MAHAL NA SEÑOR 

Mahal na Señor-2

Holy Week ending sa Lucban

(Ni Jun V. Trinidad / Ikalawang bahagi)

ANG isa pang popular na tradisyon ng mga Lucbanin tuwing Mahal na Araw ay ang prusisyon ng “Santo Señor Sepulcro” o mas kilala sa lokal na tawag na “Mahal na Señor” tuwing Biyernes Santo.

Kagaya nang popular na prusisyon ng “Mahal na Poong Nazareno” sa Quiapo, ang mga nakayapak na deboto ng “Mahal na Señor” ay sama-samang kumakapit sa mahabang lubid na nakakabit sa kanyang karo.

At sa pasigaw na pagmamando ng “abante, hila, diretso!” ng nangangasiwa sa kaayusan ng prusisyon na nakatindig sa tabi ng karo, sabay-sabay na humahakbang ang mga deboto para umusad ang prusisyon.

Dahil sa dami ng mga masugid na deboto na pawang gustong kumapit sa lubid, pangkaraniwan nang natatapos ang prusisyon na umiikot sa maliit na bayang ito sa loob ng pitong oras.

Ilalabas ang santo sa simbahan ni San Luis Obispo nang mga bandang alas singko ng hapon para sa prusisyon at ibabalik makalipas ang hatinggabi.

Sa sinomang lalaking Lucbanin, ang paglahok sa prusisyon ng Mahal na Señor ay itinuturing na isang ritwal na kailangang maranasan. At para sa karamihan, ang unang prusisyon ay pagsisimula ng isang panata na tutuparin sa bawat taon ng kanilang buhay.

“Una akong kumapit sa kanyang lubid noong 16 anyos pa lang ako. 15 taon ko na itong ginagawa at patuloy ko itong gagawin hanggang kaya ko,” ang wika ni Ray Santos, katutubong Lucbanin na nagtatrabaho sa Maynila ngunit bumabalik sa kanyang bayan bawat taon upang tuparin ang panata.

Hindi aniya maipaliwanag ang ligaya ng pakiramdam nang sinomang lumahok sa prusisyon kahit na pagod at masakit ang buong katawan.

“Isang malaking bonus kung makakukuha pa ng kahit na kapiraso ng lubid pagtapos ng prusisyon,” ang wika pa ni Santos.

Ang mga Lucbanin na nanonood sa prusisyon ay nag­hahagis ng kanilang panyo sa mga nasa itaas ng karo upang ipunas ito sa salamin at mu­ling ihagis pabalik sa kanila. Naniniwala sila na ang pan­yo ay may kapangyarihan na makapagpagaling sa maysakit.

Ngunit hindi lang ang kalalakihan ang deboto ng Mahal na Señor.

Pagkatapos ng prusisyon ay ibabalik na ang poon sa “Tahanan ng Mahal na Señor” malapit lang sa simbahan at pawang kababaihang deboto naman ang mangangasiwa.

Sila naman ang halinhinang magtutulak at rerenda sa lubid hanggang sa makarating ang Mahal na Señor sa kanyang permanenteng tuluyan.

Bukas ang tahanan sa sinomang deboto na gustong humalik sa duguang talampakan ng santo.

Please follow and like us:
Read More

“SPIRITUAL RIOT” 

MAHAL NA SENOR SA LUCBAN

Holy Week ending sa Lucban

(Ni Jun V. Trinidad)

LUCBAN, Quezon – Sinomang Katolikong Pinoy ang makararanas at makasasaksi sa pagdaraos ng buong Mahal na Araw sa bayang ito sa paanan ng Bundok Banahaw ay isang salita lang ang angkop na paglalarawan – isa itong “spiritual riot”.

Para sa mga Lucbanin, ang Pasko ng Pagkabuhay o “Easter Sunday” na pagtatapos ng isang linggong banal na araw ay idinadaos sa pamamagitan ng pagbubuhusan ng tubig o mas kilala sa lokal na bansag na “buhusan”.

Noong mga nakaraang panahon, ang tubig na isinasaboy sa sinumang dumadaan ay sinasalok sa malinis na malaki at maliit na kanal o mas kilala sa pangalang “malaking bambang” at “maliit na bambang” na dumadaloy sa buong bayan magmula sa Bundok Banahaw.

Walang puwang ang galit o pagkapikon sa sinumang bubuhusan ng tubig gamit ang tabo o balde dahil batid ng lahat na bahagi yun ng  na tradisyon.

Ang hindi lang tinatarget na buhusan noon ay yung mga bagong labas ng simbahan pagkatapos ng misa bilang respeto sa kanilang pinanggalingan.

At kagaya ng isa pang pamosong tradisyon sa Lucban – ang piesta ni San Isidro de Labrador tuwing Mayo 15 na tinatawag ngayon na “Pahiyas Festival” – ang kinagawiang praktika tuwing Pasko ng Pagkabuhay ay naapektuhan na rin ng mo­dernisasyon at komersiyalismo.

