KAABANG-ABANG ANG ANUNSYO NI DIGONG

KAAA BOOM

NALALAPIT na ang pag-aanunsyo ni Pangulong Rodrigo ‘Roa’ Duterte kung sino ang pipiliin nito na maging pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Nakarating sa ating impormasyon na sa araw na ito (Nobyembre 8), kasabay ng kaarawan ni dating Chief PNP Oscar Albayalde itataon ng ­aking lolo Digong kung sino ang pipiliin nito na maging hepe ng PNP.

Teka sino-sino nga ba ang kandidato sa ­pagiging PNP chief? Sa aking pagkakaalam tatlo ang inirekomenda ni Department of Interior and Local ­Government (DILG) ­Secretary Eduardo Año kay Pangulong Digong, ito ay sina Acting Chief Lt. ­General Archie Gamboa, Lt. General Camilo Cascolan at Major General Guillermo Lorenzo Eleazar na dating NCRPO Director at ngayon ay TCDS na o ikaapat na pinakamataas na opisyal ng kapulisan.

Sa mga nabanggit ko, alam na kung sino ang mas kilala ng publiko – ito ay walang iba kundi si ­Eleazar. Bakit ko ito nasabi?

Nakita ng madlang pipol ang kasipagan ni Eleazar mula nang pamunuan nito ang Quezon City Police District (QCPD) kung saan unang ginawa nito ay nilisin ang kanilang hanay sanhi upang ipatapon nito sa Mindanao ang daan-daan iskalawag na pulis o yung mga nadadawit sa ilegal na droga.

Dahil sa pinakitang kahusayan ni Eleazar sa QCPD, ilang buwan lamang ang lumipas ay nabingwit agad nito ang kanyang estrelya at doon naging ganap na siyang heneral.

Kaliwa’t-kanan ang ginawang operasyon ni Eleazar sa Quezon City laban sa illegal drugs kung saan kilo-kilong shabu ang narekober nito habang bumaba rin ang crime rate sa nasabing lungsod.

Hindi lamang sa Quezon City nagpakita ng husay si Eleazar kundi pati sa Region IVA na mahigit isang buwan din niyang pinamunuan bago naupo bilang NCRPO director.

Dito naging laman palagi ng mga balita si Eleazar dahil sa mga matagumpay na operasyon ng kanyang mga tauhan kaya naman kinilala ang NCRPO bilang Best Region ng PNP.

Dahil dito, hindi na ako magtataka kung bakit People’s Choice ng publiko si Eleazar, may ‘K’ kasi ang heneral, K as in may kakayahan na linisin ang buong PNP sakaling pakinggan ng lolo Digong ko ang pulso ng madlang pipol. KAAAA….BOOM! (Kaaa… Boom!! / Joel Gorospe)

Please follow and like us:
Read More

KAYA BANG LINISIN NI OIC GENERAL GAMBOA ANG PNP?

KAAA BOOM

MUKHANG hindi kayang linisin ni P/Lt. General Archie Gamboa, nakaupong Officer in Charge (OIC) ng Phi­lippine National Police (PNP), ang kanilang hanay. Bakit?

Nang maupo si Gamboa nitong October 14, binantayan na siyempre ng publiko ang magiging galaw at desisyon niya pero base sa obserbasyon ng ilan, patuloy ang pangi­ngibabaw ng ‘bata-bata’ system.

Kesehadang binol­dyak pa sila ng aking Lolo Digong, nagmistulang “tengang kawali” si Gamboa kaya nang ipatupad nito ang major revamp, ang mga ‘mistah’ pa rin daw ni dating PNP Chief Oscar Albayalde at Senator Bato Dela Rosa o class PMA 1986 ang “nabiyayaan” at kung hindi man, ay ang grupo ng mga opisyal na mga miyembro ng tinatawag na ‘Davao Group’ sa loob ng PNP.

Isang malaking palaisipan din sa publiko ang tila “pagsambot” o pagsalo ni Gamboa sa isang ‘ninja cop’ at ang “pagdiin” naman niya kay Albayalde! Ano’ng nangyari?

