ENDO MAGWAWAKAS NA (2)

END ENDO-10

Kailangang may magsakripisyo pa rin?

(Ni Nenet L. Villafania)

HINDI tatalikod si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pangako nito na tatapusin ang endo kahit batid naman ng marami na mahirap gawin ito sapagkat posibleng maging isang panggigipit ito sa maliliit na negosyante na maliit lang ang puhunan lalo pa’t ayaw nga nila sa manggagawa o obrerong tamad o may iba pang dahilan.

Maraming posibleng mangyari sa pagpapatigil ng nakasanayang “end of contract” o endo sapagkat kapag nawalan na ng pupuntahan ang mga negosyante ay posibleng isara na lang nito ang kanyang negosyo matapos ideklarang lugi.

Sa bandang huli, lalabas na ang mga pangkaraniwang obrero ang magsasakripisyo kapag naisara ang negosyo.

Kaya nga nasabi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre “Bebot” Bello III na kailangang magkaroon ng compromise sakaling maipatupad ang wakas ng endo at dapat ay maging katanggap-tanggap sa lahat na ang ibig sabihin ay pabor sa manggagawa at may benepisyo rin sa negosyante.

‘Endo sa Kongreso’

Pinalusot ng Kamara noong Enero ang security of tenure bill o ang panukalang batas na nagtatakda ng benepisyo para sa mga manggagawang matagal na sa parehong trabaho. Medyo malabo. Paano ba ‘yon?

Sa nasabing batas, pinapayagan pa rin ang ilang uri ng contractualization kaya dismayado ang mga labor groups. May probisyon sa nasabing batas para sa exemptions o ilang uri ng trabaho na maaari pa ring maging contractual, base sa konsultasyon sa DOLE.

Ito raw ang pinakamagandang naisip ng Kongreso, kung saan pare-parehong makikinabang ang mga manggagawa at kapitalista, na isang pagtalikod sa naunang commitment nila dahil may mga trabahong seasonal lamang talaga.

Heto naman ang pahayag ng ilan nating kababayang nabiktima ng “endo”.

Jan Andro Ruedas, 32, contractual sa panahon ng iluhan sa Central Azucarera Don Pedro, Nasugbu, Batangas.

“Pag naipasa sa panahon ni Pres. Duterte na i-ban ang contractualization sa bansa, lahat ng iindorso n’ya, siguradong panalo,” ani Rueda. “Matagal nang kalakaran sa CADP na tatawagin lamang ang trabahador pag iluhan, pero paminsan-minsan, pag maganda ang performance, nare-regular din. Sana nga, maregular kami.”

Jefferson Balillo, 36,  delivery man ng Lazada, Makati City.

“Nagtitiyaga lang ako dito dahil naghihintay na lang ako ng tawag sa Korea. Mahirap magtrabaho na sasailalim ka sa “endo” dahil wala kang security of tenure.”

Maybelle Dimaunahan, 23, nurse, FEU Hospital, Manila.

“Option kong mag-part time na lang dahil nagma-masters ako, pero kung ako ang tatanungin tungkol sa “endo” kahit saang anggulo natin sipatin, talo talaga ang manggagawa. Kaya, ayoko talaga niyan. Mabuti pa rin ang regular.”

Jeffrey Conchas, 33, driver, MBC Contractors, Batangas City.

“Hindi ko alam kung “endo” ako o hindi dahil wala naman akong pinipirmahang kontrata. Saka wala rin akong pinipirmahan sa Accounting pag sumusweldo ako. Cash akong binabayaran ng boss ko. Apat na taon na akong nagtatrabaho bilang driver dito. Kung tinatanong nyo ako kung ano ang masasabi ko sa “endo,” aba, ewan ko. Wala akong alam dyan.”

May punto ang magkabilang panig – ang manggagawa at kapitalista – kaya napakahirap magpasiya, lalo pa at “palabra de honor” ang nakataya. Abangan na lamang natin ang susunod na kabanata. Mawawala kaya ang “endo” sa Pilipinas? Ano sa palagay mo? Ako, hindi ako mapalagay.

Please follow and like us:
Read More

ENDO MAGWAWAKAS NA (1)

ENDO-1

Hanggang Saan, Hanggang Kailan?

(Ni Nenet L. Villafania)

KARANIWANG nari­rinig sa mga manggagawa ang katagang ‘endo’ o end of contract. Nagkaroon na naman ng bagong Tagalog word, mula nang pausuhin ng mga Fili­pino-Chinese businessmen ang pagtatapos ng kontrata ng isang empleyado, upang makaiwas sa mga benepisyo.

Bakit may endo?

Paliwanag ni Fiscal Aris Panaligan ng Manila Public Attorney’s Office, ginagamit ng ilang employer ang endo para mapaglaruan ang batas.