Nitong mga nakalipas na taon, ang tradisyon na kinamulatan ay ginawang isang pestibal ng lokal na pamalaan at tinawag itong “Buhusan Festival”.

Ang pagsasabuyan ng tubig ay nakasentro na lang ngayon sa plaza sa tapat ng munisipyo.

At kung noon ay nagmumula ang tubig sa mga kanal, ngayon ay pinasisirit na lang ito mula sa trak ng bumbero kasabay sa tugtog ng modernong musika at walang kapagurang dakdak ng sinumang bantog na “djs” na binabayaran ng mga kumpanyang nagiisponsor sa pestibal.

Wala na rin kasi ang malinis na tubig na dating umaagos sa popular na kanal ng bayang ito. Halos tuyo na rin ang mga bambang dahil sa kakulangan na rin ng tubig na umaagos mula sa bundok.

Bagama’t may mga isinagawa pa ring buhusan ng tubig sa ibang parte ng kaba­yanan kagaya noong una – nagmumula na lang ang tubig sa gripo – mas umaakit ngayon sa mga Lucbanin partikular sa hanay ng mga kabataan ang kasiyahan sa gitna ng bayan.

“Okey lang ang modernong pagbabago sa ‘buhusan’ pero sana ay huwag namang tuluyang maglaho ang sinaunang tradisyon,” ang pahayag ni Cesar Racelis, isang matandang Lucbanin. (Sundan bukas)

Please follow and like us:
Read More

KALBARYO NG TRAFFIC SA EXPRESSWAY ASAHAN

nlexbomba12

(Ni FRANCIS SORIANO)

INAASAHAN ang matinding traffic ng maraming motorista sa dami ng dadagsang sasakyan sa tatlong expressway sa bansa higit ngayong Semana Santa.

Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, tataas ng mahigit na 10 porsyento ang kanilang inaasahang dadagsang sasakyan at babantayan.

Base sa tala,  pumalo sa 330,000 mga sasakyan kada araw ang nairehistro ng NLEX noong Holy Week ng 2018, mas mataas kumpara sa 250,000 na sasakyan kapag ordinaryong araw.

Habang tinatayang papalo naman sa 20 porsyento ang dagdag na dami ng mga bibiyahe sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) na posibleng umakyat sa 170,000 na sasakyan, maging sa South Luzon Expressway (SLEX).

Please follow and like us:
Read More

KAPALIT NG MRT-3; 140 P2P BUS BIBIYAHE SA SEMANA SANTA

pp2

(NI KEVIN COLLANTES)

MAGPAPABIYAHE ng may 140 Point-to-Point (P2P) buses ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) ngayong Holy Week.

Batay sa inisyung anunsiyo ng DOTr-MRT3 sa kanilang social media accounts nitong Huwebes ng umaga, ide-deploy nila ang mga naturang P2P buses mula Abril 15, Lunes Santo, hanggang Abril 17, Miyerkoles Santo, at mula Abril 20, Sabado de Gloria, hanggang Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).

Ayon sa departamento, layunin ng deployment ng mga naturang behikulo na matulungan ang mga suki nilang pasahero na maaapektuhan ng taunang Holy Week maintenance shutdown ng MRT-3.

Ang mga nasabing bus ay magsasakay at magbababa sa lahat ng istasyon (Northbound man o Southbound) ng MRT-3 mula 5:00 ng madaling araw hanggang 9:00 ng gabi.

Wala namang dapat ikabahala ang mga pasahero dahil nilinaw ng DOTr na ang magiging pasahe nila sa P2P bus ay katulad rin ng pasaheng ibinabayad nila sa MRT-3.

“Sa darating na April 15-17 at April 20-21, may kabuuang bilang na 140 P2P buses ang bibiyahe kada araw upang tulungan ang aming mga suking pasaherong apektado ng taunang Holy Week MRT-3 maintenance shutdown,” bahagi ng anunsiyo ng DOTr-MRT3.

“Nais din naming ipabatid sa inyo na ang pasahe para sa pagsakay sa mga P2P bus ay katulad ng fare matrix na ipinatutupad ng MRT-3,” bahagi ng anunsiyo.

“Hangad po ng pamunuan ng DOTr at ng MRT-3 ang inyong matiwasay na biyahe habang isinasagawa ang kinakailangang pagmimintina at pagkukumpuni sa ating train system,” dagdag pa nito.

Ang Bus Augmentation Program ay inisyatibo ng DOTr, MRT-3, Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), at i-ACT Alpha/Bravo teams.

Matatandaang una nang inianunsiyo ng DOTr-MRT-3 na suspendido ang kanilang operasyon mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay upang bigyang-daan ang kanilang taunang maintenance shutdown.

