8 PASAHERO SUGATAN SA BUS NA NAHULOG SA BANGIN

(NI JG TUMBADO)

WALONG pasahero ng bus ang sugatan makaraang mahulog sa bangin sa bahagi ng Andaya Highway, Barangay Magais sa bayan ng del Gallego sa Camarines Sur, Lunes ng gabi.

Sangkot sa aksidente ang bus na pagmamay-ari ng kumpanyang Alps na may biyaheng Maynila galing Iriga City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagpagewang-gewang umano ang bus bago tuluyang bumangga sa concrete barrier ng highway at mahulog sa bangin pasado alas 10 ng gabi.

Isinisisi ang nasabing insidente sa madulas na kalsada bunsod ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Dinala sa Tagkawayan District Hospital sa Quezon ang mga nasugatang pasahero ngunit inilipat din sa isang ospital sa Naga City.

Hawak na ng Del Gallego Municipal Police Station ang konduktor at drayber ng bus at nahaharap sa patung-patong na mga kaso.

 

Please follow and like us:
Read More

8 PATAY SA SALPUKAN NG VAN, BUS

(NI NILOU DEL CARMEN)

WALO ang patay at apat ang malubhang nasugatan sa salpukan ng pampasaherong bus at van sa Maharlika highway,   Pamplona, Camarines Sur,  Miyerkoles ng alas-8:00 ng gabi.

Base sa inisyal na report ng Pamplona police,  nangyari ang banggaan sa Barangay San Vicente sa pagitan ng JHV passenger bus (EVP-129) na patungong Maynila at sa isang UV Express (EVU 222) na patungong Naga City galing ng Daet,  Camarines Norte.

Kasama sa nasawi ang driver ng van at ang dalawang lalaking pasahero at limang babae na pawang dead on the spot.

Apat pang pasahero ng van ang isinugod sa ospital sa Naga City.

Tumakas naman ang hindi  nakikilalang driver ng bus.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa mga nasawi.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam pa ang dahilan ng malagim na aksidente.

 

Please follow and like us:
Read More

AWAY SA LUPA NAUNGKAT SA INUMAN; 1 PATAY, 2 SUGATAN

crime44

(NI NICK ECHEVARIA)

PATAY ang suspek sa pamamaril matapos itong masaksak ng kanyang biktima sa kabila ng tinamong tama ng bala sa dibdib sa isang inuman sa Camarines Sur, Linggo ng madaling araw.

Naganap ang insidente pasado alas-2:00 sa Brgy. Tabion, Del Gallego sa nasabing lalawigan nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng napatay na suspek na si Romeo Laureciano at ng mga biktimang sina Jayson Dalma at Recardo Valera na pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa ipinadalang ulat ni P/Major Malou Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, nasa kasarapan umano ng kanilang inuman ang tatlo nang maungkat ang matagal nang alitan sa lupa na pinagsimulan ng mainitang pagtatalo na humantong sa patayan.

Nabatid na sa gitna ng mainitang pagtatalo ay bumunot ng baril ang suspek na si Laureciano at pinaputukan sa kanang dibdib  ang biktimang si Dalma, subalit nagawa pang makabunot ng patalim ang huli at inundayan ng saksak ang suspek na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.

Samantala, nasugatan naman sa kanyang kanang baraso ang isa pang biktimang si Valera na siyang umaawat sa pangyayari.

Isinugod sa  Tagkawayan District Hospital ang mga nasugatan na kalaunan ay inilipat sa Bicol Medical Center sa  Naga City para sa kaukulang lunas.

Please follow and like us:
Read More

 DALAGA NI-RAPE, TINADTAD SA BOARDING HOUSE

crime44

(NI ANNIE PINEDA)

SHOOT sa kulungan ang isang manyakis makaraan madakip ito ng mga awtoridad nang gahasain at pagsasaksakin ang isang dalaga, Biyernes ng hapon sa sa Camarines Sur.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Marvic Magdasoc, ng Camarines Sur.

Masuwerte naman nakaligtas sa tiyak na kamatayan sa dami ng saksak sa katawan ang biktima na itinago sa pangalan Nena, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng pulisya, nasa loob ng kanyang tinutuluyan boarding house ang biktima nang bigla na lamang siyang pasukin ng suspek at ginahasa.

Nang makaraos ang suspek, pinag-uundayan ng saksak ang biktima saka tumakas.

Dinala naman sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang mga sugat sa katawan at ngayon ay nasa ligtas ng kalagayan.

Nadakip naman  ang suspek sa follow-up operation ng mga awtoridad at mahaharap sa kasong rape at frustrated murder.

