NPA SA LIKOD NG DOLE OFFICIAL SLAY? LABOR CASE INAALAM NG NCRPO

(NI HARVEY PEREZ)

MAY posibilidad umano na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumaslang  sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong Nobyembre 3 sa Malvar St. Malate, Maynila.

Ayon kay NCRPO Regional Director PBGen Debold Sinas, sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na walang kaaway o kaalitan ang biktimang si  Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Maari umanong  may kinalaman sa kanyang trabaho sa DOLE ang posibleng motibo  ng pagpaslang kay Dacanay kaya inaalam nila kung anu-anong labor case ang dumaan sa tanggapan nito.

Una nang nakita sa CCTV ang mukha ng dalawang gunman na nakitang bumaril ng may 16 na beses sa biktima.

Gayundin, nanawagan si Sinas sa  publiko na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kung kilala nila ang mga   suspek na muling sumakay sa motorsiklo at iniwan sa isang lugar sa Linao St., bago sumakay lamang ng tricycle.

Naganap ang insidente alas 4 :45 ng hapon noong Nobyembre 3 sa Malvar Street, sa nabanggit na lugar.

Kalalabas lamang  umano ni Dacanay sa kanyang tanggapan sa DOLE Manila head office, sa 4th Floor ng DY International Building, San Marcelino Street, kanto ng Malvar Street, sakay ng itim na Honda Brio, na may plakang ACA-7338.

Habang binabaybay ang Malvar Street, pagitan ng Singalong at Benitez Streets, nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang suspek na riding in tandem.

Idineklarang dead in arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima.

Hindi naman tinamaan ng bala si Atty. Agata Ann Daquigan, labor arbiter sa DOLE main office at kasama ni Dacanay sa sasakyan nang maganap ang krimen.

 

Please follow and like us:
Read More

SUSPEK SA AMBUSH SA DOLE OFFICIAL NAHAGIP NG CCTV

(NI HARVEY PEREZ)

MAY mukha na ang dalawang gunman na nanambang sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Nobyembre 3 ng hapon  sa Malvar St. Malate, Maynila.

Sa press briefing ni NCRPO PBGen Debold Sinas, nakita umano  sa CCTV ang paglabas sa kanyang tanggpan ng biktimang si Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer na nakatalaga sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite at pagsunod ng dalawang lalaking  naka-motorsiklo na posibleng kasamahan ng mga gunman.

Sinundan umano ng dalawang suspek ang kotse ni Dacanay na Honda Brio, na may plakang ACA-7338, at habang binabaybay ang Malvar Street, pagitan ng Singalong at Benitez Streets, ay  nakita rin na bumaba sa sinasakyan nilang motorsiklo ang dalawang gunman  at naghintay sa daraanan ng biktima at nang mapatapat  sa kanila ay saka pinagbabaril si Dacanay.

Nakita  rin sa CCTV na sumakay muli sa motorsiklo ang dalawang gunman   at iniwan ang motor sa Linao St. bago sumakay ng tricycle .

Ilang sandali pa ay may dumating na lalaki at sumakay sa iniwanang motor ng suspek.

Kasabay nito,nanawagan si Sinas sa publiko na kaagad na ipagbigay alam sa Manila Police District (MPD) ang anumang impormasyon sa pagkakilanlan ng mga suspek para mabilis na maaresto ang mga gunman.

Samantala, patuloy pa rin ang MPD-homicide section sa isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo ng pagpaslang sa biktima.

Naniniwala ang pulisya na mga hired killers ang  mga pumatay kay Dacanay.

Please follow and like us:
Read More

AKUSASYON NG PARTNER NI EDDIE GARCIA KINONTRA NG GMA-7

pwede ed deleon (NI ED DE LEON)

PINASINUNGALINGAN ng GMA 7 iyong sinabi ng long time partner ng actor na si Eddie Garcia na ayaw siyang bigyan ng network ng resulta ng imbestigasyon, at kailangang makiusap pa ang kanyang abugado para mabasa iyon.

