MAKATI COUNCILOR SUGATAN SA CAR CRASH

yabut12

(NI ROSE PULGAR)

SUGATAN ang isang konsehal ng Makati City makaraang araruhin ng kanyang minamanehong kotseng Mercedez Benz ang isang nakaparadang pick-up , Biyernes ng madaling araw sa Makati City.

Agad na naisugod sa Makati Medical Center si Councilor Nemesio Yabut, Jr. makaraang dumaing ng pananakit ng balikat sanhi ng malakas ng pagbangga sa Nissan Frontier pick up na may plakang ZGY-724 na pag-aari ng ABS-CBN television network na nakaparada sa harap ng headquarters ng Makati City Police  sa Barangay San Antonio.

Lumalabas sa imbestigasyon, mabilis na tinatahak ni Yabut ang kahabaan ng Ayala Avenue sakay ng minamanehong mamahaling sasakyan na may plakang VFP-939 patungo sa Yakal St. mula sa Kamagong St, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang mawalan ng kontrol at bumangga sa nakaparadang sasakyan.

Base sa pahayag ni Makati City Police Public Information Office (PIO) head Maj. Gideon Ines, galing umano sa isang pagtitipon si Yabut at umano’y nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente.

Matatandaan na tumakbo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod ng Makati si Yabut subalit nabigo makaraang talunin ni Congressman Luis Campos na asawa ni Makati Mayor Abby Binay.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at paglabag sa Republic Act10586 o ang Anti Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Makati City Traffic Bureau ang naganap na insidente.

 

Please follow and like us:
Read More