2 TOTOY NAGLAKO NG DAMO, ARESTADO

MARIJUANA

CAVITE – Gustong makatikim ng luho ng katawan, luminya sa paglalako ng marijuana ang isang 16-anyos na senior high school student, isa pang menor de edad at dalawang kasamahan nito ngunit minalas na madakip sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Imus City sa lalawigang ito.

Hawak ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad na sina alyas “James”, 17, out-of-school youth, at alyas “Marcus”, 16, senior high school student, habang nakakulong naman sa Imus City Custodial Center ang kasama nilang sina Joel Bautista, 18, at Lester Mendoza, 21, pawang ng lalawigan ng Cavite.

Sa ulat ni P/SSgt. Mak Joseph Jader ng Imus City Police Station, dakong alas-12:30 kahapon ng madaling araw nang unang isinagawa ang buy-bust operation ng mga elemento ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Imus CPS sa Brgy. Palico 1, ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto kay James at nakuha sa kanyang pag-iingat ang tinatayang 64.1 gramo ng marijuana na P3,400 ang street value.

Dakong ala-1:20 kahapon ng madaling araw nang muling nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Malagasang 2-G, Imus City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto kina Marcus, Bautista at Mendoza at narekober sa kanilang pag-iingat ang tinatayang 104.3 gramo ng pinatuyong marijuana na may street value na P4,400.

Ayon kay Jader, tila garapalan muli ang pagbebenta ng  marijuana dahil bumaba ang presyuhan at  dumarami ang suplay. (SIGFRED ADSUARA)

Please follow and like us:
Read More