NASA CHRISTMAS PARTY; 5 PULIS-BULACAN SINIBAK

(NI ELOISA SILVERIO)

SINIBAK ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) acting director PCol. Emma Libunao ang buong hanay ng kapulisan ng 3rd Maneuver Platoon ng First Police Provincial Mobile Force Company (1stPPMFC) ng Bulacan PPO makaraang wala ni isang pulis sa nasabing tanggapan nang magsagawa ng inspection dito Biyernes ng umaga.

Kinilala ang mga sinibak sa puwestong mga pulis na sina PCapt. Norheda Usman, Platoon Leader at ang mga tauhan nito na sina PMSgt. Siegfried Dizon, PSSgt. Benjamin Villasis Jr., Pat. Ronald Manzanade Jr at Patw. Imee Sheryl Florentino pawang mga nakatalaga sa Bulacan PPO-1stPPMFC-3rd Maneuver Platoon na nakabase sa Barangay Turo, Bocaue, Bulacan.

Ayon kay Col. Libunao, dahilan ng pagkakasibak sa puwesto ni Usman at mga tauhan nito ay ‘abandonment of post’ kung saan sa isinagawang inspeksyon sa kanilang tanggapan ay walang pulis na naka-duty dito.

Bukod dito ay  maraming kapabayaan na nakita si Libunao kay Usman bilang platoon leader kabilang na ang lumang directory kung saan dapat ay napalitan na ang mga pangalan ng mga superior officers mula sa Chief PNP, regional director at provincial director.

“Hindi maayos at walang aabutan o hihingan ng assistance ang publiko kapag nangailangan ng tulong dahil wala ngang pulis,” ayon kay Libunao.

Nabatid na ilang araw pa lang ang nakalipas bago ang inspeksyon ay una nang nagsagawa ng pagbisita sa tanggapan ni Usman ang mga personnel ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) kung saan wala rin umanong inabutan na pulis kaya’t pinagpaliwanag ito sa tanggapan ng PIAS sa Malolos.

Sinasabing umattend umano ang mga tinanggal na pulis ng Christmas party kaya walang tao sa naturang tanggapan.

Sinabi ni Libunao na dapat umanong mayroong pulis sa tanggapan ng 3rd Maneuver Platoon lalo na at kasagsagan ngayon ng bentahan ng paputok dahil sa paghahanda sa pagpalit ng taon.

Napag-alaman na ang nasabing tanggapan ay nakabase sa ilang kilometrong firecrackers and pyrotechnic store zone.

Pinalitan ni PLtCol. Anthony Manglo si Usman na nasa floating status sa 1stPPMFC sa Bulacan PPO.

 

Please follow and like us:
Read More

PULIS NCRPO SUMUNDO SA MISIS SA PARTY, INAMBUS

(NI DAVE MEDINA)

AGAW buhay sa pagamutan ang isang aktibong pulis makaraang tambangan ng riding in tandem sa Muntinlupa City, Sabado ng madaling araw.

Sinundo lamang ni NCRPO Base Policeman Ariel Gatdula ang kanyang asawa sa Christmas party ng Bgy. Putatan at sakay ng kanyang motor pabalik na ng kanilang bahay sa B5 L4 Manggahan St., Esporlas Itaas, Brgy Putatan, Muntinlupa City, nang buntutan ng riding in tandem saka binaril nang minsanan sa ulo bandang ala una ng madaling araw, sa Bruger St., malapit sa Boss Burger, Brgy Putatan, Muntinlupa City.

Ayon sa witness na si Frances Mira Dela Cruz, hepe ng VAWC  Brgy Putatan, Muntinlupa City, dalawang lalaki ang nakasakay sa motorsiklo na biglang sumulpot at pinaputukan sa ulo ang biktima.

Tumakas aniya ang riding in tandem patungo ng South Bound direction na dala ang baril na ginamit sa ambush .

Isinugod naman ng mga sumaklolong Bgy. Staff si Gatdula sa Medical Center Muntinlupa at doon ginagamot.

Agaran ding nagsagawa ang Police Community Precinct 2 Muntinlupa City Police Station sa pangunguna nina  PSSg Ronald Allan Belarmino at PCpl Randolf Kampoli ng follow-up operation para makilala at maaresto ang mga suspek pero nabigo ang mga ito.

Samantala, tuloy ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon nina PSMS Arthur  Cortez, PSMS Mark Sherwin  Forastero, PMSg Allan Besa at PSSg Jomil Angelitud ng Criminal Investigation Unit ng Muntinlupa City Police Station.

Please follow and like us:
Read More

MAG-ASAWANG GALING SA CHRISTMAS PARTY, PATAY SA AKSIDENTE 

accidentsign1

(NI ANNIE PINEDA)

NAUWI sa madugong trahedya ang masayang dinaluhan christmas party ng mag-asawa, makaraan bumangga ang kanilang sinasakyan tricycle sa elf truck , kagabi (Martes), sa Ilocos sur.

Kinilala ang biktimng sina Jayson Yabes, 37, at Rizalyn Edelora Yabes, 38, kawani ng lokal na pamalahalaan sa Ilocos Sur at kapwa residente ng Barangay Calanutian Sinait, Ilocos Sur.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng Isuzu elf truck na kinilalang si Oscar Rebollo Libed, 61, residente ng Barangay Nalupta, Batac City, Ilocos Norte.

