DAGDAG-PAUTANG NG LANDBANK SA MGA MAGSASAKA NAPAKALIIT PA RIN KAHIT 15% ANG ITINAAS

LANDBANK-4

(Ni Nelson S. Badilla / Huling bahagi)

MUKHANG hindi na matutuloy ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara na nito ang Land Bank of the Philippines (LandBank) kung mananatiling hindi nito ginagampanan ang orihinal na mandato at trabaho ng nasabing bangko.

Ito’y matapos mangako ng pamunuan ng LandBank kay Duterte na bibigyan na nito ng ‘wastong pagpansin’ ang mga magsasaka.

15% umento sa pautang sa mga magsasaka

SA inilabas na balita ng ¬Philippine News Agency (PNA), pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno, nitong Agosto 9, nangako ang pangulo at chief executive officer ng LandBank na si Cecilia Borromeo na itataas sa P265 bilyon ng LandBank ang pautang nito sa mga magsasaka sa taong 2020 mula sa P231.25 bilyong target ngayong 2019.

Katumbas sa 15 porsiyento ang nasabing dagdag-pautang ng LandBank mula sa target para sa taong kasalukuyan.

Idiniin ni Borromeo na isang milyong magsasaka raw ang mapapautang sa ipinangakong napakalaking halaga.

Walang binanggit ang opisyal patungkol sa sektor ng mangingisda.

Sabi pa ng opisyal na patuloy itong tataas hanggang umabot sa P350 bilyon sa 2022.

Sa Hunyo 30, 2002 matatapos ang termino ni Duterte.

Tantiya ng pamunuan ng LandBank na 3 milyong magsasaka ang makikinabang sa P350 bilyong pautang.

Tumiklop ang LandBank kay Duterte

MISTULANG tumiklop ang LandBank sa babala ni Pangulong Duterte nang maglabas ito ng malinaw na planong bibigyan na ng wastong pagpansin ang mga magsasaka.

Sa ginawa ng pangulo na hayagang tumbukin nang partikular sa kanyang talumpati sa harapan ng 24 senador, 305 kongresista, tatlong dating pangulo ng Pilipinas, kasapi ng gabinete ni Duterte at mga opisyal ng mga embahada ng iba’t ibang bansa noong Hulyo 22 ang kapalpakan ng LandBank, walang nagawa ang pamunuan nito kundi agarang kumilos at baguhin ang kanilang plano sa mga magsasaka.

Narinig din mismo ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang babala ni Duterte.

Si Dominguez ay isa sa mga opisyal ng LandBank bilang chairman of the board.

Matatandaang idiin sa pitong-serye ng espesyal na ulat na ito na mayroon nang tatlong taong nananawagan si Duterte sa pamunuan ng LandBank na asikasuhin ang pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda.

Ngunit, lumitaw sa pagsasaliksik ng manunulat na ito na simula rin noong 2016 binalewala ng pamunuan ng LandBank si Duterte.

Sa pagtiklop ng liderato ng LandBank, dadagdagan na rin ng bankong ito sa susunod na taon ang lending centers nito sa 50 mula sa kasalukuyang 44, banggit ni Borromeo.

Partikular na itatayo ang nasabing anim na himpilan ng pagpapautang ng LandBank sa Lanao del Norte, lalawigan ng Quirino at Antique.

Sa ganitong hakbang, hindi na mahihirapan ang mga magsasaka sa tatlong lalawigan sa pagpoproseso ng kanilang uutangin sa LandBank.

Sumusunod sa Agra-agri Law na 25% lang ang ¬ipautang sa agrikultura?

TINIYAK ni Borromeo na sumusunod ang LandBank sa Agra-agri Law sa ginagawa nitong pagpapautang sa sektor ng agrikultura.

Idiniin ni Borromeo na nasa 27 porsyento ang pautang ng LandBank sa sektor ng agrikultura mula sa kabuuang pautang nito.

Katumbas ng P222 bilyon ang 27 porsiyento.

Sa eksakto, lampas ng dalawang porsiyento ang pautang ng LandBank sa agrikultura, sapagkat ang nakasaad sa Agra-agri law ay hanggang 10% ang pautang sa aspeto ng “repormang agraryo” at 15% naman sa agrikultura.

“We will, at the very least, maintain that share (27%) in the agriculture sector.

It can be more depending on the economy,” wika ni Borromeo.

