NBI, PNP KINALAMPAG SA KASO NG SINUNOG NA EX-SOLON, 2 TAUHAN

Dating Congressman Edgar Mendoza

(Ni NILOU DEL CARMEN)

UMAPELA sa mga awtoridad ang pamilya ni dating congressman Edgar Mendoza na bilisan ang ­paglutas sa brutal na pamamaslang dito at sa dalawa niyang tauhan kamakailan sa Tiaong, Quezon.

Nabatid na nangangamba rin sa kanilang seguridad ang pamilya ng dating mambabatas kaya nagiging mailap sa pagbibigay ng pahayag at hindi rin binabanggit ang iba pang detalye hinggil sa burol ng biktima.

Person of interest tinututukan ng PNP

MAY person of interest na tinututukan ang Philippine National Police (PNP) bukod pa sa patuloy ang kanilang pag-iimbestiga upang malutas ang kaso bukod sa pagkilala sa mga suspek sa pagpatay at pagsunog sa bangkay ng dating kinatawan ng 2nd District ng Lalawigan ng Batangas.

Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, isinasailalim na rin sa DNA testing ang tatlong sunog na bangkay na sama-samang natagpuan sa loob ng kotse sa Tiaong, Quezon kahit positibo na itong kinilala ng kanilang mga kaanak.

Naunang nagtatag ang Quezon Police ng special investigation task group upang tutukan ang karumal-dumal na krimen bukod pa sa hiwalay na imbestigasyon ng  isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI)-Calabarzon.

Inaalam pa ng PNP ang motibo sa pagpatay kay Mendoza, isang practicing lawyer by profession,  bukod pa sa back tracking na kanilang ginagawa upang matukoy kung sino-sino ang kanyang huling kausap sa Calamba, Laguna bago natagpuan patay kasama ang dalawang aide sa nasunog na sasakyan sa Quezon noong Enero 8.

Base sa mga footages na nakalap ng NBI at PNP, nakita ang pagdaan ng kotseng kumpirmadong kay Mendoza  kasunod ang isang motorsiklo na lulan ang mga suspek sa pagsunog sa mga biktima noong Miyerkoles, Enero 7,  sa Barangay Cabay, Tiaong, Quezon.

Ayon kay Max Salvador, regional director ng NBI-Calabarzon, ipinagtataka nila ay ang hindi pagsunog sa mga dokumento at isang maleta na natagpuan sa gilid ng tulay dahil posibleng maging tulay ang mga ito upang malutas ang kaso o kaya naman ay iligaw ang mga nagsisiyasat. (Jesse Kabel)

CHR pasok sa  imbestigasyon

PAPASOK na rin ang Commission on Human Rights (CHR) sa pag-iimbestiga sa umano’y pagpatay kay dating Batangas Rep. Edgar Mendoza at kanyang bodyguards na sina Ruel Ruiz at Nicanor Mendoza na sinunog sa loob ng kaniyang sasakyan sa Quezon.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, nakikiisa ang kanilang tanggapan sa pagkondena sa hindi makatao at karumal-dumal na pagpaslang sa ilang kasalukuyan at dating mga opisyal ng pamahalaan.

Kasabay nito, nanawagan ang CHR sa mga law enforcement agencies na bigyang hustisya ang mga biktima at kanilang pamilya.

“Law enforcement agencies should bring justice to the victims and their family,” ayon kay de Guia.

“Vigilante killings, which arbitrarily deprives indivi­duals of the right to life, contributes to the growing culture of impunity,” dagdag pa ng tagapagsalita ng CHR.  (Kiko Cueto)

CCTV basehan

MALAKI ang hinala ng PNP na hindi nakarating sa kanilang pupuntahan sa Calamba City sina Mendoza at dalawang hinihinalang sakay sa sinunog sa kotse sa Quezon.

Nakalap sa CCTV footages na dumaan ang kotse sa Barangay Cabay at Barangay San Juan bago ito pumasok sa maliit na kalsada patungo sa tulay sa Barangay San Francisco, lahat ay sa bayan ng Tiaong.

Sinabi ni P/Maj. Lawrence Panganiban, hepe ng Tiaong Police, base sa kuha ng CCTV, ang kotse ay nanggaling sa direksyon ng bayan ng San Juan, Batangas at lumusot sa  Marcial C. Punzalan Jr. Highway patungo sa direksyon ng Tiaong.

Ang layo ng San Juan mula sa Lipa City ay 37 kilometro kung saan huli siyang nakausap bandang tanghali ng kanyang pamilya at nasabi na patungo siya sa Calamba City sa Laguna habang ang layo naman ng San Juan sa tulay kung saan sinunog ang kotse at 12 kilometro.

Isa sa pinagtutuunan ng pansin ng pulisya ay kung nasaan si Mendoza sa hu­ling 12 oras bago natagpuan ang nasusunog na kotse niya pasado alas-12 ng ha­tinggabi noong Enero 8.

Ayon kay Panganiban, maging ang pamilya ni Mendoza ay hindi masabi kung saan sa Calamba City ito partikular na patungo.

Samantala, napag-alaman na tatagal ng isang linggo bago lumabas ang resulta ng DNA test sa mga labi upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Please follow and like us:
Read More