“Sa batas natin, kapag nagtrabaho ang isang emple­yado ng mahigit sa anim na buwan at hindi siya inalis sa employment mo, automatic na magiging regular empoyer sya,” ani Panaligan. “Pag endo o end of contract, tinatapos ang kontrata, kadalasan, hanggang five months lang, kaya wala silang sabit.”

Umiiwas din umano ang mga employer sa mandatory obligation na mga benefits sa mga manggagawa. Nakasaad din kasi sa batas na kapag ang empleyado ay na-regular at umabot ng sampung taong pagtatrabaho sa isang kum­panya, babayaran ng kumpanya ng halagang isang buwan ang bawat taon ng kanyang serbisyo sakaling magretiro siya o matanggal sa trabaho.

Paano makapagtrabaho ng may “endo”?

Noong araw, kapag mag-a-apply ka sa trabaho, direkta kang nagtutungo sa Human Resource  ng kumpanya. Ngunit mula noong mid-90s, nag-usbungang parang kabute ang mga employment agencies na siyang nagha-hire ng mga empleyadong itatalaga sa iba’t ibang kumpanya para magtrabaho ng hanggang limang buwan. Paliwanag ni Fiscal Panaligan, lalabas na hindi ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ng empleyado ang employer kundi ang employment agency. Doon din siya kukuha ng sweldo at hindi sa accoun­ting office ng kumpanya, dahil may “cut” din ang agency sa arawan nilang kita.

“Ang problema dito,” ani Panaligan, “walang kontrol ang contractor sa mga workers na ipinasok sa isang kompanya. Kung ano ang i-assign sa kanila, yun na. At kung sobra sa oras, hindi rin kontrolado ng agency. Syempre, susunod ang worker dahil takot siyang mawalan ng trabaho, lalo pa sa hirap ng buhay ngayon.”

Tapos na ang “endo”

Wow naman! Totoo ba ito? Wala nang “endo”? Maniwala naman tayo. Kasi, may nakasalang na batas ngayon sa Kamara na naglalayong tapusin ang labor-only contracting at endo. Nilagdaan ni President Rodrido Duterte nitong nagdaang May 1 (Labor Day) ang isang executive order kontra sa kontraktuwalisasyon.

Pero sa totoo lang, walang kapangyarihan ang executive branch para tapusin ang “endo”. Siguro, mababawasan, pero hindi agad-agad mawawala, lalo pa at naisabatas dahil sa impluwensya sa mga dating mambabatas ng mga negosyanteng mahilig maglagay.

Malaki kasi ang matitipid kung iilang buwan lamang ang kontrata sa trabaho. Sa gano­ong paraan, hindi sila magiging regular at hindi rin magkakaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa tulad ng health benefits at insurance. Yung mandatory lamang sa batas ang makukuha ng mga sumasailalim sa “endo” tulad ng SSS at Philhealth.

Sa madaling sabi, hanggang hindi naipapasa sa Kongreso ang pagwawakas ng contractualization, walang magagawa ang presidente kahit pa kabilang ito sa mga pangakong binitiwan niya noong nangangampanya pa lang siya sa pagkapangulo.

In other words, kahit lang draft ng EO ang pirmahan ng presidente, wala naman siyang kapangyarihang ipatupad ito. Kailangan ang legislative power dahil nakasaad  iyon sa Labor Code of the Philippines, kung saan naroon ang mga provisions laban sa contractualization ngunit may mga areas na pinapayagan, tulad ng pag-hire ng ekstrang empleyado pag may special ocassions. Yung, seasonal hiring ba, tulad ng Pasko, Valentine – o sa kung sa mga tubuhan tulad sa Batangas at sa Negros, kapag panahon lamang ng iluhan o anihan ng tubo.

Pero mismong si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang nagsabing imposible ang total ban ng “endo”. Bakit ‘ka n’yo?

“Kung total ban on contractualization ang gusto natin,” pahayag ni Bello, “dapat mapawalang bisa o amyendahan ang isang partikular na probisyon sa labor code. Walang kapangyarihan ang executive order na magdagdag o magbawas o magbago sa isang batas na ipinasa na ng Kongreso. Implementing details lang ng batas ang pwede nitong ibigay. Congress talaga ang dapat buligligin. Sana, maintindihan ng mga trabahador ang limitasyon ng exe­cutive order at huwag nilang masyadong sisihin ang Pa­ngulo.”

Pero tuloy na nanindigan ang Malacañang na sa kahit ano’ng paraan, hindi tatalikod si Duterte sa pangakong tatapusin ang endo, kahit sa totoo lang, napakahirap pilitin ng mga maliliit na negosyante dahil wala raw silang pera, o kaya naman ay ayaw nila sa worker dahil tamad o kung anupamang dahilan.  Ayaw rin naman umano ng Palasyo na gipitin ang mga negosyante dahil baka mas mawalan ng trabaho ang mga Filipino kapag nalugi sila.