Kung isasama ang P1 ¬bilyong nakalaang pautang sa mga magsasaka alinsunod sa itinakda ng Republic Act no. 11203 o Rice Tarrification Law (RTL) sa umentong 15 porsiyentong ipinangako ng pamunuan ng LandBank kay Pangulong ¬Duterte, lilitaw na maliit pa rin ang sinasabing wastong pagpansin ng LandBank sa mga magsasaka at mangingisda, sapagkat higit pang malinaw sa normal na sikat ng araw na wala sa kalahating porsiyento ang kabuuang pautang ng naturang bangko sa mga magsasaka at mangingisda.

Please follow and like us:
Read More

LANDBANK NAWALA SA EKSENA SA P10 B PONDO SA RICE TARRIFICATION LAW

LANDBANK-FARMERS2

 (Ni Nelson S. Badilla / Ikaanim na bahagi)

Tulong sa magsasaka, nasaan na?

GANAP nang batas ang Republic Act No. 11203 o ang Rice Tarrification Law (RTL) ilang buwan na ang nakalipas.

Ang RTL ay sinasabing magwawakas sa suliranin ng bansa hinggil sa mataas na presyo ng bigas at kakapusan ng bigas na mabibili sa palengke, sapagkat tinanggal na nito ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Kaakibat na layunin ng R.A. 11203 ang pagkakaroon ng P10 bilyong pondo taun-taon na tulong pinansiyal sa mga magsasaka upang lumaki ang kanilang produksyon.

P1 bilyon lang pautang sa magsasaka

NOONG Disyembre ng nakalipas na taon, inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kalahati ng P10 bilyong pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para ngayong taon.

Ang RCEF ay itinatag ng R.A. 11203 upang pangasiwaan ang P10 bilyong nakalaan sa mga magsasaka.

Tinukoy ni Senadora Cynthia Villar na sa P5 bilyong inilabas ng DBM, dapat P1 bilyon dito ang napunta sa Land Bank of the Philippines (LandBank) na nakatakdang ipautang sa mga magsasaka na napakababa lamang ang interes.

Ang P1 bilyon na pangtustos sa pagsasanay ng mga magsasaka at bayad sa mga magsasanay sa kanila.

Ang layunin ng pagsasanay ay upang higit pang maging prodaktibo ang mga magsasaka.

Maliban diyan, mayroon pang P3 bilyon sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa mismong “training” ng mga magsasaka, banggit ni Villar.

Ang natitirang P5 bilyon ay nakalaan sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na siyang bibili ng mga makinaryang pang-agrikultura.

May kontrobersya agad sa P5 bilyon

ISANG malaking palaisipan ngayon kung saan napunta ang P5 bilyong inilabas ng DBM noong Disyembre.

Kaya, naghain ng resolusyon si Villar upang matukoy ng Senate Committee on Agriculture and Food kung paanong ipinamahagi o kung saan napunta ang P 5 bilyon.

Sabi ng mambabatas sa media: “I have to exercise my oversight function to make sure they follow the law. Kasi this is very important, this is the competitiveness of our farmers.”

“We have liberalized the importation of rice so we have to make our farmers as competitive as soon as possible,” patuloy niya.

Nagsumite rin si Senador Francis Pangilinan ng resolusyon upang imbestigahan ng Committee on Agriculture and Food kaugnay sa epekto ng liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas sa kita ng mga magsasaka.

Limang buwang batas pa lamang ang R.A. 11203, ngunit gusto nang malaman ni Pangilinan kung matutulungan nga nitong iangat ang buhay ng mga magsasaka, sapagkat nakarating sa kaalaman ng senador na bumababa ang kita ng mga magsasaka sa kasalukuyang panahon.

Aniya, “Farmers tell us that their earnings dropped further with the implementation of the law. ‘Rice tariffication is killing us’ said one farmer from Nueva Ecija who approached us.”

“The impact of the law on our farmers is swift and brutal but the implementation of the provisions aimed at easing this severe effect is slow if non-existent. Where is the help from the P10-billion RCEF?,” ratsada pa ng mambabatas.

“Who benefited from this policy? It looks like we’ve suffered a double whammy,” tugon ni Pangilinan.

Ayon sa grupong Bantay-Bigas, hindi umaabot sa P20 kada kilo ng presyo ng palay na binibili ng mga negosyante sa mga magsasaka.

Nangangamba ang Bantay-Bigas na posible pa itong bumaba nang husto sa mga susunod na buwan dulot ng pagdagsa ng bigas mula sa ibang bansa.

Sa pag-ikot ng manunulat na ito, nakitang hindi bumaba sa P30 bawat kilo ng bigas, sapagkat pumapalo ito ng P40 hanggang mahigit P50 bawat kilo.