Sinabi naman ng GMA na matapos ang imbestigasyon, nagpadala sila agad ng kopya sa pamamagitan ng spokesperson ng pamilya Garcia na si Dr.Tony Rebosa, dahil noong panahong iyon, si Lillibeth Romero ay nasa abroad.

Nagpadala rin daw sila agad ng kopya sa DOLE, at sinasabing kagaya ng kasunduan, hindi lamang nila inilabas sa publiko ang resulta ng imbestigasyon hanggang hindi nakakapag-comment ang pamilya ni Eddie Garcia.

Ganoon pa man sinabi ng network na naiintindihan nila na ang pamilya ay nasa panahon pa ng kalungkutan.

Bagama’t sinabi nilang hindi totoo na itinago nila ang resulta ng imbestigasyon sa long time partner ni Eddie Garcia, hindi naman nila napasinungalingan ang akusasyon noon na nagkaroon sila ng negligence dahil sa mga pagkukulang sa safety measures habang nasa set sila ng ginagawang serye.

Iyan ay simula pa lang ng isang mahabang usapan. Tiyak na ang isa’t isa ay maghaharap pa ng mga ebidensiya at mga testigo na pabor sa kanila. Natural ang mga tao sa set noon ay maaaring tumestigo pabor sa GMA 7. Iyong medical people naman na nangalaga kay Eddie Garcia pagkatapos ng aksidente ang maaaring magpatunay ng maling handling ng pasyente bago nadala sa kanila.

Ang resolusyon ng kasong iyan ay aabot sa korte, tiyak iyon. Hindi naman kasi maaaring walang settlement sa nangyari.

 

 

Please follow and like us:
Read More

MABIGAT NA PARUSA IPAPATAW NG DOLE SA GMA-7

eddie garcia12

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

SINABI ni Labor Secretary Silvestre Bello na sa kanilang imbestigasyon ay lumabas na nagkaroon ng kapabayaan ang GMA Network sa pagpapatupad ng safety standards sa kanilang taping, na kung saan walang nakitang safety officer. Sinabi rin niyang kung may safety officer na naroroon at marunong nang tamang handling,”maaaring hindi lumala ang bunga ng aksidente at hindi namatay si Eddie Garcia”.

Natisod ang beteranong actor sa cable na ginagamit sa mga ilaw sa taping at bumagsak. Sa pag-aakalang siya ay inatake lamang sa puso dahil sa init, binuhat siya ng mga tao roon at isinakay sa taxi patungong ospital. Hindi naingatan ang kanyang leeg na fractured na pala noon. Kung may isang safety officer, malamang nilagyan siya agad ng “neck brace” bago binuhat at hindi na lumala ang problema.

Pero wala pang opisyal na dokumento tungkol dito. Paglabas ng dokumento, sinasabi ni Bello na ipapataw sa GMA ang pinaka mahigpit na parusang multang P100,000 dahil sa kapabayaan. Maaaring lumaki iyan dahil maaari silang pagbayarin ng P100,000 sa bawa’t araw hanggang hindi nila nakukumpletong bayaran ang multa.

Hindi rin natin alam kung ano ang aksiyon ng naiwang pamilya ni Eddie Garcia. Kausap nila ang kanyang long time partner na si Lilibeth Romero, pero may habol pa rin diyan ang legal niyang anak na si Edwin kung sakali. Iyong resulta ng imbestigasyon at parusang ipinataw mismo ng DOLE ang siyang magiging matibay na ebidensiya kung maghahabol pa nga ang pamilya ni Eddie Garcia laban sa GMA.

Masakit na pananagutan iyan dahil wala namang may gusto sa nangyari. Iyan ay isang aksidente. Pero isang katotohanan na matindi ang occupational hazards sa shooting ng isang pelikula o taping ng isang television show at iyan ay hindi dapat pabayaan.

Ang masakit pa para sa network, kung may magbabalik sa kasaysayan pagkatapos ng maraming taon, mauungkat pa ring si Eddie Garcia ay namatay sa set ng GMA.

