JUETENG, BUHAY SA QUEZON; 9 NA KUBRADORES TIMBOG

jueteng 12

QUEZON – Nagsisimula na ang operasyon ng jueteng sa lalawigang ito resulta ng pagpapahinto sa Small Town Lottery (STL) mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas.

Siyam katao na hinihinalang mga kubradores ng jueteng sa bayan ng Calauag ang nasakote ng mga anti-gambling operatives mula sa PNP regional, provincial at lokal na istasyon ng pulisya sa isinagawang raid sa safehouse ng sindikato sa Barangay Doña Aurora bandang 11:30 ng umaga noong Miyerkoles.

Sa report ni Quezon police director Colonel Audie Madrideo, kinilala ang mga nadakip na sina Agusto Esguerra, Lauro Ibatuan, Estelito Nayosa, Wilma Resaba, Racquel Ana, Isabelita Dequilla, Berna Nuñez, Justina Herrera at Helen Ricalde.

Nakatakas naman sa isinagawang raid sina Joy Capilit at isang alias “Boss Beting”.

Natimbog ang mga suspek habang nagrerebisa ng mga taya sa nakumpiskang 98 piraso ng mga ‘lastillas’ (listahan ng taya).

Nasamsam din ng mga awtoridad ang iba’t ibang jueteng paraphernalia at kabuuang nakolektang taya na P7,980 sa iba’t ibang denominasyon.

Ngunit nilawanag ni Madrideo na hindi masisibak ang lokal na hepe ng pulisya sa nasabing bayan sa ilalim ng PNP “one strike policy”.

“Joint operation ang nangyari,” ang paliwanag ni Madrideo sa phone interview na ibig sabihin ay kasangkot ang lokal na pulisya sa operasyon.

Sa ilalim ng nasabing polisiya, agad na sisibakin ang hepe ng pulis kapag nadiskubreng may ipinagbabawal na sugal sa kanyang bayan dahil tumanggap ng suhol ang opisyal ng pulis.

Ayon sa impormasyon ng mga dating kubradores ng STL, magsisimula umano ang operasyon ng jueteng sa iba’t ibang parte ng lalawigan kung mananatiling sarado ang STL.

Noong nakaraang July 26 ay iniutos ni Pangulong Duterte ang pagpapatigil sa lahat ng number games – STL, lotto, Perya ng Bayan at Keno – sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil umano sa malawak na korupsyon sa nasabing ahensya.

Ngunit pagkalipas ng apat na araw ay muling ibinalik ang operasyon ng lotto.

 

Please follow and like us:
Read More

STL KUBRADORES MAPIPILITAN SA JUETENG

JUETENG-7

(Ni Jun V. Trinidad / Pangalawang bahagi)

TILA nawawalan na ng pag-asa ang ilang nagpapataya ng STL na muling magbubukas ang la­ngit para sa panawagan nila na ibalik ang pinagmumulan ng kanilang hanap-buhay bagaman tinawag na nila ang mga santo na tulungan sila habang ang ilan ay naglakad pa ng paluhod upang bigyang linaw ang kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang STL upang magkaroon sila ng legal na trabaho.

Ito ay dahil ayaw na ng marami sa mga kubradores na bumalik sa dati nilang trabaho na itinuturing na iligal.

“Balik jueteng”

Ang sinasabi nilang iligal na trabaho na muli nilang babalikan ay ang “jueteng”.

Aminado ang dalawa na pareho silang dating kubrador ng jueteng bago magsimula ang STL sa lalawigan ng Quezon noong 2006.

Isa ang Quezon sa mga lugar sa bansa na unang nagkaroon ng operasyon ng STL sa hangarin ng pamahalaan na sugpuin ang malaganap na jueteng at makolekta sa porma ng buwis ang malaking salapi na kinikita sa iligal na sugal na pinagpapartehan lang ng mga korap na opisyales ng Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan.

“Pareho din naman ang trabaho. Mas doble ingat lang sa jueteng dahil iligal. Lalo ngayon na mainit ang pulis dahil sa utos ni Tatay Digong,” ani Aling Teresa, na noong 20 anyos pa lang ay kubrador na ng jueteng.

“Namana ko ang pangu­ngubra sa aking nanay na minana rin ang trabaho sa kanyang nanay na aking lolang namatay na,” ang kuwento niya.

Nagtataka nga ang bete­ranang kubrador kung bakit biglang naging mabalasik ang pangulo sa legal na sugal ganoong kamakailan lang ay ipinahayag pa nito na mas papaboran niya ang operasyon ng jueteng kaysa iligal na droga.