Subalit, P1 bilyon lang ang perang ipapautang sa mga magsasaka mula sa P10 bilyong RCEF.

Please follow and like us:
Read More

LANDBANK NAGPAUTANG SA CREDIT FIRM NI RJ JACINTO

RJ JACINTO-4

(NI NELSON S. BADILLA / IKAAPAT NA BAHAGI)

ISA sa mga pinautang ng Land Bank of the Phi­lippines (LandBank) ay ang opisyal ng pamahalaan at negosyanteng si Ramon “RJ” Jacinto.

Si Jacinto ay presidential adviser mula Marso 22, 1995 hanggang Marso 1, 1998, panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Batay sa rekord ng Sup­reme Court (SC) at Department of Justice (DOJ), umabot sa P464 milyon ang utang ni Jacinto sa ngalan ng First Women’s Credit Corporation (FWCC).

Sinaliksik ng Diaryo Bomba  ang nasabing utang ni Jacinto upang malaman ng publiko ang mga kaganapang itinakbo sa P464 milyon mula noong 1997.

Tsekeng inisyu sa LandBank

Batay sa rekord ng SC, naglabas ng siyam na tseke si Jacinto sa LandBank o LBP noong 1998 na umabot sa P464 milyon ang kabuuang halaga.

Walo rito ay inilabas ni Jacinto mula Hunyo 8 hanggang Oktubre 8, 1998, matapos magmature ng “Restructuring Agreement” sa pagitan ni Jacinto at LandBank.

Inisyu ni Jacinto ang nasabing mga tseke bilang pangulo ng FWCC kung saan ang nasabing organisasyon ay nagkaroon ng P400 milyong utang sa LandBank, ayon sa credit line agreement ng FWCC at LandBank na mayroong petsang Agosto 22,1997.

Nang ipapalit na ng LandBank ang siyam na tseke sa Philippine National Bank (PNB) makaraang magmature ang P400 milyon na utang, binalewala ito ng bangko dulot ng istatus na “payment stopped” o “drawn against insufficient funds.”

Sa ibang salita, tumalbog ang mga tseke.

Estafa case versus RJ Jacinto

Sa pagtalbog ng mga tseke, naghain ng kasong paglabag  sa Batas Pambansa 22 o Bouncing Checks Law ang LandBank laban kay Jacinto sa piskalya ng Lungsod ng Makati.

Hinarap ni Jacinto ang kaso na nauwi sa kanyang panalo sa piskalya.

Sa kanyang counter-affidavit, iginiit ni Jacinto na walang batayan ang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya ng LandBank, sapagkat ang kanyang pananagutan sa P400 milyon na  inutang sa LandBank ay naglaho bunga ng “Restructuring Agreement” sa pagitan ng FWCC at ng LandBank na pumalit sa lumang kasunduan ng dalawang partido.

Kinatigan ng piskalya ng Makati ang depensa ni Jacinto sa kaugnay sa kasong isinampa sa kanya ng LandBank.

Ibinasura ng piskalya ang kasong isinampa ng LandBank kay Jacinto, sapagkat nakumbinsi ang piskalya na napalitan ang lumang kasunduan sa pagitan FWCC at LandBank ng Restructuring Agreement ng dalawa.

Binago ng Department of Justice (DOJ) ang desisyon ng piskalya, sapagkat kumbinsidung-kumbinsido ang kagawaran na lumabag sa BP 22 si Jacinto.

Naniniwala ang DOJ na malakas, matibay at sapat ang mga katibayan upang iakyat sa korte ang kasong kriminal laban kay Jacinto, ayon sa desisyon nito noong Oktubre 25, 2000.

Inakyat ni Jacinto ang kaso sa Court of Appeals (CA) kung saan ibinasura nito ang desisyon ng DOJ.

Sa desisyon nito noong Agosto 6,2002, iginiit ng CA na hindi lumabag sa BP 22 si Jacinto.

Kaya, hindi dapat umusad ang kaso laban kay Jacinto.

Nagtungo sa SC ang DOJ kung saan hiniling nitong pag-aralan at baguhin ang pasya ng CA laban sa DOJ hinggil sa nasabing kasong kriminal ni Jacinto.

Please follow and like us:
Read More

LANDBANK NAGPALIWANAG

LANDBANK-3

Sa tirada ni PRRD, maliit na pautang inilahad

(Ni Nelson S. Badilla / Ikalawang labas)

NITONG SONA, hindi lang kinastigo ni Duterte ang pamunuan ng LandBank, kundi bina­laan pa niya ito.