Ang tinutukoy natin dito ay ang hindi pagsibak sa serbisyo kay P/Lt. Joven de Guzman Jr., na pinatawan na lang ng 59-day suspension habang ina­prubahan naman ang pagsasampa ng kasong korapsyon at pagsangkot sa ilegal na droga ng CIDG laban kay Albayalde hinggil sa isyu ng ‘13 ninja cops’ na pawang mga tauhan ni Albayalde noong siya pa ang “PD” (provincial director) ng Pampanga Provincial Police Office (PPPO) noong 2013.

Isa si De Guzman sa 13 na tinaguriang ninja cops na sa halip maalis sa serbisyo ay nilipat lang sa Rizal PPO kasama ang tatlo pang sangkot sa kontrobersya.

Ang Rizal PPO ay nasa ilalim ng kaklase ni Albayalde na si P/BGen. Edward Carranza, bilang “RD” (regional director) ng Calabarzon PNP.

Nakarating sa aking kaalaman na nitong buwan ng Mayo sa Antipolo City, muling sumabit sa eskandalo ang grupo nitong si De Guzman kung saan mistulang “pinagnakawan” umano nila ang kanilang ‘biktima’ na isinabit nila sa transaks­yon sa ilegal na droga.

Dahil dito, inirekomenda ng PNP-IAS (Internal Affairs Service) kay Gamboa na sibakin sa serbisyo sina De Guzman, P/MSgt. Donald Roque, Rommel Vital at Cpl. Romeo Encarnacion Guerrero Jr. subalit sa naging anunsyo ni Gamboa noong Oktubre 21, nakalusot na naman si De Guzman habang nadismis ang kanyang tatlong tauhan.

Bakit hindi masibak-sibak si De Guzman? Kanino bang bata ito?

Isa pang nakadidismaya ay ang pagtatalaga ni Gamboa kay P/BGen. Debold Sinas bilang bagong NCRPO director.

Pagkaupong-pagkaupo kasi ni Sinas ay nagpakita na agad ito ng hindi magandang asal sa mga miyembro ng media kabilang na ang pagbabawal niya sa ambush interview. Isa pang malaking katanungan ng madlang pipol ay nang sabihin nina Gamboa at Sinas na ang konsentrasyon na ngayon ng PNP ay ang mga “HVT” (High-Value Target) o ‘yung mga drug lord. Ibig bang sabihin ay hindi na manghuhuli ng maliliit na pusher ang kapulisan?

Hindi kaya lumakas ang loob ng mga nagbebenta ng droga sa kalye kung hindi na sa kanila nakatuon ang konsentrasyon ng PNP? Kaaa….Boom! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

PAGBUHAY SA ‘NINJA COPS’ MAY HIDDEN AGENDA BA?

KAAA BOOM

ANO nga ba ang totoo sa isyu ng pagbuhay sa tinaguriang “ninja cops”? may hidden agenda ba o isa lamang black ope­ration para sirain ang hanay ng Philippine National Police (PNP) na ngayon ay pinamumunuan ni PNP Chief Genaral Oscar Alba­yalde? Bakit ganito ang aking katanungan?

Kasi, Nobyembre 8, 2019, magreretiro na sa serbisyo si General Albayalde tapos biglang lumutang ang matagal nang isyu ng ninja cops? Sa nasabing petsa,  singkuwenta y sais na siya, ang “compulsory age” para sa retirement ng isang pulis at paglisan nito sa PNP.

Simula nang maupo noong Abril 2018 si Albayalde, hindi matatawaran ang kanyang accomplishment lalo na ang pagsuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa ile­gal na droga.

Ipinagpatuloy nito ang sinimulan noon ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ro­nald “Bato” Dela Rosa at makikita natin na naging matagumpay ang operasyon ng PNP para hulihin ang mga drug lord partikular na sa National Capital Region na pinamumunuan ni P/Major General Guillermo Lo­renzo Eleazar.

Hindi lamang puro droga ang matagumpay na inatupag ng PNP kundi pati na rin ang pagbaba ng krimen kung saan nang maupo si Albayalde hanggang nitong mga nagdaang linggo ay walang narinig na nega­tibo laban sa PNP chief – ibig sabihin, maayos ang pagpapatakbo ni Alba­yalde sa PNP.

