MAYROON NA NAMANG PUGAD NG ECSTACY SA MAKATI

BAKBAKAN NATIN

HINDI bawal ang entertainment business sa Lungsod ng Makati, sapagkat kung bawal ay matagal nang patay ang Bistro RJ ni Presidential Adviser on Economic Affairs Ramon Jacinto.

Ang totoo, isa sa nagbibigay-liwanag at kasiyahan tuwing gabi sa Makati ang entertainment industry.

Ang masama rito ay mayroong mga establisimiyentong umaabot sa ilegal na droga ang nakapapasok sa kanila tulad ng isang club na dating nahulihan ng mga ope­ratiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pangunguna ng dating hepe nito na si Major General Guillermo Lorenzo Eleazar, ng ilegal na droga mula sa mga nagtatrabaho sa nasabing establisimiyento at mga kustomer nila.

Walang nagawa ang mga may-ari at nagpapatakbo ng nasabing ‘bahay-aliwan’ kahit napakalakas nila sa administrasyong Binay.

Mula noon, wala nang napabalitang bahay-aliwan na mayroong ilegal na droga, kabilang na ang ecstacy.

Ngayon na lang ulit nagkaroon ng masamang balita ang Lungsod ng Makati hinggil sa ecstasy.

Isa ang ‘Bakakan Natin!’ sa mga nakakuha ng impormasyon hinggil sa isang establisimiyentong ‘pugad’ ng ecstacy.

Salamat sa tiwalang ibinigay sa Diaryo Bomba, partikular na sa ‘Bakbakan Natin!’

Gabi-gabing nagaganap ang abot-langit na kasiyahan sa isang establisimiyento sa Makati.

Ang kasiyahan ay resulta ng ecstacy na ginagamit ng karamihan ng mga nagpupunta gabi-gabi sa nasabing establisimiyento o hostel. Dito na rin umano nagkakabilihan ng ecstacy.

Hindi talo ang mga nakabibili sapagkat high-grade ang ecstasy na “liquid form” pa. Kapag liquid daw, tiyak napakalakas ng tama.

Isang abogado na da­ting konektado sa Office of the Ombudsman ang mayroong opisina sa gusali o hostel na mayroong bahay-aliwan na sinasabing pugad ng ecstacy.

Napakatindi ng kawalanghiyaan ng nasabing hostel sa Poblacion Makati, sapagkat bukod sa talamak na bentahan ng mataas na klase ng ecstasy, mayroon pang prostitusyon.

Ngunit patuloy na namamayagpag hanggang ngayon kahit mahigpit si Mayor Binay laban sa ilegal na droga at prostitusyon.

Isa ba ang hostel sa “untouchable” sa admi­nistrasyong Binay o walang impormasyong nakararating kay Mayor Binay kaya hindi ginagalaw ang nasabing hostel ng pulisya ng Makati na matagal nang pinamumunuan ni Col. Roger Simon.

Bukod sa ilegal na droga at prostitusyon, nagagamit din ang gusali o ang hostel ng negos­yanteng Intsik na pasok sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na tahasang ipinagbawal na ni Binay.

Napakarami nang bawal na patuloy na ginagawa sa nasabing hostel sa Brgy. Poblacion.

Tingnan natin sa susunod na mga araw kung aaksiyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NCRPO at administrayon ni Abby Binay.

Abangan!

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod. Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More