Birada ni Duterte sa pamunuan ng Land Bank, “What the heck is happening to you? You are supposed to finance agricultural enterprises and endeavors. Bakit wala? Bakit – why can’t you just buy a few wagons or whatever? Go to the countryside and ask the people if there are cooperatives, tulungan ninyo to form one.”

“‘Pag wala, eh tingnan ninyo na maibigay ninyo for replanting of the coconut – to revive the coconut industry. Pahiramin ninyo ng pera plus the money — ‘nung sabi ko – of the coconut levy. That is sacred money.”

Inulit uli ng pangulo ang banggit niya sa LandBank noong 2016 at 2017.

“Land Bank should go back to land. Why are you mired in so many commercial transactions? Bumalik kayo where you were created for and that is to help the farmers. Ilang administration na wala? You better decide on that, I will give you until the end of July to give me a plan or else I will ask Congress to reconfigure you what-not. Wala eh, wala kayong…,” ayon pa sa pangulo.

“I’m asking now Congress, ‘pag wala sila – if there is no viable plan for that for the farmers and it is just all commercial transactions, might as well abolish it and give the money to the congressmen for their development funds. O, mas makatulong pa. Diretso eh. Ayaw ninyo? O, ayaw daw nila, Sir Frank. Huwag mo na lang galawin,” mahigpit na babala ni Duterte.

Nagbanta si Presidente Duterte na kapag walang aksyon ang pamunuan ng LandBank hanggang sa Hulyo 31, nasa Kongreso na ang bola upang magpasa ng panukalang batas na magbabago sa oryentasyon at katangian ng LandBank.

Sagot sa tirada

Kinabukasan, kaagad nagpaliwanag sa media ang mga pinuno ng Land Bank of the Philippines (LandBank) kung saan sinalungat nila ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa nasabing bangko nitong ikaapat na state-of-the-nation-address (SONA).

Ipinakita ng mga namumuno ng LandBank ang kanilang datos na nagsasabing kahit malakas na commercial bank ang LandBank, hindi nito nakaligtaan ang orihinal nitong layunin, gawain, tungkulin at obligasyon sa magsasaka at mangingisda.

Cecilia BorromeoKung tutuusin, hindi obligadong maglabas ng impormasyon ang pamunuan ng LandBank sa publiko na siyang ginagawa nila sa nakalipas na mga panahon dahil ang rason nila ay protektado ang LandBank ng Bank Secrecy Law.

Ngunit, syempre, na­obliga sina Finance Secretary Carlos Dominguez III (tagapangulo ng LandBank) at Cecilia Borromeo (pangulo at chief executive ng LandBank) na isapubliko ang pautang ng LandBank sa mga magsasaka, mangingisda, negosyante at iba pa bunsod ng birada ni Duterte sa naturang bangko.

5.27% naipautang ng LandBank sa sektor ng  magsasaka

Finance Secretary Carlos Dominguez-4Kahit anong ganda ng termino o pormulasyon ng paliwanag nina Dominguez at Borromeo sa publiko upang palabasing maling impormasyon ang nakarating kay Duterte hinggil sa LandBank,  hindi maipagkakailang pumalpak ang nasabing bangko sa trabaho, tungkulin at obligasyon nito sa mga pangunahing karakter sa agrikultura.

Ayon sa datos ng LandBank na inilabas ni Borromeo sa media isang araw matapos ang talumpati ni Duterte sa Ika-18 Kongreso, umabot lamang sa kabuuang P42.17 bilyon mula sa P799.64 bil­yong kabuuang ipinautang ng LandBank sa mga magsasaka at benipesaryo ng repormang agraryo (Comprehensive Agrarian Reform Program) hanggang nitong Hunyo ng taong kasalukuyan.

Ang P42.17 bilyon ay 5.27% lamang ang katumbas nito mula sa P799.64 bilyong ipinautang ng LandBank sa iba’t ibang sektor.

Napakalinaw na maliit lang ang pautang ng LandBank sa mga magsasaka.

Pautang ang P42.17 bil­yon na obligadong bayaran ng mga magsasaka alinsunod sa itinakdang kondisyon ng LandBank.

0.02% tulong sa sektor ng mangingisda

Ipinakita rin ni Borromeo sa media ang pautang ng LandBank sa sektor ng ma­ngingisda hanggang nitong Hunyo na umabot lang sa P140 milyon.

Ito ay 0.02 porsyento ng kabuuang pautang na P799.64 bilyon ng LandBank, banggit ng talaan ng LandBank.