Pero ngayong nalalapit na ang kanyang pagreretiro, bakit kaya biglang nagkaroon ng negatibong isyu laban sa PNP? Binuhay ang ‘patay’ nang ninja cops.

Dahil sa sinasabing karamihan sa ninja cops ay nasa NCR (Metro Manila), minabuting makipag-coordinate kamakailan ni NCRPO Director, PMaj. Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar kay PDEA Chief, Gen. Aaron Aquino para tingnan ang talaan.

Hayun, lumalabas pala sa talaan na karamihan na nasa listahan ay hindi na aktibo – AWOL na. Simula nang malaman nilang kabilang na sila sa sinusubaybayan ng PNP ay nag-AWOL na ang mga ito. So, hindi na sila pulis o matatawag na ninja cops. Hindi na pulis e. Malinaw! Ano pa man, hinahanting na ang mga nalalabi pang nag-AWOL na pulis.

Maalala ko nga noong bagong upong QCPD Director si Eleazar, hindi matatawaran ang kanyang giyera laban sa ninja cops sa Kyusi. Buong unit ng Batasan Police Station 6 – Station Drugs Enforcement Unit ay kanyang pinagsisibak matapos na masangkot sa droga ang ilan sa kanila. Pinagsisibak din niya ang bumubuo ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) nang ilan ding pulis dito ang nasangkot sa pag-recycle ng droga. Isa nga sa kanila ay napatay sa buy-bust operation ng QCPD.

Kung susuriin, ang sentro ng isyu sa pagbuhay ng ninja cops ay sa NCR. Indirectly tinitira ang NCRPO dahil res­ponsibilidad daw nito ang pulisya sa bawat sulok ng Metro Manila. Sino ang hepe ng NCRPO ngayon, hindi ba si Eleazar?

Inaasahan din na si Elea­zar ang ieendorso ni Albayalde kay Pangulong Duterte na ipapalit sa kanya.

Ngayon, ba’t pilit na ginigiba ang kredibilidad ni Albayalde? Para sabihin na walang kuwenta ang kanyang irerekomenda bilang susunod na PNP Chief? KAAA … BOOM! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

PHILIPPINE EMBASSY SA UAE PAHIRAP SA OFWs

KAAA BOOM

INIREREKLAMO ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang Philippine Embassy sa United Arab Emirates (UAE). Bakit?

Imbes kasi na maging refuge sana ang nasabing embahada para sa mga minamaltrato nating kababayan ay tila bangungot pa umano ang kanilang nararanasan.

Sa sumbong na nakarating sa atin mula sa mga OFW na ilang buwang nanatili sa embahada bago nakauwi sa ating bansa ay hirap umano ang kanilang dinanas habang nasa konsulada dahil umano sa kakulangan ng pondo. Nakupo! Anong nangyari? Nasaan ang pondo?

Nagsiksikan daw ang ating mga OFW sa isang maliit na kuwarto dahil na rin sa paglobo ng mga Pinay na minamaltrato ng kanilang amo at mga naloko ng illegal recruiter.

Alam kaya ng lolo Digong ko na maraming OFW na nakararanas pa rin ng pang-aapi sa nasabing bansa?

Nakarating pa sa ating kaalaman na ang ilan sa mga kababayan natin na nasa pangangalaga ng embahada ay mayroong malulubhang sakit at dahil sa siksikan sila sa isang kuwarto ay may posibilidad na magkahawaan sila.

Ang siste, matagal ang hihintayin ng ating mga kababayan bago sila makabalik ng bansa dahil ubos daw ang pondo kaya naman kahit nahihirapan ay wala silang magawa kundi magtiis at magdasal na maisama sila sa listahan ng pababalikin sa bansa.

Hindi rin makatawag ang ating mga OFW sa kanilang mga kamag-anakan o pamilya dahil pagpasok na pagpasok raw sa konsulada ay kinukumpiska ang kanilang mga cellphone.

Ano daw ‘yun? Bakit?

Anong problema, bakit kinukuha nyo ang cellphone ng ating mga OFW? May news black out? Mayroon ba kayong lihim ng guadalupe riyan sa UAE Philippine Embassy?