 

Please follow and like us:
Read More

PASAWAY NA MANUGANG, MINASO NG BIYENAN

(NI ANNIE PINEDA)

DAHIL sa tigas umano ng ulo at ayaw magpasaway habang nagwawala, pinagpupukpok ng maso ang ulo ng isang lalaki ng kanyang biyenan , iniulat sa Camarines Sur.

Kinilala ang biktimang si Alvin Sabaldica, 28, habang nadakip naman ang biyenan nito at suspek na kinilalang si Genaro Moral, kapwa residente ng Brgy. Ibid, Libmanan, Camarines Sur.

Batay sa report ng PNP- Libmanan, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng suspek nang bigla na lamang nagwala ang biktima kaya sinaway ito at pinauuwi na sa kanilang bahay.

Lumabas sa imbestigasyon na nauwi sa mainitang pagtatalo ang pagsaway ng suspek kaya kumuha na ito ng maso pinagpupukpok sa ulo si Sabaldica .

Kaagad naman dinala sa ospital ang biktima pero idineklara na rin itong patay ng doktor.

Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at hinihintay na lamang ang desisyon ng pamilya kung magsasampa ng kaso laban kay Moral.

Please follow and like us:
Read More

GRUPO SA CHOP-CHOP NA BUSINESSMAN KILALA NA

crime44

(NI JESSE KABEL)

KINOKONSIDERA na ngayong case closed ang kaso ng pag chop-chop sa isang negosyante nang matukoy na umano ng mga pulis sa Libmanan, Camarines Sur ang mga suspek sa pagkatay sa biktima bago itinapon ang katawan nito sa magkakahiwalay na lugar.

Sa pahayag nitong Huwebes sa media ni P/ SSgt. Emy Rose Organis, tagapagsalita ng PNP Libmanan, tukoy na ang tatlong suspek sa pagpatay sa biktimang si Socimo Arciaga na nagmula sa lalawigan ng Isabela.

Ayon sa Libmanan PNP, anumang oras ay isasagawa ang pag aresto sa mga suspek oras na lumabas ang ibababang warrant of arrest ng korte laban sa tatlong  suspek sa pag-chop-chop sa negosyante dumayo lamang sa Camarines Sur para mamili ng kambing nitong nakaraang buwan.

Nahaharap ngayon sa kasong murder ang mga suspek na pawang taga Libmanan .

Magugunitang nadiskubre ang magkahiwalay na bahagi ng katawan ng biktima sa ilog sa bayan ng Libmanan nitong nakaraang buwan ng Hulyo na unang inulat na nawawala sa bayan ng Pasacao kung saan ito bumibili ng mga alagang kambing.

 

Please follow and like us:
Read More

P2-M RETIREMENT BENEFIT NG PULIS NANAKAW

crime44

(NI JESSE KABEL)

GINAGAWA lahat ng Camarines Sur Provincial Police Office ang kanilang  makakaya para matunton at maibalik ang P2 milyon retirement benefits ng isang kareretiro lamang na tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Sa ulat ng Camarines Sur PPO, nasa  P2 milyon ang  natangay  sa isang retiradong pulis matapos manakawan ang kanyang sport utility vehicle nitong nagdaang linggo.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Buhi Police,  nawala ang nasabing halaga sa loob ng sasakyan na ipinarada ng biktima nang dumalo ito sa birthday party ng kaibigan.

Pagbalik umano ng retired pulis ay wala na ang kanyang backpack na may lamang P2 milyon, pati ang kanyang wallet na may lamang P25,000.

Subalit aminado ang dating pulis na walang binasag na salamin sa kanyang sasakyan. Hinala nito ay naiwan niya ng nakabukas ang mga pinto ng kanyang SUV.

Patuloy ang ginagawang follow up investigation ng Buhi MPS para sa kakikilanlan ng suspek.

Please follow and like us:
Read More

2 SAKO NG CHOP-CHOP NA KATAWAN, NATAGPUAN

crime44

(NI ANNIE PINEDA)

DALAWANG sako na naglalaman ng chop-chop na katawan ng lalaki ang natagpuan sa ilog at ang isa ay sa kalapit na barangay, iniulat kaninang umaga sa probinsya ng Camarines Sur.

Inaalam na ngayon ng Libmanan-PNP, ang pagkakakilanlan ng biktima na natagpuan ng ilang residente ng Barangay Potot, Libmanan.

Kuwento ng mga residente, iniahon nila mula sa ilog ang sako saka binuksan, bumulaga sa kanilang harapan ang pira-pirasong katawan ng biktima habang nasa isang sako na nangangamoy at sa pag-aakalang basura lamang at nang kanilang buksan ay halos hindi na makilala ang pugot na ulo ng biktima at iba pang parte ng katawan.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa karumal-dumal na krimen at pagkakakilanlan sa suspek.

