3 GOLDS SA CYCLING, DUATHLON

(NI ANN ENCARNACION)

TATLONG ginto ang inambag ng pambansang koponan sa cycling at duathlon sa pagsisimula ng ikalawang araw (Lunes) ng 30th Southeast Asian Games kahapon.

Ginulat ni Lea Denise Belgira ang mga kalaban nang sungkitin nito ang kanyang unang gintong medalya sa women’s downhill sa Tatlong Bungo sa Barangay Niyugan,  Laurel, Batangas.

Hindi inasahan ng marami ang panalo ni Belgira lalo’t ito ay una pa lamang na pagsabak niya sa women’s downhill event sa biennial meet.

Noong Linggo ay kabilang siya sa mga nagpartisipa sa mountain bike cross country ngunit hindi pinalad na manalo.
Hindi rin nagpaiwan si John Derick Farr nang hablutin ang ginto sa men’s downhill, habang ang kanyang kakampi na si Eleazar Barba ang kumuha ng silver para sa 1-2 finish para sa Pinoy cyclists.

Hindi naman naging balakid kay Asian elite champion Monica Torres ang pananakit ng tiyan para kunin ang gold sa sa women’s duathlon sa Subic Bay Boardwalk.

Tinapos ni Torres ang 10km run-40km bike-5km run sa loob ng dalawang oras, walong minuto at 44 segundo.

“Expected ko na malakas yung bike ko pero yung totoo naisuka ko lahat ng nutrition and gels ko,” pagtatapat ni Torres. “Malaking tulong po yung mga tao na sumusuporta kaya inisip ko na lang na I will not let them down.”
Ibinalik ang run-bike-run event sa 30th SEAG sapul nang huli itong isagawa noong 2007 sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.

Samantala sisimulan ngayong araw (Martes) ang mga kompetisyon sa Billiards, Bowling, Canoe Kayak, Fencing, Muay Thai, at Skateboarding.

Please follow and like us:
Read More