Batay sa report ng Sinait Police Station, bandang alas 10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa national highway ng Barangay Magsaysay, Sinait, Ilocos Sur.

Lumabas sa imbestigasyon, pauwi na sana ang mag-asawa sakay ng tricycle na minamaneho ni Jayson nang agawin umano nito ang kabilang linya ng nakasalubong na Isuzu Elf na minaneho naman ni Libed dahilan para magkabanggaan ang mga ito.

Sa bilis ng pangyayari hindi na umano nagawa pang makaiwas ni Libed at sa lakas ng salpukan nagtamo ang mga matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga mag-asawa na agad nilang ikinamatay.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabng insidente.

Please follow and like us:
Read More

KINAIN SA CHRISTMAS PARTY; 50 BATA NALASON SA SPAGHETTI 

(NI ANNIE PINEDA)

DINALA sa ospital ang 49 grade 1 pupil kabilang ang isa pang bata matapos umanong malason sa kinain nilang spaghetti sa ginanap na Christmas party sa kanilang paaralan, iniulat kaninang umaga sa Negros Occidental.

Batay sa report ng Ma-ao Elementary School,dinala sa Bago City Hospital ang 49 mag-aaral at isa pang bata na kapatid makaranas ng pagsusuka at pananakit ng tiyan sa kalagitan ng Christmas party.

Ayon kay Roberto Angay, principal ng nasabing paaralan, spaghetti ang kinain ng mga bata na siyang kinuhanan ng sample ng City Health Office para isailalim sa laboratory analysis.

Lumabas sa imbestigasyon, spaghetti lamang ang kinain ng mga bata para sa kanilang Christmas party na inoder sa catering services sa halagang P100 bawat mag-aaral.

Pero, pagkatapos kumain magkakasabay na nagsuka ang mga mag-aaral na agad naman dinala sa ospital at nilapatan ng lunas.

Isang mag-aaral naman ang nag-uwi ng spaghetti sa kanilang bahay at pinakain sa kanyang nakababatang kapatid na siya rin ang sunod na nagsuka at dinala sa ospital.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente at sinagot na rin ng catering services ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot sa mga bata sa naturang ospital.

 

Please follow and like us:
Read More

RIDERS PINAYUHAN SA PAGDALO SA CHRISTMAS PARTY 

mmda12

(NI LYSSA VILLAROMAN)

PINAYUHAN ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga motorista na maging disiplinado sa mga road safety sa pagsisimula ng pagdaraos ng Christmas party sa iba’t ibang lugar.

“We would like to advise the public, unang-una mag-carpool kayo kung pupunta kayo ng party and designate a driver. Ibig sabihin, kung mag-iinuman kayo please make sure that there is someone sober enough to drive you back home,” ayon sa pahayag ni MMDA EDSA traffic chief Bong Nebrija.

Sinabi rin ni Nebrija na maging pasensiyoso ang mga motorista upang maiwasan ang mga away sa kalye lalo na ang inaasahan nilang pagbigat ng traffic ngayong Kapaskuhan.

Ayon pa rin kay Nebrija, sila ay may deployment ng mga traffic enforcer sa mga malls at lugar na may pagdarausan ng Christmas party.

Inabisuhan din ni Nebrija ang mga mall owner na i-monitor ang kanilang mga entrances sa EDSA upang maiwasan ang mahabang pila ng mall-goers papasok sa kanilang malls na siyang isang nagiging dahilan ng mahabang traffic ng mga sasakyan sa highway.

“Let it be part of their corporate social responsibility na tulungan ‘yung mga kababayan natin na huwag maipit sa traffic, lalong lalo na ‘yung mga motorista na hindi naman papunta ng malls,” ani Nebrija. 

 

Please follow and like us:
Read More

6-ANYOS NALUNOD SA CHRISTMAS PARTY

bata

Hindi umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 6-anyos batang babae nang malunod sa isang swimming pool.

Kinilala ang biktimang si Trixia Amor Arendain habang kritikal sa pagamutan ang 7-anyos na si Christ Jane Demate na muntik ding malunod habang naliligo sa pool.

Kasama ang dalawang bata sa Christmas party sa resort ng isang fishing company.

Ayon sa pulisya, posibleng lumipat sa adult pool ang mga bata na may lalim na higit sa limang talampakan. Unang nakita ang isang batang tila humihingi ng saklolo.

“‘Yung lifeguard, may nakitang kamay ng bata na parang nag-struggle doon sa pang adult na swimming pool, then agad na-rescue yong bata,” pahayag ni PO3 Nenet Cubin.

Ngunit maya-maya pa, may mga magulang na nagsabing nawawala ang mga anak nila. Isa sa mga swimmer ang nagsabi sa lifeguard na may naapakan silang kamay ng bata sa ilalim ng swimming pool.

“Yung lifeguard, agad sinisid ‘yung pool at doon nakita yung bata. Pero may nagsabi na isa pang parent na missing pa ang isa niyang anak. So ang ginawa ng isang lifeguard, sumisid siya at nakuha ‘yung isa pang bata,” pahayag ni PO3 Cubin.

Masama ang loob ng pamilya ng mga bata ngunit handang tumulong sa kanila ang management ng resort.

 

Please follow and like us:
Read More