Please follow and like us:
Read More

TRAHEDYA NG MOBILE LEGENDS

(NI JG TUMBADO)

DEDBOL ang dalawang binata na magpinsan makaraang tamaan sila ng sumasagitsit na kidlat sa bayan ng Sta. Elena sa Camarines Sur.

Kapwa wala nang buhay na natagpuan sa isang bahagi ng bukirin sa Barangay Patag Ilaya ang mga biktima na sina Jimboy Magsino Lora at Jericho Compra Lora, kapwa 18-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Base sa imbestigasyon ng Sta. Elena Municipal Police, nangyari ang insidente pasado alas 4:00 ng hapon nitong Sabado.

 Hirap umanong makasagap sa kanilang lugar ng signal ng internet para sa online game na Mobile Legends kung kaya’t nagpaalam sa kanilang kaanak na lalabas ng bahay para humanap ng signal.

Sa kanilang paghahanap ay nakasagap ng signal ang magpinsan sa mataas na bahagi ng bukid ng Barangay at doon pumuwesto sa isang puno.

Pero hindi pa man nakatatagal sa paglalaro ng online game ang magpinsan nang bigla dumilim ang kalangitan at nag-umpisang kumulog at kumidlat.

Sinasabi pa sa report na tinangkang umalis ang mga biktima sa kanilang kinauupuan dahil sa pumapatak na ang ulan hanggang magkasabay silang masapol ng kidlat.

 Nagtamo ng malaking sunog sa katawan ang magpinsan at sa kanilang katabi ay ang nagkahiwa-hiwalay na parte ng kanilang cellphone.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pangyayari.

Please follow and like us:
Read More

MAG-ASAWANG OCTOGENARIAN PATAY SA MAGNANAKAW

crime44

(NI NICK ECHEVARRIA)

NATAGPUANG naaagnas ang bangkay ng mag-asawang octogenarian  na pinatay umano ng mga magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay sa bayan ng San Jose, Camarines Sur, Miyerkoles ng tanghali.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya halos isang linggo nang patay ang mag-asawang Ely Balcueva, 83, at Nelly Balcueva, 86, nang madiskubre ang kanilang mga bangkay sa loob ng kanilang bahay sa Zone 1, Barangay Kinalasan ng nasabing  bayan.

Nabatid din na walang kasama ang mag-asawa sa kanilang bahay dahil bumukod na ang mga anak nila na may kanya-kanya nang  pamilya.

Samantala, patuloy pang inaalam ng pulisya kung sino ang mga responsable sa pagnanakaw at pagpatay sa mga biktima.

Batay sa ulat, bandang alas-12:10 ng tanghali nang madiskubre at iulat sa pulisya ang  bangkay ng mga biktima ng kanilang anak na si Emerita Balcueva Chavez, 53, matapos nitong mapag-alaman ang sinapit ng kanyang mga magulang.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar at base sa inisyal na imbestigasyon ay pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa mga ito patunay ang puwersahang pagpasok ng hindi pa kilalang mga suspek sa pamamagitan ng pagwasak ng pintuan sa likurang bahagi ng bahay.

Gulo-gulo rin ang loob ng bahay na pinaniniwalaang hinalughog ito ng hindi bababa sa dalawa o higit pang mga suspek.

Isang bag naman ang nakuha ng pulisya na pag-aari ng nasawing ginang at may laman na aabot sa P25,762 na nakakalat sa sahig ng kuwarto ng mag-asawa.

Teorya ng pulisya posibleng nagising ang mga biktima habang pinagnanakawan ng mga suspek at nanlaban umano ang mga ito habang kinukuha ang bag na naglalaman ng pera dahilan upang patayin sila ng mga magnanakaw bago nagsitakas.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan ng mga suspek.

 

Please follow and like us:
Read More

TRAHEDYA NG PAMAMANHIKAN; 2 IKAKASAL, 11 PA, PATAY, 25 SUGATAN 

accident121

(UPDATED)

(NI JESSE KABEL)

NASA 13 katao na ang iniulat na nasawi habang 25 ang sinasabing sugatan nang mahulog sa bangin ang truck na sinasakyan ng magkasintahang ikakasal at mga kamag-anak na kasamang namanhikan sa lalawigan ng Camarines Sur.

