broadcaster Alex Adonis, tauhan ni dating Speaker at namayapang Prospero Nograles.

Sa ngayon, nabigyan ng pondong pangkabuhayan ang ilan sa pamilya ng mga biktima sa Maguindanao Massacre, ngunit liban dito ay wala na ­silang napala. Mabuti ito ­kaysa wala, ayon sa ilan, ngunit para sa iba, ito ang hindi sapat.

“Sa simula, pakikinabangan,” ayon kay Editha Tiamzon, 52, biyuda ng ­cameraman ng UNTV na si Daniel Tiamzon, “pero pera ang kailangan namin dahil nag-aaral pa ang mga anak namin.” Tatlo ang anak ni Tiamson na may edad 13, 18 at 19.

Hanggang sa bumaba sa tungkulin si Aquino ay wala nang narinig sa kanya ang mga pamilya ng biktima ng ­Maguindanao Massacre.

Mahirap limuting 58 biktima, kabilang ang 32 journalists ang minsan ay nagkatuwaang sumama sa isang convoy ng mga kotse patungo sa bayan ng Shariff Aguak, kapital ng Maguindanao ­Province. Wala sa hinagap nilang sa kalagitnaan ng biyahe ay pahihintuin sila ng mga tauhan ng angkan ng mga Ampatuan, kabilang ang mga pulis at sundalo, sa bayan ng Ampatuan. Pinagbabaril sila at inilibing sa isang malaking hukay gamit ang isang backhoe, sa isang burol. Parang mga hayup na pinagsama-sama sa isang hukay.

Matagal nang namamayani sa kapangyarihan ang mga Ampatuan sa lokal na pulitika sa Autonomous Region sa Muslim Mindanao. Kaalyado nila noon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at natatandaan pa ng inyong lingkod ang ilang press conferences na ginawa sa Sulu Hotel sa Quezon City, upang iendorso ni Arroyo si Andal Sr. Kapalit nito, landslide ang Maguindanao Province pabor kay Arroyo nang tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2004.

“Si Alejandro Reblando Jr., 32, anak ng Manila Bulletin reporter na si Alejandro “Bong” Reblando, ay umasa sa pangako ni Aquino na makakamit ng mga biktima ang hustisya.

Maraming mamamahayag ang nag-aalinlangan pa ring malulutas ang kaso kahit pa dedesisyunan na ito sa ­Nobyembre. Binibigyang sisi nila ang Justice System sa bansa. Malaki naman umano ang naiturong ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno para subaybayan ang mga paglilitis, ngunit “hindi sapat na masubaybayan lamang ito.”

“Ilang taong status quo ang kaso at ito ay hindi katanggap-tanggap sa aming mga miyembro ng media at sa pamilya ng mga biktima,” ayon kay Angie de la Cruz, reporter ng Pilipino Star ­Ngayon.

Umaasa rin ang Justice Now Movement (JNM), ­samahan ng mga pamilya ng namatay na journalists, na matatapos na ang kanilang ­laban para sa hustisya. Ngunit duda pa rin si Grace Morales, JNM secretary. “Hanggang walang hatol na pabor sa amin, hindi kami matatahimik, at patuloy kaming magkakaisa at determinadong makipaglaban hanggang makuha namin ang tamang hustisya,” aniya.

Sa magaganap na ­paghahatol, hindi lamang ang Pilipinas ang nakaabang kundi ang buong mundo – at sana at maging makatarungan ito.

Please follow and like us:
Read More

MAGUINDANAO MASSACRE, TAPOS NA BA ANG LABAN? (1)

MAGUINDANAO MASSACRE

(Ni NENET L. VILLAFANIA)

HALOS sampung taon matapos ang karumal-dumal na tinaguriang Maguindanao massacre, dedesisyunan na rin ito sa wakas.

Ikinatuwa ito ni Presidential Task Force for Media Security (PTFoMs) and Undersecretary Joel Egco, dating pangulo ng National Press Club, sapagkat ipinaglaban niya ang pagbibigay-katarungan sa mga nasawing mamamahayag.

Isang hindi malilimutang pangyayari ang naganap na pagpatay, dahil sangkot dito ang napakaraming mamamahayag, kaanak at supporters ng isang pulitiko.

Inakala ng lahat na isang karaniwang  lakad lamang ito, kung saan magkakasayahan ang lahat pagkatapos, ngunit isang malagim na kamatayan pala ang naghihintay sa lahat.

Kinumpirma nina Prose­cutor General Benedicto Malcontento at  Communications Secretary Martin Andanar na nagpadala ng liham ang Department of Justice noong September 3, 2019 na batay sa atas noong August 22, 2019 na idineklara ng korteng desisyunan ang Ampatuan Maguin­danao massacre case, bago ang ika-10 taong anibersaryo nito sa November 23.

Pero tapos na ba ang laban? Mabibigyan na ba ng katarungan ang mga nasawi? Marahil. Itinuturing kasi itong karagdagang pamana ni Pangu­long Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Ang nasabing massacre ay itinuturing na isa sa mga pinakanakahihiyang pangya­yaring naganap laban sa mga mamamahayag sa buong ka­saysayan ng mundo.

