HIGIT 3M DEBOTO BUMAHA SA LUCBAN SHRINE 

LUCBAN SHRINE 

Ni Jun V. Trinidad

(Huling labas) 

TULAD nang mga nakaraang Mahal na Araw, muling dinagsa ng mga deboto at turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang pamosong “Kamay ni Hesus” (KNH) shrine sa Barangay Tinamnan, dalawang kilometro ang layo sa kabayanan.

Ayon kay Fr. Joey Faller, popular na “healing priest” at KNH administrator, batay sa record ng guards at electronic counter sa gate ng shrine, tinatayang umabot ng mahigit tatlong milyon ang naging bisita ng shrine sa buong isang linggo ng Mahal na Araw.

“Grabe ang dagsa ng mga deboto. Isa itong pagpapakita ng matinding pananampa­lataya ng mga Pilipino,” ang paliwanag ni Faller.

Halos ganito rin ang tantiya ng lokal na pulis sa bilang ng mga bisita ng KNH. Ngunit sa kabila ng laksang tao, walang naganap na anomang krimen sa loob at labas ng shrine na tila nagpapamalas na kahit na masasamang elemento ay marunong ding mangilin kapag santong araw.

“Wala maski isang reported crime incident. May isang report na nawalang mobile phone pero naisoli rin sa may-ari,” ang dagdag pang report ni PMaj. Rizaldy Merene, Lucban police chief. sa panayam ng Diaryo Bomba.

Nagpiyesta ang mga gutom na deboto sa mga paboritong pagkain mula sa ba­yang ito sa paanan ng Bundok Bana­haw kagaya ng pansit habhab at longganisa.

Ayon sa nagtitinda ng masarap na pansit sa loob ng KNH, umaabot sa 10 kawa (malaking kawali) kada araw na naglalaman ng 10 kilong pansit sa bawat kawa ang niluto nila sa buong Mahal na Araw.

Umabot naman sa mahigit na 3,000 dosenang longganisa ang naipagbili ni Rimberto Veloso, may-ari ng Eker and Ely’s longganisa sa kaba­yanan, sa buong isang linggo na dumagsa ang mga deboto.

Noong gabi ng Huwebes Santo, parang hukbo ng mga langgam ang mga naglalakad na mga deboto, ang karamihan ay mga kabataan, na lumahok sa taunang Alay Lakad mula sa Lucena City hanggang KNH, 22 kilometro ang distansya.

“Kailangan kong gawin ito kahit na masama pa ang pakiramdam ko dahil sa lagnat. Panata ko ito na dapat kong tuparin,” ang pagtatapat ni Cristy Montoya, isang nursing senior student mula sa Maynila.

“Spiritual hike”

Kasama ni Montoya ang apat niyang kaibigan na aalalay sa kanya sa mahabang paglalakad. Kasunod nila ang kotse ng isa pang kaibigan bilang dagdag na suporta sa kanila.

Sama-samang naglalakad sa magkabilang panig ng highway ang mga Lenten pilgrims mula sa Lucena, Pagbilao, Sariaya at Tayabas City sa lalawigan ng Quezon.

Napag-alaman pa na ma­rami ring pilgrims mula sa mga karatig na bayan ng Majayjay at Luisiana sa lalawigan ng Laguna ang nagsagawa rin ng Alay Lakad patungo sa KNH.

Ang mga motoristang dumadaan ay kailangan ang walang humpay na pagbusina upang maiwasan na makabundol sa mga naglalakad na ang karamihan ay nasa gitna na ng kalye.

Si Faller kasama ang popular na singer na si Angeline Quinto ay magkasamang naglakad mula sa Lucena hanggang Tayabas City, may 12 kilometro ang distansya.

May mga nagdadasal ng rosaryo at kumakanta ng mga religious songs habang naglalakad.

“Isa itong spiritual hike. Pampabawas ng kasalanan,” ang pahayag ni Lester Tomas, senior high student mula sa Lucena.

Ngunit meron din naman na kaya lang sumama sa peni­tensya ay dahil sa barkada.

“Kasama rito ang buong tropa. Bad trip kung maiiwan,” ang paliwanag naman ni Rex Diaz, 17, mula sa Lucena.

Dumating sa KNH shrine ang mga “spiritual hiker” makalampas ang hatinggabi hanggang madaling araw ng Biyernes Santo. Ang mga kabataan na halos ay walang kapaguran ay dumiretso pa ng akyat sa 310 baytang patungo sa 50 piyeng imahe ng “Risen Christ” sa tuktok ng burol.

Batay sa tantiya ni Faller, nasa mahigit na 400,000 ang mga debotong lumahok sa Alay-Lakad.

 

Please follow and like us:
Read More