Ayaw nyo bang malaman na nitong nakaraang araw ay mayroong 70 OFWs ang mapalad na napauwi bunsod na rin sa isinagawang ‘noise barrage’ ng mga OFW sa konsulada kaya natakot kayo at nagawa niyo silang pauwiin? May tama ba ako?

Bukod sa siksikan ay dumaranas din ng gutom ang ating mga kababayan. Mantakin mo, ginagawan na lamang ng paraan ng mga cook para mapagkasya ang pagkain tulad ng dinadamihan daw ng sabaw ang kanilang lutuin para makakain ang lahat. Subalit kapos pa rin ito dahil ang ilan daw ay hindi nakakakain.

Buti na lamang ang ilan ay may mga kaanak na nagtatrabaho rin sa naturang bansa kaya nakapagdadala ng pagkain ang mga ito para sa ating mga OFW.

Ang ilan daw sa ating mga kababayan ay tumatakas na lamang sa konsulada at sila na ang bumibili ng ticket para makabalik na sa Pinas at makasama ang kanilang pamilya.

Para matakasan ang bangungot na kanilang dinaranas sa embahada.

Nakarating na kaya kay DOLE Secretary Silvestre Bello ang pagmamaltrato sa ating mg OFW sa UAE? Nakaabot na kaya sa kaalaman nito na ang ating konsulada ay punong-puno at nagsisiksikan ang ating mga kababayan?

Sa ganang akin, sana man lamang mabigyan ito ng atensyon ng ating pamahalaan kaya naman nananawagan tayo kay Lolo Digong o kay Senator Bong Go dahil inutil daw ang ating konsulada sa UAE! Kaaa Boom! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

NAKATAKAS NA RAPIST AT KIDNAPER BALIK-SELDA

KAAA BOOM

ILANG araw pa lamang nakauupo si J/Supt. Severino Quita bilang warden ng Quezon City Jail ay nagawa nitong maibalik sa piitan ang dalawang preso na nakatakas sa nasabing kulungan.

Ang siste, hindi basta-basta o small crime lamang ang ginawa ng dalawang pumuga sa QCJ dahil kasong rape at kidnapping ang kinakaharap ng mga ito.

Nitong Hulyo 27, 2019, sa kasagsagan ng earthquake drill nang makapuslit sina Mamerto Vanzuela at Dennis Valdez mula sa QCJ. Kapwa sentensyado na ang mga ito! Nakupo, nalintikan na.

Mantakin mo, nakababahala sa publiko ang nangyaring ito dahil si Vanzuela ay convicted sa kasong rape sa 13-anyos. Delikado sa kanya ang ating kababaihan. Biruin mo, muling gumagala sa lansangan ang isang ra¬pist na sentensyado na at posibleng gumawa ulit ng parehong krimen.

Si Valdez naman ay isa ring sentensyado sa kasong carnapping. Siya ay lider ng isang carnap gang na nasentensyahan na rin dahil sa kasong band robbery at illegal possession of firearms. Bukod sa nahaharap pa ito sa kasong kidnap for ransom. Anong nangyari? Siyempre ito ang siyang naging dahilan kung bakit agarang sinibak sa pwesto si J/Supt. Fermin Enriquez na siyang warden ng QCJ nang mangyari ang pagtakas nila Vanzuela at Valdez.

Agosto 8, 2019, nang palitan ni Quita si Enriquez bilang Warden ng QC Jail kung saan dalawang araw pa lamang (Agosto 10, 2019) matapos makakuha ng impormasyon ang opisina ni Quita na namataan ang dalawang takas sa Baler, Aurora, hindi na nagsayang ng oras ang bagong warden.

Agad niyang pinakilos ang kanyang mga tauhan kasama ang suporta ng Star Team (elite force ng BJMP) na nag¬resulta upang madakip sina Valenzuela at Valdez. Ang galing po di ba?

Dahil dito, masasabi natin na  hindi nagkamali sina Bureau of Jail Ma¬nagement and Penology (BJMP) Chief, J/Dir. Gen. Allan Iral sa pagtalaga kay Quita bilang bagong warden ng QC Jail.