“Bakit ganoon? Ang dali niyang makalimot sa kanyang mga sinasabi. Ulyanin na ba siya?” ang natatawa pang pakli ng kubrador.

Noong Hunyo 25, nagpahayag si G. Duterte sa kanyang talumpati sa Malakanyang na mas papayagan niya ang jueteng kaysa iligal na droga.

“Maski sinong Presidente ilagay mo dito, for as long as the economy does not really provide food on the table for so many families, hayaan mo na lang ‘yan. At least ang pera doon. Kasi hindi ko talaga rin kaya. At pagka-sinira ko ‘yan, ang papalit sa apparatus niyan droga. So choose between the lesser evil,” ani Duterte.

Hindi ito ang unang pahayag ng pangulo tungkol sa pagpapahintulot niya sa jueteng.

Noong June 2018, sinabi rin ni Presidente Duterte na kung ihihinto niya ang jueteng ay mas lalong mananalasa ang iligal na droga dahil magbebenta ng mga ipinagbabawal na droga ang mga mawawalan ng trabaho partikular ang mga libo-libong kubrador.

Jueteng o shabu

Katwiran ng dalawang dating kubrador ng STL, mas ligtas sila sa gagawin nilang muling pangungulekta sa jueteng kaysa ibang kasamahan nila na mapipilitang magbenta ng shabu para lang mabuhay ang kanilang pamilya.

“Kung matimbog man kami sa jueteng ay piyansa lang ang kapalit. Hindi katulad sa mga drug pusher na kapag minamalas ay pwedeng basta na lang itumba (patayin) ng pulis,” pahayag ni  Marta.

Pagkatapos na itigil ni Pangulong Duterte ang mga legal na sugal ay nagpahayag ang ilang dating drug pusher na naging kubradores ng STL sa siyudad na ito na mapipilitan silang bumalik sa dating trabaho nilang pagbebenta ng shabu kung tuluyang ihihinto ang legal nilang hanapbuhay ngayon.

Please follow and like us:
Read More

PAGLAGANAP MULI NG JUETENG TUTUTUKAN

(NI NIC ECHEVARRIA)

MAHIGPIT na binabantayan ngayon ng  Philippine National Police (PNP) ang paglago ng operasyon ng sugal na jueteng matapos ipasara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng gaming outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sinabi ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa press conference sa Camp Crame nitong Lunes, na hindi nila inaalis ang posibilidad na muling maglabasan ang mga illegal numbers game sa bansa partikular ang jueteng.

Ayon kay Albayalde kasalukuyan na nilang minomonitor ang mga intelligence report na kanilang natatanggap kaugnay  sa muling pagbuhay ng operasyon ng jueteng sa dalawang lalawigan sa Central Luzon, isang araw matapos ang closure order ng pangulo sa mga gaming operations ng PCSO.

Bagamat wala pa namang naaarestong sangkot sa mga illegal numbers game mahigpit ang utos ni Albayalde sa kanyang mga police commanders na ipagpatuloy ang kanilang kampanya laban sa nasabing ilegal na mga sugal.

Pinatitiyak ng PNP Chief sa lahat ng mgal police commanders na hindi dapat lumaganap ang jueteng habang suspendido ang operasyon ng mga laro ng PCSO..

Babala ni Albayalde na aarestuhin nila ang sinumang mahuhuling sangkot sa operasyon ng mga illegal numbers game, lalo na ang jueteng.

Sa kasalukuyan umaabot na sa 30,284 na mga Lotto, Small-Town Lottery (STL), Peryahan Ng Bayan at Keno outlets ang naipasara na ng PNP bilang pagsunod sa kautusan ng presidente.

Wala naman umanong naitalang resistance ang PNP mula sa mga may-ari ng mga outlets na kanilang ipinasara, kung saan ang iba aniya ay boluntaryo ng nagsara.

Please follow and like us:
Read More

JUETENG KASADO NA

JUETENG

(Ni Jun V. Trinidad)

PNP handa sa giyera, ipatutupad  ‘one strike policy’

SAKALING magpapatuloy ang suspensyon na kinakaharap ng gaming schemes sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) tulad ng Small Town Lottery (STL) o Lotto, Peryahan ng Bayan, Keno at mga katulad na sugal, handang handa naman sa mu­ling pagbabalik operasyon ng jueteng sa iba’t ibang lalawigan sa Southern Katagalugan.

Ayon sa isang source na ayaw pabanggit ang pangalan, all set for big time operation ang jueteng.

