KARNAPER NADAKMA SA FOLLOW-UP OPS

NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o mas kilala sa tawag na New Anti-Carnapping Act of 2016, ang isang 26-anyos na umano’y karnaper matapos mahuli habang lulan ng ninakaw na motorsiklo sa Tondo, Manila, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRt), ang suspek na si Angelo Alano y Legaspi, may asawa, tambay, residente ng 480 Corquera St., Tondo, sakop ng Brgy. 82.

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-7:15 ng gabi noong Enero 21 nang matimbog si Alano sa panulukan ng Lacson St. at Pacheco St. sa Tondo.

Nauna rito, nitong nakaraang Enero 19, dakong alas-4:00 hanggang 5:00 ng madaling araw nang tutukan ng baril ng suspek ang biktimang si Daren Bandelaria, 32, cook ng Shangrila Plaza, habang lulan ng isang Yamaha Mio Soul 125 na walang plaka, na pag-aari ng isang Kristopher Parone, 39, technician ng KFC.

Dahil dito, agad nag-report ang dalawa sa tanggapan ng MPD-SMaRT at sa pangunguna nina P/Major CIicero Pura at P/Capt. Edward Samonte at ilang mga tauhan ng MPD PS-1, ay  natimbog si Alano sa nasabing lugar. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:
Read More