DRIVER NALAGLAG SA CISTERN TANK, PATAY

(NI HARVEY PEREZ)

WALA nang buhay nang matagpuan sa ibaba ng cistern tank, ang isang driver na hinihinalang nalaglag sa isang 10 talampakan na  cistern tank at nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo, Biyernes ng umaga sa Sta.Cruz, Maynila.

Kinilala ni PMSG Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide section, ang biktimang si   Pablo Bustano,47, driver, at residente ng 125 Alley F. Telecom Company  Compound Sta. Cruz, Maynila.

Dakong alas 8:00 ng umaga nang madiskubre ng kanyang amo na si Angel Tiu ang biktima sa ibaba ng 10 talampakang cistern tank sa 1711 Alvarez St., sa Sta. Cruz, Maynila.

Si Bustano umano ang pinagkakatiwalaang maglinis ng tangke ng kanyang among si Angel Tiu, na isang beses lamang sa isang taon.
Sinabi ng pulisya na posibleng nadulas habang bumababa sa hagdanan , kaya ito nagtuluy-tuloy na nahulog.

Gayunman, inaalam din kung inatake sa puso ang biktima habang naglilinis na nagresulta mg kanyang kamatayan.

Nabatid na na may  limang taon nang nangangamuhan si Bustano bilang driver ng pamilya Tiu at inuutusan itong maglinis ng cistern tank.

Inaalam din  ng pulisya  kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Please follow and like us:
Read More