Sa ulat ng Camarines Sur PNP at local disaster risk reduction management office, mula sa naunang ulat na walo tao ay umakyat na sa 13 ang bilang ng nasawi nang mawalan ng preno ang sinasakyan nilang truck sa Brgy. Tagpocol, San Fernando, Camarines Sur.

Sinasabing biglang mawalan ng preno ang truck habang binabaybay ang pababang bahagi ng lugar at nagtuluy-tuloy itong bumulusok.

Lima sa mga biktima ang naitalang dead on the spot habang ang iba ay binawian na ng buhay nang itakbo sa ospital kabilang ang magkasintahan na ikakasal.

Sa inisyal na impormasyon, lulan ng truck ang ikakasal na magkasintahan at mga kaanak nito mula sa pamamanhikan sa Barangay San Joaquin nang mawalan umano ng preno ang truck at bumangga sa kahoy hanggang nahulog sa bangin.

Inaalam pa ng awtoridad ang mga pagkakakilanlan ng mga biktima kasabay sa beripikasyon sa tunay na bilang ng mga nasawi at sugatan na itinakbo sa ibat ibang pagamutan.

Please follow and like us:
Read More

1 PATAY SA KIDLAT; 6 PA SUGATAN

kidlat12

(NI JG TUMBADO)

ISA ang patay habang anim na iba pa ang nalapnos ang katawan makaraan silang tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan bunsod ng localized thunderstorm sa Barangay San Vicente, Canaman, Camarines Sur.

Nabatid sa ulat, pasado alas 5:00 ng hapon ng Huwebes habang nagpapahinga sa isang kubol ang mga biktima na pawang trabahador sa isang plantasyon ng mangga nang maganap ang insidente.

Bigla na lamang umanong nagdilim ang kalangitan kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.

Sa kalagitnaan nito ay isang kidlat ang sumagitsit sa kinalalagyan ng mga biktima at nasapol ang mga ito.
Isa sa kanilang mga kasamahan ang napuruhan sa pagtama ng kidlat na siyang ikinasawi nito habang ang iba ay nalapnos ang balat at isinugod sa ospital Kung saan isa sa kanila ay kritikal.

 

Please follow and like us:
Read More

TRAHEDYA SA PARTY: 5 PATAY SA JEEP VS DUMP TRUCK

jeep123

MATAPOS ang  masayang swimming excursion,  trahedya naman ang hinarap ng mga dumalo rito matapos magsalpukan ang jeep at truck sa Camsur na ikinasawi ng lima katao at ikinasugat ng 10 iba pa, sa Barangay Bikal, Limbanan, Camarines Sur.

Sinabi sa report kay P/SSgt. Emy Rose Organis, galing sa swimming ang grupong sakay ng jeep at pauwi na sa bayan ng Lupi, Camarines Sur nang maganap ang aksidente.

Napunta umano sa kabilang lane ang jeep kung saan hindi na nakapag-preno pa ang kasalubong na truck.

Kasama sa namatay ang jeepney driver na hinihinalang lasing nang maaksidente.  Patuloy na iniimbestigahan ang aksidente.

Please follow and like us:
Read More

KONSEHAL HULI SA DRUG BUST

cam1

(NI JG TUMBADO)

NATIMBOG ng pulisya ang isang konsehal ng bayan sa Lagonoy, Camarines Sur sa ikinasang buy bust operation noong Miyerkoles.

Armado ng search warrant, pinasok ng Lagonoy police at provincial drug enforcement unit ang bahay ng 49- anyos na suspek na si Randy Tecson sa Barangay San Isidro.

Si Tecson ay kasalukuyang konsehal ng bayan.
Isinagawa ang operasyon ilang sandaling makuhanan ang konsehal ng ilang piraso ng plastic sachet ng shabu.

Nakuha pa ng mga awtoridad sa bahay ni Tecson ang nasa 19 na iba pang plastic sachet na naglalaman ng naturang illegal na droga.
Si Tecson ay nasa number 1 sa listahan sa drug watch lists ng Lagonoy police.

Please follow and like us:
Read More

P4-M PIYANSA KAY MAYOR BALDO PINAYAGAN NG KORTE

baldo

PINAYAGANG makapagpiyansa ng aabot sa P3 milyon o surety bond na P4 milyon si suspended Daraga, Albay Mayor Carlwin Baldo matapos mabigo ang prosecutor na magsampa ng kaso laban dito.

Sa pitong pahinang order, ipinaliwanag ni Branch 10 Judge Mardia Theresa San Juan-Loquillano na walang kasong naisampa sa korte laban kay Baldo.

Si Baldo ang hinihinalang utak sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at police escort na si SPO2 Orlando Diaz, na kapwa pinatay noong December 22 matapos ang gift giving activity sa mga senior citizens.