 XIAN DAPAT KUMUHA NG MAGALING NA A.D.

Nakalulungkot naman, wala kaming narinig na pumuri sa first directorial job ni Xian Lim kung di ang kanyang ka-love team na si Kim Chiu. (Meron naman, isang director na in love kay Xian-Ed).

Maski na ang mga pra la la boys, girls and gays na noong una ay excited sa pelikulang idinirek ni Xian, nanahimik matapos mapanood ang pelikula.

Iyong mga kritiko, halos lahat ay nagsabing nahilo sila sa pelikula ni Xian. Dapat kasi naalalayan iyan ng isang mahusay na AD para hindi nangyari iyan.

Si Gladys Reyes, natuwa dahil naging bida ang kanyang asawang si Christopher Roxas for the first time sa pelikula ni Xian. Hindi namin alam kung natutuwa pa rin siya matapos na mapanood iyon.

 

Please follow and like us:
Read More

SUSPENSIYON NG DOLE SA GMA-7 NAKAAMBA

pwede ed deleon(NI ED DE LEON)

ANG konsulta ngayon sa isang pribadong doctor ay P700 ang pinakamababa. Magkano kaya ang babayaran kung naka-istambay siya sa isang shooting o taping na minsan ay inaabot ng maghapon at magdamag pa? Ang isang private nurse ay binabayaran ng 1500 piso sa maghapong trabaho, at karaniwang twelve hours lamang iyan. Magkano ang rental ng isang ambulansiya sa isang oras? Ang ambulansiya at kailangang kumpleto sa gamit, may stretcher, may oxygen tank, kumpleto ng lahat ng gamot at may crew para magpatakbo noon at bumuhat ng pasyente nang tama.

All in all, tinataya naming aabutin ng 20 libong isang araw ang dagdag sa gastos sa shooting kung magkakaroon lamang ng additional medical personnel kagaya ng itinatadhana ng Occupational Safety and Health law.

Sa isang network, karaniwan na ang dalawa hanggang tatlong tapings ng mga serye nila sa araw-araw. May mga pelikula ring nagsi-shooting. Kung bibilangin mo sa isang buwan, mas malaki pa ang gastos sa mga safety measures na iyan, kaysa sa puhunan sa isang indie film.

Mahigpit ang batas. Depende kung ano ang lalabas sa kanilang imbestigasyon, pero sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na posibleng mapagmulta ang GMA ng P100,000  at masuspinde ang network. Iyong P100,000 maliit iyan para sa network. Isang commercial lang nila milyon na ang halaga. Pero iyong suspensiyon, iyon ang matindi. Ibig bang sabihin noon ay wala silang broadcast?

Ang usapan noong isang gabi, lalo na raw dadami ang mga Koreanovela at mga Chinese drama sa telebisyon kung ganyan nga kahigpit ang batas. Mas mura kasi kung bibilhin mo na lang ang mga serye at ipapa-dub mo na lang. Wala ka pang sakit ng ulo at iintindihing madidisgrasya.

Kailangan ang batas na iyan, pero nakatatakot isipin na baka dahil diyan, umurong na nga ang mga film at television producers.

Parang joketime?

PORNHUB SINABIHAN NG PNP NA ALISIN ANG SEX VIDEO NG MGA UNDERAGE

Mayroon pang isang nakakatawang balita. Sinabihan na raw ng PNP ang porno site na Pornhub, na alisin ang mga sex videos ng mga kabataang Pilipino. Diyan sa pornhub na iyan may lumalabas talagang porno ng mga pinoy, at bukod doon, diyan kumakalat ang mga video scandal ng mga artista.

Ilan na nga ba iyong mga sex videos na nakita naming may nakalagay pang “Pornhub”.

Ipina-block na iyan ng National Telecommunications Commission, pero may nagagamit na mga applications para maitago at mapalitan ang IP address ng user at makaka-konekta pa rin siya sa nasabing porn site. Diyan dapat na pumasok ang pagdisiplina ng mga magulang. Katungkulan nilang bantayan kung ano na ang ginagawa ng kanilang mga anak.

