1 PANG INVESTMENT FIRM SINALAKAY NG PNP

cebu mandaue12

(NI JESSE KABEL)

MATAPOS salakayin ng Philippine National Police ang tanggapan ng  Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc.,  isinunod ng mga tauhan ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 7 ang tanggapan ng isa pang investment company sa Cebu.

Martes ng umaga, isang araw matapos na madiskubre ang pagsasara ng tanggapan ng Organico Agribusiness Ventures Corporation sa A.C. Cortes Avenue sa Mandaue City ay isinagawa ng mga pulis ang raid.

Nabatid na nagsimulang dumagsa sa naturang tanggapan ang mga investor ng Organico matapos malamang isinara ito nang walang pasabi sa kanilang mga miyembro/investors.

Tanging ang karatulang ‘closed for renovation’ ang sumalubong sa mga tao na ngayon ay kinakaban at posibleng biktima na rin sila ng isang investment scam.

Nagreklamo ang mga investor dahil walang makapagbigay sa kanila ng paliwanag kung bakit isinara ang tanggapan.

Hanggang kahapon ay patuoy na dumarating sa Organico ang mga investor nito na umaasang makakokolekta ng kanilang payout.

Magugunitang ipinahuhuli na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga taong nasa likod ng KAPA investment na sinasabing nasa likod ng P50 billion investment scam na tinuturing na pinakamalaking organized fraud syndicate sa Pilipinas ngayon.

Please follow and like us:
Read More

IPINASASARANG KAPA OFFICE, NINAKAWAN, SINUNOG

kapa12

(NI JESSE KABEL)

SINALAKAY ng mga magnanakaw at sinunog pa ang tanggapan ng KAPA Community Ministry Foundation, isang religious organization na sinasabing sangkot  sa investment scam  sa bayan ng Compostela sa Cebu, Sabado ng madaling araw.

Naganap ang sunog ilang araw matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang Surigao del Sur-based religious corporation at isara kapag napatunayan na sangkot sa investment scam.

Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 10, may mga pagkilos na silang gagawin kaugnay sa kautusan ni Duterte na isara na operasyon ng KAPA Community Ministry International Inc. o Kabus Padatoon ni Pastor Joel Apolinario.

Ayon sa Compostela Police station desk, may 21 empleyado na nasa loob ng KAPA office nang pasukin at pagnakawan ng may 10 armadong suspek.

Bukod sa pagkuha sa vault ng KAPA na may lamang hindi pa tukoy na halaga ng pera, kinuha rin ng mga suspek ang mga cellphone, cash at laptop ng mga empleyado.

Ayon sa imbestigasyon, pwersahang binuksan ng mga armadong lalaki ang pintuan ng KAPA.

Matapos pagnakawan ang mga empleyado ay tumakas ang mga suspek ngunit sinunog din ang tanggapan ng KAPA na nasa 400 metro lamang ang layo  sa Compostela police station.

 

Please follow and like us:
Read More

MGA PULIS SA INVESTMENT SCAM SA REGION 7, SISIBAKIN

central visayas12

(NI NICK ECHEVARRIA)

SISIBAKIN sa puwesto at kasamang kukumpiskahin ang service firearms ng sinumang pulis na mapatutunayang naglagak ng investment sa Kapa-Community Ministry International Inc., isang independent religious corporation.

Ito ang mahigpit na babala ni P/BGen. Dobold Sinas, Director ng Police regional Office (PRO) 7.

Ginawa ni Sinas ang babala makaraang mabatid ang mabilis na pagdami ng mga recruits na nag-invest sa ‘Kapa’ na umabot na sa 10,000 sa loob lamang ng tatlong linggong operasyon nito sa Cebu.

Pangunahing target umano ng ‘Kapa’ na ma-recruit ang mga police, mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP),  Bureau of Fire Protection (BFP) sa Region 7 at mga guro, kung saan ang iba umano sa mga ito ay nakapaglagak na umano ng investment.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), nangongolekta umano ang ‘Kapa’ ng investments mula sa publiko na itinatago bilang donasyon kasunod ang pangako na bibigyan sila ng 30%  na tubo ng kanilang investment sa bawat buwan.

Paliwanag ni Sinas ang mga nakokolektang pera mula sa mga recruits ng ‘Kapa’ sa Central Visayas ay ginagamit namang pambayad sa mga kliyente nito sa Mindanao.

Sinabi pa ni Sinas na itinuturing na pinaka-agresibong pyramiding schemes ang ‘Kapa’ at may malawak na operasyon sa Mindanao.

Naniniwala ang opisyal na sakaling makapagtayo ng tanggapan sa Region 7, dadalhin ng ‘Kapa’ ang kanilang magiging koleksyon sa Mindanao para ipambayad naman sa mga nabiktima  nila doon.

Nitong nakalipas na June 1, dinisarmahan ng mga tauhan ng Civil Security Unit ang dalawang guwardiya ng ‘Kapa’ sa kanilang opisina sa Sitio Hika, Poblacion, Compostela Valley, Cebu makaraang matuklasan na walang lisensiya ang mga service firearms  ng mga ito na isang shotgun at 9mm pistol.

Noong April 3 naman nang ipawalang-bisa ng SEC ang Certificate of Corporate Registration ng Kapa-Community Ministry International Inc, dahil ang pangongolekta nito ng investment mula sa kanilang mga miyembro na itinatago bilang donasyon ay walang kaugnayan sa kanilang pakay bilang religious organization at isa umanong malaking panloloko.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Sinas sa SEC kaugnay sa ipinalabas na cease and desist order nito laban sa ‘Kapa’ para magsagawa ng raid at hindi na makapang-biktima pa ang naturang establisimyento.

Please follow and like us:
Read More