NABONG, ITINAPON NG BEERMEN

Kelly Nabong

TULUYAN nang pinagsarhan ng pinto ng San Miguel Beer ang big man na si Kelly Nabong makaraang i-trade ito sa NorthPort.

Bilang kapalit ay makukuha ng Beemen ang young forward na si Russel Escoto mula sa Batang Pier.

Napunta sa San Miguel ang 6-foot-6 na si Nabong noong Hunyo 2018 at natulungan ang koponan na makuha ang 2019 All-Filipino at Commissioner’s Cup titles.

Ngunit biglang nagbago ang ihip ng hangin nang siya, kasama sina Arwind Santos at Ronald Tubid ay napatawan ng indefinite suspension ng SMB  noong Nobyembre makaraang madawit sa gulo na kinasangkutan din ng import na si Dez Wells.

Dahil dito, tuluyang lumayas si Wells at kasunod nito ay naglaho ang inaasam na grandslam ng Beermen.

Ito ang pangatlong beses na maglalaro si Nabong, may average na 4.1 points at 3.3 rebounds sa 10 games sa PBA Governors’ Cup, para sa Batang Pier.

Una siyang naglaro para sa GlobalPort Batang Pier noong 2013–2015, bago siya napunta sa Meralco Bolts noong 2015-2017. Taong 2017–2018 ay balik-Batang Pier siya at 2018–2020 nang na-trade siya sa San Miguel Beer.

Samantala, si Escoto ay may average 3.7 points na may 47-percent shooting three-point shooting at 2.4 rebounds sa short stint niya sa Batang Pier sa Governors’ Cup. Siya ay bilas ni Beermen Arwind Santos.  EBG

Please follow and like us:
Read More