“Siguro, dapat, may compromise na katanggap-tangap sa lahat,” dagdag pa ni Bello.

Please follow and like us:
Read More

MGA GURO, HINDI LIGTAS SA ENDO

END ENDO.jpg

(Ni Edzer Lanuza / Ikalawang bahagi)

ANG mga guro sa pribadong mga eskuwelahan ay hindi rin ligtas sa “endo” (end of contract) violations.

Kaugnay nito, ilang private school teachers na ang humiling sa House Committee on Labor  na pag-aralan ang epekto ng contractualization sa education sector.

Gaya ito sa naging kaso sa Baguio, kung saan naiulat na may ilang guro at ­professor na kinasundo para magturo ng 15 units o mas mababa rito kada semester noong 2016.

Ginagawa ang mga mga paraang ito para maiwasan umanong pagtrabahuin sila bilang full-time instructors o regular employees.

Ang kanilang reklamo ay dininig, hiniling ng members ng committee na ipanukala  ang pagpaparusa laban sa labor contractualization o ipakilala ang labor regulation reforms.

Dahil dito, hiniling sa House secretariat na suriin ang hiring procedures na ­ipinapatupad ng Commission on Higher Education (CHED) matapos mai-ere ang reklamo.

CHED nangangasiwa sa pribado , state universities

Ang Department of Education (DepEd) ang higher body. Pinamamahalaan nito ang lahat ng edukasyon sa bansa. Ang Commission on Higher Education (CHED) body sa ilalim ng DepEd ang namamahala sa college level education pataas.

In charge ang CHED sa tertiary level. Sila ang nag-aayos o nangangasiwa sa higher education institutions at state universities at colleges.

Samantalang mas dedikado ang  DepEd sa basic education sa Pilipinas, kung saan kinabibilangan ng Kindergarten, Elementary, hanggang sa High School.

Endo, lumala dahil sa K-12

Lumitaw ang endo violations nang harapin ng colleges ang impact ng K-12 (Kindergarten to Grade 12) basic education program na nagpapahaba sa high school ng dalawa pang taon.

Sinasabing ilang paaralan ang nagsasagawa ng endo o tumakbo sa retrenchments o pagtitipid para makaya ang pagkawala ng freshmen noong 2018.

Ang contractualization sa pagtuturo ng personnel ay kailangan ding ­ipagbawal, maliban kung ang isang ­faculty member ay pansamantalang pinagtrabaho  para palitan ang isa pang guro na naka- leave.

Ngunit sa maraming mga kaso, binabawasan na ­ilang administrators ang teaching load ng temporary teachers para hindi obligado ang eskuwelahan na ilagay sila sa regular payroll.

Kaugnay nito, ipinahayag ng  House committee na kanilang galugarin ang endo violations na maaaring ipinapatupad ng gobyerno, kung saan  umupa na ng 260,000 contractual workers.

Paano magiging  regular employee sa paaralan ang isang guro?

Ayon sa Manual of Regulations for Private Schools (Par. 75) maaaring maging isang regular employee ng paaralan ang isang guro kung siya ay nagtratrabaho ng full-time; nakapagsilbi ng three (3) consecutive years at ang kanyang serbisyo ay satisfactory. Ang private schools ay pinapayagan sa maximum ng three (3) years para sa probationary employment ng mga guro.

Layunin sa nasabing probationary period ang  mapahusay ang kakayahan, trabaho, o propesyon ng guro. Ang private schools ay binibigyan din ng prerogative para magtalaga ng standards na titiyak sa satisfactory performance ng potential teachers.

Ang nabanggit na mga criteria ay itinakda ng Department of Education para sa gurong hindi awtomatikong nare-regular matapos ang 3 taon. Bagaman, ang paaralan pa rin ang mag-eevaluate ng kanilang performance.

Contractual jobs, stigma at ­diskriminasyon sa mga empleyado

Ang contractual jobs ay nagdadala ng stigma o mantsa at diskriminasyon sa mga tao, na madalas ­nag-iisip na walang ­pangako ng long-term job security o ­benepisyo para sa kanila.

May mga pagkakataon din na ang mga butas na ito sa  sistema ng bansa ay sobrang naabuso pagdating sa kapakanan ng kanilang contractual employees.

Laganap din ang diskriminasyon sa pagitan ng kinontratang empleyado at sa regular na empleyado na nagpapamalas ng kanilang galing at talino o kadalubhasaan sa trabaho na tinatanggal din sa “endo.”  (May karugtong)

Please follow and like us:
Read More