ILIGAL NA DROGA TALAMAK SA QC

(Ni Nelson Badilla / Unang Bahagi)

LAHAT naman ng distrito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay ginagampanan ang kanilang gawain, tungkulin at obligasyon laban sa iligal na droga.

Ang pagtupad ng NCRPO sa ilalim ng liderato ni P/Maj. Gen. Guillermo Lorenzo Elea­zar laban sa iligal na droga ay nakabatay sa gawain, tungkulin at obligasyon ng Philippine National Police (PNP) sa adyenda ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

Sa limang distrito ng NCRPO, kapansin-pansin ang sipag ng Quezon City Police District (QCPD) pagdating sa kampanya sa iligal na droga.

Batay sa ulat ng QCPD, hindi maipagkakailang mara­ming nadadakip na “drug pusher” at “user” ang iba’t ibang yunit ng distrito.

Droga talamak sa QC

Sa unang tingin, hahanga ang sinuman sa Quezon City dahil ang iba’t ibang yunit ng QCPD na kasalukuyang pinamumunuan ni P/Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr. ay araw-araw nakakahuli ng mga tulak at adik.

Ang huli ng QCPD ay araw-araw makikita sa ulat na Public Information Office (PIO) nito na pinamamahalaan ni P/Capt. Rohaina Asalan na ipinararating sa media viber group nito at sa bawat journa­list na nagkocover ng QCPD beat, kabilang na ang investigative reporter na ito.

Ngunit, kung sisipating mabuti ay ipinapakita at pinapatunayan ng sipag ng QCPD na talamak ang iligal na droga sa lungsod.

Halos lahat ng labindalawang  (12) police stations ng QCPD ay mayroong nadadakip na taong may kinalaman sa iligal na droga.

Halimbawa, nitong Hun­yo 26 ay nasakote ng mga ope­ratiba ng Kamuning Police Station (Stn 10)  ang isang John Merca sa isinagawang drug bust operation.

Ayon sa PIO, ang 23-taong-gulang na si Merca ay nahulihan ng mga pulis ng isang kilong tuyong dahon ng marijuana matapos bilhan siya ng P15,000 halaga ng marijuana ng isang pulis na nagsilbing “poseur buyer” sa nasabing operasyon dakong 6:16 ng gabi sa tapat ng SM Annex sa Barangay  Sto. Kristo.

Ang street value ng nakumpiskang marijuana ay P120,000.

Si Merca ay kasama sa listahan ng Barangay Sto. Kristo ng mga sangkot sa droga.

Si Merca ay kinasuhan ng drug pushing na labag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa nahuling ito ng Kamuning Police Station, kapansin-pansin na 23 taon pa lamang ang edad ng nadakip kung saan hindi maipagkakailang bata pa at mayroon pang magandang kinabukasang naghihintay sa kanya.

Sa parehong araw din ay nahuli si Timothy John Marquez sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya ng Cubao sa Araneta Center.

Ang edad ni Marquez ay 20 taon pa lamang.

Nakumpiska sa kanya ay siyam na sachet na may lamang shabu, cellular phone at perang ginamit sa buy bust.

Araw-araw maraming huli

Maliban kina Merca at Marquez, mayroon pang 32 katao ang nasakote ng iba’t ibang yunit ng QCPD noong Hunyo 26 mula sa iba’t ibang panig ng Quezon City,  base sa ulat ni P/Capt Asalan.

Ayon kay Asalan, noong Hunyo 25 ay 23 suspek ang nasakote ng labindalawang police station ng QCPD.

Dalawa sa mga nadakip na sina Fernando Nuez, ng lungsod at  Ruperto Perona, lungsod ng Taguig, ay nakuhaan ng humigit-kumulang na dalawang (2)  kilo ng tuyong dahon ng marijuana.

Ang street value ng marijuanang nakumpiska sa drug bust operation ng QCPD – Novaliches Police Station (Stn 4) na pinamumunuan ni P/Lt Col. Rossel Cejas ay P240,000.

Sinampahan na ang da­lawa ng paglabag sa ilang probisyon ng R. A. 9165

Umabot sa 35 katao ang nasakote ng QCPD mula sa iba’t ibang barangay noong Hunyo 24, saad ng PIO.

Sa ulat ng PIO na nakukuha ng manunulat na ito, lumilitaw na araw-araw at mayroong huli ang mga police station ng QCPD.

Malinaw na katibayan na hindi maubus-ubos ang mga drug pusher at user sa Quezon City. (Itutuloy)

Please follow and like us:
Read More