Nakaabot sa ating kaalaman na agad pinabiyahe ni Quita sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa sina Vanzuela at Valdez na titiyak upang hindi na makapuga pa ang mga ito.

Pinaigting na ngayon ni Quita ang seguridad sa piitan upang hindi na maulit na matakasan ang QCJ at isa sa mga direktiba nito ay masawata ang iligal na droga na siyang numero unong kautusan ni Pangulong Duterte.

Teka, ilan na ba ang nakatakas sa mga kulu¬ngan sa NCR, J/Chief Supt. Ignacio Panti?

CLEAN-UP DRIVE

KUMBINSIDO si Environment Sec. Roy A. Cimatu na magtatagumpay ang pagsisikap ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay upang muling ibalik ang malinis at ganda ng baybayin.

Sa inilunsad ng proyekto ng Toka Toka Para sa Malinis na Taguig River nitong Sabado, pinangunahan ng DENR, Taguig City government, Manila Water, Ayala Corp., ang rehabilitasyon ng mga ilog sa Taguig City na dumadaloy patungo sa Manila Bay.

Sinabi ni Cimatu na kakailanganin ang paglilinis sa Taguig River bilang bahagi ng hakbang para sa rehabilitasyon ng Manila Bay at kinakailangan ang lahat ng mga establisimyento ay sumunod sa clean water facilities.

Para sa mga taga-Taguig, sana naman tumalima kayo sa mga pakiusap sa inyo ng DENR at Manila Water na huwag itapon ang inyong mga basura sa ilog dahil masasa¬yang lamang ang pagsisikap ng dalawang ahensya sa clean-up drive na kanilang isinagawa. Mahiya naman kayo! KABOOM!  (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

AYUDA SA MGA NASUNUGAN SA QC MABILIS NA

KAAA BOOM

PINATUPAD na nga ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pangako nito na makapagbigay ng mas mabilis na tulong sa mga nasunugan sa nasabing lungsod.

Nitong Miyerkoles, tinipon ni Belmonte ang 141 na pamilyang nasunugan sa Barangay Sauyo, Pag-asa, North Fairview, at San Roque, noong Enero hanggang Marso, 2019.

Bukod sa mga ito, inayudahan din ni Belmonte ang walong pamilya na nasunugan mula sa Barangay Payatas nitong Martes lamang.

Ang ayuda na binigay ni Belmonte ay tulong pa dapat ng nakaraang administrasyon na hindi naibigay dahil sa mabagal na proseso.

Ibig bang sabihin, makupad si dating QC Mayor Herbert Bautista sa pagtulong sa kanyang mga constituent samantalang pinagmamalaki ng lungsod na bilyon-bilyon ang kanilang pondo e kung tutuusin, barya lang ang pinagkakaloob na financial assistance sa mga nasunugan.

Ayon kay Belmonte, kung noon, dalawang buwan hanggang anim na buwan bago maibigay ang tulong sa mga pamilyang nasunugan, ginawa na itong tatlo hanggang limang araw na paghihintay na lamang ng pamilya para matanggap ang financial assistance ng mga nasunugan. AYOS!

Pero saglit, magkano ba ang assistance? Sa aking pagkakaalam ay P2,000 daw ang pinagkakaloob kapag ikaw ang may-ari ng bahay habang P1,000 naman kung ikaw ay nangungupahan. O di ba, barya lang ito sa bil­yong pondo ng Quezon City.

Ang masakit, kahit gusto palang taasan ito ni Belmonte ay hindi nito magagawa dahil ito pala ay nasa ordinance. Nakupo! Ang ibig sabihin, ito ang siyang napagkasunduan ng mga konsehal! Ang kukuripot di ba?

Anyway, itinaas naman ni Belmonte ang medical assistance na mula sa P3,000 ay ginawang P5,000, bukod dito maglalaan daw ito ng isang doktor kada health center at titiyakin na mayroong sapat na medisina sa mga residente ng Quezon City. Bibigyan din ng maintenance medicine ang mga se­nior citizen, libreng basic laboratory, gamot para sa leptospirosis at mental health at magpapapatayo rin ng ospital.