 

 

Please follow and like us:
Read More

DOLE PUMASOK NA SA PAG-IIMBESTIGA NG PAGLABAG NG GMA-7

eddie garcia12
pwede ed deleon

(NI ED DE LEON)

NASIMULAN na ba ang imbestigasyon ng GMA-7 kung bakit walang medic at ambulansiya sa set nila noong maaksidente si Eddie Garcia?

Sinasabi naman nila na requirement nila iyon sa kanilang mga tapings at shooting. Ibig sabihin alam nila, hindi lang dahil si Eddie Garcia iyon, kundi iyon ay itinakda na ng batas.

Iyang Occupational Safety and Health Standards ay nagsimulang ipatupad noon pang 1978 at nakatutuwang hanggang ngayon ay hindi pa naipapatupad iyan nang tama. Maski nga si Congresswoman Vilma Santos ay nagsabi noong isang gabi na mukhang nagkakaroon nga ng pagkukulang sa pagpapatupad ng batas na iyan lalo na sa showbusiness.

Ngayon tingnan natin kung ano ang mangyayari.

Sinabi na ni Secretary Silvestre Bello na mag-iimbestiga ang DOLE, sa pamamagitan ng Occupational Safety and Health Center na pinangungunahan ni Noel Binag bilang executive director, ang imbestigasyon sa kaso sa shooting na iyon ng GMA-7. Hindi dahil si Eddie Garcia ang nadisgrasya kung di dahil kahit na sino pa ang nadisgrasya riyan, dapat mayroong mga qualified medical personnel at isang ambulansiya para mabilis ang aksiyon kung may emergency.

Ang tagal, dalawang linggo na at hindi mo malaman kung ano ang resulta ng imbestigasyon ng GMA, o kung nasimulan na ba nila iyon. Kasi ano man ang kalabasan ng imbestigasyon nila, sabihin man nilang may nagpabaya, lalabas na tauhan din nila iyon at may pananagutan sila. Kaya mabuti na kung ang DOLE na mismo ang magsasagawa ng imbestigasyon. Una trabaho naman nila iyon. Ikalawa tiyak na ang kalalabasan ng imbestigasyon ay parehas.

 “Hindi ito ang panahon para tayo magturuan. Dapat ngayon buksan na natin ang mga mata natin na kailangan ngang mahigpit na ipatupad iyang occupational safety law. Kung kailangan pa ng amendment para mas mapalakas iyan at mapanagot talaga ang hindi susunod, iyan ang asikasuhin natin sa kongreso. Hindi lang dahil kay Manoy. Maaaring mangyari iyan kahit na kanino, kahit na sino sa mga 25,000 manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon,” sabi ni Ate Vi.

Please follow and like us:
Read More

DOLE IPINAGTANGGOL ANG MGA KAPITALISTA SA UMENTO

wage increase123

(NI NELSON S. BADILLA)

IPINAKITA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tunay nitong kulay makaraang salohin at ipagtanggol ang mga kapitalista sa bansa laban sa kahilingang dagdagan ng P710 ang minimum na sahod ng mga manggagawa kada araw mula sa umiiral na arawang suweldo.

Ayon kay DOLE Usec. Ciriaco Lagunzad, malabong itaas ng mga kapitalista ang sahod ng mga manggagawa, sapagkat wala pang isang taon ang naganap na umento sa kanilang suweldo.

Ani Lagunzad, malinaw sa batas-paggawa na kailangang lumipas muna ang isang taon mula sa huling pagtaas bago magsagawa uli ang mga Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs) ng DOLE sa  buong bansa.

Ang umento sa Metro Manila na umakyat sa P537 kada araw na suweldo mula sa P512 ay naganap noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Noong 2018 din itinaas ng iba pang RWPBs ang sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon, ngunit mas mababa sa P25.

Ang pahayag ni Lagunzad ay reaksyon sa inihaing petisyon  ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kamakalawa sa RWPB ng National Capital Region (NCR) na madagdagan ng P710 sa P537 arawang sahod sa mga manggagawa sa NCR.