“Umaasa kami sa hustisya,” ani Egco. “Ipinapangako namin sa publiko na ang buong PTFoMS ay patuloy na magbabantay upang matiyak walang hahadlang sa kaso.”

Matatandaang noong Nob­­­yembre 23, 2009, 58 katao, kabilang ang 32 miyembro ng media, ang pinatay nang sumama sa motorcade ng mga kamag-anak at tagasuporta ni dating Buluan, Maguindanao Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu, patungo sa tanggapan ng Commission on Elections upang magsumite ng certificate of candidacy para sa pagka-gobernador. Nakaligtas si Mangudadatu sa krimen dahil wala siya sa convoy, ngunit kasama sa nasawi ang kanyang asawa. Kalaunan ay nahalal siyang gobernador ng lalawigan.

Natutok ang hinala sa angkan ng mga Ampatuan at mga alagad nila at hinawakan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang paglilitis, ngunit umabot na ng 10 taon ay wala pa ring nangyayari. Taon-taon, nagtitirik ng 32 kandila ang mga mamamahayag sa harapan ng opisina ng National Press Club kung saan nakatayo ang shrine ng mga namatay sa Ampatuan-Maguindanao Massacre, upang ipagdasal na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng nasabing karumal-dumal na pangyayari.

Simula pa lamang ay si Andal Ampatuan, Jr na ang itinuturong prime suspect, dahil ito ang kalaban ni Mangundadatu sa 2010 na gubernatorial race sa Maguindanao Province. Natapos ang paglilitis noong July 17, at binigyan ang pamahalaan at ang mga akusado ng hanggang Agosto 15 upang magsumite ng summary of argument.

Bukod kay Andal Jr, akusado rin ang iba pang mga miyembro ng pamilya Ampatuan, kabilang ang kanyang kapatid na dating Autonomous Region sa Muslim Mindanao na gobernador na si Zaldy Ampatuan at ang kanilang ama na si Andal Ampatuan, Sr, na namatay noong 2015.

Siya ang itinuturong mastermind sa nasabing massacre ngunit dahil nga nakamatayan na niya ang kaso, lalo itong nagtagal at halos 70 sa 198 na sangkot dito ay nananatiling malaya.

Ayon kay Atty. Romel Bagares ng Center for International Law, kumakatawan sa ilan sa mga pamilya ng 58 biktima ng massacre, inaasahan niyang magiging positibo at pabor sa mga biktima ang resulta ng kaso.

“Malaki ang paniniwala kong mananagot na ang mga may sala kahit pa inabot ng halos 10 taon ang ating paghihintay,” aniya, “Inaasahan ng a­ming mga kliyente na makamit na nila ang hustisya”.

Maraming pahayag tung­kol sa nasabing kaso sa nagdaang halos 10 taon. Posible raw itong umabot ng 20 hanggang 200 taon. Maging ang dating mambabatas at Presidential Spokesperson na si Harry Roque, Jr, ay nagsabi noong 2013 na sa tantya niya ay aabot sa 16 taon ang pag­lilitis.

Ngunit mismong si QC Judge Jocelyn Solis-Reyes ay nagsabing gusto niyang matapos agad ito para sa ikatatahimik ng kalooban ng lahat. Ginagawa umano niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, upang mapabilis ang takbo ng kaso, nang walang pag-kompromisong mga karapatan ang bawat partido.

Sa pagbabalik-tanaw, dumulog ang pamilya ng 58 biktima ng massacre sa United Nations upang makakuha ng kumpensasyon sa gobyerno.

Matapos ang mahigit 100 pagdinig mula nang magsi­mula ang paglilitis noong 2010, sinabi ng mga pamilya ng mga biktima na nawawalan na sila ng pag-asang mabibigyan pa ng katarungan ang sinapit ng mga mahal nila sa buhay, dahil nang mga panahong iyon, 104 sa mga suspek, kabilang ang walong prime suspects mula sa angkan ng Ampatuan — ay naaresto, ngunit marami pa rin ang nakalalaya.

Tama ang sinabi ni Noemi Parcon na malalampasan ng nasabing kaso ang termino ni Pangulong Aquino, ngunit hindi ito palulusutin ni Pres. Rodrigo Duterte, na kilala sa pagiging man of action.

“Nawalan na halos kami ng pag-asa dahil napakatagal na,” ayon sa 49-anyos na biyuda ng isa sa 32 na pinatay na journalist. “Hindi namin mapipilit ang gobyerno na pabilisin ang kaso kaya maghihintay lamang kami hanggang kaya namin.”

Umapela rin ang ang mga kamag-anak ng mga biktima kay Justice Secretary Leila de Lima na pabilisin ang pag-uusig sa mga akusado bago bumaba si former Pres. Benigno Aquino III noong Hunyo 2016 ngunit walang nangyari hanggang si De Lima mismo ay nakulong na rin.

Sa bisperas ng ika-apat na anibersaryo ng masaker, nag-alay sila ng mga panalangin para sa mga biktima sa isang Misa na ipinagdiriwang ni Fr. Robert Reyes, sa University of the Philippines (UP) College of Law sa Quezon City, kasama ang mga kaanak ng mga biktima.  May Karugtong

Please follow and like us:
Read More