Aking aantaba­yanan ang mga pangakong yan ni Belmonte. Kung sa yaman ng kaban ng nasabing lungsod, ka­yang-kaya ni Belmonte na tuparin ang kanyang mga pinangako pero may kasabihan kasi tayo na “PINANGAKUAN KA NA GUSTO MO PANG TUPARIN! KABOOM!

oOo

Binabati ko sa kanilang 28th Anniversary ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology na ipi­nagdiwang nitong nakaraang Biyernes sa Kampo Aguinaldo. May tema na “BJMP@28, patuloy na itinataguyod ang kahusayan at malasakit ng piitan”. MABUHAY PO KAYO! Abangan natin ang maraming pagbabago sa ahensya sa pamumuno ng bagong BJMP Chief na si J/Director Allan Iral. ABANGAN. (KAAA…BOOM!!! /  JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

MALULUNASAN PA BA ANG TRAPIK?

KAAA BOOM

“Political will” daw ang kailangan para maipatupad ang dalawang hakbang ng MMDA para malunasan ang matinding trapik sa Metro Manila.

Handa raw ang ating mga opisyales para mangyari ito.

Pero paalala lang po ha, hindi porke “exercise of political will” ay hindi na isasaalang-alang ang mga taong maaapektuhan lalo na’t hindi naman sila ang sanhi ng trapik.

Sa aking panayam, sang-ayon ang Safety and Protection sa pag-aalis ng mga provincial bus terminal sa Metro Manila kung may sapat na public transport para sa everyday commuters na nanggagaling sa probinsiya. Iba na raw kasi ang konsepto ng Metro Manila ngayon kaysa noong dekada 70s or 80s.

Mukhang may punto di po ba? Sa ngayon kasi marami na ang nagtatrabaho o nag-aaral sa Metro Manila na naninirahan sa probinsiya tulad ng Bulacan, Pampanga, Laguna, Cavite, Rizal o kaya mula Tarlac na uwian sa araw-araw dahil nga congested na ang kamaynilaan.

At halos lahat sila ay nagko-commute, meaning, walang sariling sasakyan at nagtitiyagang makipag­habulan at pumila sa mga terminal ng bus patungo ng Maynila.

Karamihan din sa kanila eh Alas kwatro pa lang ng madaling araw bumi­byahe na upang hindi ma-late sa opisina o paaralan, ganun din ang pag-uwi nila. Ang tanong ngayon?

Kung tatanggalin ang mga terminal at bababa sila sa labas ng Metro Manila, ano ang sasakyan nila papasok, aber? May sasalo ba sa kanila? So, magdadalawang sakay pa sila?

E sa totoo lang, hindi naman sanhi ng trapik ang mga kababayan nating ito.

Nakatutulong pa nga sila na i-decongest ang Metro Manila at piniling manirahan sa probinsiya at magtiis na lang sa byahe papasok at pauwi.

So, anong solusyon?

Aba,  dapat amyendahan ang mga prangkisa ng mga bus na ito para ma­ging mega manila na sila. Walang terminal pero allowed pumasok ng Metro Manila.

Kung tutuusin, di hamak na mas marami ang private vehicles kaysa provincial buses.

Ang reklamo lang naman ng marami ay ang mga terminal nila sa kahabaan ng EDSA na hindi kasya ang mga bus nila kaya nag-spill over sa kalye dahilan ng matinding trapik. Ano sa palagay ninyo mga Kaaa…Booom?

Tungkol naman sa No Window Policy sa lahat ng bumabaybay sa buong Metro Manila, maaaring ipatupad ito sa mga lansangan na buong araw eh trapik. Dati kasi, may window hour dahil tapos na ang rush hour pagka-10am. Pero aminado tayo na rush hour na buong araw sa ilang kalsada sa Metro Manila.

Pero doon naman sa mga kalye na inner roads, palagay ko naman ay hayaan na po natin lalo na’t wala namang trapik doon. At sana kung pwede ay hanggang 7pm na lang ang coding at huwag na  po 8pm. Hayaan natin na umuwi naman nang maaga-aga ang mga tao

para makapiling ang kanilang mga pamilya.