Idiniin ng TUCP na “sobrang laki na ang nawala sa aktuwal na halaga” ng P537 mula nang walang tigil na tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa Tax Reform for Accessibility and Inclusion (Train) law at wala ring patid ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dulot ng excise tax dito at sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong langis sa pangdaigdigang merkado.

Ngunit, inamin ni Lagunzad na maaaring rebyuhin at pag-aralan ng RWPB – NCR ang kahilingan ng TUCP kung mayroong “supervening condition” upang itaas ang sahod ng mga manggagawang minimum ang tinatanggap na sahod.

Hindi ipinaliwanag ng opisyal kung ano ang “opisyal na intindi” ng DOLE sa konsepto ng “supervening condition” upang katigan nito ang mga manggagawa.

Nabatid ng Peryodiko Filipino Inc. na madalas magsalita, manindigan at ipagtanggol ng DOLE ang mga kapitalista kahit noong mga nakalipas na administrasyon.

Pero, kahit ganito, igigiit ng TUCP ang kahilingan dahil kailangang-kailangan at napapanahon ang P710 umento.

Please follow and like us:
Read More

PASAWAY NA EMPLOYERS BINALAAN NG DOLE VS PASAHOD SA HOLIDAY

(NI MINA DIAZ)

INIHAYAG ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga manggagawa na magtatrabaho sa mga petsang Abril 9, 18, at 19, ay babayaran ng dalawang beses sa kanilang regular na arawang  sahod, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Kasabay nito ay binalaan ng DOLE ang mga employers na hindi magpapasahod nang tama sa mga manggagawa na maaari silang ipagharap ng reklamo ng kanilang trabahador.

Ito ay base sa Proclamation No. 555 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaalinsabay ng pagpapalabas ng Labor Advisory No. 05 series of 2019 ni Labor Secretary  Silvestre H. Bello III para sa pagbabayad ng sahod sa Abril 9 – Araw ng Kagitingan, Abril 18 – Maundy Thursday, at Abril 19 – Good Friday, bilang mga regular na pista opisyal, kabilang ang Abril 20 – Black Saturday, na isang special non-working holiday.

Ilan sa pay rules na inirekomenda ng DOLE na dapat sundin para sa isang regular holiday ay ang mga susmusunod:
Kung ang empleyado ay hindi pumasok, siya ay dapat bayaran ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa mga araw na nabanggit (Basic wage + COLA] x 100 percent); habang ang trabaho ay ginawa sa panahon ng regular holiday,  ang empleyado ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanyang regular na suweldo para sa unang walong oras.

Para sa overtime work, siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate.

Kung ang isang empleyado ay nagtrabaho sa isang regular holiday na tumapat sa kanyang pahinga , siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang basic wage ng 200 percent.

Para sa  overtime work sa isang regular holiday na tumapat din sa araw ng pahinga, siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
Gayundin, dapat sundin ang mga sumsusunod na patakaran sa pagbabayad ng April 20 – Special Non-working holiday:

Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na “walang trabaho, walang suweldo” ay dapat masunod maliban kung may ibang patakaran, pagsasanay, o kasunduan sa collective bargaining (CBA) na nagbibigay ng pagbabayad sa mga espesyal na araw.

Para sa trabaho na ginagawa sa espesyal na walang trabaho na bakasyon, siya ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang araw-araw na rate sa unang walong oras ng trabaho.

Para sa trabaho na hihigit sa walong oras (overtime work), siya ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.

Kung ang isang empleyado ay nagtrabaho sa isang espesyal na bakasyon na nabibilang din sa kanyang araw ng pahinga, siya ay babayaran ng karagdagang 50% ng kanyang pang-araw-araw na rate sa unang walong oras ng trabaho.

Para sa overtime work sa isang espesyal na bakasyon na bumagsak din sa kanyang araw ng pahinga, siya ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.

 

Please follow and like us:
Read More