Batay sa parehong talaan, kung pagsasamahin ang dalawang sektor ay tumaas sa 19 porsyento o P172 bilyon ang naipautang na sa mga magsasaka at mangingisda mula pa noon.

Kasama na d’yan ang P13 bilyon na naipautang ng LandBank sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan na umabot sa 128,496 magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang na­ki­nabang, nakasaad sa talaan ng LandBank.

Mula sa inilabas at ipinagmalaking katibayan ng LandBank, kumbinsido sina Dominguez at Borromeo na hindi binalewala ng bangkong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan ang mga batayan ng pagkakatatag ng LandBank.

Ayon kay Borromeo, ito rin ang kanilang ulat kay Duterte kapag humarap sila sa pangulo at ilatag ang plano ng LandBank sa mga magsasaka, mangingisda at mga kaakibat na sektor.

Please follow and like us:
Read More

LANDBANK, 3-TAONG BINALEWALA SI DUTERTE

LANDBANK-FARMERS

(Ni Nelson S. Badilla / Unang bahagi)

ILANG ulit na nagpalakpakan ang mga mambabatas at ang mga nagsipagdalo sa ikaapat na State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 22.

At isa sa pinalakpakan nila ay ang panawagan ni Duterte na buwagin na ang Land Bank of the Philippines (LandBank) kapag patuloy nitong hindi bibigyan ng kaukulang pansin ang sektor ng agrikultura.

Banat ng pangulo, hindi panay “commercial transactions” ang intindihin ng LandBank.

LANDBANK DAPAT PAUTANGIN ANG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA

Sinasaliksik ng special report writer na ito upang malaman kung nitong ika-4 na SONA lang tinawagan ng pansin ni Duterte ang LandBank hinggil sa orihinal na trabaho nito.

Nadiskubre ng inyong lingkod na makalipas na manumpang pangulo ni Duterte noong Hunyo 30, 2016, hiniling nito sa pamunuan ng LandBank na bigyan ng kaukulang pansin ang mga magsasaka at mangingisda.

Idiniin ng pangulo na napakahalaga sa mga magsasaka at mangingisda na makautang sa LandBank upang gumanda ang produksyon sa pagtatanim at pagsasaka ng mga naturang pangkaraniwang tao.

Ang pag-angat ng produksyon ng mga magsasaka at mangingisda ay magpapalakas sa sektor ng agrikultura ng bansa, paliwag noon ni Duterte.

‘WALANG AKSYON ANG LANDBANK’ – DUTERTE

Naging paksa na naman ni Duterte noong Setyembre, 2018 ang kapalpakan ng LandBank sa gawain, tungkulin at obligasyon nito sa mga magsasaka at mangingisda.

Matapos magtungo sa Rehiyong Ilocos upang alamin nang eksakto ang perwisyong inihambalos ng bagyong Ompong, sabi ni Duterte sa naturang bangko “’Yung LandBank, malaki na masyado, mayaman na and yet several times, I’ve been urging [the LandBank officials] to go back to the farmers. ‘Yung mobile na bangko doon sila magpahiram.”

Nadismaya ang pangulo, sapagkat ayon sa kanya ay “until now it has not been done. Three years hence, matatapos na ako sa third year ko, [wala pa ring resulta sa ipinapagawa ko sa LandBank].”

Sabi pa niya na dapat ang Land Bank “have to reprogram, they have to reconfigure their banking system.”

HINDI MALAPITAN NG MAGSASAKA ANG LANDBANK

Matapos manira ang bagyong Ompong ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Rehiyong Ilocos, ayon sa tagapagsalita ng pangulo,  pinagsabihan ni Duterte ang mga opisyal ng LandBank sa pangunguna ng pangulo nito na si Alex Buenaventura ng ganito: “hindi malapitan ng mga magsasaka ang LandBank.”

Ang sabi noon ni Sec. Harry Roque, “Ang gusto kasi niya (Duterte), iyong LandBank bumalik sa kanilang mandato na tulungan iyong mga maliliit na magsasaka. Hindi naman kasi pupuwede na ang isang bangko na binuo ng gobyerno para tulungan ang magsasaka, hindi na malapitan ng magsasaka dahil napakadaming requirements na hindi pupuwedeng ma-comply ng maliliit na magsasaka.”

Idiniin ni Roque na dapat tulungan ng LandBank ang mga magsasaka at maging ang mga mangingisda na makumpleto ang mga dokumentong kailangan upang makautang sila sa nabanggit na bangkong pag-aari ng pamahalaan.

Please follow and like us:
Read More