Hindi na po ‘yun usaping political will. Ang “political will’ ay gamitin para magpatupad ng batas para sa kapakanan ng nakararami at hindi para sa interes ng iilan. (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

-oOo-

Para sa inyong mga rek­lamo at sumbong, mag-email sa joelive1298@yahoo.com

Makinig sa DWWW 774 Your Ultimate NewSic Radio, OPINYON MO, OPINYON KO Lunes hanggang Biyernes, 5:30am – 9am.

Please follow and like us:
Read More

GREYHOUND NG BJMP-NCR ‘DI MAKATOTOHANAN

KAAA BOOM

MISTULANG bogus ang umano’y isinagawang greyhound sa mga jail facility ng Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP)- National Capital Region (NCR). Bakit ko nasabi?

Ito kasi ang siste, ayon kay BJMP-NCR Director P/Chief Supt. Ignacio Panti, apat na kulu­ngan na raw ang kanyang isinailalim sa greyhound kung saan nakarekober sila ng mga contraband gaya ng improvised weapons, cellphones at suspected shabu. Ano daw ‘yun suspected shabu? May magpapasok ba sa kulungan ng pekeng shabu? Nalintikan na e ‘di riot yun!

Ang siste pa, hindi binanggit ni Panti kung saang kulungan nakakuha ng pinaghihinalaang shabu at tanging sinabi lamang nito na kasama sa kanilang ininspeksyon ay ang Quezon City Jail (QCJ), Taguig City Jail male and female dormitory. Teka lang, ang tanong, sino sa mga ito ang nakuhanan ng suspected na shabu? Ang Quezon City Jail na naman ba?

Matatandaan na isinulat ko nitong nagdaang kolum ko ang pagkakatuklas na muling nakapapasok ang shabu sa Quezon City Jail na una nang idineklarang drug free ng PDEA sa pamumuno noon ni P/Supt Ermilito Moral. Subalit nasayang lamang ito.

Ano ba, magmimini-mini-may-nimo na lang ba tayo para malaman kung saan nakuha yung droga sa mga jail faci­lity na isinailalim sa greyhound ni General Panti? Hulaan blues, ika nga?

Ang problema kasi, paano maniniwala na nagsagawa ng mga pag­hahalughog ang BJMP-NCR sa mga kulungan e wala naman kayong isinasama na mamamaha­yag para siyang witness at makita ang totoong kalagayan ng isang jail at kung saan talagang mga kulungan sa kalakhang Maynila ang may iligal na droga.

Bakit kaya hindi nagsasasama ng media sa greyhound si General Panti?  May itinatago ba kayo sir? Mayroon bang hindi dapat na makita ng mga mamamahayag sa iyong greyhound operation?

Ang katanungan ko ngayon sayo, General Panti ay ganito – may iligal na droga ba sa NAVOTAS City Jail? may iligal na droga ba sa MALABON City jail? Sa CALOOCAN City Jail kaya? sa VALENZUELA City Jail? sa MANILA City Jail? sa Quezon City Jail? sa SAN JUAN? MANDALUYONG? MAKATI? PARAÑAQUE? sa MMDJ QC ANNEX? BICUTAN? PATEROS at RODRIGUEZ Rizal City Jail?

Isa pang tanong, sir Panti? Gaano kaya karami ang inyong nakumpiska na suspected shabu sa hinalughog na mga jail faci­lity? Hindi nga namin alam dahil kayo-kayo lang ang nakaaalam di ba?

Natatandaan ko kasi na noong si namayapang J/Chief Supt. Michael Vidamo ang director ng BJMP-NCR, laging siyang nag-iimbita ng media tuwing may greyhound operation para masabi na makatotohanan ang kanyang kampanya laban sa iligal na droga sa mga jail facility.

Tanong ko rin sa inyo, Sir Panti, mga ilang gramo ng shabu kaya ang dapat na makuha sa isang jail para maalis sa pwesto ang warden? Ilang beses kaya dapat na makahuli ng illegal drugs bago masibak ang warden?

Nangako raw si Panti na magpapatuloy ang pagsasagawa nito ng greyhound operation sa mga city jail na nasasakupan nito.

