COMPUTER SHOPS MALAPIT SA SCHOOL BABANTAYAN

ncrpo12

(NI LYSSA VILLAROMAN)

IPINAG-UTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng computer shop sa Metro Manila lalo na ang mga shops na malapit sa eskwelahan upang maiwasan ang paglalaro ng mga estudyante ng mga online games sa oras ng klase.

Ang kautusan ni Eleazar ay bunsod nang maaktuhan ang 12 estudyante na senior high school habang ang mga ito ay naglalaro ng online games sa isang computer shop sa Makati City dakong alas-2:00 ng hapon ng Huwebes.

Ayon kay Eleazar, batay sa Department of Education Order No.86 series of 2010 bawal pumasok sa mga computer shop, mall at sinehan ang mga estudyante kapag oras ng klase.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang NCRPO sa mga local government  units na maging aktibo sa pagbabantay sa mga estudyante na hindi pumapasok sa kanilang klase at inuubos ang kanilang oras sa paglalaro ng online games sa mga computer shops.

Ayon kay Eleazar, may kapangyarihan din ang lahat ng local government unit na magsagawa ng inspeksiyon sa mga naturang establisiyemento.

Maliban dito, sinabi ni Eleazar na nakikipagtulungan din sila sa mga opisyal ng mga paaralan upang matiyak na hindi pakalat-kalat ang kanilang mga estudyante sa lugar na malayo sa paaralan.

Babala naman ni Eleazar na kanyang ipasasara ang mga computer shop at ilang establisyemento kapag pumayag sa mga estudyante na maglaro ng online games sa oras ng klase.

Sinabi pa ni Eleazar na hihingi rin sila ng tulong sa mga pamahalaan lokal ng mga lungsod na sa oras na makakita o makahuli sila ng mga estudyante na naglalaro  sa loob ng mga computer shop ay kanilang ipapasara ito.

 

 

Please follow and like us:
Read More