NAKABABAHALA ANG ‘CHINESE IMPERIALISM’

BAKBAKAN NATIN

MANIWALA kayo o hindi, umiiral ang “Chinese imperialism” sa Pilipinas.

Noong 2009, nagkaroon tayo ng Republic Act No. 9511 na ang nilalaman ay 25-taong concession contract at 50-taong prangkisa upang patakbuhin ng isang kumpanya ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ang R.A. 9511 ay tungkol sa sistema ng elek­trisidad sa Pilipinas.

Sa batas na ito, nagkaroon ng 40 porsiyentong direktang pag-aari ang pamahalaan ng China, sa pamamagitan ng State Grid Corporation of China (SGCC).

Lilinawin ko po na ang pagpasok sa NGCP ng SGCC ay hindi pagpasok ng isang pangkat ng mga negosyanteng Intsik, kundi mismong pamahalaan ng China, sapagkat pag-aari at kontrolado nito ang SGCC.

Sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay muling nakapasok ang isang kumpanya ng pamahalaan ng China dahil kasosyo ito ng Dito Telecommunity (dating Min­danao Islamic Telephone Company Inc. o Mislatel).

Ang Dito ay ang ikatlong telecommunications company na nagsisimulang ilatag ang punda­syon nito sa buong bansa upang tapatan at talunin ang Globe Telecoms ng pamilya Ayala at Smart

Communications na pinamamahalaan ni Manny Pangilinan sa ngalan ng Salim Group of Companies ng Indonesia.

Pag-aari at kontrolado ang Dito ni Dennis Uy, sa pamamagitan ng pag-aari niyang Udena Corporation at Chelsea Logistics Corporation.

Isa pa sa may-ari ng Dito ay ang China Telecommunications Corporation na pag-aari ng pamahalaan ng China.

Ang online gambling ng mga sugapa sa sugal sa China ay multibilyong industriya ngayon sa Pilipinas na tinawag na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Marami na ring Intsik na nagbilihan ng malalawak na lupain sa Pilipinas.

Maging sa ilegal na negosyo tulad ng prostitusyon ay nakalusot na rin sa bansa.

Pawang babaeng Instik at parokyanong Intsik ang pasok sa prostitusyong ito.

Kahit sa industriya ng konstruksyon ay mayroon na ring mga manggagawang Intsik.

Nagaganap ang lahat ng ito habang agresibong inaangkin ng pamahalaan ng China ang West Philippine Sea (WPS).

Kahit unti-unting nakapagtatayo ng mga pasilidad ang China sa sakop ng WPS ay hindi natatakot ang pamahalaan ng bansang ito na agresibong ilar­ga ang engrandeng plano nito laban sa mga Filipino.

Kitang-kitang ipinagtatabuyan ng mga sundalong Intsik ang mga ma­ngingisdang Filipino na mangisda sa mga karagatang hindi maitatangging bahagi ng WPS, ngunit hindi ipinagtatanggol ni Pangulong Duterte.

Malinaw na malinaw ang ginagawang hakbang ng pamahalaan ng China kung paanong itinatanim at pinalalakas ang imper­yalismong China sa Pilipinas.

Pinapasok at namumuhunan ang pamahalaan ng China sa mga estratehikong industriya sa bansa.

Unti-unting makokontrol at masasakal sa leeg ang Pilipinas dahil sa itinayo nitong mga negos­yo sa sinasabi kong estratehikong industriya sa Pilipinas tulad ng elektrisidad at telekomunikasyon.

Kakaiba sa Amerika ang pagpapakalat ng China ng kanyang imperya­lismo.

Hindi ipinakakalat ng pamahalaan ng China ang imperyalismo nito, sa pamamagitan ng pa­ngungumbinsi sa mga Filipino hinggil sa konsepto ng pangmatagalang digmaang  bayan upang maitayo ang pamahalaan ng mga manggagawa at magsasaka sa Pilipinas tulad ng ginawa ng Chinese Communist Party (CCP).

Hindi nito kinukumbinsi ang mga Filipino na higit na mainam ang lipunang sosyalismo kaysa lipunang kapitalismo.

Nakaaalarma nang husto ang ginagawang pagpapakalat ng Chinese imperialism sa bansa.

Kailangang imbestigahan ito ng Kongreso bago maging solido ang imperyalismo ng China sa Pilipinas.

Kailangang magkaroon ng malalimang imbestigasyon hinggil sa lumalakas na pagkakapuwesto ng Chinese imperialism sa bansa upang maipamukha kay Pangulong Duterte ang sobrang kaluwagan niya sa China.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:
Read More