Subalit wala itong kwenta o magiging bogus lamang ito kung hindi siya magsasama ng mamamahayag para malaman kung alin sa mga jail facility ang patuloy na napupuslitan ng iligal na droga.

Kaya naman ang hamon ko kay General Panti, sa mga plano nyo na paghahalughog e mag-imbita kayo ng media iyan ay kung wala kayong tinatago o ibig protektahan na warden.

oOo

Para sa inyong mga rek­lamo at sumbong, i-text lamang ang inyong lingkod 09568824903 o mag-email sa joelive1298@yahoo.com

Makinig sa DWWW 774 Your Ultimate NewSic Radio, OPINYON MO, OPINYON KO Lunes hanggang Biyernes, 5:30am – 9am. (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:
Read More

RICARDO DELA CRUZ BILANG DIRECTOR NG DOE, MAY CONFLICT OF INTEREST?

KAAA BOOM

ANO itong nabalitaan ko na nakatakda raw italaga itong si Mr. Ricardo Dela Cruz bilang director ng Department of Energy (DOE) sa Visayas? Nakupo! Kung totoo ito at matuloy ay mayroong mali sa hakbangin na ito ng ahensya. Bakit ko nasabi?

Una, ang asawa ni Dela Cruz ay nagtatrabaho rin sa DOE bilang supervisor (Supervising Science Research Specialist) sa Energy Policy and Planning Bureau. Ikalawa, nagsilbi si Dela Cruz bilang consultant ng isang malaking kompanya ng minahan ng coal sa Visayas region.

Samakatuwid, mayroong conflict of interest sakaling ma-appoint bilang director ng DOE-Visayas Field Office si Dela Cruz dahil nagsilbi ito bilang consultant sa mining company habang ang asawa naman nito ay mataas din ang posisyon sa nasabing ahensya.   Bukod sa pagiging consultant, nakarating sa ating kaalaman na dati rin palang empleyado ng DOE si Dela Cruz hanggang sa mga unang bahagi ng taong 2000 nang lisanin nito ang ahensya at tumayo na ito bilang consultant noong 2003 o 2004.

Bukod dito, mayroon din daw na nakabinbing transaksyon si Dela Cruz sa Mandaue City ukol sa kompanyang kanyang pinaglilingkuran.  Ano kaya ito? At sakaling meron nga ay tiyak na sa oras na maupo si Dela Cruz bilang director ay magkakaroon ng pagpabor sa kompanya na dati nitong pinagtatrabahuhan at pinagkakautangan ng loob.

Likas kasi sa Pilipino ang pagtanaw ng utang na loob lalo’t naging bahagi siya ng iyong buhay di ba?

Dahil dito, dapat pag-aralan ni DOE Secretary Alfonso Cusi ang gagawin nitong pag-aapoint kay Dela Cruz dahil bukod sa mayroong conflict of interest ay posibleng magkaroon ng sabwatan o pagpabor.

Ayaw na ayaw ni Tatay Digong ko ng mga ganyang appoinment dahil posibleng pagmulan ito ng maanomalyang transaksyon. Di po ba?

Marami naman sigurong mga kwalipikadong indibidwal na patuloy na naninilbihan sa ahensya at nagtitiyaga. Bakit kaya hindi sila ang ipwesto ni Secretary Cusi.

Inayawan na noon ni Dela Cruz ang DOE na sa madaling salita ayaw na nito magtrabaho sa naturang ahensya. E bakit ito ang nais na i-appoint bilang director ngayon ng DOE sa Visayas? Wala na bang magaling na empleyado ng DOE na karapat-dapat sa posisyon, Secretary Cusi?

Ito ang malaking katanungan kay Secretary Cusi sakaling ipilit ang pagtatalaga kay Dela Cruz samantalang marami namang kwalipikado at magagaling sa DOE na naglilingkod nang tapat sa ahensya.

Bakit hindi sila, Secretary Cusi, ang iyong kunin at hindi yung lumisan at tinalikuran na ang pagsisilbi sa gobyerno at pinagpalit sa pribadong kompanya? Di ba po may tama ako, Secretary Cusi? Aminin! (KAAA BOOOM!)

Please follow and like us:
Read More