CRACKDOWN SA MGA KALIWANG GRUPO WALANG KATOTOHANAN!

AKTIBISTA-2

(Ni NELSON S. BADILLA / Ikaapat at huling bahagi)

MALIBAN sa paratang na “gestapo-like,” inakusahan din ng mga aktibistang kabilang sa kaliwa na may crackdown ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa kanilang hanay.

Ang tinutukoy  ng PeryodikoFilipino writer na ito na mga aktibistang bahagi ng kaliwa ay ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Gabriela, Bayan Muna,  Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at iba pang mga kasamahan nila.

May iba pang bahagi ng kaliwa tulad ng Partido ng Manggagawa (PM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas at iba pa.

Ayon sa mga pinuno ng mga organisasyong ito, wala namang hinuhuli ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay.

Iwinasiwas ng kaliwa na ang naganap na operasyon ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP sa Bacolod City noong Oktubre 31 at Maynila noong Nobyembre 5 ay bahagi ng crackdown ng administrasyong Duterte laban sa kanilang hanay.

Ang crackdown ay sagot daw sa pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na armadong pakikibaka ng pambansa demokratikong puwersa.

Idinikit ng puwersa ng mga kaliwang aktibista na bahagi ng pambansa demokratikong puwersa ang binabanggit na crackdown makaraang biglang iatras ni Duterte ang usapang pangkapayapaan ng kanyang administrasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang Communist Party of the Philippines (CPP) ang namumuno sa NDFP.

Ang CPP rin ang namumuno sa pambansa demokratikong pakikibaka simula noong Disyembre 1968.

Kapag sinabing crackdown, ibig sabihin “sinisira” o “winawasak” ang isang organisasyon o kilusan.

Ang salitang ito ay aktibo na nangangahulugang patuloy na nagaganap.

Kaya, hindi tumitigil sa iisang teritoryo ang pagsira o pagwasak sa organisasyong itinuturing na kaaway ng pamahalaan.

Ayon sa AFP at PNP, walang isinasagawang crackdown ang estado laban sa kanilang puwersa.

Ang naganap na panghuhuli sa mga kasapi ng KMU, Gabriela, Bayan Muna at iba ay batay sa impormasyong may itinatago silang mga armas at bala sa tanggapan ng nasabing mga organisasyon.

Labag sa Penal Code of the Philippines ang paghawak at pagtatago ng mga baril at bala nang walang kaukulang papeles.

Tiniyak din ng AFP at PNP na walang ipinag-uutos ang kanilang Commander-in-Chief na si Pangulong Rodrigo Duterte na sirain at wasakin ang mga organisasyong nakaugnay sa CPP.

Kahit walang pahayag ng pagtanggi ang AFP at PNP, napakalabong ikahon o isalawarang mayroong naganap na crackdown laban sa mga organisasyong matagal nang iniuugnay sa CPP, sapagkat napakaunting bilang lamang ng mga kaliwang organisasyon ang dinakip at ikinulong ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP.

At ang operasyong ito ay hindi ilegal o labag sa batas, sapagkat mayroong search warrants ang mga awtoridad.

Ang search warrants na tiniyak ni Punong Mahistrado Diosdado Peralta na legal at nakabatay sa resolusyon ng Korte Suprema ay galing sa Quezon City Regional Trial Court.

Ang operasyon ay idinaan sa sistemang legal.

Wala kinidnap o pinapatay ang AFP at PNP kahit isa sa kanila.

Kaya, ang punto ng AFP, PNP at Korte Suprema nang pumutok sa media ang operasyon sa Bacolod City at Maynila ay dapat daanin din sa legal na proseso ng mga kaliwang aktibista ang naganap na dalawang operasyon.

Ang pagpapalaki sa media ng operasyon ng AFP at PNP sa kahit kaninong kaliwang aktibista, sa pamamagitan ng pagbabanggit ng mga salitang hindi naman naganap, ay hindi nakakatulong sa kaliwa o sa hanay ng CPP.

Sa halip, lalong inilalayo ng mga kaliwang aktibista ang kanilang sarili mula sa mamamayang Filipino.

At ibinabaon ang kanilang mga sarili sa gilid ng bangin ng kasaysayan hanggang sa kalaunan ay malaglag nang kusa, sapagkat isinuka sila ng mamamayang Filipino.

Please follow and like us:
Read More