“Kasado na ang jueteng. Mainit na ang ugong na all set for operation na ang lahat dahil maraming gustong magbangka,” anang source ng Diaryo Bomba.

Sinabi ng impormante, isang kubrador ng STL sa Lucena City, dahil nawalan sila ng trabaho nang ipahinto ang mga sugal sa ilalim ng PCSO na pinagkukunan nila ng kabuhayan para sa kanilang pamilya, wala na silang ibang pamimilian kung hindi mangulekta para sa jueteng.

Hindi bago sa trabaho

“Hindi naman bago sa amin ang trabaho. Doble ingat lang ngayon dahil mainit ang pulis,” paliwanag pa ng source.

Aminado rin ang impormante na kabilang siya sa libo-libong nawalan ng trabaho matapos iutos ni Pangulong Duterte ang pagpapahinto ng lahat ng number games sa ilalim ng pamamahala ng PCSO dahil sa korapsyon.

“Nakakatakot na ngayon ang trabaho namin sa pangu­ngulekta dahil hindi katulad noong una na madaling ilabas kapag nahuli. Ngayon, mabalasik na tiyak ang mga pulis dahil posisyon naman nila ang nakasalalay,” sabi naman ng isa pang kubrador.

“Pero pag-iingat lang ang katapat dahil kailangang mabuhay. Hindi naman puwedeng nakatanga lang kami habang naghihintay na muling ibalik ang operasyon ng STL, paano kung hindi na ibalik?,” sabi pa ng kubrador.

Subalit kung handa naman ang mga financier at operator ng jueteng pati ang mga galamay ng mga ito kabilang ang mga kubrador, mas handa naman ang puwersa ng Philippine National Police sa pagpapatupad ng matinding giyera laban sa anumang uri ng sugal particular ang jueteng.

Pulis handa sa pagbabalik ng jueteng

Sinabi ni P/Col. Audie Madrideo, Quezon Police Provincial director, handang handa ang buong pwersa ng lalawigan ng Quezon Police sakaling bumalik ang jueteng.

“Inaasahan na namin ang pagbabalik ng jueteng. Pero nakahanda kami sa pagpapatigil sa kanila,” ani Madrideo.

One strike policy

Kasabay ng pagsasabi ng kanilang kahandaan, binalaan ni Madrideo ang mga hepe ng 39 na bayan at 2 siyudad sa lalawigan na magiging mahigpit ang PNP at ipatutupad ang “one strike policy” laban sa mga hepe ng pulisya na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin kaya’t may operasyon ng jueteng sa kanyang nasasakupan.

Sa ilalim ng one strike po­licy, kapag nahulihan ng jueteng sa kanyang nasasakupan, kaagad na sisibakin ang hepe ng pulisya dahil sa kabiguan nitong gawin ang kanyang responsibildad na ipatigil ang sugal dahil lang sa kanyang tinatanggap na suhol mula sa mga iligalista.

Iginiit ni Madrideo sa mga nawalan ng trabaho na hindi katwiran ang kahirapan upang gumawa ng labag sa batas o iligal.

“Katulad ng iba pang lumalabag sa batas, huhulihin din naming ang mga kubrador ng jueteng,” dagdag ng hepe ng Quezon Provincial Police Office.

Gobernador nababahala

Malaki naman ang pagkabahala ng ama ng lalawigan ng Quezon na si Governor Danilo Suarez sakaling tuluyang huminto ang STL sapagkat hindi lang malaki ang lugi sa mga negosyante, kawalan ng trabaho sa mga kubrador at iba pang namumursiyento ng kita sa sugal ng PCSO subalit posibleng maging problema ang pagsulpot ng iba’t ibang klase ng krimen na may kinalaman sa pagkita ng pera.

“Ang kinakatakutan ko sa particular ay ang magigiging epekto ng pagpapatigil ng legal sa sugal sa hanay ng mga kubrador ng STL na biglang nawalan ng trabaho,” sabi ni Suarez.

Kasabay nito, nanawagan ang gobernador ng Quezon kay Pangulong Digong na resolbahin kaagad ang isyu ng koraps­yon sa PCSO dahil halos mahigit kalahating milyong STL worker ang biglang mawawalan ng trabaho.

“Magiging malaking problema talaga ang pagkawala ng STL dahil ang mga trabahador ng STL ay pawang may mga bibig na pinakakain at may mga anak na pinag-aaral. Saan sila kukuha ng pambuhay sa kanilang pamilya kapag wala silang pinagkukunan ng kabuhayan?,” paliwanag ng gobernador ng Quezon.

Please follow and like us:
Read More