Ang MRT-3, ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City.

 

 

Please follow and like us:
Read More

COAST GUARD, IMMIGRATION HANDA NA SA HOLY WK

ports

(NI DAHLIA S. ANIN)

NAKA-HIGHTENED alert status na ang lahat ng paliparan at pantalan sa buong bansa bilang paghahanda sa parating na Semana Santa.

Inaasahan na ng Manila International Airport Authority ang pagdagsa ngayong weekend ng mga pasahero sa NAIA hanggang sa matapos ang Semana Santa.

Bunsod nito ay hindi muna papayagan ang mga airport personnel na mag-leave, ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal.

Maging ang mga empleyado ng Bureau of Immigration ay kanselado na rin ang mga leave at dadagdagan pa ang mga Immigration Officers sa NAIA.

Plantsado na rin ang seguridad sa paliparan, at tiniyak na bagamat may nakaambang brownout ay hindi nito maaapektuhan ang airport, dahil ang supply ng kuryente ay nanggagaling umano sa Pasay at Parañaque. Nakaantabay din ang generator para sa hindi inaasahang brownout.

Maging ang Philippine Coast Guard ay may nakahandang plano na din sakaling mawalan ng kuryente. Naka-hightened alert na rin ang Philippine Coast Guard (PCG), at mahigpit ang pagbabantay sa mga pantalan, at tinututukan nila ang mga kolorum vessels.

Huhulihin nila ang mga bangkang gagamitin na hindi naman pampasahero, ii-impound ang mga ito at sasampahan pa ng kaso ang mahuhuli nila.

Pinayuhan din niya ang mga pasahero na huwag tangkilikin ang mga kolorum na sasakyang pandagat.

Nagtalaga rin  ang mga opisyal ng mga Malasakit Centers sa mga airports at seaports na tutugon sa ibang pangangailangan ng mga pasahero.

 

Please follow and like us:
Read More

AIRPORT EMPLOYEES, OFFICIALS WALANG DAYOFF SA HOLY WK

airport123

(NI DAVE MEDINA)

KANSELADO ang lahat ng day off at vacation leave ng mga kawani at opisyal sa mga paliparan sa bansa simula sa Lunes ng papasok na linggo hanggang sa April 25.

Ito ay makaraang ialerto ng  Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang 44 na commercial airport sa ilalim ng hurisdiksyon dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa pag-uwi sa mga probinsya.

Sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos, nagdagdag din ng mas malakas na seguridad, maasahan at kumportableng serbisyo sa lahat ng 44 commercial airport sa buong bansa mula Abril 8 hanggang 25.

Inatasan din ng CAAP ang 12 area manager na magtalaga ng mas maraming service at security personnel sa itatagal na panahon sa paggunita ng Semana Santa.

Noong Abril ng nakalipas na taon, umabot sa 5,508,498 domestic passenger at 3,036,274 international passenger ang dumating at umalis sa pagdaan sa NAIA.

Please follow and like us:
Read More

MRT-3 WALANG BIYAHE MULA APRIL 15-21

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

INIANUNSIYO ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na sususpendihin nila ng isang linggo ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Mahal na Araw.

Ito’y upang bigyang-daan ang kanilang annual general maintenance shutdown.

Batay sa paabiso ng DOTr, itatapat nila ang pagtitigil ng biyahe para sa pagkukumpuni, sa Mahal na Araw, o mula Abril 15, Lunes Santo, hanggang Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Layunin anila nito na hindi masyadong maapektuhan ang kanilang mga mananakay, na inaasahang magsisiuwian naman sa kani-kanilang lalawigan upang doon gunitain ang mahalagang relihiyosong aktibidad.

“HEADS UP: MRT-3 will have its annual general maintenance shutdown (Holy Week shutdown) from Holy Monday, April 15, to Easter Sunday, April 21,” nakasaad sa advisory ng DOTr.

“Maintenance works that will be done during the one week suspension of revenue operations include rail grinding, rail cascading, replacement of turnouts, structural testing, and other general maintenance activities on our trains, electrical systems, and other MRT-3 subsystems,” dagdag pa nito.

Inaasahan namang sa Abril 22, Lunes, ay magbabalik sa normal ang operasyon ng mga tren ng MRT-3.

Kaugnay nito, humihingi ng pang-unawa ang DOTr-MRT3 sa publiko dahil  sa pagtitigil nila ng biyahe, na ang layunin anila ay upang higit pang mapaghusay ang ibinibigay nilang serbisyo sa publiko.

Inaasahan namang sa naturang petsa ay magpapatupad rin ng general maintenance shutdown ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) na taun-taon namang nilang isinasagawa, ngunit sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na paabiso ang mga ito para sa kanilang Holy Week schedule.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.

 

 

Please follow and like us:
Read More