Inaresto noong January 22 ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa Region 5 si Baldo matapos makuhanan ng baril at bala sa kanyang bahay.

Inihanda ang inquest proceeding kay Baldo ngunit lumagda ito ng waiver of detention sa kondisyon ng pagkakaroon ng preliminary investigation. Matapos nito ay naospital ang mayor dahil hinika ito habang nasa loob ng kulungan.

Nagsampa naman ng motion to post bail ang kanyang mga abogado habang isinasagawa ang preliminary investigation.

Inutusan ng korte ang Albay prosecutors na magbigay ng komento o manifesto na kokontra rito.

Gayon man, naipabatid sa korte noong Pebrero 7 na ang panel of prosecutors mula sa Albay ay pawang tumanggi sa paghawak ng kaso. Nagtalaga ng bagong grupo ng prosecutors si Regional State Prosecurotr Mary May de Leoz mula Camarines Sur.

Ayon sa korte, hiniling ng bagong grupo na iliban sila sa pagbigay ng anumang pahayag sa lakas o hina ng kaso dahil wala pang isinasagawang pormal na pagdinig sa kaso.

Sinabi ng korte na may probisyon na sinumang nakakulong at hindi pa nasasampahan ng kaso sa korte ay maaaring makapagpiyansa sa alinmang korte sa probinsiya, siyudad o munisipalidad kung saan siya nakakulong.

Idinagdag pa na inaasahan ng korte si Baldo na susuko sa korte sakaling masampahan na sya ng kasong kriminal

Please follow and like us:
Read More

BARANGAY CAPTAIN GINILITAN

camsur9

(NI NICK ECHEVARRIA)

GINILITAN ng leeg ng nagwawalang lasing ang kapitan ng barangay matapos nitong awatin sa harap ng kanyang mga tanod, Sabado ng madaling araw sa Camarines Sur.

Idineklarang dead on arrival ng 9th Infantry Division Infirmary Battalion Medical Dispensary ng Philippine Army ang biktimang si Daniel Bismonte, 59,  ng Barangay Tinangis, Pili ng nasabing lalawigan.

Ayon sa spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 5 na si Ma. Luisa Calubaquib, bandang alas-12:20ng hatinggabi nang magresponde ang biktima kasama ang kanyang mga tanod sa Zone 1B, Upper Lampog, Bgy. Tinangis para awatin ang nagwawalang lasing subalit mabilis itong bumunot ng patalim mula sa kanyang baywang at saka ginilitan sa leeg ang biktima.

Agad namang tumakas ang lasing na suspek sa madilim na bahagi ng lugar matapos ang insidente, samantalang sinugod sa pagamutan ang biktima ng kanyang mga tanod subalit hindi na ito umabot pa nang buhay sa lalim ng sugat ng tinamo sa lalamunan.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang hindi pa nakikilalang suspek para panagutin sa nagawang krimen.

Please follow and like us:
Read More

ALBAY, CAMARINES SUR WALANG PASOK 

bagyo

(NI CARL REFORSADO)

DAHIL sa inaasahang dalang ulan sa pagpasok ng tropical depression na ‘Amang’ sa Bicol region ay nagdeklara na ng walang pasok sa eskwelahan ngayong araw na ito ang lalawigan ng Camarines Sur at Albay sa lahat ng antas mula sa pampubliko at pribadong paaralan.

Base sa kalatas na inilabas ni Albay Governor Al Francis Bichara at Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte, magbibigay ng moderate hanggang heavy rains sa lalawigan ang pagpasok ng bagyong ‘Amang’ sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dahilan upang magkaroon ng baha at mga landslide sa iba’t ibang lugar.

Samantala,  naka heightened alert na ang lahat ng Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Council sa dalawang lalawigan sa mga posibleng evacuation na isasagawa lalo na sa mababang lugar gayundin sa mga landslide prone area kapag nagpatuloy ang paglakas ng ulan.

Matatandaang bago magtapos ang taong 2018 ay binayo ang Bicol region ng bagyong ‘Usman’ kung saan mahigit sa 100 katao ang nasawi sa nasabing rehiyon lamang.

Pinakamaraming namatay sa pananalasa ni ‘Usman’ sa lalawigan ng Camarines Sur partikular sa bayan ng Sagnay kung saan natabunan ang mahigit sa 50 kabahayan ng landslide na ikinasawi ng aabot sa 40 katao.

Umabot naman sa 16 katao ang nasawi sa lalawigan ng Albay dahil sa bagyong ‘Usman’ matapos ang mga landslide at flashflood sa iba’t ibang bayan.

Please follow and like us:
Read More